NAPAILING si Thunder sa mga nabasang tweets ng kanyang mga fans sa kanyang mentions sa social networking site na Twitter. Nag-tweet kasi siya kanina patungkol sa babaeng nakahawakan niya ng kamay nang nagdaang gabi pagkatapos ng concert niya. Hindi niya pa rin makalimutan ang pakiramdam nang mahawakan niya ang kamay nito. The feel of her hand still lingers on his.
Believe it or not, he felt a spark when his and the mysterious girl’s hand touched. Pakiramdam niya’y tumigil sa pag-inog ang kanyang mundo at kahit na umuuluan noo’y hindi niya pinansin kung nasaan silang dalawa. He felt as if his life was complete and the warmth of her hand filled the emptiness in his heart and body.
Ngunit hindi man lang niya nakilala ang babae. Hindi man lang niya nakita ng maayos ang mukha nito dahil medyo madilim noon sa parking lot at nakasombrero ito ngunit hindi niya makakalimutan ang suot nito ng gabing iyon maging ang pagsigaw nito sa pangalan niya—at sinabi nitong mahal siya nito. Alam niyang fan ito kaya nito naisigaw iyon. At kaya rin niya naisip na i-tweet ang tungkol dito sa Twitter dahil nagbabaka-sakali siyang mababasa nito iyon dahil baka isa ito sa followers niya sa Twitter.
He remembered the night when he spotted a girl under the rain. She looked so adorable in her floral dress and black Chuck Taylors especially when she had her cap on. Kahit na hindi niya nakita ang mukha nito’y alam niyang maganda ito base na rin sa boses nito. Come to think of it, parang pamilyar sa kanya ang boses nito. Hindi lang niya maalala kung saan niya narinig ang boses nito.
Nang muli niyang maalala ang nangyari sa parking lot ay muli siyang nakaramdam ng inis sa mag-inang dumating at pumutol sa eksena nila ng “mysterious girl” niya. Sina Selena at Bettina Benavidez. Kapatid ng nanalo sa photo contest niyang si Ella Benavidez si Selena. Hindi raw makaka-attend ang kapatid nito dahil may ibang importante daw na gagawin si Ella kaya ito raw at ang mommy nito ang um-attend para dito. Kahit na si Selena ang representative ni Ella Benavidez sa concert na iyon para kantahan niya sa stage ay hindi ito ang pinili niya para kantahan dahil naisip niyang unfair naman iyon sa ibang fans niya kung hindi ang tunay na nanalong contestant ang kakantahan niya. Kaya namili siya ng ibang fan na maaari niyang kantahan.
Isa pa’y sa una pa lang ay ayaw na niya kay Selena dahil nararamdaman niyang malaki ang pagkagusto nito sa kanya dahil walang pakundangang hinalikan siya nito agad sa mga labi nang isama niya ang mag-ina sa after party para sa concert niya. Hindi man lang nito inisip na kasama nito ang mommy nito. Imbes na ito ang mahiya ay siya pa ang nahiya. Kaya naiinis siya rito dahil sa ginawa nito at dahil sa pinutol nito ang “moment” nila ng “mysterious girl” niya.
‘Pag kay Selena hindi ka pwedeng mag-flirt pero ‘pag kay Ella pwede? pangangastigo sa kanya ng isang bahagi ng isipan niya.
Iba kasi si Ella kay Selena. Speaking of Ella. Nawala sa isip niyang mag-follow up dito dahil maging ito ay hindi nakapunta sa concert niya. Bago magsimula ang concert niya ay tinanong niya pa si Fred kung pinadalhan nito ng VIP ticket si Ella sa Bettina’s Café at sabi nito’y ito mismo ang nagdala nito roon. Ang kaso lang ay wala doon si Ella. Si Ate Jeya lang daw ang naroon at ito na raw ang magbibigay kay Ella. Ngunit hindi naman pumunta kagabi si Ella.
“What’s with your tweet, Thunder? Sino ‘yong babaeng hinahanap mo?” bungad sa kanya ni Fred pagpasok nito sa kwarto niya kasunod ang daddy niya at si Yna.
“To the girl I held hands with last night, let’s meet again,” basa ni Yna sa naging tweet niya kanina.
“I found her,” sabi niya sa mga ito.
“Who’s ‘her’?” naiintrigang tanong ng daddy niya.
“Dad, the right girl, the one. Remember when you told me about how you and mom met and the feeling when you first held hands? Ganoon ‘yong naramdaman ko ng hawakan ko ang kamay niya. The sad part was, hindi ko man lang nakita ang mukha niya. Hindi ko man lang nga nakuha ang pangalan niya eh,” sabi niya rito.
“Huh? Paano nangyari ‘yon? Paano kayo nagkita?” tanong ni Yna.
Muli siyang napangiti at parang batang nagkwento rito. Hindi siya nakapagkwento sa mga ito tungkol sa nangyari kagabi dahil abala silang lahat sa pag-e-estima ng mga bisita at sumagot sa mga interviewer kagabi sa after party ng concert niya. May mangyayaring repeat ang concert niya sa Araneta sa susunod na buwan pagkatapos ng country tour niya ngayong buwan.
“Ang sweet. Kaso lang, may kontrabida,” komento ni Yna pagkatapos.
“Fairytale ah,” sabi naman ng daddy niya.
“I have to find her,” desididong sabi niya sa mga ito.
“Eh, paano ‘yong babaeng ikinukwento mo sa’min dati? ‘Yong Ella sa coffee shop?” tanong sa kanya ni Yna. Naikwento kasi niya rito na nakagawa siya ng kanta nang makilala niya si Ella noon sa Bettina’s Café na ikinatuwa ni Fred.
Napabuntong-hininga siya. “I need to find the girl, Yna,” sabi pa rin niya rito. May kakaibang naramdaman siya noon kay Ella pero baka naipagkamali lang niya iyon sa pagkatuwa niya rito. She’s adorable and anyone can instantly be fond of her. Baka ganoon lang ang naramdaman niya rito.
Nang i-refresh niya ang mentions niya sa Twitter ay may mga bagong tweets sa kanya na halos lahat ay nagsasabing, “Let’s meet up now, babe’.” Ngunit may isang tweet na nakakuha ng pansin niya.
@Princess_allE : @Thunder_Castro I’ll take off my cap next time.
She’s the one! hiyaw ng isipan niya. Ito lang ang may kakaibang sagot sa lahat ng nag-tweet sa kanya at mukhang alam na alam nito ang sinasabi nito. Kaya naman agad siyang nag-reply dito.
HE FOLLOWED me back! kinikilig na hiyaw ng isipan ni Ella nang makitang nag-reply sa kanya si Thunder sa social networking site na Twitter at ni-follow back siya nito. Walang ibang nakakaalam ng Twitter niya dahil ginawa lang niya iyon para kay Thunder. Wala rin naman siyang ibang kaibigan na nasa Twitter dahil Facebook pa rin ang hit sa mga ito.
@Thunder_Castro : @Princess_allE You should. But please wear your Chucks and dress again. ; )
“Oh my god!” kinikilig na tili niya. Ibig sabihin ay naging matindi pala ang impact niya rito kagabi kahit na hindi nito nakita ang mukha niya at hindi nito nakuha ang pangalan niya. Ngunit bakit kaya? Ano’ng mayroon sa kanya at naging ganoon na lang ang reaksyon ni Thunder? Did he feel what she felt when their hands touched last night? Or was it her get-up?
Ano ka ba, Ella? ‘Wag ka ng mag-isip. This is it for you! aniya sa sarili. Magkakaroon na ba sila ng happy ending ni Thunder?
Dumapa siya sa kama niya at sumigaw sa unan niya. Pahinga na niya ng hapon na iyon. Gagawa sana siya ng bagong illustration para sa isang children’s book cover pero naisipan niyang buksan ang Twitter niya at nang mag-sign in nga siya roo’y nakita niya ang tweet ni Thunder kaya naman agad siyang nag-reply dito.
Thank You, Lord. Mahal na mahal N’yo talaga ako kaya hindi N’yo po ako pinapabayaan, pasasalamat niya sa nasa Itaas.
@Princess_allE : @Thunder_Castro ‘Til next time, my prince. ;), tweet niya rito.
@Thunder_Castro : @Princess_allE And shout my name again. ;), agad namang reply ni Thunder.
@Princess_allE : @Thunder_Castro I love you, Thundeeeeeeer! reply niya rito.
@Thunder_Castro : @Princess_allE I love you too, princess. Just don’t stand under the rain again. ;), muli ay reply nito.
Oh-my-gosh! Magugustuhan ‘to ni Ate Jeya ‘pag kinwento ko ‘to sa kanya bukas, sabi niya sa sarili. Gusto na nga niyang tawagan ngayon ang Ate Jeya niya para ikwento dito ang mga nangyayari kaso ay wala siyang load. Kaya ipapagpabukas na lang niya. Mas maganda din kung sa personal niya maikukwento rito ang lahat.
Nang mag-tweet sa kanya si Thunder at sabihin nitong abangan niya ang interview nito sa kanya sa The Buzz mamaya ay agad na siyang bumaba ng attic at kunwari’y maglilinis sa kusina para antabayanan niya ang naturang show sa telebisyon. ASAP—ang Sunday entertainment variety show sa nangungunang ABS-CBN network—pa lang ay nakatutok na siya sa tv kasama ang mag-inang Bettina at Selena habang nagpapa-manicure ang mga ito sa nagho-home service sa subdivision nilang sina Minda at Judy.
“Tita Bettina, Selena, ano’ng gusto n’yong merienda?” tanong niya sa mag-ina.
“Ano bang mayro’n d’yan?” tanong ni Selena. Tila lumulutang pa rin ito sa alapaap hanggang ngayon. Nawi-weird-uhan na siya dito.
“May spaghetti ingredients pa sa cupboard. O, gusto n’yong gumawa na lang ako ng pizza bread?” tanong niya sa mga ito.
“Kahit alin na lang do’n sa dalawa. Bahala ka na,” nakangiting sabi sa kanya ni Selena.
Weird. Nakangiti siya sa’kin, nagtatakang sabi niya sa sarili. Mukhang tinamaan ng pag-ibig si Selena dahil sa inaakto nito. She looked like a lovesick fool. Hindi kaya…
Oh, no! Hindi sa Thunder ko! hiyaw ng isipan niya at maging ng puso niya. Hindi niya maaaring maging kaagaw si Selena kay Thunder.
Pumasok siya sa kusina at naghanda ng spaghetti at pizza bread. Pampalipas-oras din iyon habang hinihintay niyang mag-alas kwatro para The Buzz na. Habang nagluluto siya ay iniisip niya ang inaakto ni Selena. May ibang nangyari ba noon sa after party ni Thunder o talagang OA lang umarte si Selena tuwing kinikilig at in love ito? Ngunit hindi pwedeng maging in love si Selena kay Thunder. Crush pwede pa pero hindi in love.
As if naman mapipigilan ang pag-ibig.
Kapag in love talaga si Selena kay Thunder, alam niyang gagawin nito maging ng Tita Bettina niya ang lahat magkatuluyan lang ito at si Thunder. Paano na siya?
Papayagan mo ba namang mangyari ‘yon? Kapag sinumbatan ka na naman nila, umalis ka na dito. Ibang usapan na dapat ‘pag si Thunder na, anang isang bahagi ng isipan niya.
Bahala na nga, sabi na lang niya sa kanyang sarili.
Nang matapos siyang magluto ng spaghetti at pizza bread ay saktong oras na ng The Buzz. Nag-serve siya niyon sa apat na taong nasa salas nila at pati siya ay nakikain na. Tumili si Selena ng ipalabas ang teaser tungkol sa magiging interview kay Thunder at halos idikit na nito ang mukha sa tv screen.
“Thunder Castro, nahanap na nga ba ang kanyang prinsesa?” anang voice over ni Boy Abunda.
“Oh my gosh! Ako ‘yon! We kissed last night!” nagtititiling sigaw ni Selena.
Ano? Naghalikan ito at si Thunder kagabi? Paano nangyari ‘yon? naghuhuramentadong tanong niya sa sarili. Bumilis ang tibok ng puso niya dahil sa inis. Nang tumunog ang cell phone niya tanda ng may nag-tweet sa kanya’y hindi niya iyon pinansin dahil susunod na si Thunder na i-interview-hin.
“Nahalikan mo si Thunder Castro?” naiintrigang tanong ni Minda kay Selena.
“Oo. Sa after party ng concert niya kagabi. Kasi in-invite niya kami ni mommy na sumama sa kanya sa party. Kaya hayun. And then, bigla na lang kaming nagkatinginan sometime last night, ‘tapos we leaned in together and we kissed,” excited at kinikilig na kwento ni Selena.
Ini-imagine pa lang niya ang nangyaring halikan sa pagitan nina Selena at Thunder ay parang tinatarak na ng isang malaking kutsilyo ang puso niya.
Gagi! Tandaan mo ang tweets n’yo kanina ni Thunder. Hindi naman niya sinabing ang babaeng ‘kahalikan’ niya ang gusto niyang makita muli kundi ang babaeng ‘nakahawakan’ niya ng kamay, ‘di ba? pangongonsola niya sa sarili.
“You look upset, Ella. Bakit?” puna sa kanya ng Tita Bettina niya. Kanina pa pala ito nakatingin sa kanya. Masyado ba siyang transparent o talagang pinagmamasdan lang siya nito?
“Nanghihinayang lang po kasi ako kagabi kasi hindi ako nakanood ng concert,” half-meant na sabi niya rito.
“Good for me, bad for you, Ella,” sabi sa kanya ni Selena. Gusto niya itong angilan pero nasa harap sila ng Tita Bettina niya kaya hinayaan lang niya ito.
“At least, may nagawa ka namang makabuluhan kagabi sa coffee shop,” sabi naman ng Tita Bettina niya. Kung naghihinala ito sa kanya ay sana’y napalis na niya ang paghihinala nito dahil sa sinabi niya.
“Oh my gosh! Si Thunder na!” ani Selena kaya silang lahat ay napatutok sa telebisyon.
“Hi, Thunder! Ang gwapo mo pa rin, as usual. And congratulations sa massive success ng concert mo kagabi,” bati rito ni Tito Boy.
“Thank you, Tito Boy. At maraming-maraming salamat po sa lahat ng taong pumunta sa Araneta kagabi. I can’t thank you enough. Basta, salamat sa inyong lahat,” nakangiting sabi ni Thunder sa screen.
“You rocked Araneta last night, how was it? I mean, alam nating lahat na hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nag-concert ka sa Araneta pero ano ang halaga o kaibahan ng concert na ito sa iba mo pang concerts?” tanong ni Tito Boy dito.
“Actually, I thought of quitting showbiz then, and this concert made me forget about that. ‘Yong mga fans ang nagbigay sa’kin ng rason na manatili sa showbiz kaya maraming salamat sa inyo,” paliwanag ni Thunder.
He tried to quit showbiz?
“Bakit mo naman naisipang mag-quit sa showbiz, sa pagkanta?” hindi pinalampas na tanong ni Tito Boy.
“I became bored in everything I do. Pero, ‘wag kayong mag-alala. I won’t quit now. Not now that I already found my inspiration,” makahulugang sabi nito. Hindi niya namalayang matindi na pala ang hawak niya sa kanyang damit dahil kinakabahan at excited siya sa maaari nitong sabihin.
“May kinalaman ba ito sa naging tweet mo kanina? Nakita namin ang conversation n’yo ng ‘mysterious girl’ na ‘yon ah,” ani Tito Boy pagkatapos ay tumingin ito sa malaking screen sa likuran ng mga ito kung saan naka-flash ang Twitter conversation nila ni Thunder. Hindi siya talagang makikilala ng mga ito dahil ang default Twitter photo pa rin ang gamit niyang picture sa Twitter niya.
“Napaka-sweet naman ng conversation ninyo,” komento ni Tito Boy at pati siya ay kinilig.
Tinalo niyon ang naging “halikan” nina Selena at Thunder dahi kung si Selena ang gusto nitong makita ay ang “halikan” dapat ng mga ito ang ipe-feature sa interview sa The Buzz ngayon, hindi ba?
“Yes. Actually, pumayag ako sa interview na ito dahil sa kanya. I want her to know that I want to meet her again. So, to the girl who wore Chuck Taylors, floral dress and cap last night. Let’s meet tomorrow. Same time, same place,” sabi ni Thunder na diretsong nakatingin sa camera kaya pakiramdam niya ay diretso rin itong nakatingin sa kanya.
Wala sa sariling napangiti siya. Magkikita sila bukas ni Thunder! Magkakaroon na siya ng ‘happily ever after’!
“Okay. Alam na ba niya ‘yon?” tanong ni Tito Boy dito.
“Yes, Tito Boy. Alam na alam niya ‘yon,” nakangiting sabi ni Thunder.
“Huh? Sino ‘yong babaeng ‘yon?” tila lantang gulay na tanong Selena. Lahat ng tuwa at kilig nito kanina’y parang bulang naglaho ngayon at gusto naman niya itong tawanan at kantahan ng “ako ang nagwagi”.
Hindi na niya kailangan pang tapusin ang interview ni Thunder dahil narinig na niya ang kailangan niyang marinig. Kaya naman nagligpit na siya ng mga pinagkainan nila at dumeretso sa kusina para hugasan ang mga iyon. Ang hindi niya alam ay nakasunod pala sa kanya ang Tita Bettina niya.
“Alam kong ikaw ang babaeng tinutukoy ni Thunder sa interview niya, Ella,” agad na sabi nito sa kanya.
“Hindi ko po alam ang sinasabi mo, tita,” pagsisinungaling niya rito. Napakagat-labi siya dahil baka madulas siya rito.
“Nakita na kita kagabi bago ka pa man magtabon ng mukha mo. Nang dumaan ako sa coffee shop ay gusto ko lang siguraduhin kung ikaw ba iyon. Nadatnan nga kita kagabi sa Bettina’s pero may napansin akong weird sa inaakto mo. Hindi lang si Selena ang weird kagabi, pati ikaw. Pilit mong tinago sa’kin pero malakas ang pakiramdam ko at kilala kita. Kanina’y nagsinungaling ka pa ng tanungin kita pero habang pinapanood mo si Thunder ay naisip kong tama ang hinala ko. Ikaw nga ang nakita kong kahawak-kamay ni Thunder kagabi,” mahabang litanya nito sa kanya.
Hindi siya nakapagsalita dahil tama ang lahat ng sinabi nito. Hindi niya alam kung paano siya lulusot ngayon.
“’Wag kang pumunta kay Thunder bukas—“
“Pero Tita Bettina—“
“Kapag ginawa mo ‘yon ay ibabalik ko sa pangalan ng mommy mo ang café. Agad-agad,” sabi nito sa kanya na nakapagpatahimik sa kanya. Her step-mother really knows what to say. “Nangangako ako sa’yo, Ella,” seryosong sabi nito sa kanya pagkatapos ay iniwan siya sa kusina na malalim na nag-isip.
Dalawang bagay na matagal na niyang hinahangad. Ang maibalik sa pangalan ng mommy niya ang café na ipinundar nito at ang makatuluyan ang lalaking matagal na niyang pinapangarap. Alin ang pipiliin niya sa dalawa?