Chapter THE LOVE OF MY LIFE (EPILOGUE)

“Relax ka lang, hindi pa naman manganganak ang asawa mo para kabahan ka ng ganiyan.”

“Shut up, okay?”

“Hey, ako ang governor ng Mondemar kaya hindi mo ako pwedeng kausapin ng ganiyan.”

“Pasalamat ka may utang ako sa`yo.”

Napangisi na lang si Seth at inakbayan si Fabio. Hindi niya alam kung ano ang nakain ng mga anak ng tito Federico niya at kung bakit nagpatali na ang mga ito sa babae. Pero masaya naman siyang makita na kontento ang mga pinsan niya sa pagkakaroon ng buhay may asawa.

“Hay, buhay!” bulalas niya nang marinig ang pag iyak ni Fabio. Naroon sila sa labas ng isang maliit na bahay at hinintay ang asawa nitong si Vanessa. Siyam na buwan ng buntis si Vanessa pero nagpumilit pa rin itong bumiyahe nang sabihin ng asawa nito ang isang malaking sorpresa.

Ilang buwan na ang nakakaraan nang kumuha si Fabio ng private investigator para hanapin ang mga magulang ng asawa nito. Mabuti na lang at nahanap agad ng private investigator ang dating yaya ng magkapatid na Cojuangco kaya nagkaroon ito ng lead kung paano magsisimula sa imbestigasyon. Nalaman nila na sa isang bahay ampunan pala sa Mondemar kinuha ng mag asawang Cojuangco si Vanessa.

Dahil nga sa posisyon niya bilang gobernador ng bayan nila ay ginamit niya ang lahat ng koneksiyon niya para mahanap ang mga dating tauhan sa bahay ampunan na may dalawang dekada na palang nasunog. Nagawa naman niya ang obligasyon niya dahil pagkalipas ng ilang linggo ay may mga lumapit na sa kaniya na dating nagtrabaho sa bahay ampunan.

Anak pala si Vanessa ng dating volunteer sa bahay ampunan na si Ronaliza Manego. Ayon sa nakausap nilang staff ay iniwan ni Ronaliza ang anak sa bahay ampunan dahil na rin sa takot na mabuking ito ng asawang nagtatrabaho sa abroad. Nakipagrelasyon kasi ito sa ibang lalaki habang nasa abroad ang asawa. Pumayag naman daw ang mga madre dahil na rin sa awa sa babae. Kaya lang ay lumipas ang dalawang taon na hindi na nito binalikan ang bata. Namatay na rin ang mismong madre na nakausap nito kaya nagpasiya ang ibang mga madre na ipaampon na lang si Vanessa. Pagkalipas ng ilang taon ay nagdesisyon si Ronaliza na balikan ang anak sa bahay ampunan. Ilang taon itong nanirahan sa Maynila kaya hindi nito nabalitaan ang nangyaring sunog. Inakala nito na namatay sa sunog ang anak kaya nawalan na ito ng pag asa pa na muling makasama ang bata.

Sinorpresa ni Fabio ang asawa nang matunton na nito kung nasaan ngayon si Ronaliza Manego. Kanina habang nasa biyahe sila ay panay ang iyak ni Vanessa. Halos hindi na ito mapatahan ng asawa at mabuti na lang ay may kasamas silang nurse dahil kailangan nitong mabantayan ng mabuti.

Tinapik niya sa balikat si Fabio.

“Mas malakas pa ang iyak mo kaysa sa asawa mo.”

Kahit nasa labas sila ng bahay ni Ronaliza—dahil gusto nilang makapag usap ng masinsinan ang mag ina—ay naririnig niya ang paghagulhol ng iyak ni Vanessa. Nakakahiya man aminin pero mas malakas pa talaga ang pag atungal ng pinsan niya.

“Gago ka talaga, kapag ikaw ang nagmahal ewan ko na lang kung hindi ka umiyak.” Sikmat ni Fabio sa kaniya.

Humalakhak si Seth. Hindi lang naman siya ang binata sa angkan nila. Marami pa sa mga binatang Mondemar ang walang balak na magpatali at umiyak ng dahil sa pag ibig.

“Wala sa style ko ang umiyak ng dahil sa babae.”

“Kakainin mo rin ang sinabi mo.”

Nagkibit balikat siya at nang magring ang cellphone niya ay agad na sinagot niya ang tawag.

“Hello, mommy?”

“Hoy, Sethario! Umuwi ka ng bahay ngayon din!”

“Teka, busy ako umandar na naman ang pagkabossy mo mommy.”

“Anong bossy? Kaninong kandungan ka na naman nagpapainit, ha? Umuwi ka na bago ka pa namin itakwil ng daddy mo!”

“Bakit ba kasi?”

“Bakit? Kasi may pumuntang babae dito na taga Maynila at ang sabi niya ipinagbubuntis niya ang anak mo kaya umuwi ka na dito bago ka pa malagot sa—”

“Aray!”

“Sir, manganganak na po si ma`am Vanessa.” Natatarantang sabi ng nurse.

“Ano ba, Seth? Buksan mo na ang kotse!” sigaw ni Fabio habang inaalalayan nito ang asawa sa paglalakad.

“Sinasabi ko sa`yo umuwi ka na ngayon din!” singit naman ng mommy niya.

Nasabunutan na lang niya ang sarili dahil hindi na niya alam kung ano ang uunahin niya. At teka nga! Sino ba kasi ang babaeng nabuntis daw niya?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.