Chapter BLOSSOM IN MY HEART 6.1

No girlfriend since birth, iyon si Claud. Kaya hindi niya maintindihan ang mga kakaibang nararamdaman niya sa tuwing nasa malapit lang si Blossom. Sa tuwing magsasalubong ang mga mata nila ay parang may mga balahibo ng manok ang kumikiliti sa puso niya. Madalas pa nga ay natatagpuan na lang niya ang sarili niya na nakatulala habang nakatitig siya dito.

Kahit pa sabihin na maraming kalahi ni Eba ang nagpipilit na makuha ang atensiyon niya ay hindi naman niya sinubukan na makipaglapit sa kahit sinong babae. Ang tanging nasa isip lang naman kasi niya ay ang mag aral at magtrabaho para may marating siya sa buhay. Pero simula nang magbago ang pakikitungo sa kaniya ni Blossom ay parang umikot naman pabaliktad ang mundo niya. Ang dati na niyang kakaibang nararamdaman sa tuwing kasama ito ay mas lalo pa ngang tumindi ngayon.

Nang maalala ang pag uusap nila ni Don Calixtoay hindi niya mapigilan ang mapailing. Kanina habang kumakain sila ng almusal ay nagpaalam siya sa matanda na uuwi na muna ng dalawang araw sa probinsiya para mabisita ang pamilya niya. Birthday din kasi bukas ni Jok at baka magtampo ang kapatid niya kung hindi niya ito mabisita. Pumayag naman ang matanda dahil weekends ngayon at sa monday ay walang pasok dahil holiday. Ang hindi lang niya inaasahan ay ang pagsingit ni Blossom sa usapa nila ng abuelo nito. Nagpumilit itong sumama na alam niyang labis na ikinagulat ng matanda.

“Ikaw na muna ang bahala sa bunsong apo ko, Claudio. Mas mabuti na rin siguro na hayaan ko siyang mamuhay sa labas ng mansiyon sa loob ng dalawang araw.” iyon ang sabi sa kaniya ni Don Calixto nang kausapin siya nito ng sarilinan. Gusto nitong makita ni Blossom ang totoong buhay sa labas ng mansiyon. Baka nga naman matauhan ang dalaga at magbago na ang pananaw sa buhay.

“In your head, in your head, zombie, zombie, zombie—ie—ie—ie. What’s in your head? In your head zombie, zombie, zombie—ie—ie—ie, oh—oh—oh—”

“Blossom!”

“Zombie, zombie, zombie—ie—ie—ie—hey!” agad na nagusot ang ilong ng dalaga at matalim ang tingin na ibinigay sa kaniya matapos niyang hinaan ang volume ng stereo ng sasakyan.

“May sapi ka ba?” nakangiwing tanong niya dito. Sumasakit na nga ang ulo niya dahil itinodo nito ang volume ng stereo ay sinabayan pa nito ng pagkanta habang panay ang headbang nito. “Baka naman maaksidente na tayo niyan sa ginagawa mo.”

“Ituloy mo na nga lang ang pagmamaneho mo.” nakasimangot na turan nito.

Sa totoo lang ay may pagkamoody talaga si Blossom, iyon ang natuklasan niya sa mahigit isang buwan niyang pagiging bodyguard nito. Kahit nagbago na ang pakikitungo nito sa kaniya mula nang tulungan niya itong makita at makausap ang daddy nito ay may mga pagkakataon pa rin na nakakatikim siya nang pagtataray nito.

“Bakit ba kasi ang saya mo ngayon? hindi mo man lang damayan si Cherry kanina. Nang nagpaalam ka na mawawala ka ng dalawang araw parang tumamlay,” naiiling na sabi niya.

“Bakit nga ba ako masaya? Hmmmm…” inayos ni Blossom ang suot na shades na bahagyang nalaglag sa bandang tungki ng ilong nito. Dahil nakabukas ang bintana ng kotse ay kanina pa dinadala ng hangin ang ilang mga hibla ng buhok nito na nalaglag mula sa nakapuyod nitong buhok. Bun style daw ang tawag sa ganoong style nang pagpupuyod ayon na rin sa dalaga. Ipinagpilitan pa nito iyon dahil madalas niya itong asarin na para itong maglalaba dahil sa ayos ng buhok nito.

Kahit inaasar niya si Blossom ay hindi niya magawang itanggi na ilan beses na siyang naakit dito sa tuwing pinagmamasdan niya ang ayos ng buhok nito. Nagmukha itong Koreana kahit hindi naman singkit ang mga mata nito.

“Masaya ako dahil ngayon lang ako magbabakasyon ng hindi ko kasama ang asungot kong kapatid. Pakiramdam ko nga ay nakalaya ako sa hawla. Anyway, masaya ako kaya ililibre kita. Anong gusto mo, Pizza? Ice cream?”

“Nasa medyo liblib na lugar na po tayo kaya wala ka nang mahahanap na pizza dito. May ice cream nga pero dirty ice cream naman. Hindi ka pwede kumain ng ganoon.”

“Gusto kong subukan!” parang isang paslit na bulalas nito. “Great! sabi ko naman ‘eh sa ganitong bagay ko matatalo si Cherry amor. Alam mo ba na pangarap niyang kumain ng kahit anong street food? Pero dahil mahigpit si lolo ay never pa naming nagawa iyon? pwes ako magagawa ko na.” mayabang na sabi nito.

“Sinabi niya sa`yo ang pangarap niya?”

“Hindi ah! sus! pinitik ko minsan ang diary niya.”

“Pinitik?” namamanghang sumulyap siya dito. “Hindi bagay sa`yo ang mga ganiyang salita mahal na prinsesa,”

“Anong magagawa ko? marami na rin akong natututunang salita mula sa mga kabanda ko,” kibit balikat na tugon nito.

Isa pang problema niya ay ang tungkol sa pagbabanda nito. Ang sabi ng lolo nito ay hayaan na muna nila si Blossom. Kung pagbabawalan daw kasi ay baka mas lalong magrebelde. Kaya nga sa tuwing may gig ang banda ay bantay sarado niya ito. Hindi rin niya alam kung bakit sa tuwing inaakbayan ang dalaga ng ibang kasamahan nito sa banda ay parang gusto niyang manugod at manuntok.

Marahas na napabuntong hininga siya. Hindi na talaga niya alam ang nangyayari sa kaniya. May mga gabi pa nga na hindi siya makatulog ng maayos sa tuwing lumilitaw sa isip niya ang magandang mukha ni Blossom. Madalas tuloy ay napupuyat siya. Mas lalo pang naging magulo ang lahat sa kaniya mula ng makita niya ang totoong ugali ng dalaga.

Totoong pasaway ito at maldita. Nakita niya ito noon kung papaano magalit at sinaktan si Zenia. Palaban din ito at hindi na marahil mawawala ang madalas na pagtataas nito ng kilay. Pero sa loob ng ilang linggo ay ibang Blossom na ang nakikita niya. Ibang Blossom na ang kasama niya. Napakalambot pala ng puso nito. Minsan ay inutusan siya nitong itigil ang sasakyan nang makita nito ang ilang mga bata na nangangalkal ng basurahan sa tapat ng isang malaking apartment building. Hindi niya inaasahan ang ginawa nitong pagbaba ng sasakyan at isa isang binigyan ng pera ang mga bata. Pinagalitan pa nga nito ang mga bata dahil marumi daw ang basura at hindi pwedeng kainin. Nakita rin niya ang pag iyak nito nang makita ang ama.

Siguro nga ay maraming kalokohan si Blossom pero mayroon itong inosenteng puso na hindi agad nakikita ng kahit sino.

“Pero hindi ako prinsesa ngayon,” hinubad nito ang suot na shades sa mata at tiningnan siya.

“A-ang kulit mo!” nasabi na lang niya. Hindi niya alam kung bakit biglang dumagundong ang dibdib niya nang masalubong niya ang abuhin nitong mga mata. Para siyang magaan na bagay na unti unting hinihigop ng mga mata nito.

“Alam ko.” Natatawang sabi naman nito. Kahit ang tunog ng pagtawa nito ay parang isang malamyos na musika sa pandinig niya. Napangiti na lang siya nang magsimula na naman itong kumanta habang panay ang strum ng mga daliri nito na animo ay may hawak itong gitara. Naaaliw na hinayaan na lang niya ito sa ginagawa. Halatang nag eenjoy ito. At enjoy na enjoy rin naman ang puso niya na pagmasdan ang kagandahan nito ng mga sandaling iyon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.