“Lolo! Lolo Cals!” masiglang tawag ni Blossom. Nasalubong niya si Nana Reala at tila gulat na gulat ito nang mapansin ang saya sa mukha niya.
“Senyorita Blossom, mukhang maganda po ang gising mo?”
“Yes Nana, nasaan po sila lolo?”
“Naroon na sila sa dining area—”
“Thanks Nana,” hindi na niya pinatapos pa ito sa pagsasalita at patakbong nagtungo sa dining area ng mansiyon. “Lolo! Ate!” lumapit siya sa lolo niya at masayang humalik sa kaliwang pisngi nito. “Good morning lolo, sa inyo na rin,” saglit na tinapunan lang niya ng tingin sila Cherry at Claud. Sa loob ng mahigit isang buwan ay nasanay na siya na sumasabay sa kanilang kumain si Claud dahil ang mismong lolo niya ang may utos niyon.
“Mukhang maganda ang gising mo ngayon, apo?” itinigil ng lolo Calixto niya ang pagbabasa ng dyaryo at sumulyap sa kaniya.
Naupo siya sa kaliwang bahagi ng mesa habang katapat niya ang kakambal at si Claud.
“Tumawag po si daddy, nakauwi na daw po siya sa bansa. Gusto daw po niya kaming makita ni ate—”
“Hindi niya ako tinawagan,” singit ni Cherry.
“Hindi ka daw niya macontact ate,”
“So? Wala rin naman akong balak na makipagkita sa gangster na iyon,”
“Ate!” nakakunot noong saway niya dito. “Daddy pa rin natin siya.”
“Wala akong obligasyon na magpaliwanag sa`yo Blossom. Sinabi na ni lolo sa atin na huwag na tayong makipagkita sa kaniya. Bakit ba ang tigas ng ulo mo?”
Nag isang linya ang mga kilay niya at matalim na tumingin kay Cherry.
Bitch.
“Tama si Cherry.”
“Lolo naman!” bumaha ang matinding pagtutol sa dibdib niya. “Minsan lang po umuwi si daddy tapos hindi mo na rin kami pinapayagan na magbakasyon sa Korea.”
“My decision is final, Blossom. Hinding hindi mo na mababali pa ang sinabi ko. Bawal kang makipagkita sa kaniya. Ayoko nang magkaroon kayo ng koneksiyon sa taong iyon.”
“Taong iyon? he’s still my dad! Nakalimutan mo na ba?” tumaas baba ang dibdib niya dala ng matinding sama ng loob. Gusto na niyang bumunghalit ng iyak dahil pakiramdam niya ay pinagtutulungan siya ng dalawa. Iglap lang ay nasira na ang magandang mood niya.
“Willing akong kalimutan na siya ang daddy natin, dapat nga noon ko pa iyon ginawa `eh, excuse me.” Malamig na turan ng kapatid niya at tumayo na. Maging ang lolo niya ay tumayo na rin at umalis.
Napayuko siya at nauwi sa malalim na pag iisip. Pinigilan niya ang pagpatak ng mga luha niya at ilan beses na kinagat kagat ang ibaba ng mga labi.
Kung hindi pa niya narinig ang malakas na pagtikhim ni Claud ay hindi pa siya matitigilan. Naroon pa rin pala ito. Pinatigas niya ang reaksiyon at nag angat ng tingin dito.
“Bakit?”
“Ihahanda ko lang ang kotse, kumain ka na muna. Alas otso pa naman ang pasok mo kaya pwede ka pang kumain ng almusal. Sige na.”
Hindi siya kumibo. Wala siyang ganang kumain kahit alam niya na kanina pa nangangasim ang tiyan niya. Inabot sa kaniya ni Claud ang tray na may lamang slice bread. Tiningnan lang niya ang pagkain at hindi kumibo.
“Please?” pakiusap nito. Gulat na sumulyap siya sa binata. Tama ba ang naririnig niya? kailan pa natutong magsabi ng ‘please’ ang monster slash robot na bodyguard niya? pero pakiramdam niya ng mga sandaling iyon ay pagod na siyang makipagtalo. Tumango lang siya at tila wala sa sarili na tinanggap ang tray mula dito.
Maayos naman siyang nakapasok ng eskwelahan kahit daig pa niya ang namatayan dahil buong araw ay matamlay talaga siya. Kahit si Amethyst ay walang nagawa at hinayaan na lang siyang magmukmok. Pagsapit ng alas singko ng hapon ay parang mas lalo pang dumoble ang lungkot niya.
“Nandito na tayo.”
Dahan dahan niyang iminulat ang mga mata at agad na napakunot noo dahil hindi ang malawak na garahe sa mansiyon ang tumambad sa kaniya. Napaawang ang mga labi niya nang matuklasan na nakaparada ang kotse sa isang malawak na parke. Wala na siyang nagawa kundi ang bumaba ng kotse nang ipagbukas siya ng pinto ni Claud.
“Bakit nandito tayo?” nalilitong tanong niya. Sa may hindi kalayuan ay may napansin siyang isang kulay pulang kotse. Nagtatanong ang mga mata na tumingin siya sa binata. Nang ngumiti ito ay nabawasan kahit papaano ang sakit sa dibdib niya.
“Nakiusap sa akin ang daddy mo, huwag na lang natin siguro itong ipaalam sa lolo Calixto mo dahil siguradong pareho tayong malalagot.” Masuyong turan nito at ginulo ang buhok niya. Naikurap niya ang mga mata. Iyon ang pangalawang beses na ginawa nito iyon. Simula nang magtungo ito sa silid niya at gamutin nito ang sugat niya ay hindi na sila masyadong nag usap pa. Hindi na rin niya ito inaaway dahil parang pagtanaw na rin niya iyon ng utang na loob dito na hindi siya nito isinumbong sa lolo niya. Nakausap na rin naman niya si Zenia at nagkaayos na din sila.
“A-anong…” agad na nagtubig ang mga mata niya. “Huwag ka magjoke sasamain ka sa akin,” banta niya dito. Tumawa lang ito at hinawakan siya sa magkabilang balikat. Pinihit siya nito paharap sa direksiyon ng pulang kotse.
Malakas na napasinghap siya nang bumukas ang pinto ng sasakyan at bumaba mula doon ang daddy niya. Nakangiting kumaway ito sa kaniya.
“D-daddy..” hindi makapaniwalang anas niya. Dahan dahang humakbang ang mga paa niya patungo sa direksiyon ng ama. Ngumiti ito sa kaniya at ibinuka ang mga bisig. “Daddy!” umiiyak na tumakbo siya at mahigpit na niyakap ito.
Panay ang iyak niya habang walang sawa niyang sinasabi dito kung gaano siya nangulila ng mga panahon na hindi niya ito nakasama. Masuyong tinatapik naman ng kaniyang ama ang ibabaw ng ulo niya habang umiiyak siya.
Lumipas ang ilang minuto na halos wala nang mapaglagyan ng katuwaan sa dibdib niya habang kausap niya ang daddy niya. Nakaupo sila sa isang bench at masayang nag uusap. Pero mayamaya ay nauwi sa matinding lungkot ang kanina lang ay tuwang nararamdaman niya. Nagpaalam kasi sa kaniya ang ama na maaaring iyon na muna ang huling beses na magkikita sila. Ang sabi pa nito ay sang ayon daw ito sa desisyon ng lolo niya na huwag na silang magbakasyon ni Cherry sa Korea.
“D-dahil po ba ito sa mga nabalitaan namin tungkol sa bagong negosyo mo?” nasasaktang tanong niya. Mabagal na tumango ito.
“Alam ko naman na matutuklasan din ninyo agad ang tungkol sa negosyo ko.”
“Bakit hindi na lang po kayo bumalik dito sa atin? dito ka na lang magsimula sa Pilipinas. Siguro matatanggap ka naman po ulit ni lolo.”
“Hindi iyon ganoon kadali, Blossom. Hindi ako pwedeng basta na lang umalis sa samahan namin dahil lang ayoko na. Nakataya na ang mga buhay namin dito kaya nga mas mabuting malayo kayo sa akin dahil hindi kayo magagawang guluhin ng mga kalaban ko.”
“Mas importante pa ba ang negosyo mo daddy? papaano naman kami?” masama ang loob na tanong niya.
“Sorry..” anas nito at malungkot na nag iwas ng tingin sa kaniya. “Ang gusto ko lang naman ay mapatunayan sa lahat na kaya kong umangat ng walang kahit anong tulong na nanggagaling mula sa biyenan ko. Kaya lang ay naloko ako ng kasosyo ko sa negosyo, anak at ayoko nang makarinig pa ng pang iinsulto mula sa lolo mo kaya gumawa ako ng paraan para huwag na ulit mapahiya at humingi na naman ng tulong sa kaniya. Ito lang kasi ang paraan na alam ko para madaling makabangon.”
Marahas na napabuntong hininga siya. Hindi man tama ang sinasabi nito ay kailangan pa rin niyang unawain ito. Nang magpaalam na ang ama ay mag isa siyang naiwan sa bench. Nakatulala lang siya sa kawalan at ilang beses na binalikan sa isip niya ang masasayang alaala niya sa piling nito. Kaunti lamang ang mga iyon na kung gagawa siya ng documentary ay baka hindi pa abutin ng isang oras.
Napahinga siya ng malalim at bandang huli ay napapitlag sa pagkagulat nang may nilalang ang bigla na lang tumayo sa harap niya at inilahad sa harap niya ang nakatikom na kamay nito. Nang buksan nito ang palad ay tumambad sa kaniya ang ilang piraso ng maliliit na tsokolate. Korteng itlog ang mga iyon na alam niyang nabibili sa mga sari-sari store.
Claud! Nahigit niya ang paghinga matapos niyang mag angat ng tingin sa binata. Itinaas nito ng bahagya ang isang kamay na may hawak na transparent na plastic bag. Hindi niya mapigilan ang pagbuhos ng kakaibang emosyon sa dibdib nang mapansin ang napakaraming klase ng mga tsokolate na dala nito.
Naupo ito sa tabi niya at inilagay sa mga palad niya ang ilang piraso ng tsokolate.
“Para kang bata,” nakakunot noong sabi niya.
“Ikaw kaya ang parang bata diyan eh, kanina ka pa iyak ng iyak.” Sabi nito. Natuliro ang puso niya nang guluhin nito ang buhok niya. Tiningnan niya ito ng masama. Ngumiti lang ito at hindi sinasadyang kumislot ang puso niya nang mapansin ang paglitaw ng mga biloy sa magkabila nitong pisngi.
“Umiiyak ka ba dahil masaya ka o umiiyak ka dahil malungkot ka pa rin?” seryosong tanong nito sa kaniya.
“P-pareho,” malungkot na napabuga siya ng hangin.
“Weird, masaya ka pero malungkot ka habang umiiyak ka.”
“Weird nga ako `di ba, sabi nila?” umismid siya. “At saka teka nga bakit ba panay ang gulo mo sa buhok ko?”
“Natutuwa kasi ako diyan sa buhok mo, para kang may ‘pupu’ sa ulo.” Napahagalpak ito ng tawa nang kurutin niya ito sa tagiliran. Hindi pa siya nakontento at pinaghahampas niya ito sa balikat. Panay lang ang tawa nito. Mayamaya ay binuksan nito ang balot ng isang piraso ng tsokolate at inabot iyon sa kaniya.
“Thank you.” Puno ng sinseridad na sabi niya.
“Sus! wala iyon, ang mahalaga ay ngumiti na ang mahal na prinsesa, masaya na rin ang kawal.”
Umulan nang napakaraming emosyon sa dibdib niya. At nang guluhin muli ni Claud ang buhok niya ay hindi na siya nakakibo pa.