Chapter THE LOVE OF MY LIFE 5.1

“Ano ba kasing gagawin natin dito?” nagtatakang tanong ni Vanessa kay Fabio nang ipagbukas siya nito ng pinto ng kotse. Inabot niya ang palad nito nang alalayan siya nitong bumaba ng kotse. Kung tutuusin ay hindi na nito iyon dapat pang gawin kaya lang ay makulit ito. Magtatalo lang sila kapag pinigilan niya itong gawin ang gusto nito kaya hinahayaan na lang niya ito.

Nagtaka siya nang makita ang malaking gusali ng public library na katabi lang ng kapitolyo. Nalilitong tumingin siya kay Fabio. Nagkibit balikat naman ito at inakbayan siya.

“May surprise nga ako sa`yo `di ba? kaya hindi ko pa pwedeng sabihin sa ngayon.” Anito. Napalunok siya nang abutin nito ang isang palad niya at masuyong pisilin iyon. Ngumiti ito at marahang hinila na siya papasok ng library. Maraming estudyante ang nasa pila kaya medyo natagalan pa sila. Kailangan kasi nilang ipakita ang ID at pumirma sa logbook bago sila makapasok sa loob ng library.

“Hindi ko alam kung anong naisipan mo at bakit mo ako dinala dito. Nakakahiya, mga bagets pa ang kasama natin. Umalis na lang kaya tayo?” nakangiwing suhestiyon niya at nilingon si Fabio na nasa likuran niya.

“Ssshh!” saway nito sa kaniya. “Baka hindi na tayo papasukin sa loob kapag dito palang sa labas ay maingay ka na.”

“Kainis ka!”

Tumawa lang ito ginulo ang ibabaw ng ulo niya.

“Baka kapag nakita mo ang sorpresa ko sa`yo ay hindi mo na gustuhin pang lumabas ng library.”

Napaismid siya. Nabanggit niya kay Fabio na mahilig siyang magbasa ng libro. Pero wala talaga siyang ideya kung ano ang sorpresa na sinasabi nito. Ano pa ba ang mayroon sa library na iyon na hindi niya makikita sa bookstore? Bakit parang malakas ang kutob nito na matutuwa siya sa sorpresa nito sa kaniya?

“Ewan ko sa`yo!”napalabi siya. Hindi nakaligtas sa kaniya ang pagbubulungan ng ibang mga estudyante na nakapila sa bandang likuran nito. Halatang kinikilig ang mga estudyante habang dinudungaw si Fabio. Nakatalikod naman ito kaya hindi nito napapansin ang nangyayaring komosyon sa likuran nito.

Naaaliw na napailing na lang siya. Daig pa kasi ng mga estudyanteng naroon ang nakakita ng gwapong artista. Hindi naman niya magawang sisihin ang mga ito dahil kahit saan sila magpunta ni Fabio ay hinahabol talaga ito ng tingin ng mga kababaihan. Siya na nga ang nahihirapan dahil pakiramdam niya ay nakakamatay na ang tingin na ibinibigay sa kaniya ng iba sa mga ito.

“Ang gwapo mo talaga `noh?”

Kumunot ang noo ni Fabio. Bumakas ang pagtataka sa kulay asul na mga mata nito. Nang maintindihan kung ano ang sinasabi niya ay napangiti ito at pinisil ang kaliwang pisngi niya.

“Ngayon mo lang ba nalaman `yan princess?”

Princess.. parang gustong sumabog ng puso niya sa tuwa. Kapag tinatawag siya nitong prinsesa ay bumibilis ang tibok ng puso niya. Parang may paruparo ang nagliliparan sa loob ng sikmura niya at aminin man niya o hindi ay daig pa niya ang teenager na kinikilig sa tuwing naririnig niya ang endearment nito sa kaniya.

Napaigtad siya sa pagkagulat nang hulihin ni Fabio ang isang palad niya. Napaawang ang mga labi niya at tiningnan ito. Kinindatan lang siya nito at magkasabay na silang pumirma sa log book at pumasok sa loob ng library.

“Ano ba ang mayroon dito?” pabulong na tanong niya sa binata. Hindi niya maabot ang tenga nito kaya sa balikat nito dumikit ang labi at tungki ng ilong niya. Naipikit niya ang mga mata nang manuot sa ilong niya ang pinagsamang amoy ng cologne at natural na amoy ng katawan nito. Nakakarelax ang dating niyon sa kaniya kaya parang ayaw na niyang ilayo pa ang sarili sa balikat nito.

Hindi sinagot ni Fabio ang tanong niya. Hinawakan lang nito ng mahigpit ang kamay niya at marahang hinila siya patungo sa isang bookshelf na nasa pinakadulo ng library. Walang tao sa bahaging iyon ng library dahil puro pala librong pambata ang naroon. Hindi pa rin nito binibitiwan ang kamay niya kaya napilitan na siyang mag angat ng tingin dito habang naghahalungkat ito ng mga libro sa bookshelf gamit ang libreng kamay.

“Fabio, hindi ako mawawala kaya please lang bitawan mo na muna ako.” Mahinang paalala niya. Umiling ito at saglit na tinapunan siya ng tingin.

“Mas komportable ako kapag hawak ko ang kamay mo at paraan ko rin ito para ipaalam sa ibang lalaki na hindi ka na nila pwedeng lapitan.”

Possessive. Kamuntik na siyang mapangiti dahil sa sinabi nito. Ngayon lang niya naranasan na maprotektahan ng ganoon at aaminin niya na masarap iyon sa pakiramdam. Dati kasi ay kumakalas agad siya sa isang relasyon kapag napapansin niya na masyadong seloso ang isang lalaki. Iba pala sa pakiramdam kapag may tao na handang bantayan siya at ilayo sa mga lalaking pwedeng umagaw ng atensiyon niya mula dito. Nakakataba iyon ng puso at higit sa lahat ay nakakaaliw. Pakiramdam tuloy niya ay umabot na hanggang sa labas ng library ang long hair niya.

“Nakita ko na!” excited na bulalas nito.

“Ang alin?”nagtatakang tanong naman niya. Pumihit ito paharap sa kaniya at ipinakita sa kaniya ang isang lumang libro ni Cinderella. Natigilan siya at pinagmasdan ang libro. Halatang luma na iyon dahil maliban sa gusot na ang cover ng libro ay hindi rin ganoon kaganda ang drawing niyon. Matagal na siyang naghahanap ng lumang version ng libro na Cinderella. May libro kasi niyon dati na ibinigay pa sa kaniya ng mommy niya. Naiwala niya ang libro at kahit saan siya maghanap ay wala naman siyang makita ng ganoong kopya. Taong nineteen seventy five pa naipublish ang ganoong klase ng libro kaya talagang mahihirapan siyang maghanap.

“Hindi nga lang natin pwedeng hingiin ito sa library pero pwede naman tayong magpabalik balik dito kapag gusto mong basahin ang story ni Cinderella.” Nakangiting sabi ni Fabio at ibinigay sa kaniya ang libro. Hindi niya magawang ikurap ang mga mata habang pinagmamasdan ang gwapong mukha nito.

Pakiramdam niya ay may nakabarang malaking bato sa lalamunan niya at biglang kumirot ang dibdib niya dahil sa pagpipigil niya ng matinding emosyon. Siguro ay iisipin ng iba na mababaw siya dahil hindi niya mapigilan ang sarili na iyakan ang sorpresa sa kaniya ni Fabio. Pero para sa isang katulad niya na lumaki na naghahanap ng totoong pagmamahal at atensiyon ay parang isang malaking blessing na ang pag eeffort nito na mapasaya siya.

Napalabi siya at ibinuka ang mga bisig.

“Halika nga muna dito.” Nagsisikip ang dibdib na utos niya. Tumikhim siya ng bigla na lang ay pumiyok ang boses niya. Kumislap ang pagkagulat sa mga mata ni Fabio pero saglit lang iyon. Sa halip na magpakulong ito sa mga bisig niya ay ipinaloob nito ang braso sa baywang niya at kinabig siya palapit sa mainit na katawan nito. Napahinga siya ng malalim at ibinaon ang mukha sa mabangong balikat nito. Kung pwede lang na manatili sila sa ganoong posisyon hanggang sa magsawa siya. Pero duda siya na magsasawa siyang sumiksik sa katawan nito dahil habang tumatagal na nararamdaman niya ang init ng katawan nito ay mas lalo siyang nahihirapan na pakawalan ito.

“So, mga ilang points po ba ang ibibigay mo sa akin ngayon ma`am dahil sa pagiging good boy ko?” bulong ni Fabio sa isang tenga niya. Napangiti siya at bumitaw sa yakap nito para mapagmasdan niya ang maamong mukha nito.

“Perfect score ang grade mo ngayon.” Sakay niya sa biro nito. Nang ngumiti ultimo ang mga mata ni Fabio ay parang may makinang na confetti ang bigla na lang umulan sa paligid niya.

Ah, bakit ba kasi wala akong makitang pangit sa mukha niya?

******************************************************************

“Basta mag ingat na lang po kayo, hindi po natin masisiguro na hindi na babalik ang mga magnanakaw kaya maging alerto po dapat tayo.”

Mula sa pagtatapon ng basura sa labas ng gate ay napunta ang atensiyon ni Vanessa sa mga kapitbahay niya na nag uusap sa labas ng kabilang bahay. Curious siya sa nangyayari kaya lumapit siya at nakinig sa pinag uusapan ng mga ito.

“Kung bakit ba naman kasi hindi pa mahuli huli ang mga magnanakaw na `yun eh.”

“Masyado po silang matinik, malamang na ilang linggo nilang inobserbahan ang lugar natin kaya alam nila kung kaninong bahay sila maraming makukuha. Naalala ba ninyo na noong nakaraang linggo ay may mga lalaking pabalik balik dito sa atin at mga ahente daw sila ng lupa? Minsan naman ay ahente daw ng gamot pero iisang tao lang naman pala. Ang akala ko nga noong una ay marami lang raket kaya pabago bago ng inaalok na product.”

“Baka nga sila na iyon?”

“Nandito ka pala ma`am Vanessa,”

Matipid na ngumiti siya nang mapansin siya ng mommy ng isa sa mga estudyante niya. Kumaway siya sa mga ito. Medyo close naman siya sa mga kapitbahay niya at kapag sinisipag siyang magluto ay hinahatiran niya ng pagkain ang iba sa mga ito.

“May gumagala na naman po bang magnanakaw?” tanong niya.

Tumango si Misis Dela Cruz, retired teacher ito at ang tanging kasama lang sa bahay ay ang dalawang teenager na apo. Nasa abroad daw kasi ang anak at manugang nito kaya ito ang nag aalaga sa mga apo.

“Naku, Vanessa, mag ingat ka ha? Solo ka pa naman sa bahay ngayon at malamang na alam ng mga magnanakaw na dalawa lang kayo ni Geraldine na magkasama sa bahay kaya baka kayo pa ang puntiryahin nila.”

Napangiwi siya sa sinabi ng matanda. Dalawang araw ng hindi umuuwi si Geraldine dahil niyaya ito ng mga pinsan nito na magbakasyon sa Baguio ng ilang araw. Gusto naman sana siyang isama ng kaibigan kaya lang ay hindi pwedeng walang magturo sa mga bata. Baka magtampo ang mga parents kapag pareho silang umalis at iniwan ang mga estudyante nila.

“Sasabihan ko po ang mga kasama kong tanod na magbantay dito sa area ninyo at tingnan na rin ang bahay ni ma’am Vanessa.” sabi ng isa sa mga barangay tanod na naroon.

Nakahinga siya ng maluwag sa narinig. “Salamat po.”

Pagkatapos niyang makipag usap sa mga kapitbahay ay nagmamadaling bumalik na siya sa bahay. Siniguro niya na naikandado niya ng maayos ang mga pinto. Binuksan rin niya ang mga ilaw ng buong bahay at kinuha ang baseball bat na nasa tabi ng malaking cabinet. Hindi naman siya matatakutin pero hindi niya mapigilan na hindi maging paranoid ngayon dahil mag isa lang siya sa bahay.

Hindi na biro ang mga napapanood niyang balita sa TV kung saan maliban sa pinagnakawan na nga ay pinatay pa ang mga biktima. Hindi na tuloy siya makatulog dahil sa takot na baka masyadong mautak ang mga magnanakaw at sirain ng mga ito ang lock ng pinto. Para hindi na masyadong mag isip pa ay nagbukas na lang siya ng TV at nanood habang yakap pa rin niya ang baseball bat. Napapaigtad siya sa gulat kapag nakakarinig siya ng mga kaluskos sa bubong ng bahay. Malamang na pusa lang ang mga iyon dahil nakarinig siya ng malakas na pagngiyaw mula sa bubong.

Kamuntik na siyang mapamura sa inis nang sulyapan niya ang wallclock at makitang mahigit alas dose na pala ng gabi. May klase pa siya bukas kaya hindi siya pwedeng magpuyat. Baka late na siyang magising o baka hindi na nga talaga siya makatulog pa sa takot na bigla na lang pasukin ng mga magnanakaw ang bahay at gawan siya ng masama.

Tumayo siya at balak sanang magpunta sa kusina para kumuha ng tubig nang makarinig siya ng malakas na busina ng sasakyan sa labas. Hindi siya sigurado kung sa sasakyan iyon ng kapitbahay niya pero nagpasiya pa rin siyang lumapit sa bintana at sumilip sa labas. Malakas na napasinghap siya nang makita niya si Fabio na nakatayo sa tabi ng kotse nito. Kumaway ito nang makita siya.

Parang may mainit na palad ang humaplos sa puso niya nang magtama ang mga mata nila ng binata. Kung ano man ang takot na nararamdaman niya kanina ay nilipad na iyon ng hangin ngayon. Bakit pa siya matatakot kung alam naman niya na safe siya kapag kasama niya si Fabio? Napangiti siya at kinawayan din ito. Napahinga na lang siya ng malalim para kontrolin ang puso niya sa pagwawala. Pero duda siya na makokontrol nga niya ang sarili dahil habang tumatagal ay mas lalong tumitindi ang pagwawala ng puso niya at parang gusto na nga niyon tumalon palabas ng dibdib niya.

Nang hindi na siya makatiis ay parang may pakpak ang mga paa na tumakbo siya palabas ng bahay. Halos ihagis na niya ang sarili kay Fabio nang salubungin siya nito ng nakabukas na mga bisig nito. Ibinaon niya ang mukha sa dibdib nito at ilang beses na huminga ng malalim. Parang may kung anong kumiliti sa sikmura niya nang masamyo ang natural na amoy ng katawan nito.

“Princess, bakit may hawak kang baseball bat?” nalilitong tanong ni Fabio. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat at bahagyang inilayo sa katawan nito. Nag angat siya ng tingin sa gwapong mukha nito. Hindi niya magawang magsalita dahil nalulunod siya sa sarili niyang emosyon habang pinagmamasdan niya ang bawat parte ng maamong mukha nito. Nakagat niya ang likod ng mga pisngi at napilitang ipaliwanag ang nangyari kanina. Seryoso ang reaksiyon nito habang nakikinig sa paliwanag niya.

“Bakit hindi mo ako tinawagan?”

Mabilis na umiling siya. “Ayokong maistorbo ka at saka paranoid lang talaga ako kasi nga mag isa lang ako—”

“Kahit na, alam ng mga magnanakaw na dalawa lang kayo ng kaibigan mo na nakatira sa bahay kaya posibleng mangyari ang iniisip mo.”

“Sinesermunan mo ba ako, mister?” pinaningkitan niya ito ng mga mata. Natigilan ito at nang mapansin na nakasimangot na siya ay napapalatak ito at pinisil ang mga pisngi niya.

“Mas matigas pa siguro ang ulo mo kaysa sa mga estudyante mo.” Anito at inabot ang isang kamay niya.

“S-saan tayo pupunta?” gulat na tanong niya nang marahan siyang hilahin nito sa kabilang side ng kotse.

“Nagpunta lang ako dito dahil gusto kong makita ka bago ako umuwi sa amin. Hindi ko rin alam kung bakit iyon agad ang unang naisip ko pagkarating ko ng Mondemar. Baka talagang malakas lang ang instinct ko pagdating sa`yo. Hindi ako papayag na magstay ka ng mag isa sa bahay kaya isasama na lang kita sa hotel.”

Nanlaki ang mga mata niya at nilingon si Fabio na nakaupo sa tabi niya.

“What?” pinaningkitan niya ulit ito ng mga mata. “Hindi ako makikipagsex sa`yo—”

“Wala akong sinabing may gagawin tayong iba, pero hindi ito ako tatanggi sa oras na ginapang mo ako.” Pilyong sabi ni Fabio at kinindatan siya.

Natigilan siya. Lumipad na siguro sa outerspace ang katinuan niya nang makita ang pagkindat nito.

Jusko! Hindi nga magnanakaw ang naencounter niya ngayong gabi, magnanakaw lang ng puso!

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.