“Magandang gabi.” Nakangiting bati ni Blossom nang pumasok si Claud sa maliit na sala ng bahay.
“Buena noches,” ang magkakasabay na bati naman ng nakababatang mga kapatid nito. Gulat na napaatras naman ang binata.
“Ano kuya Claud, magaling na ba kaming magsalita ng spanish? Baka matalo pa namin si nanay.”
“Teka nga,” napakamot sa batok si Claud at nagtatakang tumingin sa kaniya.
“Kinulit nila akong turuan sila ng spanish ‘eh,” sabi niya. Kanina ay nagpaalam ito na sasaglit lang sa isang kakilala para bumisita. Pasado alas otso na ng gabi ito nakauwi at sakto naman na nakahanda na ang mga pagkain sa mesa.
“B-bakit ganiyan ang suot mo?” gulat na bulalas nito nang mapansin ang suot niyang duster.
“Maganda ba?” natatawang sabi niya. Kasyang kasya sa kaniya ang duster na para bang isinukat talaga iyon sa katawan niya. Ang sabi ni Nanay Luz ay hindi naman daw siya pwedeng magsuot ng pajama na siyang nakasanayan niyang isuot kapag matutulog siya. Baka daw kasi mainitan siya dahil wala naman aircon sa bahay ng mga ito. Mabuti na lang at may naitago itong duster na nabili pa daw nito noong dalaga pa ito at sa Maynila pa namamasukan.
“Para ka pa rin maglalaba.”
“Grabe ka!” naipadyak niya ang mga paa sa sobrang inis. Agad naman na kumontra ang mga kapatid ni Claud.
“Uy si Kuya oh, maglalaba daw eh bakit parang titig na titig ka naman kay ate Blossom? At saka tingnan mo nga may maglalaba ba na ganiyan kaganda?” ani Ike.
“Oo nga.” Sambakol ang mukha na sabi niya. Kahit naman nakasuot siya ng duster ay alam niya na nadala pa rin niya iyon ng maayos. Sosyal na sosyal pa rin daw siyang tingnan sabi ni nanay Luz. Napakabait ng matandang babae sa kaniya. Isa pa sa nagustuhan niya dito ay maasikaso ito sa mga anak at nakikita niya na mahal na mahal ito ni Claud.
“Nariyan ka na pala, Claudio. Kumain na tayo.” Mula sa pinto ng maliit na kusina ay dumungaw si nanay Luz. Tumango naman sila at nagpasiyang dumulog na sa hapagkainan. Naupo sa tabi niya si Claud at agad na inasikaso siya. Porkchop at adobong manok ang ulam nila ngayong gabi.
“`Nay bakit hindi po kayo nagluto ng gulay?” tanong niya sa matanda. Naaaliw siya sa tuwing nakikita si Nanay Luz dahil sa apat nitong anak ay si Claud ang masasabi niya na kahawig nito. Ang tatlo pa kasi nitong mga anak ay mahahalata na agad ang pagkakaroon ng dugong Pilipino. Ang sabi ni Nanay Luz ay mas malaki daw ang hawig ni Claud sa ama nito na isang foreigner.
Natawa ito sa tanong niya. “Ang bilin kasi sa akin nitong si Claudio ay huwag na munang magluto ng gulay dahil hindi ka naman kumakain ng mga ganoon. Gusto mo nga ba?”
“Opo.” Mabilis na tugon niya.
“Hala sige, bukas ipagluluto kita ng pakbet.”
Pagkatapos kumain ay pilit na kinumbinsi niya si Claud na hayaan siyang tumulong sa paghuhugas ng mga plato. Nakulitan na marahil ito sa kaniya dahil napapayag niya rin ito sa bandang huli. Pasado alas diyes ng gabi ay nagpaalam na sa kaniya ang matanda na matutulog na sa silid. Dahil hindi pa naman siya inaantok ay lumabas na muna siya ng silid na inookupa nila ni Nanay Luz. Madilim na sa sala at marahil ay nakatulog na rin sa kabilang silid ang ibang mga kasama nila sa bahay.
Agad na umahon ang kuryusidad sa dibdib niya nang mapansin mula sa siwang ng bintana ang tumatagos na liwanag na nagmumula sa labas. Nakakunot noong sumilip siya doon at nang makita si Claud ay nagpasiya na rin siyang lumabas.
Maingat ang mga hakbang na naglakad siya palapit sa binata. Tila napakalalim naman nang iniisip nito. Nakaupo ito sa papag na yari sa lumang kahoy at nakatingala sa maliwanag na kalangitan. Napabalikwas ito ng bangon nang maupo siya sa tabi nito.
“Para ka naman diyan nakakita ng multo.” Sabi niya at inirapan ito.
“Sorry, bakit naman kasi basta ka na lang lumalapit. Hindi ka man lang nagsasalita diyan.”
“B-bakit? may mga multo ba talaga dito kaya parang takot na takot ka? yay!” kahit siya ay parang bigla na rin natakot.
“Wala, at kung meron man ay siguradong matatakot sila sa’yo. Sa taray mo ba naman.” Natatawang wika nito at umayos na ng upo sa tabi niya. Inirapan lang ulit niya ito at tumingin sa mga bituin sa langit.
“Ang ganda nila.” Namamanghang anas niya.
“Oo nga.”
Nang sumulyap siya kay Claud ay nahigit niya ang paghinga nang matuklasan na sa kaniya pala ito nakangitin.
“T-talaga? eh bakit parang sa akin ka naman nakatingin?”
“Ha?”
“Err—” maging si Blossom ay biglang natulala ng bigla niyang itanong iyon kay Claud. Agad na nag init ang mga pisngi niya. “Eh—” napakamot siya sa ulo at nahihiyang sinapo ng mga palad ang magkabilang pisngi.
Nakakahiya! Shit! shit! sheeeeeet! Kung maaari lang ay lamunin na siya ng lupa ng mga sandaling iyon. Dahan dahan siyang lumingon kay Claud ng wala siyang makuhang reaksiyon mula dito.
“H-huwag mo nga akong tingnan ng ganiyan na para bang ngayon ka lang nakakita ng tao.” Kunwari ay pagsusungit niya.
“Correction, ngayon lang ako nakakita ng taong maganda kahit nakasuot ng duster, maliban siyempre sa nanay ko.” Tugon nito.
Kalma! Kalma lang uy may bukas pa. Saway niya sa sarili. Pakiramdam niya ay parang may kung anong humahalukay sa kaloob looban ng sikmura niya. Alam niya na ng mga sandaling iyon ay mapulang mapula na ang mga pisngi niya.
“Sus! kanina nga pagdating natin para kang celebrity, maraming chicks ang sumalubong sa`yo,”
Natawa si Claud. “Pero hindi naman sila kasing ganda mo,”
“At hindi ko rin sila kasing maldita,” napalabi siya. Napailing lang ang binata at muling tumingin sa mga bituin.
“Naniniwala ka ba na kapag wala na ang isang tao ay nagiging isang bituin siya kapag umakyat na siya sa langit?” mayamaya ay tanong nito sa kaniya. Mabagal ang ginagawa niyang pagtango.
“Siguro? hindi ko naman ugali ang tumingin sa mga stars ‘eh.”
At bakit ba ngayon lang parang naging maganda sa paningin niya ang kumikinang na mga bituin? naisip tuloy niya na kaya siguro niya naa-appreciate ang mga ganoong bagay ay dahil sa gwapong katabi niya.
“Ikaw ba?” nilingon niya si Claud. Tumango naman ito at itinuro ang isang bituin sa langit. “Nakikita mo iyon? iyon maliit na bituin sa ibaba ng parang hugis rosary?”
“Oo,”
“Diego ang pangalan na ibinigay ko sa kaniya kasi iyon ang pangalan ng tatay ko na nagpalaki sa akin.”
Hindi niya mapigilan ang pagsikip ng dibdib nang mapansin ang pagbalatay ng hindi maipaliwanag na sakit sa mga mata ng binata. Marahang hinuli niya ang isang palad nito at masuyong pinisil iyon.
Animo ay may maliit na boltahe ng kuryente na dumadaloy sa buong katawan niya at may kakambal iyon na init. Napakabilis din ng tibok ng puso niya at parang kakailanganin na nga siguro niya ng oxygen mask para lang makahinga siya ng maayos.
“Gusto kita.” Hindi kumukurap na bigkas niya.
Unti unting nanlaki ang mga mata ni Claud. Parang liwanag sa madilim na gabi ang magandang pares na mga mata nito. Hawak pa rin niya ang mga palad nito at parang wala na nga siyang balak pa na bitiwan iyon…habambuhay.
“N-nagbibiro ang prinsesa,” pilit na ngumiti ito. Mababakas sa mukha nito ang pagkailang. Halatang hindi ito mapakali.
“Sa tingin mo ba magbibiro ako pagdating sa ganito?” napabuntong hininga siya. Siya ang babae kaya dapat lang na hindi niya iyon ginagawa. Pero sadyang matigas ang ulo niya at kapag may naisip siyang gawin ay walang kahit sino ang makakapigil sa kaniya.
“Blossom…”
“What? hindi mo ako gusto?”
“Hindi sa ganoon..kaya lang..”
“Kaya lang?”
Fuck? Basted agad siya? parang piniga ng maraming beses ang puso niya.
“Hindi iyon ganoon kadali, apo ka ng boss ko—”
“So?” agad na itinaas na niya ang isang kilay niya. Nagpapahiwatig na nakahanda siyang sumabak sa giyera sa oras na hindi niya magustuhan ang iba pang sasabihin nito.
“Magagalit ang lolo mo.” Paliwanag nito. Napapalatak siya.
“May batas ba na nagsasabi na bawal magkagusto ang isang mayaman na katulad ko sa isang mahirap na katulad mo, ha? wala `di ba?” giit niya.
Bumaha ang pagtutol sa maamong mukha ni Claud. Nakikita niya ang katuwaan sa mga mata nito pero para bang may kung anong pumipigil dito. Nagsisimula na siyang mainis dahil napahiya agad ang beauty niya. Binitiwan niya ang kamay nito at nagdadabog na tumayo. Nakaawang ang mga labi na tumingin lang ito sa kaniya.
Napangisi siya ng bigla ay may maisip siyang kalokohan. Pumihit siya paharap sa binata at kinabig ito sa batok. Nanlaki ang mga mata nito nang halikan niya ito sa mga labi. Nang pakawalan niya ang mga labi ng binata ay marahang dinutdot niya ng isang daliri ang noo nito.
“Imprinting ang tawag diyan sa ginawa ko, minarkahan na kita kaya akin ka na ngayon at huwag na huwag kong malalaman na nakikipaglapit ka pa sa ibang babae sa school man o dito sa lugar ninyo. Yari ka sa akin.” Napalunok siya nang dumampi ang mainit na hininga nito sa mga pisngi niya. Halos isang dangkal lang kasi agwat ang pagitan nilang dalawa. Parang doon lang tumimo sa utak niya ang nangyari. Napadiretso siya ng tayo at parang nagmamartsang robot na naglakad na siya pabalik sa loob ng bahay. Nang maisara niya ang pinto ay hindi makapaniwalang isinandal niya ang likod sa dahon niyon. Natutop niya ang kaliwang dibdib ng hindi niya maawat awat ang puso niya sa pagwawala. Daig pa niya ang nakipagkarerang kabayo dahil walang kasing bilis ang tibok ng puso niya.
Halaaa! Anong ginawa ko?