“Vanessa!”
Hindi niya magawang lingunin si Fabio nang marinig niya ang boses nito. Patakbong lumapit ito sa kaniya. Malakas na napamura ito nang mapansin kung ano ang nangyayari sa kaniya. Lumuhod ito sa harap niya at pinunasan ang dugo sa ibabang labi niya.
“Ano bang nangyayari sa`yo?” nag aalalang tanong nito habang pinupunasan ng panyo ang labi niya. Kumurap ang mga mata niya at mabagal na nagbaba ng tingin sa binata. Ang balak niya ay iwasan na muna ito pero mukhang hindi na matutuloy pa ang pag alis niya.
Walang mangyayari kung tatakas siya. Kailangan niyang harapin ang sakit dahil iyon lang ang paraan para masabi niya kay Fabio ang mga nararamdaman niya ngayon.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin ang totoo?” nasasaktang tanong niya. Pinigilan niya ang kamay nito. Kumunot ang noo ni Fabio at mayamaya ay biglang natigilan.
“Sinabi ba sa`yo ni Candice ang totoo?”
Mapait na ngumiti siya. “Alam ko na Fabio, sinabi na niya sa akin ang totoo kung bakit nagpakamatay si kuya Vincenth.”
“Kasalanan ko,”
“No, wala kang kasalanan sa nangyari. Hindi mo dapat na sisihin ang sarili mo dahil hindi mo naman pwedeng pilitin ang sarili mo na mahalin siya `di ba? ako ang totoong may kasalanan sa`yo dahil sinaktan kita noon. I’m sorry…”
“Ssshh…” maingat na hinaplos nito ang mga pisngi niya. “Wala kang kasalanan, kahit noon pa ay hindi ako nagalit sa`yo. Mahal kita, Vanessa at hindi kaya ng puso ko na magalit sa`yo.”
Kinagat niya ang likod ng mga pisngi at matagal na pinagmasdan ito. Parang may higanteng kamao ang paulit ulit na sumusuntok sa dibdib niya. Bugbog na ang puso niya sa sakit. Mahal niya si Fabio, hindi siya masasaktan ng sobra kung wala siyang nararamdaman na pagmamahal dito.
Pero pwede bang maging sila? Babalewalain na lang ba niya ang paghihirap ni Vincenth at hahayaan na maging masaya ang sarili? Ipinaloob niya ang mga pisngi ni Fabio sa mga palad niya. Kahit paano ay nakalma siya nang maramdaman ang init ng katawan nito.
“Pwede ba akong humingi ng pabor sa`yo?” tanong niya.
Mabilis na tumango ito at hinawakan ang palad niyang nakadampi sa pisngi nito.
“Anything, princess, wala akong hindi gagawin para sa`yo.”
Malalim na huminga siya at pinilit ngumiti.
“Pwede bang pakawalan mo na muna ako?”
Bumaha ang matinding pagtutol at pagkabigla sa mukha ni Fabio. Namula ang mga mata nito at gimbal na napailing.
“No, hingiin mo na sa akin ang kahit na ano basta huwag lang ang pakawalan ka. Hindi na ulit ako papayag na mawala ka na naman sa akin. Ayoko.” Umiiyak na wika nito.
Bumitiw siya sa mahigpit na paghawak ni Fabio sa kamay niya.
“Naalala mo noong tinanong kita kung anong gagawin mo kapag nawala ako? Ang sabi mo sa akin hindi mo naman ako hahanapin, araw-araw ka lang maghihintay sa akin at hihintayin mo rin na mapagod ako sa pagtatago hanggang sa marealize ko na wala akong ibang pwedeng pwestuhan kundi ang tabi mo lang? mahihintay mo ba ang araw na iyon?”
“No…please… huwag ganito.” Yumuko ito at pilit na inabot siya pero umiwas siya. Tumayo siya at tinalikuran si Fabio. Parang may matulis na bagay ang nakabaon sa dibdib niya habang naririnig ang pag iyak nito.
Nang yakapin siya ni Fabio at halikan nito ang likod ng ulo niya ay impit na napaiyak na lang siya. Hindi niya ito magawang sundan ng tingin nang lumabas na ito ng pinto. Nanlulumong tinakpan niya ng palad ang mukha at napahagulhol na ng iyak.
Alam niyang babalik siya kay Fabio. Pero ang panahon lang ang makakapagsabi kung kailan mangyayari iyon.