Chapter LTMWAH 29

NANGINGINIG ang buong katawan ni Esmeralda nang makalabas ng elevator. Binilisan niya ang paglakad. Gusto niyang makaalis na sa hotel na iyon. Pakiramdam niya ay sinasakal siya.

“Hja, saan ka pupunta?” tanong ni Florida sa kanya.

“Uuwi na po ako,” sagot niya at di ito nilingon.

“Kay Aiden ba?”

Tumango siya. “Kung tatanggapin pa po niya ako.” Lumunok siya at gustong maiyak nang maisip ang naghihintay sa kanya sa pagdating sa condo.

“Ihahatid na kita.”

“Hindi na po. Pero kung matutulungan po sana ninyo akong makasakay ng taxi at pan-taxi na rin po. W-Wala po kasi akong dalang pera dito.” Wala na siyang pride na natitira. Ang mahalaga ay makalayo siya kay Amadeus.

Hinawakan ng matandang babae ang balikat niya. “Please. Kung ayaw mo akong kausapin, okay lang. Pero para na lang kay Aiden para matiyak na ligtas kang makakauwi. B-Baka makatulong din ako sa iyo. Nakikinig sa akin si Aiden.’

Sumunod siya dito nang akayin siya sa sasakyan. Tahimik lang siya habang parang maiiyak. Ano ba ang ginawa niya sa sarili niya? Sa buhay niya? Ano nang mangyayari sa kanilang magkapatid ngayon.

Ginagap nito ang kamay niya. “Gusto mo bang pag-usapan ang nangyari?”

Umiling siya. “Narinig naman po ninyo ang sinabi niya. Pero hindi ko po alam kung sino siya. Ngayon ko lang po nalaman na siya sa Amadeus. H-Hindi po totoo na may relasyon kaming dalawa o mahal ko siya.”

“Ibig sabihin gawa-gawa lang niya ang kwento?” nakataas ang kilay nitong tanong.

Nangilid ang luha niya. “N-Naging mahina po ako. Pero di po ibig sabihin ay masama akong babae. H-Hindi ko po alam kung paano ipapaliwanag. Di ko gustong saktan si Aiden. Akala ko po hindi na kami ni Richard. Na siya po si Amadeus.” At humikbi na lang ang dalaga. Nang mga oras na iyon ay parang wala siyang kakampi. Sa isang banda ay naging biktima siya pero siya ang masama.

Pinisil ng babae ang kamay niya. “I am sorry. This must be a mess. Wala kang kailangang ipaliwanag sa akin. Amadeus is...”

“Alam po ba ninyo ang mga ginawa ni Amadeus sa akin?” tanong niya at pinunasan ang luha. “Alam po ba ninyong pupuntahan ako ni Amadeus sa San Luis? Kayo po ba ang kausap niya dati?”

“No. Nalaman ko na lang tumawag siya sa akin para mai-rescue. Ako ang namahala sa pagpapadala ng relief goods at pagsundo sa kanya sa San Luis. Nang makabalik siya dito sa Maynila, wala naman siyang ikinukwento. Di ka rin niya nabanggit. Akala ko nakalimutan na niya ang pagpapatigil sa kasal ninyo ni Aiden. Hindi ko rin alam kung ano ang plano niya sa party. Akala ko gusto lang niyang magpasalamat dahil buhay pa siya.”

Tumingin siya sa labas ng bintana. “Sira na po ako.”

Kasalanan din naman niya kaya di niya pwedeng isisi kay Amadeus ang lahat. Isa iyong giyera at mas magaling ang kalaban sa kanya. Siya ang talunan sa huli.

“Kilala ko si Amadeus. H-Hindi naman siya ganoon kasama.”

Nagtagis ang bagang niya. “Naiintindihan ko po kung ipagtatanggol ninyo siya.” Natural na kampihan nito ang amo nito at halos anak na nito. Kumpara sa kanya na isang mababang klase ng babae ang tingin ng mga ito.

“Ako na ang humihingi ng tawad sa ginawa ni Amadeus. Kakausapin ko siya. Makakatikim siya sa akin.”

Umiling siya at nilingon ito. “Huwag na po. Laban po namin ito ni Amadeus.” Wala siyang ibang maasahan ngayon kundi ang sarili niya kahit na hindi niya alam kung ano ang gagawin.

Pagdating sa condo ay sinalubong agad siya ni Manang Delia. “Ma’am, kumusta po ang party? Nag-enjoy po ba kayo?”

“Si Aiden po ba dumating na?” matamlay niyang tanong.

“Hindi po ba magkasama kayo?” tanong ng kawaksi.

Napatingin siya kay Florida. Hindi kasi niya al am ang isasagot. “Ahhhh! Kasi sumama ang pakiramdam ni Esmeralda. Pero sabi niya susunod siya. May dinanan lang kami sa bahay ko kaya nahuli kami ng dating.”

“Ipaghahanda po na lang po ng kape si Ma’am,” sabi ng kawaksi.

Umupo si Florida habang ang dalaga naman ay nanatiling nakatayo at nagpalakad-lakad. Sinubukan niyang tawagan ang cellphone ni Aiden pero naka-off iyon. Baka kung saan na ito nagpunta. Baka kung ano na ang nangyari dito. Di kakayanin ng konsensiya niya na may mangyaring masama sa lalaki.

“Hindi mo ma-contact si Aiden?” tanong ni Florida.

“Hindi po. Nakapatay po ang cellphone niya.”

“Hindi mo ba alam kung saan siya nagpupunta kapag masama ang loob.”

Marahan siyang umiling. “H-Hindi ko po alam. H-Hindi naman po kami nagkakaproblema ni Aiden dati.” Ang totoo ay wala siyang gaanong alam sa lalaki.

“Subukan mong tawagan si Lexie. Baka alam niya kung nasaan si Aiden.”

Tinawagan niya ang sekretarya. Sana lang ay sagutin nito ang tawag niya dahil disoras na ng gabi. Sumagot ito makalipas ang ilang ring. “Hello,” anito sa malat na boses. Mukhang kagigising pa lang nito.

“Lexie, si Esmeralda ito. Ano... Umalis na lang basta kanina basta sa party si Aiden.”

“Iniwan ka na lang basta?”

Kinagat niya ang pang-ibabang labi. “H-Hindi kami nagkaintindihan... Maliit na pagtatalo lang naman.” Hindi niya masabi dito kung ano ang totoong nangyari dahil baka lalo nitong di sabihin sa kanya kung nasaan si Aiden. “Hindi niya sinasagot ang cellphone niya. Nag-aalala lang naman ako kung ano na ang nangyari sa kanya. Baka alam mo kung saan siya pumunta.”

“Susubukan kong puntahan siya sa hang out niya.”

“Saan?” tanong niya.

“Ako na lang ang bahala. I will call the owner.” Makalipas ang ilang minuto ay kinumpirma ni Lexie na nasa isang bar sa Makati si Aiden. “Ako na ang susundo sa kanya. Magpahinga ka na.”

“Pero gusto ko sana na ako mismo ang sumundo sa kanya.” Siya ang dapat na magpabalik kay Aiden. Kasalanan niya ang nangyari.

“Hindi ka niya kakausapin kung masama ang loob niya. Di ko alam kung anong pinag-awayan ninyo pero hindi ka niya gugustuhing makita. Hayaan mo munang lumipas ang sama ng loob niya. Ako na ang kakausap sa kanya.”

“S-Sige. Salamat,” aniya at saka lang umupo. Napansin niya na humikab si Florida. “Gusto na po ninyong umuwi? Alam ko po napagod din kayo sa party.” May edad na ito. Di ito dapat nagpupuyat pa.

In-adjust nito ang salamin. “Ayaw mo bang samahan kita dito na hintayin si Aiden? Baka kailangan mo ng kasamang magpapaliwanag sa kanya.”

Umiling siya. “Salamat po sa pag-alala pero kaya ko na po ito. Ako po ang may kasalanan kay Aiden kaya mas mabuti po kung kami na lang ang mag-uusap.”

“Sige. Hija, huwag mong isipin na kaaway ako gaya ni Amadeus. Sa palagay ko naipit ka lang sa away nilang magkapatid.” Pinisil nito ang balikat niya. “Kung may kailangan ka sabihin mo lang sa akin.”

Matapos magpasalamat ay ihinatid niya ito sa elevator ng penthouse. Bumalik siya sa sala at doon hinintay si Aiden. Sa dinami-dami ng problemang pinagdaanan niya, ngayon lang siya walang mahanap na solusyon.

Isinubsob niya ang mukha sa palad. Anong gagawin niya?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.