May pagmamadali ang mga kilos na basta na lang isinuksok ni Vanessa ang mga damit sa malaking backpack. Kailangan na niyang makaalis agad ng bahay niya dahil baka biglang dumating si Fabio. Hindi niya ito kayang harapin sa ngayon dahil masyadong magulo ang isip niya.
Paano ko nagawang ibigay ang sarili ko sa kaniya?paano ko nagawang sabihin sa kaniya na mahal ko siya? Nahihirapang tanong niya sa sarili. Nasabunutan niya ang sarili nang maalala ang nangyari sa kanila ni Fabio kagabi. Alam niyang wala siyang pinagsisisihan sa nangyari pero may mga bagay siyang hindi dapat na balewalain na lang.
Anong gagawin ko kuya? Nagsisikip ang dibdib na tiningnan niya ang picture frame ng kapatid niya na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Nakangiti si Vincenth sa litrato at para bang sinasabi nito sa kaniya na hindi niya kailangang masaktan at isipin ang pagkawala nito.
Mariing ipinikit niya ang mga mata at pilit na nag isip ng paraan kung ano nga ba ang dapat niyang gawin. Basta na lang siya umalis ng condo unit ni Fabio at iniwan itong mahimbing na natutulog.
Umuwi siya ng bahay niya para mag empake at tinawagan ang principal sa eskwelahan para magpaalam na hindi siya makakapasok ngayon. May substitute teacher naman kaya hindi niya kailangang mag alala sa mga estudyante niya. Biyernes ngayon kaya tatlong araw siyang mawawala. Pero wala siyang maisip na puntahan dahil wala naman siyang kakilala na pwedeng magpatuloy sa kaniya. Ang tanging gusto lang niya ay makalayo siya ngayon sa lugar na iyon dahil siguradong darating si Fabio. Hindi niya ito kayang makita sa ngayon dahil wala siyang lakas ng loob na tanggapin sa sarili niya na tuluyan na niya itong napatawad sa ginawa nito sa kapatid niya.
Naalala niya ang maliit na bahay bakasyunan na ipinamana sa kaniya ng mommy niya. Malapit iyon sa dagat at nasa pinakadulong bahagi pa ng Quezon province. Masyadong malayo at matagal ang biyahe pero desperada na siyang makaalis at iyon na lang ang huling pag asa niya. Nang matapos siya sa pag eempake ay siniguro niya na nakasarado ng maayos ang mga bintana. Pababa na siya ng hagdan nang makarinig siya ng malakas na katok sa pinto. Natigilan siya. Wala sana siyang balak na buksan ang pinto at harapin ang bisita pero nagbago ang isip niya nang makilala niya ang boses ng babaeng tumatawag mula sa labas ng bahay niya.
“Vanessa, nandiyan ka ba sa loob? Please naman harapin mo ako, gusto kitang makausap ngayon.”
“Candice?” kunot noong bumaba siya ng hagdan at inilapag ang dala niyang bag sa ibabaw ng drawer. Nang buksan niya ang pinto at tumambad sa kaniya ang babae ay hindi makapaniwalang napasinghap siya ng malakas. Hindi niya magawang ngumiti o batiin man lang ito. Wala naman sana siyang planong harapin pa ang dating kaibigan kaya lang ay naisip niya na baka importante talaga ang sasabihin nito.
“Pasok ka.” Malamig na alok niya.
“Salamat.” Mahinang sagot nito at pumasok na sa loob. Pinag aralan niya ang kilos ni Candice. Malaki ang ipinayat nito at parang mas tumanda pa ng ilang taon ang hitsura nito kompara sa totoo nitong edad. Medyo kumulubot na kasi ang balat nito at iyon ang ipinagtataka niya. Bakit malaki ang ipinagbago nito sa loob ng ilang taon na hindi sila nagkita?
“Mukhang may lakad ka.” Anito. Naupo ito sa couch at tiningnan ang bag niyang nasa ibabaw ng drawer. “Hindi na rin ako magtatagal dahil ayokong maistorbo kita.”
Umiling lang siya at naupo sa single sofa at tiningnan ang babae.
“Masyado bang importante ang sasabihin mo kaya nagawa mo pa ring hanapin ako? Bilib na talaga ako sa`yo, Candice, mabuti ka pa dahil nagawa mo akong ipahanap samantalang ang daddy ko ay talagang wala ng pakialam sa akin.” Mapaklang wika niya.
Natuklasan niya na nagpakasal na pala ang daddy niya sa babaeng kinakasama nito. Siguradong masayang masaya na ngayon sa buhay ang kaniyang ama kaya tuluyan na siya nitong kinalimutan.
“Pero okay lang, sanay naman na ako kay daddy. Hindi naman niya ako totoong anak kaya dapat lang na pabayaan na lang niya ako.”
“Vanessa, makinig ka sa akin, hindi na tama ang ginagawa mo.”
Tinaasan niya ng kilay si Candice. Wala siyang maintindihan sa sinasabi nito pero naiinis siya dahil parang ang dating sa kaniya niyon ay may ginawa siyang masama.
“Nananahimik ako, Candice. Wala akong ginagawang masama—”
“At anong ginagawa mo kay Fabio?”
Natigilan siya. Napalunok na lang siya at hindi agad nakapagsalita. Sinamantala naman nito iyon para magpaliwanag.
“Mula nang umalis ka ng Mondemar ay binantayan na kita. Alam ko ang lahat ng kilos mo at dahil nanahimik ka ng dalawang taon ay hindi ko sinubukang lumapit sa`yo dahil ayokong guluhin ka. Pero hindi ko na nagugustuhan ang paglapit sa`yo Fabio, kung sasaktan mo lang ulit siya, ako na ang nakikiusap sa`yo na itigil mo na ang plano mo. Hindi ka pa ba nakontento na nasaktan mo na siya noon?”
Naikuyom niya ang mga palad at nagpipigil ng galit na tiningnan niya ng matalim si Candice.
“Nagseselos ka ba? hindi ka nakontento sa kapatid ko noon kaya gusto mong balikan si Fabio ngayon? Paano kung sabihin ko sa`yo na wala akong balak na ibigay siya sa`yo? ako ang mahal ni Fabio kaya hinding hindi mo siya makukuha sa akin.”
Sa halip na patulan ang pagtataray niya ay nagsimula itong umiyak. Nakaramdam siya ng awa at pagkalito nang makita niya ang paghihirap sa mga mata nito.
“I-im sorry, kung hindi sana ako nagsinungaling sa`yo noon ay hindi mangyayari lahat ito.” Umiiyak na sabi ni Candice.
“Ano bang sinasabi mo na nagsinungaling ka sa akin? Hindi kita maintindihan Candice—”
“Wala kaming relasyon ni Fabio at kahit kailan hindi kami lumampas sa pagiging magkaibigan.”
“Ano?” natigagal siya. Parang bigla ay sasabog na ng malakas ang ulo niya. Hindi magawang iproseso ng utak niya ang sinabi nito.
“May sakit ako, ovarian cancer. Malala na ang kondisyon ko kaya hindi na ako umaasa na mabubuhay pa ako ng matagal. Vanessa, kaya kong tanggapin ang lahat ng galit mo. Kayang kaya ko iyong dalahin hanggang sa mamatay ako, pero sana kung talagang mahal mo si Fabio sana hayaan mo naman ang sarili mo na maging masaya. Tama na ang pagpapahirap mo sa kaniya.”
Kinagat niya ng mariin ang mga labi at nalilitong sinapo ang kaliwang dibdib. Kumikirot ang puso niya dahil sa matinding sakit at kahit anong gawin niya ay hindi niya maibalik sa normal ang pakiramdam niya.
“Bakit ka nagsinungaling sa akin?”
“Dahil mahal na mahal ko ang kapatid mo at hindi ko kayang tanggapin sa sarili ko na hindi niya ako kayang mahalin.”
Marahas na napailing siya.
“Mahal ka ng kapatid ko! bakit kailangan mong sabihin `yan!” nangangalit ang mga ngipin na bulyaw niya dito.
“Dahil `yun ang totoo!”
“Hindi! Mahal ka ng kuya ko pero sinaktan mo lang siya at—”
“Si Fabio ang mahal niya.”
Natigagal siya sa narinig. Literal na tumigil ng ilang segundo ang paghinga niya dahil sa matinding pagkabigla. Hindi niya magawang magduda dahil nakikita niya sa mukha ni Candice na hindi nga ito nagsisinungaling. Pinunasan nito ng palad ang mga luha sa pisngi at humihikbing nagpaliwanag.
“Nasa college palang kami ay nararamdaman ko na, na parang may iba kay Vincenth. Palaging si Fabio ang gusto niyang kasama. Noong una ay wala naman problema sa akin dahil alam ko na magkaibigan sila. Pero nakita ko kung paano magalit at maglasing ang kapatid mo kapag nakikita niya si Fabio na may kasamang mga babae. Alam kong nagseselos siya pero wala akong magawa para komprontahin siya. Nagbulag bulagan ako kasi nga mahal na mahal ko si Vincenth. Noong mismong araw ng graduation namin ay inamin na ni Vincenth kay Fabio ang totoong nararamdaman niya at iyon ang naging dahilan kung bakit nawalan sila ng komunikasyon sa isa’t isa. Umiwas sa amin si Fabio at nalaman na lang namin na nasa ibang bansa na siya. Pagkalipas ng ilang taon ay nagkita kita ulit kami sa reunion at nag iba na naman si Vincenth. Gusto na naman niyang palaging kasama si Fabio. Nakampante lang siguro noon si Fabio dahil inisip niya na nakapagmove on na si Vincenth o baka dahil nabalitaan niya na ikakasal na kami ng kapatid mo kaya inakala niya na magiging okay na ang lahat. Iyon din naman ang inisip ko noong una, pero nagulat na lang ako nang malaman ko na kinausap pala ni Vincenth ang daddy ninyo dahil gusto na niyang umurong sa kasal at inamin niya na mahal niya si Fabio. Hindi pumayag ang daddy ninyo kaya nagtalo sila. Ilang araw bago ang engagement party ay naglasing siya at mas pinili na lang na tapusin na ang paghihirap niya.” Umiiyak na paliwanag ni Candice.
Wala siyang maalala na nagtalo ang kapatid at daddy niya. Pero malamang na inilihim lang iyon sa kaniya ng pamilya dahil nga nasanay na ang mga ito na hindi siya isinasama sa kahit na anong sitwasyon. Mas lalong nagsikip ang dibdib niya. Hindi na siya makahinga pa ng maayos dahil parang may higanteng mga karayom ang tumutusok sa mismong puso niya. Nakaramdam siya ng matinding panlulumo. Hindi niya ikinakahiya kung ano man ang natuklasan niya tungkol sa kapatid niya. Mas naaawa siya sa nangyari dito. Nagmahal lang naman nito. Wala namang masama sa pagmamahal pero ang malungkot na parte lang niyon ay may pagkakataon na hindi naman maibabalik ng taong mahal mo ang pagmamahal na ibinigay mo sa kaniya.
“Walang kasalanan si Fabio, biktima lang siya dito. Wala ring kasalanan si Vincenth dahil nagmahal lang siya. Ako na lang ang sisihin mo dahil kasalanan ko kung bakit nangyari ito. Hindi ko magawang sabihin sa`yo ang totoong pagkatao ng kapatid mo dahil kahit ako hindi ko kayang tanggapin iyon sa sarili ko.”
“Walang masama sa pagiging bakla!” umiiyak na singhal niya kay Candice. Panay ang iyak niya at kahit anong gawin niya ay hindi niya magawang pigilan sa pagpatak ng mga luha niya. Ilang sandali siyang natulala at kahit nang makaalis na ang babae ay hindi pa rin siya kumikilos sa kinauupuan niya.
Kinagat niya ng mariin ang mga labi at tumingin sa kawalan. Ng mga oras na iyon ay parang gusto na lang niyang takasan na siya ng katinuan para makalimutan ang mga natuklasan niya. Para kasi siyang unti unting pinapatay ng matinding sakit na nararamdaman niya ngayon.