Chapter THE LOVE OF MY LIFE 7.1

“What? Ano bang sinasabi mo? Baka naman nabibigla ka lang?” hindi makapaniwalang tanong ni Jaime kay Fabio. Dumiin ang paghawak niya sa cellphone habang kausap ang bunsong kapatid. Kung pwede lang siguro siyang lumusot sa butas ng cellphone ay ginawa na niya para lang mabatukan ito.

“Kuya, I`m serious, okay? Ngayon lang naman ako nag open ng ganitong topic sa`yo `di ba?”

“Kahit na!” natampal niya ang noo nang masiguro sa boses ni Fabio na seryoso nga talaga ito. Ano ba ang pumasok sa isip ng kapatid niya at bigla ay gusto na nitong magkaroon ng seryosong relasyon. Tinawagan pa siya nito para lang sabihin na may sorpresa daw ito sa babaeng nagugustuhan nito na kung hindi siya nagkakamali ay Vanessa ang pangalan.

Hindi naman sa ayaw niyang pumasok sa isang seryosong relasyon ang kapatid niya. Hindi lang talaga siya sanay dahil ngayon lang niya ito nakitang magseryoso sa isang babae. Malaki ang ipinagbago ni Fabio mula nang makilala nito si Vanessa. Hindi na ito palaging nagpupunta sa mga bar at ang balita pa nga niya ay may kumakalat na tsismis sa bayan nila na malapit na itong magpakasal.

Alam niyang walang katotohanan ang tsismis pero malamang na iyon ang iniisip ng mga tao dahil nakikita ng mga ito si Fabio na madalas na kasama si Vanessa. Malamang na nagulat ang mga tao sa bayan nila dahil iyon ang unang beses na nakita ng mga ito ang kapatid niya na hindi nagpapalit ng babaeng ka-date. Pero paano kung nabibigla lang si Fabio sa desisyon nito na alukin na ng seryosong relasyon si Vanessa?

Bakit ba masyado kang nag aalala? Mas mabuti na nga na magseryoso na si Fabio kaysa naman palagi mo na lang siyang naaabutan sa condo unit niya na paiba iba ang kasamang babae.

Napahinga siya ng malalim nang maisip iyon. Kilala niya si Fabio at alam niyang madali lang para dito na makahanap ng babae. Sa kanilang limang magkakapatid ay masasabi niya na ito talaga ang pinakahabulin ng babae dahil ito ang mahilig sa mga party. Magaling din itong magsalita kaya marami itong nabobola. Pero hindi siguro umubra ang pambobola nito kay Vanessa dahil umabot pa ng ilang buwan ang paglabas labas ng mga ito.

Naisip niya na baka mapagod rin naman si Fabio sa pagpapakipot ng dalaga kaya hinayaan na lang niya ito. Pero nagkamali pala siya ng akala dahil ngayon nga ay nakiusap pa ang kapatid niya na hihiramin ang pag aari niyang private beach resort para sa isasagawa nitong proposal. Hiniram pa nito ang mga tauhan at event organizer ni Juancho sa hotel. Talagang pinaghandaan nito ang lahat kaya paano pa siya makakatanggi?

“Iyong totoo, Fabio, ilang buwan ka ng walang sex? Baka naman bumabagal na ang utak mo dahil—”

“Kuya!”

“Ano? Walang masama sa sinabi ko. Bakit naman kasi nanggugulat ka? hindi ko lang talaga kayang isipin sa ngayon na gusto mo nang magkaroon ng seryosong relasyon.” Pagdadahilan pa niya.

Totoo naman ang sinabi niya dahil baka kahit ang mga kapatid niya ay magulat din kapag nalaman ng mga ito ang plano ni Fabio. Kung naroon nga lang ang mga magulang niya ay baka nagpanic na ang mga ito.

“Pasalamat ka wala sila mommy ngayon, malamang na kulitin ka nila kapag sinabi ko na magkakaroon ka na ng girlfriend.”

Nagbabakasyon sa Germany ang mga magulang niya at baka sa sunod na linggo pa umuwi. Malamang na maiyak sa tuwa ang mommy nila kapag nalaman nito na may plano nang magtino sa babae ang bunso nila.

“Seryoso na ako this time, kuya. Kailan ba ako nagrequest ng ganito sa`yo? ngayon lang din ako nag effort ng ganito sa isang babae kaya sana naman maniwala ka sa akin.” Sabi pa ni Fabio.

Sumusukong tumango na lang si Jaime. Ano pa nga ba ang magagawa niya? sigurado siya na hindi na talaga magpapapigil pa si Fabio. Gusto rin naman niya na maging masaya ito kaya kahit nabibilisan pa rin siya sa mga desisyon ng kapatid ay mas gusto niyang suportahan na lang ito.

“All right, balitaan mo ako mamaya kung anong mangyayari sa proposal mo.”

“Thanks bro!”

Pagkatapos niyang makipag usap sa kapatid ay pagod na isinandal niya ang likod sa backrest ng swivel chair. Marami pa siyang gagawin kaya malamang na late na siya makakabalik ng Mondemar. Naroon kasi siya sa opisina niya sa Maynila. Habang nasa bakasyon ang ama ay siya ang pansamantalang gumagawa ng mga trabaho nito.

Napadiretso si Jaime ng upo nang tumunog ang intercom. Pinindot niya ang answer button at pinakinggan ang sasabihin ng sekretarya.

“Sir, gusto daw po kayong makausap ni Miss Candice Ting.” Anito.

Kumunot bigla ang noo iya. Anak si Candice ng company lawyer nila na si Umberto Ting. Ilang beses na niyang nakita sa mga gathering ang babae pero kahit isang beses ay hindi naman sila nakapag usap.

“Okay, let her in.” utos niya sa sekretarya.

Tumayo siya para salubungin si Candice nang pumasok ito sa opisina niya.

“Good afternoon, miss Ting, hindi ko inaasahan ang pagbisita mo sa akin ngayon. May maitutulong ba ako sa`yo?” bati niya.

“Tama ka, Mr. Mondemar, may kailangan nga ako sa`yo.”

Inalok niya itong maupo at tumawag siya sa sekretarya niya para ipagtimpla sila ng kape.

“Tungkol naman saan?”

“It’s about my friend Vanessa Cojuangco.”

Natigilan siya. Iisang Vanessa lang ang pumasok sa isip niya nang marinig ang sinabi ni Candice. Pero sa pagkakaalala niya ay hindi Cojuangco ang apelyido na sinabi ni Fabio sa kaniya nang tanungin niya ito.

Muero? Muego? Nahilot niya ang sentido habang pilit na binabalikan sa alaala niya ang pangalan na binanggit noon ng kapatid sa kaniya. Kilala niya ang mga Cojuangco na tinutukoy ni Candice dahil halos nasa iisang sirkulasyon lang naman sila. Pero ano koneksiyon ng mga ito kay Vanessa at tama ba ang iniisip niya na ang Vanessa na nabanggit ni Candice ay ang babaeng mismong kinahuhumalingan ngayon ni Fabio?

“Vanessa?” ulit niya para kompirmahin na tama nga ang narinig niya.

“Yes.” Tumango si Candice. “May kailangan kang malaman. Kailangan mo ring mailayo si Fabio sa kaniya dahil pareho lang silang masasaktan.”

“What?!” napatayo siya sa narinig. Kamuntik na niyang masuntok ang mesa dahil sa sobrang galit niya kay Candice matapos nitong ipaliwanag sa kaniya ang lahat.

Damn! Anong gulo ba itong pinasok mo Fabio?

*************************************************************************************

“Ano bang gagawin natin dito?” Kinakabahang tanong ni Vanessa kay Fabio. Tinakpan nito ng mga palad ang mga mata niya kaya wala siyang makita. Nararamdaman lang niya ang malamig na hangin at ang malakas na tunog ng alon kaya malamang na malapit lang sila sa dagat.

Hindi niya alam kung ano ba talaga ang nangyayari ngayon. Kahit wala naman silang usapan ni Fabio na magkikita ngayong araw ay tinawagan siya nito at niyayang lumabas. Kanina ay nilagyan nito ng piring ang mga mata niya at hinubad lang nito iyon bago sila bumaba ng sasakyan. Wala siyang ideya kung nasaan nga ba sila.

May ilang minuto na silang naglalakad bago niya naramdaman ang paglambot ng lupang tinatapakan niya. Nasa buhanginan na pala sila. Mas lalong naging matindi ang kaba niya nang marinig ang mahinang tunog ng violin. Habang tumatagal ay lumalakas ang tunog na iyon kaya mas lalo pa siyang kinabahan.

“Fabio..” nasambit niya ang pangalan nito nang mapansin ang kakaibang nangyayari sa paligid niya. Hinawakan niya ito sa braso. “Kinakabahan na ako sa`yo.”

“Hindi mo kailangang kabahan, princess.”

“P-pero..” napalunok na lang siya at hinintay ang sunod na gagawin nito. Inalis na nito ang nakatakip na palad sa mga mata niya pero hindi pa rin niya magawang magmulat. Mariing ipinikit niya ang mga mata dahil natatakot siya sa kung ano man na sorpresang naghihintay sa kaniya.

Napahinga siya ng malalim nang hapitin siya ni Fabio palapit sa katawan nito. Nakakawala ng lakas ang kakaibang init na ipinaparamdam nito sa kaniya. Kahit sa simpleng pagdampi lang ng labi nito sa tenga niya ay para na siyang mauubusan ng lakas sa katawan.

“Open your eyes, princess. I want to hear your answer now.”

Answer? Parang may mabigat na bakal ang biglang dumagan sa dibdib niya. Nahigit niya ang paghinga nang hawakan ni Fabio ang mga palad niya at ipatong iyon sa magkabilang balikat nito. Pigil ang paghingang iminulat niya ang mga mata.

Bigla ay parang naglaho ang mga bagay sa paligid niya nang mapagmasdan ang kulay asul na mga mata ng binata. Nakikita niya ang masayang kislap ng mga mata nito. Nahuhulaan na niya ang sunod na mangyayari at dapat sana ay masaya na siya dahil magagawa na niyang saktan ang lalaki. Maibabalik na niya kay Fabio ang lahat nang paghihirap na naramdaman noon ng kuya Vincenth niya. Pero bakit hindi niya makuhang maging masaya? Bakit parang ang hirap para sa kaniyang huminga habang nakikita niya ang saya sa mga mata ni Fabio? natatakot ba siya dahil alam niyang ano mang oras ay pwede niyang kunin ang kaligayahan nito?

Nag angat siya ng tingin sa madilim na langit. Kahit isang bituin ay wala siyang makita sa itaas. Wala siyang makitang liwanag. Parang ganoon din ang nararamdaman niya ngayon. Napakadilim ng mundo niya. Alam niyang pinaghandaan ni Fabio ang gabing iyon. Nakita niya ang nagkalat na mga petals sa buhanginan. Ang mga kandila na nakapalibot sa kanila. May mesa rin na punong puno ng masasarap na pagkain. Nag effort pa itong kumuha ng banda para haranahin siya.

Ano pa ba ang mahihiling niya? isang achievement na ang makapagpatino ng isang playboy. Pero hindi sila pwede. Kahit kailan ay hindi pwedeng maging sila dahil hindi niya magagawang kalimutan ang ginawa ni Fabio sa kapatid niya. Hinayaan lang niyang magpakalunod siya sa tuwa habang kasama niya ito dahil hindi naman niya mapipigilan ang sarili niyang emosyon. Pero natauhan na siya ngayon. Kailangan na niyang magising sa katotohanan at turapin ang pangako sa kapatid niya.

“First time ko lang na gagawin ito kaya kung pumapalpak man ako, sana maintindihan mo.”

Hindi siya nagsalita kahit na naririnig niya ang kaba sa boses ni Fabio. Nakagat niya ng mariin ang likod ng mga pisngi nang mas lalo pa itong lumapit sa kaniya. Ipinaloob nito ang mainit na mga palad sa pisngi niya. Nagtama ang mga mata nilang dalawa. Nabasa niya ang magkakahalong emosyon sa mga mata nito.

“Will you be my girlfriend?”

“F-fabio alam mong hindi—”

“Napatunayan ko naman sa`yo na kaya kong magpakatino `di ba? never akong tumingin sa iba mula nang makilala kita.”

Inipon niya ang lahat ng lakas na mayroon siya para lang tabigin palayo ang mga kamay nito. Nagulat ito sa ginawa niya. Nalilitong tiningnan siya ni Fabio. Umatras siya nang subukan nitong lapitan siya.

“Hinding hindi kita sasaktan, kung `yun man ang iniisip at ikinakatakot mo. Mahal kita kaya hindi ko magagawang saktan ka.” Nahihirapang sabi nito.

“But you did.” Malamig na turan niya.

“What?” natigilan ito. “Hindi kita maintindihan—”

“Huwag kang lalapit!” sigaw niya nang humakbang ito palapit sa kaniya. Sumabog na ang lahat ng emosyon sa dibdib niya kaya napaiyak na siya. Gusto niyang murahin at sabunutan ang sarili. Hindi dapat siya mauwi sa ganoong parte na parang miserable na siya dahil lang tatanggihan niya ang pagmamahal ni Fabio. Dapat ay masaya siya. Masayang masaya. Paano niya masasaktan ang lalaki kung parang kulang na lang ay humagulhol na siya ng iyak sa harapan nito?

Ipinilig niya ang ulo. Pinilit niyang ngumiti kahit halos madurog na sa matinding sakit ang puso niya. Nakita niya ang pag ahon nang pagtataka at pagkagulat sa buong mukha ni Fabio nang makita ang reaksiyon niya.

“Panahon na siguro para makilala mo ako.”

“Vanessa—”

“Vanessa Cojuangco ang totoo kong pangalan.” Malamig na wika niya. Nanlaki ang mga mata nito at gimbal na tiningnan siya. Ngumiti siya nang mapakla. “Naalala mo na kung saan mo narinig ang apelyido ko? Oo tama, ako lang naman ang nag iisang kapatid ng lalaking sinaktan mo. Ang tagal kong hinintay ang pagkakataon na ito para lang maipamukha sa`yo ang ginawa mo sa kapatid ko.

Napakasama mo! Pareho kayong masama ni Candice, paano ninyo nagawang pagtaksilan si kuya Vincenth? At ikaw, alam mo naman na girlfriend na si Candice ng sarili mong best friend pero pinatulan mo pa rin siya. Kayo ang dahilan kung bakit nagpakamatay ang kapatid ko. Never akong papayag na maging girlfriend mo, hinding hindi kita mapapatawad!” tumatahip ang dibdib sa galit na sabi niya.

Nanginginig na siya dahil sa pinaghalong galit at sakit na nararamdaman niya. Tumigil na siya sa pag iyak pero nadudurog pa rin ang puso niya habang nakikita niya ang pagdaan ng masasakit na emosyon sa mga mata ni Fabio. Pakiramdam niya ay mas dobleng sakit pa ang bumabalik sa kaniya matapos niya itong sumbatan.

“Tapos na ang misyon ko sa`yo, nasaktan na kita. Nagawa ko nang maiparamdam sa`yo kung ano ang ginawa mo noon sa kapatid ko. Patas na tayo, Mondemar, ito na ang huling beses na makikita mo ako.” Mariing saad niya at tinalikuran si Fabio.

Kahit mabigat ang buong katawan niya ay pilit na inihakbang niya ang mga paa. May ilang saglit palang siyang naglalakad nang maramdaman niya ang paghabol nito. Tumigil siya sa paglalakad pero hindi niya ito magawang lingunin.

“Mahal kita, alam mo naman `yun `di ba, kaya ko nga nagawa lahat ito dahil sa pagmamahal ko sa`yo.”

Niyakap niya ang sarili at impit na napaiyak. Mahal niya si Fabio. Sigurado siya sa bagay na iyon dahil hindi naman siya masasaktan kung wala siyang kahit na anong nararamdaman para dito.

“B-baka….” Pumiyok ang boses nito at nagpakawala ng malalim na buntong hininga bago muling nagsalita. “B-baka ikaw na nga ang karma ko, ganoon daw kasi `yun sabi nila. Dahil marami akong babaeng sinaktan ay darating daw araw na may makikilala akong babae na magiging karma ko at ikaw na `yun. Nasaktan mo nga ako pero….masaya ka ba?”

Hindi siya umimik. Hindi naman kasi talaga siya masaya sa ginawa. Ang gusto lang niyang gawin ngayon ay ang bumalik sa masasayang sandali na magkasama silang dalawa. Kung sana lang ay isang masamang panaginip na lang ang nangyari ngayon at magising na agad siya bago pa siya tuluyang mabaliw sa sobrang sakit na nararamdaman niya.

“Kung pagtagpuin ba ulit tayo ng tadhana, tatanggapin mo na ako?”

“No.” Mariing sagot niya.

“Pero iyon ang gagawin ko, paulit ulit kitang hahayaang dumating sa buhay ko kahit na alam kong sasaktan mo lang ako sa bandang huli. Siguro nga ay ikaw ang karma ko, pero ikaw rin ang kaligayahan ko. Hindi ko alam kung paano mawawala ang galit sa puso mo. Pero hindi ako mapapagod na maghintay sa`yo hanggang sa malaman mo kung ano nga ba ang totoo.”

Naikuyom niya ang mga palad at muling napaiyak. Hindi na niya pinansin pa ang huling sinabi ni Fabio at mabilis na naglakad na palayo. Alam niyang isang malaking katangahan na nasasaktan siya ngayon. Pero ginusto niya naman iyon kaya kailangan niyang tiisin ang lahat ng sakit. Nasaktan na rin naman niya si Fabio kaya makokontento na siya. Makokontento na rin sa langit ang kapatid niya.

Pero hindi ang puso niya…

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.