Chapter THE LOVE OF MY LIFE 8.2

“A-anong ginagawa mo dito?” gimbal na napahawak ng mariin si Vanessa sa doorknob nang makita niya sa labas ng bahay niya si Fabio. Nahalata siguro nito na ang balak niyang gawin kaya iniharang nito ang kamay sa nakaawang na pinto. Napabitiw tuloy siya sa doorknob sa takot na masaktan ito kapag aksidenteng naisara niya iyon.

“Basta ka na lang umalis ng ospital.” Anito at walang paalam na pumasok sa loob ng bahay niya. Napalunok siya nang makita na may dala itong malaking mga plastic bag. Dumiretso ito sa kusina na katabi lang ng sala at ipinatong sa mesa ang mga dala nito.

Naikurap niya ang mga mata at hindi makapaniwalang pinagmasdan ang lalaki. Dinala siya nito sa ospital noong isang araw nang mawalan siya ng malay. Dalawang araw siyang nanatili sa ospital pero hindi niya ito nakita. Nagpadala lang ito ng staff na siyang nagbantay sa kaniya. Ayaw pa nga sana niya noong una at pilit na pinaalis ang staff sa kwarto niya pero nakiusap nito. Baka daw kasi masermunan ito ni Fabio kapag hindi siya nabantayan ng maayos. Ayaw naman niyang may mawalan ng trabaho ng dahil sa kaniya kaya hindi na rin siya nagpumilit pa.

Pero nang masiguro na maayos na ang pakiramdam niya ay umuwi na rin siya. Hindi na siya nagpaalam pa sa staff na nagbantay sa kaniya dahil ayaw niyang maistorbo pa ito. Umuwi siya ng mag isa kahapon at kahit na medyo nanghihina pa ay naglinis siya ng buong bahay. Naiwan kasing nakabukas ang mga bintana sa bahay niya kaya naalikabukan ang mga gamit niya. Hindi naman iyon nakasama sa kaniya at saka hindi naman siya tumitigil sa pag inom ng gamot kaya siguradong patuloy na ang paggaling niya.

“Ang sabi ng doktor, sobrang stress ka daw sa trabaho kaya ka nagkakasakit. Bawal kang mapagod kaya kailangan mo ng taong mag aalaga sa`yo ngayon at ako iyon.”

Tumahip ang dibdib niya sa narinig. Nalilitong nilapitan niya si Fabio habang abala ito sa paglalagay ng mga pagkain sa cupboard. Kahit ang ref ay pinuno nito ng mga prutas at pagkain. Napahawak siya sa dulo ng mesa at walang imik na pinagmasdan ito.

Dalawang taon ang lumipas na namuhay siyang mag isa. Wala siyang pamilya o kaibigan man lang na pwede niyang makasama. Hindi na kasi siya nagpakita pa sa daddy niya mula nang bumalik siya sa Maynila. Hindi rin naman siya nito hinanap kaya hindi na siya nag abala pa na magpakita sa ama. Si Geraldine naman ay ibinenta na ang bahay nito at nasa New York na ngayon. Nagpakasal na ang kaibigan niya sa amerikano nitong boyfriend na nakilala nito sa isang dating website.

Ibinigay niya sa isang bahay ampunan ang kalahati ng pera niya—na ipinamana sa kaniya ng mommy niya—at ang kalahati naman ay ibinili niya ng bahay. Nagtatrabaho siya ngayon sa nursery school na katapat lang ng bahay na nabili niya. Hindi na niya itinuloy ang planong pagpapagawa ng sarili niyang nursery school dahil mas gusto niyang magturo sa public school. Libangan niya ang pagtuturo.

Maliban sa trabaho niya ay malaki ang kinikita niya sa investment na pinasok niya. Kaya kahit na mag isa ay nagagawa naman niyang mabuhay ng maayos at komportable.

“Fabio…” mahinang tawag niya sa lalaki. Mula sa paglalagay nito ng mga itlog sa tray na nakapatong sa mesa ay nag angat ito ng tingin sa kaniya. Natigilan siya nang magsalubong ang mga mata nila. Ilang taon man ang lumipas pero wala pa ring nagbabago dito. Napakagwapo pa rin nito. Mas lalo pa nga itong naging gwapo sa paningin niya dahil sa suot nitong salamin sa mata. Medyo nagmatured tingnan ang mukha nito pero mas bumagay iyon kay Fabio. Kahit ang manipis na stubbles sa pisngi nito ay bumagay din dito.

“A-alam kong busy ka, kaya sana naman hindi ka na nagpunta pa dito para lang asikasuhin ako.”

Ang sabi sa kaniya ng staff ay nagkaroon ng problema ang negosyo ni Fabio sa Cebu kaya ilang araw itong nanatili doon. Malamang na kababalik lang nito mula sa Cebu at dapat na nagpapahinga na ito ngayon. Hindi na dapat ito pumunta pa sa bahay niya dahil ayaw niyang makaabala siya.

“Hindi ako patatahimikin ni Zoey kapag nalaman niya na hindi kita pinuntahan. Gusto nga sana niyang sumama sa akin kaya lang ay pinauwi ko na muna siya sa parents ko. Gusto rin kasi siyang makilala ng pamilya ko.”

Naalala niya si Zoey. Ngayon ay alam na niya ang dahilan kung bakit magkamukha ang dalawa at pareho pa ang kulay ng mata ng mga ito. Si Fabio pala ang daddy na tinutukoy ng estudyante niya. Hindi rin naman niya iyon malalaman agad dahil hindi dinadala ni Zoey ang apelyido ng ama.

“Bakit mo ginagawa ito?”

May hindi maipaliwanag na emosyon ang kumislap sa mga mata ni Fabio. Matagal na pinagmasdan siya nito. Nakakapanghina ng mga tuhod ang klase ng tingin na ibinibigay nito sa kaniya na para bang gusto na siya nitong tunawin.

“May dahilan ba ako para hindi gawin ito?” seryosong tanong nito sa kaniya.

Kinagat niya ang likod ng mga pisngi. Mukhang walang balak na magpapigil si Fabio. Ano ba ang dapat niyang sabihin para lang mapaalis ito? Hindi pwedeng palagi itong lumalapit sa kaniya dahil baka makalimot siya.

“May asawa na ako—”

“Princess, nakita ko ang pangalan mo sa ID ng anak ko at hindi ka pa naman nagpapalit ng last name kaya imposible ang sinasabi mo. Hindi mo kailangang magsinungaling para lang itaboy ako dahil hindi ka rin naman magtatagumpay na gawin iyon.”

Princess.. pinigilan niya ang mapangiti nang marinig ang endearment na ginamit nito sa kaniya. Malapit nang bumigay ang puso niya at alam niyang hindi pwede iyon. Sa oras na hayaan niya ang sariling lumapit kay Fabio ay para na rin niyang sinabi na napatawad na niya ito sa ginawa nito sa kapatid niya.

“Hindi ako komportableng makita ka.” Blangko ang mukha na sabi niya. Naikuyom niya ang mga palad nang mapansin ang pag ahon ng matinding sakit sa buong mukha nito. Umiling si Fabio at isinuksok ang mga palad sa bulsa ng black slacks nito.

“Kailangan mo nang masanay na makita ako magmula ngayon.”

Nakagat niya ng mariin ang mga labi.

“Do you believe in destiny? O naniniwala ka ba na magkamag anak ang karma at destiny?”

Nalilitong pinagmasdan niya ang binata. Parang gusto nang sumabog ng puso niya nang gumuhit ang matamis na ngiti sa mga labi nito.

“Ikaw ang karma at destiny ko, Vanessa. Nangako ako noon na kapag pinayagan ako ng tadhana na makita ka pa ulit ay hinding hindi na kita pakakawalan pa.”

“Hinding hindi mangyayari ang gusto mo.” Mariing asik niya.

“Let’s see princess, hindi naman ako mapapagod kahit na ilang beses mo pa akong itaboy. Nagleave pa ako sa trabaho ko para lang mas magkaroon ako ng mas maraming oras sa`yo.” Nangingiting turan ni Fabio.

Nanlaki ang mga mata niya. Ano bang nagawa niyang pagkakamali at pinapahirapan siya ngayon ng langit?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.