Chapter THE LOVE OF MY LIFE 4.2

“Espesyal? Walang espesyal sa akin. Nasasabi mo lang `yan dahil hindi mo pa nakikilala ang dating ako.”

“Ano ka ba dati? Kumakain ka ba ng—”

“Don’t start.”

“Too late princess, nagsisimula na kasi akong mahulog sa`yo. Sasaluhin mo ba ako kapag na-fall ako sa`yo?”

“You wish!”

“Ano na nga ulit ang wish mo?”

“Spiderman na notebook at lapis po.”

“Ako naman po Barbie doll.”

“Chocolates!”

“Jabee!”

“Teka, bago ko ibigay sa inyo ang mga regalo ko ginawa na ba ninyo ang mga homework ninyo?”

“Opo!” masayang hiyawan ng mga batang pulubi.

Kahit na medyo malayo si Fabio sa labas ng simbahan ay malaya niyang nakikita ang nangyayari. Narinig rin niya kung paano kausapin ni Vanessa ang mga bata na binigyan pa pala nito ng homework na kapalit ng mga pasalubong nito.

Kaya pala nang bumaba ito kanina ng tricycle ay marami itong bitbit na mga paperbag. Gusto naman sana niya itong lapitan at tulungan kaya lang ay ayaw niya itong biglain. Baka mas lalo lang itong umiwas sa kaniya kapag nalaman nito na dalawang beses na niya itong sinusundan sa simbahan. Nakwento kasi ng isang mommy ng estudyante nito—na nagkatao naman na asawa ng isa sa mga staff niya—na tuwing linggo ng umaga ay nagsisimba si Vanessa at binibisita ang mga pulubi. Kahit daw ang mga matandang nanlilimos sa labas ng simbahan ay binibigyan nito ng pagkain.

Sigurado siya na makakasundo ito ng mommy niya. Matulungin din kasi ang kaniyang ina at palagi nitong sinasabi na mas mabuti ng ito ang nagbibigay sa tao kaysa naman ito ang tulungan. Nakikita niya na natural na talaga kay Vanessa na tumulong sa ibang tao at hindi iyon pakitang tao lang. Parang wala nga itong pakialam kahit na marumi ang mga bata na katabi nitong nakaupo sa pangatlong baytang ng hagdan at pinagtitinginan na ito ng ibang mga tao.

Parang gusto nang sumabog ng puso ni Fabio habang pinagmamasdan ito. Makikita ang tuwa sa magandang mukha nito habang ibinibigay ang pasalubong sa mga bata. Gusto na tuloy niyang mainggit sa mga batang kasama nito dahil hindi niya magawang lumapit sa dalaga sa takot na masira niya ang mood nito.

Inipon niya ang hangin sa dibdib at malalim na napahugot siya ng hininga. Nasaan na ba ang dating Fabio na sa isang kurap lang ay makukuha na ang lahat ng bagay na gustuhin? Bakit parang naging torpe na siya ngayon at nakontento na lang na sulyapan sa malayo si Vanessa?

Iyon na ba ang tinatawag ng mommy niya na karma? Palaging sinasabi sa kaniya ng ina na marami siyang pinaiyak na babae kaya darating ang oras na babaha ang mga luha niya ng kapag nakilala na niya ang babaeng magpapatibok ng puso niya.

Si Vanessa na nga ba ang magiging karma niya?

*******************************************************************************************

“Hindi na naman siya nagpapakita? Suko ka na ba?”

Hindi umimik si Vanessa at parang walang narinig na naglakad siya patungo sa direksiyon ng refrigerator at kinuha ang pitsel na may lamang juice. Nagsalin siya ng juice sa dalawang baso at saka siya bumalik sa mesa. Matagal na pinagmasdan siya ni Geraldine. Hindi niya maiwasan na maasiwa dahil kung tingnan siya nito ay parang may nagawa siyag pagkakamali.

“Bakit ba ganiyan kang tumingin?” gusot ang ilong na tanong niya. Umiling lang ito at mayamaya ay napangisi na lang.

“Halata naman kasi na nag aalala ka ng sobra dahil hindi pa nagpapakita sa`yo si Fabio.”

Nakagat niya ang ibabang labi at nagbaba ng tingin sa basong nasa harap niya. Halos dalawang linggo na nga niyang hindi nakikita ang lalaki. Kahit isang beses ay hindi rin ito tumawag sa kaniya. Tama ba ang hinala ni Geraldine na nasobrahan na siya sa pagpapakipot kaya sumuko na lang ito? Baka naisip ni Fabio na mas maraming babae pa itong makilala at higit na mas maganda kaysa sa kaniya kaya bakit pa ito magpapakahirap sa kaniya?

Kailangan na nga ba niyang aminin na talo na siya? Na hindi na niya magagawang gumanti pa sa ginawa ni Fabio na panloloko sa kapatid niya? nalilito na rin siya sa sarili niya dahil sa tuwing nakakasama niya ito ay nawawala sa isip niya ang plano niyang pagganti. Kahit anong paalala niya sa sarili ay naglalaho ang galit niya kapag nakikita niya ito. Paano nga kaya kung totoong wala na itong interes sa kaniya? Susuko na lang ba siya basta?

Parang may kamay na bakal ang sumakal sa puso niya. Hindi niya magawang huminga ng maayos kapag naiisip niya na hindi na magpapakita pa si Fabio sa kaniya. Nasanay na kasi siya sa biglang pagsulpot at pangungulit nito sa kaniya sa loob ng ilang linggong pagpapakipot niya.

Hay Fabio, nasaan ka na ba kasi? Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga. Bigla na lang itong hindi nagpakita sa kaniya. Sinubukan ni Geraldine na magtanong tanong sa mga kakilala nito na konektado sa mga Mondemar pero wala itong nasagap na balita maliban sa nabanggit ng isang kaibigan nito na nasa Chicago ngayon si Fabio para asikasuhin ang bagong negosyo nito.

Paano kung abutin ng ilang buwan si Fabio sa ibang bansa at makalimutan na siya nito? Mas maraming aggressive na babae sa ibang bansa at sigurado siya na hindi ito maghihintay na lang na mapansin ng isang pakipot na katulad niya. Baka nga sa mga oras na iyon ay may kasama na itong babae sa kama at….. mariing ipinikit niya ang mga mata. Hindi niya kayang isipin na may kahalikan o katabi ito sa kama dahil parang kinukurot ng pino ang dibdib niya.

Nagseselos ba ako? Pero bakit? Kamuntik na niyang masabunutan ang sarili. Kahit isang beses ay hindi pa niya naranasan ang magselos. Alam ng mga lalaking nagdaan sa buhay niya na hindi siya selosang girlfriend. Kaya nga iyon ang nagiging problema sa mga pinasok niyang relasyon dahil iniisip ng mga ex boyfriend niya na wala siyang pakialam kahit na makipagsex pa ang mga ito sa iba. Pero bakit pagdating kay Fabio ay biglang nabaliktad ang sitwasyon? Walang sila kaya wala siyang karapatang magselos o mainis man lang kahit na magpakaligaya pa ito sa kandungan ng ibang babae.

“Ay naku, mabuti pa matulog na ako ng maaga dahil may lakad nga pala ako bukas.”

“Mabuti pa nga, baka late ka na naman magising. Magtatapon na muna ako ng mga basura dahil maagang dumadaan ang truck dito sa area natin.”

Tumango lang si Geraldine at tumayo na. Umakyat na ito sa second floor kung nasaan ang kwarto nila. Sa first floor ng bahay nito ay classroom ang harapan. Ang likod naman niyon ay sala at kusina.

Plano niya na kapag naisagawa na niya ang plano ay mas palakihin pa ang classroom at I-extend na iyon hanggang likod. Alam niyang hindi niya agad mapipilit ang kaibigan sa ideya niya pero gusto niyang masuklian ang ginawa nitong pagtanggap sa kaniya. Kung wala ito ay siguradong mahihirapan siya dahil wala naman siyang kakilala sa Mondemar maliban dito.

Sinulyapan niya ang suot na wristwatch. Pasado alas onse na pala ng gabi. Inaantok na siya pero kailangan pa niyang ilabas ang dalawang plastic ng basura dahil maagang dumadaan ang truck ng basura sa lugar nila. Tumayo na siya at inilabas ang dalawang garbage plastic. Iniwan niya ang mga iyon sa tabi ng malaking drum na basurahan. Pagkatapos ay naglakad na siya pabalik ng bahay. Akmang bubuksan na niya ang gate ng may marinig siyang ugong ng sasakyan mula sa likuran niya. Pumihit siya sa direksiyon niyon nang marinig niya ang malakas na pagbusina ng sasakyan.

Nagimbal siya nang makita si Fabio na bumaba ng kotse nito. Bigla ay parang nakalimutan na niya ang paghinga nang magtama ang mga mata nila. Ilang sandali lang ay nagkaroon na ng komosyon sa buong katawan niya. Hindi niya magawang pigilan ang puso niya sa pagwawala. Napahinga siya ng malalim at nanatiling nakatitig sa binata.

Dahil hindi na niya makayanan ang magkakahalong emosyon na bumabalot sa kaniya ay pilit na pinagtakpan niya ang saya na nararamdaman niya ngayon. Kumunot ang noo niya at matalim na tiningnan ito.

“Ibang klase ka rin `noh? Siguro may lahi kang bampira kasi sa gabi ka lang—”

Fabio! Nanlaki ang mga mata ni Vanessa nang tawirin nito ang malaking espasyo sa pagitan nilang dalawa. Mabilis na hinaklit siya nito sa baywang at walang paalam na inangkin nito ang mga labi niya. Pakiramdam niya ay parang lumubo sa pagkabigla ang ulo niya. Hindi agad siya nakakilos at parang wala sa sariling napahawak na lang siya sa magkabilang balikat ni Fabio.

Pero hindi nagtagal ay nagawa niyang tumugon sa mga halik nito. Kusang pumikit ang mga mata niya at hinayaan ang sariling magpakalunod sa kakaibang init na ipinapadama sa kaniya ng mga labi ni Fabio.

Gah. Sobra ko ba talaga siyang namiss para hindi na ako makatanggi pa sa mga halik niya?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.