NAGPABALIKWAS ng bangon si Esmeralda nang may kumalabit sa kanya. "Ma'am, dito na kayo nakatulog sa sala,” anang kawaksi na si Manang Delia.
Naalimpungatan niyang inilibot ang tingin sa paligid. “Anong oras na?”
“Alas tres y media na po ng madaling-araw.”
Isinuklay ng dalaga ang daliri sa buhok. "Si Aiden dumating na ba?" Nakatulog na siya sa paghihintay sa lalaki.
Umiling ito. "Wala pa po."
"Tumawag ba si Lexie?"
"Hindi rin po. Parang di kayo nasanay. Lagi silang inuumaga sa trabaho. Matulog pa po kayo, Ma'am."
Umiling siya. "Hindi. Hihintayin kong bumalik si Aiden."
“Kayo po ang bahala, Ma’am,” anitong may halong pagtataka sa mukha. Hindi naman kasi niya hinihintay si Aiden kapag inuumaga ng uwi.
Akala marahil nito na may emergency lang sa trabaho kaya hindi nakauwi si Aiden. Hindi nito alam na may matindi silang hidwaan.
Nadagdagan ang pag-aalala niya nang hindi niya ma-contact kahit ang cellphone ni Aiden. Nagkape muna siya habang naghihintay. Umaasa na sa pagbalik ng lalaki ay makakapag-usap sila. Ang totoo ay hindi niya alam kung anong sasabihin dito. Sana ay noon pa niya sinabi ang totoo para di na nito kailangang marinig ang katotohanan sa iba. Katotohanang gawa-gawa ni Amadeus.
Nang marinig niyang bumukas ang pinto ay hangos siyang pumunta sa sala. Nakita niya na lulugo-lugong naglakad ang lalaki. Hubad na ang tuxedo nito an nakasampay sa balikat. Lukot din ang damit nito at magulo ang buhok. Di na siya magtataka kung lasing ito.
Kanina bago mag-party ay masayang-masaya pa ito dahil inakala nito na marami nang magbabago sa relasyon nito at ni Amadeus. Ngayon ay mistula itong talunang sundalo na tinraidor ng lahat ng malalapit dito.
"Aiden, buti bumalik ka na. Nag-alala ako sa iyo. Kasama mo ba si Lexie? Siya ba ang naghatid sa iyo dito?” sunud-sunod na sabi ng dalaga at tinangkang alalayan ito dahil mukhang mabuway ang lakad nito.
Iwinaksi nito ang kamay bilang pagtataboy sa kanya. Animo’y ayaw nitong hawakan niya. "What are you doing here? Hindi ba dapat kasama ka na ng kapatid ko? Hindi mo naman kailangan ng permiso ko kung gusto mong sumama sa kanya.”
“H-Hindi naman ako sasama kay Amadeus.”
“Whyever not? Hindi ba sinabi niya na mahal ka niya? Ipinangalandakan niya sa lahat kung gaano ka-romantic ang pagkakakilala ninyong dalawa. Habang nag-aalala ako na may masamang nangyari sa iyo habang bumabagyo, masaya naman pala kayo ng kapatid ko sa piling ng isa’t isa.” Nanlisik ang mga mata ng lalaki. “Sinadya ba ninyo na gawin akong tanga?"
Umiling siya. "Hindi. Hindi ko rin alam na iyon ang gagawin niya."
Hinaklit ni Aiden ang balikat niya. "Hindi mo alam? Tell me that my brother is lying. Sabihin mo sa akin na di talaga kayo magkakilala. Na hindi mo sinagip ang buhay niya. Na walang nangyari sa inyo."
Impit siyang umiyak. "P-Patawarin mo ako. Malaki ang kasalanan ko sa iyo. N-Naglihim ako.” Kung noon pa sana niya sinabi kay Aiden ang tungkol sa lalaking sinagip niya at sa lalaking pinagbigyan niya ng sarili. Hindi na sana nagamit ni Amadeus ang lihim na iyon para wasakin sila.
Niyugyog nito ang balikat niya. "Damn you! Pinagkatiwalaan kita. Akala ko tayo ang magkakampi dito. Na tutulungan mo akong matupad ang mga pangarap ko. I didn't expect that you will betray me like this."
Kinagat ni Esmeralda ang labi. "Hindi kita tinraidor sa paraang inaakala mo. Hindi ko alam na si Amadeus ang iniligtas ko mula sa sasakyang tinangay ng ilog. Ibang tao ang pakilala niya sa akin. Sabi niya siya si Richard Infante."
"Hindi mo siya nakilala?" naguguluhan nitong tanong. Parang ayaw nitong maniwala lalo na’t nakita niya si Amadeus sa magazines.
Mariin siyang pumikit. "Iba ang itsura niya. Mahaba ang buhok niya at hindi rin siya nag-ahit. Aiden, ano ba ang posibilidad na mapapadpad si Amadeus dela Merced sa liblib na baryo ng San Luis sa gitna ng bagyo? Ikaw na rin ang nagsabi na sa ibang bansa siya lagi nagbabakasyon."
Naglatang ang galit sa mukha ni Aiden pero hindi na para sa kanya. "Malibang sinadya niyang puntahan ka para palayuin sa akin."
Kahit paano ay nagkaroon ng pag-asa ang dalaga para makita ni Aiden na hindi siya nito kalaban. "Iyon naman talaga ang plano niya. Nabulilyaso lang nang maputol ang tulay habang tumatawid siya. Muntik na siyang mamatay kundi lang kami dumating ng mga kababaryo ko at sinagip siya.”
Kinuyom nito ang palad at idiniin sa nakapikit na mata. "That son of a bitch. Iniligtas mo na siya tapos ay sisirain ka pa niya. Mahirap talagang mag-alaga ng ahas. I am ashamed of having a brother like him. Kailangang may magturo sa kanya ng leksyon." Tumalikod ito at naglakad papunta sa pinto.
“Saan ka pupunta?” tanong niya.
“I will give my brother the pummeling that he deserves.” Nang hawakan niya ang braso nito ay nanginginig ito sa galit. “This is too much.”
Pinigilan niya ang braso nito. "H-Huwag mo siyang sasaktan dahil sa akin. Kasalanan ko dahil nagpadala ako sa emosyon ko. Nagpaloko ako..."
“Huwag mong sabihin na mas inaalala mo pa siya matapos ang ginawa niya sa iyo? Pinaikot ka niya tapos sarili mo pa ang sisisihin mo,” angil ng lalaki.
“Hindi naman siya ang inaalala ko. Ayoko lang mag-away kayong magkapatid dahil lang sa akin.”
“Matagal na kaming magkaaway bago ka pa dumating sa buhay namin. It doesn’t make any difference now.” Mataman siya nitong tinitigan. "Mahal mo ba siya?"
Nahigit ni Esmeralda ang hininga. Di niya inaasahan ang tanong nito. "Aiden..."
"Business agreement lang ang pagpapakasal natin. Malaya ka pa ring mahalin kung sinuman ang gusto mo. We will get an annulment after all. Hindi ikaw ang unang babae na nawala sa sarili dahil sa pang-aakit ng kapatid ko. Naiintindihan kita. Nobody can resist him,” sabi ng lalaki sa malumanay na boses, animo’y nauunawaan nito ang pinagdadaanan niya.
Naging matigas ang anyo niya. "Hindi ko kayang magmahal ng lalaking gaya niya. Wala siyang puso.” At hindi pa niya napapatawad ang sarili dahil hinayaan niyang magamit ni Amadeus para sirain ang kapatid nito. “Maiintindihan ko kung ayaw mo nang magpakasal sa akin, Aiden. Hindi mo dapat pagkatiwalaan ang katulad ko. Binigo kita kung kailan higit mo akong kailangan."
Ginagap nito ang mga kamay niya. "Hindi ako papayag na matalo tayo ni Kuya Amadeus. Huwag mong isipin na mahina ka. You are a strong woman, Esmeralda. At hindi si Kuya Amadeus lang ang magpapabagsak sa iyo."
“Gusto mo pa rin akong pakasalan? Pero inanunsiyo na niya na mahal niya ako..."
Ngumisi ito. "Wala akong pakialam. Tatalunin natin siya sa laro niya. Tutuparin natin ang mga pangarap natin. Gagaling ang kapatid mo at magagawa ko ang pangarap naming negosyo ni Mama.”
Niyakap niya ang lalaki at napaiyak. "Salamat sa tiwala, Aiden."
Nagsisimula pa lang ang laban nila ni Amadeus. Hindi na nito magagamit pa ang kahinaan niya laban sa kanya. At anumang espesyal na damdamin para dito ay tuluyan na niyang ibabaon sa limot.