Lakad takbo ang ginawa ni Vanessa nang makarating siya ng Emergency room ng ospital kung saan daw dinala si Fabio. Hindi niya masyadong alam kung ano ang eksaktong nangyari dahil panay ang iyak ng paslit habang kausap siya kanina. May nakita siyang nurse at natatarantang nagtanong kung nasaan ang pasyenteng hinahanap niya.
“Ma`am, kakaalis lang po ni mister Mondemar, hindi naman po grabe ang nangyari sa kaniya kaya hindi po niya kailangang iconfine.”
“Ano?” mas lalo pa siyang nataranta sa narinig. Hindi na siya nakapagpasalamat pa sa nurse at nagmamadaling tumakbo na siya palabas ng gusali. Dumiretso siya sa parking lot dahil baka naroon pa ito.
Dahil sa pagmamadali ay hindi niya napansin ang maliit na bato at nang matapakan niya iyon ay nawalan siya ng balanse at napaupo sa sahig. Napaiyak na siya sa sakit at matinding frustration dahil hindi na niya alam kung saan hahanapin si Fabio. Ngayon na lang rin siguro gumana ang isip niya dahil ngayon lang niya naisip na tawagan ito para malaman niya kung nasaan ito. Yumuko siya at binuksan ang bag para kapain ang cellphone. Dahil abala sa ginagawa ay hindi agad niya namalayan ang paglapit ng kung sino sa kaniya. Nagulat na lang siya nang pangkuhin siya nito.
“Bitiwan mo ako—Fabio!” malakas na napasinghap siya nang makilala kung sino ang lalaking bumuhat sa kaniya. Hindi ito nagsalita at maingat na iniupo lang siya sa bumper ng isa sa mga kotseng naroon sa parking lot. Kagat labing pinagmasdan niya ito. Maliban sa bandage nito sa noo ay wala naman siyang nakitang sugat sa katawan nito. Nabawasan na ang pag aalala sa dibdib niya nang masiguro na maayos lang ang lagay nito.
“Tumawag sa akin si Zoey, umiiyak siya at sinabi niya na nasa ospital ka nga.”
Natigilan ito at mayamaya ay napapalatak.
“Alam naman ni Zoey na okay lang ako, malamang na inutusan siya ng mommy ko na tawagan ka. Sinabi ni Zoey sa lola niya ang tungkol sa atin at mukhang mas sila pa ang nag aaalala dahil matagal na daw tayong hindi nag uusap.”
“Fabio…” anas niya at hinaplos ang kaliwang pisngi nito. Isang buwan lang naman niya ito hindi nakita pero pakiramdam niya ay isang taon o higit na ang nagdaan. Nadurog sa matinding awa ang puso niya nang pumikit ito at hinayaan siyang haplusin ang malambot na pisngi nito.
“Napanaginipan ko si kuya Vincenth kanina.”
“Galit ba siya?”
Sa halip na sumagot ay masuyong sinapo niya ang mga pisngi ni Fabio at hinalikan ang tungki ng ilong nito. Halatang nagulat ito sa ginawa niya. Parang may fireworks na nagkislapan sa paligid niya nang magtama ang mga mata nila.
“Ibibigay na daw niya ako sa`yo kasi kayang kaya mo naman daw akong alagaan. Payag ka ba?”
Kumibot ang mga labi ni Fabio. Hindi siguro nito naintindihan agad ang sinabi niya kaya ilang sandali itong nawalan ng imik. Dahil hindi pa rin ito nagsasalita ay siya na ang gumawa ng paraan para matauhan ito. Hinila niya ang kwelyo ng damit nito at sabik na hinalikan niya ang mga labi nito.
“Hindi ito panaginip lang, kung iyon man ang gusto mong itanong.” Tumatahip ang dibdib na sabi niya nang pakawalan niya ang mga labi ni Fabio.
Napasinghap siya nang kabigin siya nito palapit sa katawan nito.
“Pupuntahan na sana kita dahil nagpakita rin sa akin si Vincenth kanina nang mawalan ako ng malay.”
“Anong sinabi niya sa`yo?”
“Hindi ko rin alam kung ano ang gusto niyang sabihin basta may ibinigay siya sa aking sanggol na kamukhang kamukha mo.” Nalilitong wika nito.
Namilog ang mga mata niya at malakas na napahalakhak. Hindi na niya mapigilan ang pagbuhos ng emosyon niya kaya muli niyang ipinaloob ang mga pisngi ni Fabio sa mga palad niya at pinaulanan ng halik ang bawat sulok ng mukha nito.
“Babalik ka na ba ulit sa akin?”
Naging sunod-sunod ang pagtango niya. Napasigaw ito sa tuwa at muli siyang niyakap. Hindi na siya nakatanggi pa ng halikan siya nito sa mga labi. Buong pagmamahal na tinugon niya ang halik nito.
“Oh god… I love you, princess, kamuntik na akong makipagsabwatan sa mga kapatid ko na ipakidnap ka kung sakaling hindi mo pa rin talaga ako kayang tanggapin ulit.”
Kahit panay ang patak ng mga luha niya ay hindi niya maiwasan na matawa.
“Dapat ba hindi na ako nagpunta dito?” tanong niya at kinindatan si Fabio. Napahagikhik siya nang mapansin ang paggalaw ng panga nito na para bang nagpipigil lang ito na panggigilan siya.
“I hate you.” Nakalabing sabi nito.
“Pero sabi mo love mo ako?”
“`Yun na nga eh, binabaliw mo ako palibhasa kasi alam mong mahal na mahal kita.”
“Mahal na mahal din kita.” Seryosong turan niya.
“Talaga?”
“Talagang talaga.”
Yumuko ito at balak sana siyang halikan ulit nang marinig nilang bumisina ang sasakyan kung saan siya nakaupo. Kamuntik nang tumalsik ang kaluluwa niya dahil sa sobrang gulat. Bumukas ang pinto ng kotse at lumabas mula doon isang matangkad na lalaki. Kilala niya ito dahil minsan na niyang nakita sa internet ang family picture ng mga Mondemar.
“Kuya Jaime naman! Huwag ka ngang bastos!”
“Sorry na, kailangan ko na kasing magmadali dahil may appointment pa ako. Iiwan ko na lang ang kotse ko at tatawag na lang ako ng taxi. Ipaasikaso mo na lang kay Gabriel ang kotse mo sa talyer.”
“Sige na umalis ka na!” taboy ni Fabio sa kapatid. Siniko niya ang lalaki at nahihiyang ngumiti naman siya kay Jaime. Tumango lang ito sa kaniya at umalis na.
“At dahil wala na ng istorbo ituloy na natin ang pinag uusapan natin kanina. Nasaan na nga ba tayo, sa honeymoon `di ba?”
Napahalakhak siya. “Masyado kang mabilis, Mondemar, pero bago mo isipin ang honeymoon…” yumuko siya at may ibinulong kay Fabio.
“Totoo?” natitigilang tanong nito.Daig pa nito ang nakakita ng multo dahil sa naging reaksiyon nito sa sinabi niya.
“May mga nararamdaman na akong sintomas. Nasa ospital na rin naman tayo kaya pwede na akong magpatingin.”
“Tara na, excited na akong magkaroon ng bagong prinsesa.”
“Akala ko ba ako ang prinsesa mo?” kunwari ay nagtatampong turan niya.
Ngumiti si Fabio at pinagdikit ang mga noo nila.
“Magpapakasal na tayo kaya ikaw na ang reyna ko.”
Napalunok siya at ipinikit ang mga mata nang madama ang pagbuga nito ng mainit na hininga sa pisngi niya.
“I love you, Queen.”
“I love you too, my king.”
Kinabig siya ni Fabio at muling siniil ng matamis na halik ang mga labi niya. Sigurado na siya sa bagong buhay na papasukin niya. Bubuo sila ni Fabio ng isang makinang na palasyo kasama ang magiging mga anak nila.
Pupunuin nila ng masasayang alaala ang mga araw na darating sa buhay nila. Hinding hindi na siya bibitiw pa kay Fabio at sisiguruhin niya na hahawakan niya ng mahigpit ang kamay nito hanggang sa huling beses nang pagtibok ng puso niya…..