Inabot ni Amadeus kay Esmeralda ang purple na invitation habang nakahiga siya sa hita nito. Nakaupo ang binata sa buhangin ng Costa Aurora. Naroon kasi ang isa sa mga investors na interesado sa RTW ng women’s and children’s clothes na tatahiin ng mga kababaihan ng San Luis. Dalawang buwan kasi mula nang magsimula sila ng operasyon at sila ni Cynthia Lyn ang namamahala.
Magkasalubong ang kilay na binuksan ng babae ang imbitasyon. “Ikakasal na sina Aiden at Lexie?”
“Yes. Magiging uncle na daw ako. Would you believe that bloke of ice will be the mother of my niece or nephew? Hindi ko alam na mahilig sa human robot si Aiden...”
Tinapik niya ito ng invitation sa mukha. “Hindi maganda ang lumalabas sa bibig mo. Magiging parte na siya ng pamilya mo.”
“Sorry.” Kinintalan siya ng binata ng halik sa labi. “I just can’t imagine alright. I will buy her something nice when I get home.”
Sa ngayon ay nagbabakasyon lang sila dahil ma madalas na sila sa Maynila ni Amadeus. Bukod sa kailangan nitong tutukan ang negosyo ay patuloy pa ang pagpapagamot ni Jeremy. Maganda ang resulta ng bagong sistema ng panggagamot dito kaya naman umaasa sila na mas lalakas ang katawan nito. Na kakayanin na ng katawan nito na labanan ang cancer cells.
Sa tulong ni Amadeus ay umuunlad na rin ang pamumuhay sa San Luis. Bukod sa RTW ay inaaral na rin nila ang paggawa ng fruit wine at dried fruits. Gusto rin ni Amadeus na mag-aral siya sa open university.
“Gusto mo bang magkaanak na? Di ka ba naiinggit kay Aiden?” tanong ni Esmeralda kay Amadeus.
“No. Dahil alam ko na ngayon mo pa lang sinisimulang buksan ang pakpak mo. I want to see you grow more. Sabihin natin na ikaw ang baby ko.”
Bumangon siya at kinintalan ng halik ang labi nito. “Salamat, Amadeus. Hindi ko inaakala ko na matutupad ko pa ang mga pangarap ko at pwede pa akong gumawa ng mga bagong pangarap.”
“No. Ako ang dapat magpasalamat. You gave me a heart. You gave me life. I love you, Esmeralda.”
“Mahal din kita, Amadeus.”
Nang angkinin ng lalaki ang labi niya ay alam niyang di nila kailangang magmadali ng binata. Ang pagpapamilya ay dadating din sa tamang panahon. Sa ngayon ay marami pang bagay silang matutuklasan at maaabot nang magkasama.
----WAKAS----