Chapter BLOSSOM IN MY HEART (end)

Two years later…

Napangiti si Blossom nang marinig niya ang malakas na paghagikhik ng isang taong gulang na anak. Naroon ito sa kama at tawa ng tawa habang nakikipaglaro sa tita Cherry nito. Itinigil niya ang eempake ng mga damit sa maleta at naupo sa tabi ng kapatid.

“Ate, kaya mo ba talaga?” tanong niya. Limang araw din silang mawawala ng asawa niya dahil sinorpresa siya nito ng bakasyon sa Japan para daw sa second honeymoon nila. Nang malaman ni Cherry ang planong bakasyon ni Claud ay agad na nagprisinta ito na alagaan ang pamangkin.

“Ako na ang bahala dito kay Blue, five days ka lang naman mawawala noh. Kaya ko na ito, gora lang kayo ni Claud para naman sa pagbabalik mo ay maging kuya na si Blue.”

Natawa siya sa sinabi ng kapatid. Mag iisang na taong kasal kay Nic at alam niya na sabik na itong magkaroon ng anak. Kaya nga sa tuwing naroon ito sa mansiyon ay halos ayaw na nitong bitiwan ang pamangkin.

“Nasaan nga pala si lolo?” bigla ay naalala niyang itanong dito.

“Kasama sila Nick at Claud, maglalaro daw ng golf. Naku hayaan na nga natin sila.” Pinaulanan nito ng halik ang buong mukha ni Blue. Napailing na lang siya at hindi na muling nagsalita pa. Sa loob ng dalawang taon ay unti unti na niyang natutunan na patawarin si Cherry. Ngayon ay magkasundo na sila at naging malapit pa sa isa’t isa. Mas naging masaya pa nga ang samahan nila dahil kahit ang magpinsan na sila Amethyst at Carmen ay nakigulo sa kanila. Nakatulong na rin ang magpinsan dahil nawala ang pagkailang niya sa kakambal sa tuwing magkasama sila.

“Salamat, ha?”

“Ha?” nalilitong tanong niya nang tumingin sa kaniya ang kakambal. “Saan?”

“Sa lahat, malaki kasi ang kasalanan ko sa`yo noon pero mas pinili mong tanggapin pa rin ako at ang pagkukulang ko sa’yo.”

Tinapik niya ito sa balikat. “Wala na iyon, ate. Lahat naman tayo ay natatakot at nagkakamali. Ang importante ay hindi na mauulit ang nangyari noon.”

“Tama.” Ngumiti ito at ginulo ang buhok niya. Pagpatak ng alas singko ng hapon ay nakaramdam naman siya ng antok at pagod sa pag eempake niya. Sakto naman na hiniram ng ate Cherry niya si Blue kaya nakatulog siya ng matagal. Mayamaya pa ay naramdaman niya na may kung anong mainit na bagay ang dumampi sa noo niya.

Dahan dahan niyang iminulat ang mga mata at agad na sumilay ang ngiti sa mga labi niya nang masilayan ang maamong mukha ng asawa niya.

“Napagod ka ba, mahal? sabi ko naman sa`yo kanina ay hintayin mo na lang ako para matulungan kita sa pag eempake mo.” Tumabi ito ng higa sa kaniya at tinulungan naman niya ito na ibalot ang katawan sa malaking comforter.

Napaingos siya. “Bakit pa? malamang pagod ka dahil maghapon na naman kayong naglaro ng golf nila lolo.”

Natawa naman ito at kinabig siya. Nagsumiksik siya sa mainit na dibdib ng asawa habang walang sawa na kinikintalan nito ng masuyong halik ang ibabaw ng ulo niya. Kontentong ipinikit niya ang mga mata. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa isang perpektong buhay na ibinigay sa kaniya ng diyos.

Simula nang mangyari ang insidente noon kung saan kamuntik nang mabaril si Claud ng hired killer na binayaran ng isang pulitiko na nakalaban nito sa isang kaso ay hindi na maalis alis ang takot sa dibdib niya. Kaya nang magresign na ito bilang attorney ng PAO at nagdesisyon na tumulong na lang sa pamamalakad ng kompanya ng lolo niya ay natahimik na ang loob niya. Hindi niya kasi kakayanin kapag napahamak na naman ito at wala siya sa tabi nito para maprotektahan ito.

Nang makaramdam siya nang pangangasim ng tiyan ay napilitan siyang bumangon.

“Ayos ka lang ba, mahal?” nag aalalang tanong ng asawa niya nang mapansin nito na hindi siya komportable.

“Hindi ko alam, parang nasusuka ako eh,” patakbong nagpunta siya sa c.r. at naramdaman niya ang pagsunod nito sa kaniya.

“May masakit ba sa’yo? gusto mo ipatawag ko sa Nick?” anito habang hinahagod ang likod niya. Pinipilit niyang ilabas ang lahat ng kinain niya habang nakayuko siya sa maliit at pabilog na lababo. Nang matapos ay nanghihinang naghilamos na siya.

“Okay lang ako,” nang dumako ang mga mata niya sa bathroom cabinet ay natigilan siya. Kompleto pa rin ang stock niya ng sanitary napkin kahit dalawang buwan na ang nakakaraan mula ng bilihin niya iyon.

“Mahal,” natitigilang napahawak siya sa braso ni Claud.

“Yes?” hinaplos nito ang pisngi niya.

“B-buntis yata ako,” maluha luhang sabi niya at tumingin dito. Bumaha ang magkakahalong emosyon sa buong mukha nito. Nagulat siya ng bigla itong sumigaw at binuhat siya. Impit na napatili siya dahil sa pagkagulat.

“I love you! I love you princess.” Punong puno ng emosyon ang mga matang wika nito. Nang bitiwan siya nito ay kontentong ipinaloob niya ang mga palad sa magkabilang pisngi nito.

“Salamat.” Pigil ang emosyon na turan niya.

“Para saan?” kumibot ang mga labi nito at matamang pinagmasdan siya.

“Sa lahat. Sa pagmamahal mo, sa masayang buhay sa piling mo, sa pagbibigay sa akin ng isang napakagwapong anghel at ngayon ay madadagdagan pa.”

“Gawin na nating kambal, sayang ang honeymoon sa Japan.” Pilyong sabi nito at hinagod ang impis na tiyan niya.

“Seryoso ako,” sabi niya at mahinang hinampas nito sa balikat. Napalabi naman ito. Naaaliw na pinisil niya ang kaliwang pisngi nito. “Te amo, I love you mahal.”

Nagliwanag ang buong mukha nito. Naitukod niya ang mga palad sa dibdib nito nang hapitin siya nito sa baywang. Awtomatikong ipinikit niya ang mga mata nang yumuko ito para angkinin ang mga labi niya. Ilang hibla na lang ang agwat nito sa kaniya ng bigla siyang may maalala. Gulat na naitulak niya palayo si Claud.

“What? why?” nalilitong tanong nito.

“Mamaya na, hindi pa ako nagsesepilyo kadiri kaya.”

Napakamot ito sa batok. “Okay lang para saan pa at naging mister mo ako kung hindi ko kayang tanggapin ang mga ganitong bagay,”

“Kadiri pa rin, labas!” itinulak niya ito palabas ng banyo at agad na isinara ang pinto. Panay naman ang reklamo nito at hindi tinigilan ang pagkatok sa pinto.

“Princess naman,”

“Mahal kita pero kadiri talaga kapag nagpakiss ako sa`yo ng hindi man lang nagsesepilyo.”

“Five minutes lang ha?”

Napahagikhik siya. Alam kasi nito na matagal talaga siyang magtootbrush.

“No, make it ten,”

“No!”

“I love you.”

“I love you too.”

“Then shut up.”

“Make me,”

“Later,”

“Fine. I love you more.”

Precious. Hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya kapag ganoon na nangungulit ang gwapong mister niya. Pero siguro nga ay ganoon ang pag ibig. Kahit sa nakakadiring eksena ay matatagpuan mo na lang ang sarili mong ngumingiti sa mga ganitong pagkakataon.

-------end-------

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.