“Nasaan po si daddy?”
“May sakit ang daddy mo Zoey kaya hindi ka niya nasundo ngayon.”
“Po? May nag aalaga po ba kay daddy?”
Nagkunwaring abala sa pagwawalis si Vanessa kahit na ang totoo ay nakatutok ang atensiyon niya sa pinag uusapan ng driver ni Fabio at ni Zoey. Nakakatuwang isipin na kahit ilang linggo palang sa poder ni Fabio ang anak ay nagkaroon na agad ng special bonding ang mag ama. Ngayon lang niya nakitang nag alala ng ganoon si Zoey. Kahit bata pa ay marunong na itong magmalasakit at iyon ang nakakatuwa dito.
“Iyon ang problema, mag isa lang sa condo ang daddy mo. Kailangan ko rin umalis pagkahatid ko sa`yo kasi babalik ako ng Mondemar. Kailangan ko kasing ihatid ang mga papeles sa tito Miguel mo. Kaya mo bang bantayan ang daddy mo?”
Tumigil siya sa pagwawalis at nakinig sa pag uusap ng dalawa. Kahit anong pagsaway niya sa sarili ay hindi niya mapigilan na hindi mag alala kay Fabio. Hindi naman dapat siya makaramdam ng ganoon pero hindi talaga niya kayang pigilan ang sarili.
“Si teacher Vanessa po magaling mag alaga ng may sakit. Siya po ang nag alaga sa akin noong may sakit ako at hindi agad ako nasundo ni lola.”
Pareho silang natigilan ng driver. Namumula ang buong mukha na umiling siya at ikinumpas ang mga palad.
“Naku Zoey, bata lang ang kayang alagaan ni teacher. Malaki na ang daddy mo at pwede naman siyang magpahinga na lang para gumaling na agad siya. Huwag ka nang matakot, gagaling din agad ang daddy mo.”
“Pero sabi po kasi sa akin ni tito Jaime mahirap daw pong magkasakit ang daddy ko. Hindi daw po kasi umiinom ng gamot si daddy, pareho po kaming matigas ang ulo. Ayoko rin po kasing uminom ng gamot kaya mas lalo akong nagkakasakit.”
“Ah…” napangiwi siya. May pinagmanahan pala talaga si Zoey. Naalala nga niya na nagkasakit ito minsan at hindi naman ito nasundo agad ng lola nito. Iniuwi niya ito sa bahay niya at binantayan. Kahit anong pilit niya ay hindi talaga ito uminom ng gamot kaya nahirapan siya. Nakumbinsi lang niya itong inumin ang paracetamol nang sabihin niya na bibigyan niya ito ng tsokolate.
Gumana naman kaya ang paandar kong chocolate kay Fabio?
“Uwi na tayo, Zoey, hinihintay ka na ng daddy mo.” Sabi ng driver.
“Ay sandali lang, manong!” pigil niya.
“Bakit po ma`am?” nagtatakang nilingon siya nito.
“Sasama na lang po ako para matingnan ko po si Fab—ang daddy ni Zoey.” Kagat labing wika niya.
Tiningnan siya nito ng makahulugan at nakangiting tumango na lang.
“Ikaw po ang bahala.”