Chapter BLOSSOM IN MY HEART 4.2

Pasado alas diyes ng gabi ay padungaw dungaw si Blossom sa labas ng silid niya. Nagbabakasakali siya na nagpapahinga na ang mga kasambahay at mabilis siyang makakapuslit sa ibaba para kunin ang medicine kit.

“Aray,” mangiyak ngiyak siya habang pigil niya ang isang kamay. Wala pa siyang kahit anong gamot na nailalapat sa mga sugat niya. Habang tumatagal ay mas lalo tuloy sumasakit ang mga iyon. Parang hinihiwa ang balat niya kaya kung minsan ay napapangiwi siya.

Habang nakadungaw sa siwang ng pinto ay nakita niya si Claud na naglalakad sa pasilyo at palinga linga. Tila may kung ano itong itinatago sa likuran nito. Halos hindi na siya magkandatuto nang mapansin na ang direksiyon ng silid nito ang tinutumbok niya. Nagmamadaling isinara niya ang pinto at isinandal niya ang likod sa dahon niyon habang unti unti nang bumibilis ang tibok ng puso niya.

“Blossom?” ani Claud at ilan beses pang kumatok.

Naipikit niya ang mga mata at ilang beses na napalunok. Pilit na kinalma niya ang sarili at dahan dahang pinihit ang seradura ng pinto.

“Bakit?” tanong niya.

“Pwede ba tayong mag usap?”

Natigilan siya nang pasimpleng ininguso nito sa kaniya ang dala nitong medicine box. Parang bumbilyang nagliwanag ang mukha niya. Kahit mas gusto niya itong sipain palayo sa kaniya ay napilitan siyang papasukin ito sa kwarto niya.

“Akin na,” malamig na sabi niya at inilahad ang palad kay Claud. Umiling lang ito. Aktong hahawakan siya sa braso pero nang makita nito ang mahabang kalmot sa balat niya ay umakyat sa balikat niya ang kamay nito. Tinangka niyang magpumiglas pero marahang niyakag lang siya nito palapit sa kama.

“Ako na lang ang gagamot sa`yo,” alok nito. Pinamaywangan niya ito at hindi sinunod ang sinabi nito na maupo siya sa kama.

“Ayoko.” mariing tanggi niya.

“Magmamaldita ka na naman ba? ikaw na nga ang tutulungan,”

“Sa ayaw ko nga, bakit hindi na lang ang kwak kwak na iyon ang dalhan mo ng gamot, ha? mas malala ang inabot niya. Baka nga kalbo na iyon ngayon eh.” Mataray na tinaasan niya ito ng isang kilay.

“Kwak kwak?”

“Oo, kwak kwak, hindi mo ba nakikita na boses pato siya?”

Marahang natawa si Claud. Lumabas ang pantay at mapuputing mga ngipin. Sapat na ang ngiti nito para mabawasan ng kahit kalahati man lang ang pagmamaldita niya.

Oh lord! Hayun na na naman ang abnormal na tibok ng puso niya.

“Susunod ka ba sa akin o isusumbong ko sa lolo mo ang nangyari?” hamon nito sa kaniya. Tumikwas na naman ang mga kilay niya. Nanlisik ang mga mata niya at inirapan ito. Kung nakakamatay lang ang mga tingin niya ay matagal na siguro itong pinaglalamayan.

“Magsumbong ka pa,”

“Okay,” inilapag nito sa bedside table ang dala nitong medicine kit at tinalikuran siya. Napasinghap siya nang matuklasan ang plano nitong lumabas ng silid niya. Nagmamadaling nilapitan niya ang binata at pinigilan ito sa isang braso.

“Ano ka ba, saan ka pupunta?” kinakabahan siya pero hindi dahil alam niya na seryoso ito na isumbong siya. Mas natetensiyon siya sa muling pagdidikit ng mga balat nila. Kahit kanino ay hindi pa siya nakaramdam ng ganoon na parang kinukuryente ang bawat parte ng katawan niya. Tila napapasong bumitiw siya at umatras palayo dito.

“Ayaw mong gamutin kita, isusumbong na lang kita sa lolo—”

“Heto na nga eh,” daig pa niya ang robot na basta na lang naglakad palapit sa kama at naupo. Bumakas ang pagkaaliw sa luntian nitong mga mata at naiiling na lumapit ito sa kaniya. Binuksan nito ang medicine kit at lumuhod sa harap niya.

Napasinghap siya nang maingat na hawakan nito ang isang paa niya. Nakamaong shorts lang siya na halos isang dangkal ang agwat mula sa mga tuhod niya. Nanlaki ang mga mata niya nang mapansin ang maliit na galos sa kaliwang hita niya. Bakit hindi niya iyon agad napansin kanina?

“Ang mga legs ko!” mangiyak ngiyak na bulalas niya. Siguro kanina nang mapaupo si Zenia sa damuhan at hawakan siya nito sa isang hita ay bumaon na rin ang mga kuko nito. Tahimik lang naman si Claud habang ginagamot nito ang sugat niya sa binti.

Nakayuko ito kaya malaya niyang pinagmamasdan ang bawat pagkibot ng mga labi nito. Na para bang napakarami nitong gustong sabihin sa kaniya. Napaismid siya.

“Magsalita ka na, alam ko naman na kanina mo pa ako gustong lait laitin.”

Napaigtad siya nang hipan nito ang sugat niya sa binti na binuhusan nito ng alcohol. Nilapatan nito ng band aid ang sugat niya bago ito naupo sa tabi niya. Ang isang braso naman niya ang inasikaso nito.

“Bakit naman kita lalaitin?”

“Pa epek ka pa, kasi nga sinabunutan ko iyon babaeng tukmol na iyon! sa tingin niya talagang papatulan ko si Jonathan?”

Nang salubungin siya nito ng tingin ay malakas na tumikhim siya at nag iwas ng tingin sa binata. Ipinagpatuloy naman nito ang paggamot sa mga sugat niya. Mayamaya ay hindi na niya natagalan pa ang pananahimik nito.

“May anti rabies shot ka ba diyan? baka naman magkarabies ako sa mga kalmot ng babaeng tigre na iyon.”

“Okay na,” ani Claud.

“T-tapos na?”

Shit. Bakit parang nanlumo siyang malaman na tapos na itong gamutin ang mga sugat niya? mas lalo pa siyang nagulat nang sinserong ngumiti ito. Napaawang ang mga labi niya nang guluhin nito ang buhok niya.

“Sinabi na sa akin ni Amethyst ang totoong nangyari, hindi ko sinasabi na tama ang ginawa mo. Pero sa palagay ko kahit naman ako ay magiging ganoon din ang reaksiyon lalo na kung ang mga magulang ko ang iniinsulto ni Zenia. Sige na magpahinga ka na, huwag kang mag alala walang rabies si Zenia. May toyo lang iyon sa utak pero malinis naman.”

Syeeeet! sinakyan niya ang sinabi ko kanina?! oh! my heart! Hindi na naman nagpaawat sa pag arangkada ang puso niya. Napalunok siya at sinalubong ng tingin ang mga mata ng lalaki. Para siyang tubig na hinihigop ng magandang pares ng mga mata nito.

“Basta sa susunod ayoko nang mauulit ito. Ayokong nasasaktan ang alaga ko.” Pagkabait bait ng tinig ni Claud. Parang tatay na nangaral sa anak na nagkamali. Pero teka nga….. nanlaki ang mga mata niya at umungol sa pagprotesta nang mapansin na kanina pa pala nakaalis sa harap niya ang binata at naroon na ito sa pinto ng silid niya.

Ano?! nagteleport ba ito o sadyang natulala lang siya kaya hindi niya namalayan ang nangyari kanina?

“Hoy! anong alaga? Anong palagay mo sa akin tuta?”

“Arf arf!” nakakalokong ngumisi ito bago isinara ang pinto ng kwarto niya. Impit na napatili naman siya. Naisahan siya nito! hindi niya matanggap na nagpa isa siya kay Claud!

Pero wait a minute, kapeng mainit! Bakit tanggap na tanggap naman ng puso at isip niya ang paghaplos nito sa ulo niya kanina?

Juicecolored!

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.