GABI NG concert ngunit nakatunganga lang si Ella sa harap ng counter sa Bettina’s Café. Iniisip na lang niyang kahit na hindi siya makakapunta sa concert ni Thunder ngayon ay nakita naman na niya ito ng personal nitong linggong ito. Iyon na lang ang nagsisilbing pampalubag-loob niya dahil hindi natuloy ang lahat ng balak niya.
Nagawa man niya ang lahat ng gawain niya para sa araw na iyon ay nawala naman ang VIP ticket niya kaya paano pa siya makakapunta sa concert ni Thunder? Hindi niya alam kung saan napunta ang concert ticket na iyon dahil ang alam niya’y ipinatong lang niya iyon sa bedside table niya. Kaninang umaga ay nakita pa niya iyon na naroon ngunit nang pupunta na siya sa concert ay bigla na lang iyong nawala roon. Halos itaob na niya ang buong kwarto niya sa paghahanap ng ticket na iyon ngunit hindi pa rin niya iyon nakita. Ayaw niyang pagbintangan ang mga kasama niya sa bahay dahil wala naman siyang ebidensiya.
Nang malaman ng Tita Bettina niyang hindi na siya makakapunta sa concert ni Thunder ay inutusan na lang siya nitong magtrabaho sa coffee shop ngayong gabi dahil hindi raw pumasok si Blake na siyang barista para sa gabing iyon sa Bettina’s Café. Twenty-four hours kasi ang café.
Nagkaroon tuloy siya ng hinala na isa sa mga ito ang kumuha ng concert ticket niya. Dahil doon ay nakaramdam siya ng inis at galit sa mga ito. Pero kung kokomprontahin niya naman ang mga ito’y siguradong hindi siya mananalo dahil wala siyang ebidensiya at makakakuha pa siya ng sumbat galing sa Tita Bettina niya. Hinayaan na lang niya dahil sigurado naman siyang makikita niyang muli si Thunder.
“Ella, gusto mo ng latte?” alok sa kanya ni Hunter na crew sa café.
“No, Hunter. Pero salamat,” aniya rito saka napabuntong-hininga. Wala silang masyadong customer ng gabing iyon kaya bored na bored na siya roon. Iniisip niya kung ano na ang nangyayari ngayon sa Araneta Coliseum kung saan magko-concert si Thunder. Gusto na niyang umiyak.
Nagulat na lang siya ng may biglang humawak sa panga niya at nag-angat niyon. Nakita na lang niya ang sariling nakatingin sa galit na mukha ng Ate Jeya niya.
“Hindi ka dapat nandito ngayon,” anito sa kanya saka siya hinila papunta sa employee’s room nila. May dala itong paper bag at inilabas nito mula roon ang isang dress na mukhang bagong bili pa lang dahil nakita niyang may price tag pa iyon.
“Ate…”
“Don’t ‘ate’ me. Naiinis ako sa’yo dahil kahit na matagal mo na ‘tong hinihintay ay wala ka man lang ginawa para makapunta ka sa concert ni Thunder. Sayang lang ang effort mo sa paggawa ng picture para sa photo contest na ‘yon,” anito sa kanya.
“Ate, wala nga akong ticket. Gustuhin ko mang pumunta, wala naman akong makukuhang ticket ngayon dahil kung bibili ako, siguradong sold-out na siya,” aniya.
“Ako ang magiging fairy godmother mo ngayon, Ella. Tada!” anito saka ipinakita sa kanya ang isang ticket. “VIP ticket ‘to ha. Pinadala ‘to kanina ni Thunder. ‘Yong manager niya yata ‘yong nagdala. ‘Yong Fred. Sabi niya, ipinapabigay daw sa’yo ni Thunder. Grabe, baby! Ang haba ng hair mo! Aasahan ka daw do’n ni Thunder. Feeling ko, meant to be talaga kayo kasi kahit na pala hindi ikaw ang nanalo sa photo contest niya, mabibigyan ka pa rin ng VIP ticket. Ang lucky mo. Kaya halika na at mag-ayos. Pwede ka pang humabol. Reach for your dream, ‘be,” mahabang litanya nito sa kanya.
“Pero paano ‘yong shift ko—“
“Ako na ang bahala do’n,” anito saka kinindatan siya.
Hindi niya napigilan ang mapaiyak. Nakaka-overwhelm ang pagpapahalaga at pagmamahal ng Ate Jeya niya sa kanya kahit hindi niya ito kadugo o kapamilya.
“Thank you, Ate Jeya! Babawi ako sa’yo next time. Promise!” aniya rito.
“Basta ‘wag ka lang magpa-api sa mag-inang bruhilda na ‘yon, ayos na sa’kin,” anito sa kanya. Nginitian lang niya ito bilang sagot. “O, sige na. Magbihis ka na at hinihintay ka na ng Prince Charming mo. Baka mainip ‘yon.”
“Oo nga. Hay, Thunder, here I come!”
LAGLAG ang balikat ni Ella habang palabas siya ng concert venue. Nakaabot siya sa concert at nakapasok siya sa loob ngunit hindi naman siya ang nakantahan ni Thunder dahil pagdating niya roon ay may kinakantahan na itong ibang fan. Nasayang lang ang tsansa niya. Matagal na niya iyong hinintay. Sayang.
Hindi man niya ugaling manisi ay parang gusto niyang manisi ngayon. Hindi nga lang niya alam kung sino ang sisisihin niya.
Isinuot niya ang bull cap na dala niya dahil naramdaman niyang may pumapatak na ulan. Hindi niya namalayang dinala pala siya ng kanyang mga paa sa may parking lot. Wala naman siyang dalang kotse. Ah. Dahil ito ang daan pauwi.
Ngunit ayaw pa niyang umuwi. Gusto muna niyang manatili sa ilalim ng ulan kahit na ang suot niya’y ang floral dress na binili para sa kanya ng Ate Jeya niya at ang kanyang Chuck Taylors dahil wala naman siyang high heeled shoes. Bagay naman iyong dalawa kaya na-keri niyang dalhin ang get-up niya. At mas komportable din siya sa kanyang Chuck Taylors. Her get-up was cute, chic and unique.
Ngunit para kanino pa ang get-up na iyon? Hindi naman siya nakita ni Thunder. Maalala siya nito pero bilang isang barista sa isang coffee shop. He wouldn’t be able to know that she’s his princess.
Ako nga ba? Haaaay…
“Thunder! I love you!” sigaw niya habang nakadipa at nakatingala sa ilalim ng ulan. Siya lang naman ang tao sa parking lot na iyon kaya walang makakarinig sa kanya. Gusto lang niyang ilabas ang saloobin niya.
“Okay, princess. I love you too. Hindi mo kailangang maligo sa ulan para ipagsigawan ‘yon,” anang boses sa likuran niya.
Muntikan na siyang mapatakbo sa gulat sa narinig na boses ngunit nang makitang si Thunder Castro iyon ay nanlaki ang kanyang mga mata. Nagkaroon siya ng pakiramdam na gusto niya itong yakapin. Kahit pampalubag-loob lang.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na nagkita silang dalawa na hindi inaasahan o hindi planado. At katulad pa rin noong una ang naging pakiramdam niya rito. Muling pinabilis nito ang tibok ng puso niya at napatanga na naman siya rito. Nakasuot na naman ito ng leather jacket, white t-shirt, black boots at black cap. Pati ang payong na hawak nito’y itim din.
Nang lumapit ito sa kanya’y pakiramdam niya’y unti-unting tumitigil ang pag-inog ng mundo niya. Kahit na malamig ang patak ng ulan ay hindi niya iyon ininda dahil tila may mainit na kamay na lumulukob sa puso niya. Lalo na ng payungan siya ni Thunder.
“Okay ka lang? Bakit nandito ka?”
“P-pauwi na kasi ako,” sagot niya rito. Hindi niya makita ng maayos ang mukha nito dahil medyo madilim sa lugar na iyon at pareho pa silang nakasombrero. Pero alam niyang si Thunder ito.
“Halika ka na. Nilalamig ka na. Ihahatid na kita pauwi. Sabihin mo lang sa’kin kung anong address mo,” sabi nito sa kanya at saka siya hinawakan sa kamay.
She gasped at the sudden touch of their skins. Pakiramdam niya’y may dumaloy na kung anong kuryente sa kanilang mga kamay na nagdulot ng kakaibang kilig sa kanyang sistema. She felt the stars conspired for them to meet tonight and make her dream come true. Kapwa sila natigilan ni Thunder.
Napatingin siya sa magkahugpong nilang mga kamay. It looked perfectly entwined. Pakiramdam niya’y si Thunder lang ang kulang sa kanyang buhay. Gusto niyang manatili na lang silang ganoon—magkahawak-kamay.
“You’re hand,” narinig niyang sambit ni Thunder kaya napatingin siya rito. Nararamdaman din ba nito ang nararamdaman niya ngayon? Hindi niya mabasa ang ekspresyon ng mukha nito. Nais niyang tanggalin ang sombrero nito para makita niya ng maayos ang mukha nito.
At para bang nabasa nito ang iniisip niya. Tinanggal nga nito ang suot na sombrero. It gave her access to see his face. Kung hindi siya nagkakamali, tila kumikinang ang mga mata nito sa tuwa. At dahil doon ay napangiti siya rito. Now, it was her turn to take off her cap.
Ngunit bago pa man niya matanggal ang kanyang sombrero ay may umistorbo sa moment nilang dalawa. May ilaw ng sasakyan na sumilaw sa kanila ni Thunder. At sa panggigilalas niya, nakita niya ang mag-inang Selena at Bettina na nakasakay sa kotse. Kaya mabilis niyang tinabunan ang kanyang bibig at ilong ng kanyang kamay para hindi siya makilala ng mga ito. Kung hindi ay tiyak na lagot siya sa mga ito.
“Thunder! Bakit ka nagpapaulan? Magkakasakit ka n’yan. Sumabay ka na sa’min,” ani Selena sa malambing na tono. Nakita naman niya ang Tita Bettina niyang deretsong nakatingin sa kanya na tila ba kinikilala o pinag-aaralan siya.
Lord, ‘wag naman po sana niya akong makilala. Uuwi na po ako pagkatapos nito. Promise!
“Thank you pero pauwi na rin kami. Nand’yan lang ‘yong sasakyan ko,” tanggi ni Thunder dito na ipinagpasalamat niya.
Ayaw man niyang matapos ang sandaling iyon at ayaw man niyang bitiwan ang kamay ni Thunder ay kailangan na niyang makaalis sa lugar na iyon bago pa siya makilala ng Tita Bettina niya. Kailangan niyang makabalik sa Bettina’s Café agad dahil baka dumaan doon ang mga ito kapag nakita nitong wala siya roon ay tiyak na pagagalitan siya nito.
“Thunder, kailangan ko ng umuwi. Thank you,” paalam niya kay Thunder saka binitiwan ang kamay nito saka lumayo siya rito.
“Teka lang, ano’ng pangalan mo?” tanong nito.
“Ella,” aniya.
Ngunit hindi nito iyon narinig dahil bumusina ng malakas ang kotse ng mag-ina. At mukhang sinadya na iyon ng Tita Bettina niya. Nalungkot siya pero may dumagsang pag-asa naman sa puso niya na hindi ito ang huling pagkikita nila ni Thunder. Kapag bumalik naman ito sa Bettina’s Café ay maaari niyang sabihin dito na nagkita sila nito roon sa parking lot.
Tumalikod na siya rito at mabilis na naglakad palayo. Tangkang hahabulin pa siya nito ngunit narinig niyang kinakausap na itong muli ni Selena at mukhang nakalapit na ang huli rito kaya na-distract si Thunder.
Hindi ito ang huli nating pagkikita, Thunder.
ELLA HUMMED a tune she didn’t know while cleaning the dine-in glasses in the bar counter. Hinihintay niyang dumating ang mag-inang Selena at Bettina sa café dahil nang ikwento niya sa Ate Jeya niya ang tungkol sa nangyari ay nagkahinala ito na baka daw nakilala siya ng kanyang Tita Bettina.
Kaya naman pagbalik niya roon ay nagpalit agad siya ng kanyang uniform at pinatuyo naman nila ang kanyang buhok sa hand-dryer machine sa comfort room ng café. Pagkatapos niyon ay pinauwi na niya ang kanyang Ate Jeya dahil baka maisipan pa ng Tita Bettina niya na ito ang nag-cover sa shift niya.
“Grabe talaga ang epekto sa’yo ng Thunder na ‘yon, ‘no?” untag sa kanya ni Hunter.
“Gano’n talaga. ‘Pag mahal mo, magiging inspirasyon mo. Bakit ikaw? Wala ka bang inspirasyon? Wala kang girlfriend?” tanong niya rito.
Sa hitsura ni Hunter, imposibleng wala itong girlfriend. Gwapo si Hunter katulad ni Thunder. Noong unang beses nga na nakita nila ito ni Ate Jeya ay akala nila’y customer nila ito dahil kahit na may bad boy look si Hunter ay mukha pa rin itong may-kaya. Iyon pala’y mag-a-apply ito ng trabaho sa kanila. Agad naman itong natanggap dahil nakita ng Tita Bettina niya ang karisma nito sa mga babae. At tama naman ang naging desisyon ng Tita Bettina niya dahil karamihan sa mga kababaihang regular customers nila’y may gusto kay Hunter. Ibinubuyo siya rito ng kapwa café crew nila lalo na si Ate Jeya noon pero klinaro niya sa mga ito na si Thunder ang mahal niya.
“Sakit sa ulo ang mga babae,” naiiling na sabi nito.
“Hoy! Ang mga lalaki ang sakit sa ulo ‘no,” aniya rito.
“Quits lang,” kibit-balikat na sagot nito sa kanya.
“Ikaw ba, Hunter, eh na-heartbroken kaya ka ganyan?”
“Nah. I’m the one who break hearts, princess,” anito.
“Conceited. So, bakit nga wala kang girlfriend?”
“’Yong babaeng gusto ko kasi, may gusto ng iba,” makahulugang sabi nito.
Napatingin siya rito. Hindi niya inaasahan mula kay Hunter na mahihirapan ito sa isang babae dahil sa hitsura nito. Tuwing kausap din niya ito’y alam niyang matalino rin si Hunter. Hindi nga lang niya alam kung bakit doon lang ito nagta-trabaho sa café. Basta ang alam lang niya’y may itinatago itong sikreto.
Sasagutan pa sana niya ito ngunit nakita niyang dumating na ang mag-inang Bettina at Selena. Agad na dumeretso ang mga ito sa kanya. Her step-mother eyed her thoroughly while Selena stared at the ceiling dreamily.
“Good evening, Ma’am,” magaling na bati ni Hunter sa kanyang madrasta na hindi mapuknat ang tingin sa kanya. Dahil doon ay kinabahan na siya.
“Hunter, nandito ba si Ella buong gabi?” tanong ng kanyang madrasta kay Hunter.
“Oo naman po, Ma’am. Kaming dalawa lang po ang magkausap dito buong gabi dahil sina Yshae at Jake ay nakikipag-usap naman po sa mga customer,” paliwanag dito ni Hunter. Pasasalamatan niya ito mamaya pagkaalis ng mag-ina.
“Talaga? Wala kang ibang pinuntahan, Ella?” diretsong tanong nito sa kanya.
“Wala po, tita. May trabaho po kasi eh,” katwiran niya rito.
“Alam mo, Ella. Sayang at hindi ka nakapunta sa concert ni Thunder. Ang saya lang! Nakasama pa namin siyang mag-dinner dahil in-invite niya kami sa after party ng concert niya! At saka, alam mo ba, ang chaka no’ng babaeng kinantahan niya sa stage. It should be you, pero wala ka ro’n kaya, ‘ayon,” pagkukwento nito sa kanya na alam naman niyang ang pinakang punto ay inisin at painggitin siya.
“Oh, talaga? Sayang nga. Sayang kasi hindi ikaw ang kinantahan ni Thunder sa stage.” Ayaw kasi ni Thunder sa mga feelingera, ngali-ngaling sabihin niya iyon dito.
Ang ikinagulat lang niya’y ang sinabi nitong isinama ang mga ito ni Thunder sa after party ng huli. Kung nanatili pala siya roo’y makakasama din siya.
Ano ka ba, Ella? Tama na ‘yong nakasama mo si Thunder sa isang gabi. At saka, hindi pa naman ‘yon ang huli n’yong pagkikita. Isa pa’y nahawakan ba ni Selena ang kamay ni Thunder? Hindi ‘di ba? Ikaw lang, aniya sa sarili.
Oo nga naman. Mas may moment pa kami ni Thunder kaysa kay Selena.
“Kahit hindi naman ako ang kinantahan ni Thunder sa stage, ang mahalaga ay nakasama ko siya at nakakwentuhan,” kinikilig na sabi nito sa kanya.
“Ang swerte mo naman, Selena,” aniya rito na may halong sarkasmo sa tinig. Hindi niya alam kung napansin iyon ni Selena dahil abala ito sa pagde-daydream.
“Halika na, Selena. Gusto ko ng magpahinga,” yaya dito ng Tita Bettina niya at saka lumakad na palabas ng café ang dalawa.
“Good-bye, Ma’am! Thank you for coming. Don’t come back again,” ani Hunter sa tabi niya na pabulong na lang ang huling pangungusap. Natawa siya kay Hunter.
“Ikaw talaga, Hunter. Loko ka rin eh,” aniya rito.
“Alam mo, okay na sana ‘yong hilaw mong kapatid eh, maarte at selfish lang nga,” anito patungkol kay Selena.
“Crush mo?” nanunudyong tanong niya rito. Kung sasabihin naman nitong gusto nito si Selena ay matutulungan niya ito kahit hindi sila in good terms ng huli.
“What? No way. I like my woman to be rational. Hindi katulad ni Selena. Spoiled brat na, irrational pa,” anito. Tumango-tango naman siya.
“Gusto mo ng reto? May mga—“
“Shut it, Ella.”
“Pero—“
“I said, shut it. Kung hindi, isusumbong kita sa step-mother mo,” banta nito sa kanya kaya naitikom niya ang kanyang bibig.
“Okay, okay. Uy, thank you ha?” nakangiting sabi niya rito patungkol sa pagko-cover nito sa kanya.
“May bayad ‘yon ‘no,” biro nito sa kanya.
“Saka mo na ako singilin. Wala pa akong pambayad eh,” sakay niya sa biro nito.
“Sige. Ipunin mo muna.”
Nang mawala si Hunter sa tabi niya dahil may tumawag na customer dito ay muli niyang naisip ang naging “moment” nila ni Thunder kanina sa ilalim ng ulan. Love under the rain. Nakakakilig!