Chapter BLOSSOM IN MY HEART 11

Nagpasiya si Blossom na libangin na muna ang sarili sa paglilinis ng table niya. Nakatanggap kasi siya ng tawag mula kay Claud at ipinaalam nito sa kaniya na medyo mahuhuli ito ng pagsundo sa kaniya ngayong hapon dahil marami pa itong ginagawa sa opisina.

Nang matapos siya sa paglilinis ng table ay naisipan niyang bisitahin ang parlor ng magpinsan. Magtetext na lang siya sa binata para sabihin na sa parlor na lang siya nito sunduin mamaya. Isinukbit niya ang bag sa balikat niya at tumayo na. Nang lumingon siya sa pinto ay natigilan siya nang mapansin na hindi na lang pala siya mag isa sa loob ng classroom. Nakatayo sa may bandang pinto si Cherry at tahimik na pinagmamasdan siya.

“A-ate..” natitigilang anas niya. Pakiramdam niya ay para siyang ipinako sa kinatatayuan niya nang maglakad ito palapit sa kaniya. Naitukod niya ang isang palad sa mesa at pigil ang emosyon na tumingin sa babae.

“Kamusta ka na?” tila naiilang na tanong ng kakambal. Mabagal na tumango naman siya.

“Okay lang, ano, ah..upo ka muna,” kumuha siya ng isang armchair at inilapag iyon sa tabi nito. Tahimik na naupo naman ito. Naupo na rin siya sa sariling silya niya at pinakiramdaman ang kapatid.

“G-galit ka pa rin ba sa akin, Blossom?”

Hindi agad siya nakapagsalita. Kung noon siguro ito nagtanong sa kaniya ng ganoon ay baka naghurumentado na siya at nasaktan pa ito dahil sa matinding galit niya. Pero wala siyang kahit anong galit ngayon sa dibdib niya nang makita si Cherry.

Habang pinagmamasdan niya pa nga ito ay parang biglang bumalik ang mga alaala niya noong kabataan nila. Bigla siyang nanghinayang sa napakaraming taon na nawala sa kanilang dalawa. Kung lumaki sana sila na magkasundo ay hindi marahil mangyayari ang mapait na nakaraan na pareho nilang pilit na tinatakasan.

“Maghihintay naman ako eh, kung kailan mo ako kayang patawarin. Kahit abutin pa ng ten years o thirty years iyan.”

“Bakit mo ba ginagawa ito?” malamig ang emosyon na tanong niya dito. Nag unahan sa pagpatak ang mga luha nito at malungkot na ngumiti sa kaniya.

“Dahil alam kong ang kapatawaran mo lang ang tanging paraan para matahimik na ang konsensiya ko.”

“Ate, hindi ganoon kadali iyon.”

“Alam ko, maniwala ka hindi ko gustong guluhin ka. Kaya lang ay napanaginipan ko si mommy kagabi at kinausap niya ako sa panaginip ko. Ang sabi niya sa akin ay panahon lang ang makapagsasabi kung hanggang kailan mananatili ang galit diyan sa puso mo. Pero hindi daw dapat ako na mapagod sa paghihintay ng kapatawaran mo.”

Napabuntong hininga siya. Animo ay piniga ng maraming beses ang puso niya nang marinig ang pag iyak nito.

“Inggit na inggit kasi ako sa`yo noon ‘eh. Malaya kang nagagawa ang gusto mo samantalang ako kailangan kong sundan ang yapak ni mommy kasi iyon ang gusto ni lolo. Naalala mo ba noong maliit pa tayo at inaway ako ng mga kaklase natin? ipinagtanggol mo ako at ang sabi mo pa sa kanila ay hindi nila dapat na ginugulo ang mahihinang kagaya ko. Galit na galit ako sa’yo noon.”

“Ate hindi ganoon iyon!” giit niya.

“Alam ko, mahina kasi ako noon at sakitin pa. Kaya nga siguro nasabi mo iyon sa kanila ay para tigilan na nila ako. Dahil ayaw mong masaktan ako. Pero iba kasi ang naging dating sa akin noong sinabi mo. Natuto akong magalit at magkaroon ng inggit sa`yo. Kaya nang lumapit sa akin noon si Phil at inakala niya na ako ang ex girlfriend niya ay sinamantala ko na ang pagkakataon. Pero hindi ko inakala na mauuwi sa ganito ang lahat. Aaminin ko na nagtago ako noon dahil sa takot ko na baka magalit si lolo kapag nalaman niya ang mga pagkakamali ko. Pero bakit nga naman ako matatakot kung ang inaakala ni Phil ay ikaw pa rin ang kasama niya ng mga panahon na lulong kami sa drugs. I-I’m sorry..” malakas na napahagulhol ito.

Kahit hindi niya magawang lapitan ang kapatid at yakapin ito ay parang pinapatay naman siya sa matinding sakit habang naririnig niya ang pag iyak nito. Hindi niya mapigilan ang emosyon niya hanggang sa tuluyan nang pumatak ang mga luha niya.

Maaaring wala na siyang makapang galit para dito pero hindi ganoon kadali para sa kaniya na tanggapin ang paghingi nito ng tawad. Malalim ang sugat na iniwan sa kaniya ng ginawa ni Cherry at maaaring tama nga ito ng sabihin nito na tanging ang panahon lang ang makapagsasabi kung kailan niya tuluyang makakalimutan ang nangyari.

“Aalis na ako, baka naiistorbo na kita.” Malungkot na tumayo na si Cherry. Hindi siya nagsalita at hinayaan lang ito. Pero hindi rin naman niya ito matiis kaya tinawag niya ito.

“Ate,”

Lumingon sa kaniya si Cherry. Matipid na ngumiti siya sa kapatid. Siguro ay hindi naman siya mahihirapan na pakitunguhan ng pormal hanggang sa unti unti na siyang masanay ulit lalo pa at mapapadalas na ang pagkikita nila ngayon.

“Umuwi ka na sa bahay, may sakit si lolo at kailangan niya tayo ngayon.”

“May sakit si lolo?” napakunot noo ito.

“Oo, hindi ba niya nasabi sa`yo? nawalan daw siya ng malay noon habang nasa opisina siya,”

“Walang sakit si lolo.” Napailing pa ito. “Ang doktor na tumitingin sa kaniya ay ang mismong fiancée ko. Nakausap ko si Nick at ang sabi niya ay okay naman si lolo at dala lang ng masyadong stress at pagod sa trabaho kaya siya nawalan ng malay.”

Shit. Pakiramdam niya ay parang sasabog ng malakas ang ulo niya ng mga oras na iyon. Nang magpaalam na ang kapatid niya ay parang hindi man lang niya ito narinig. Halos hindi na niya namalayan ang oras at nanatili lang siyang sa silid habang panay ang patak ng mga luha niya.

Naiintindihan na niya ang lahat. Niloko lang siya ng lolo Calixto niya at nakipagsabwatan pa si Claud dito para lang mapabalik siya sa mansiyon. Kung sasabihin nga naman ng mga ito sa kaniya na malala ang sakit sa puso ng lolo niya ay siguradong mag aalala siya at mapipilitan na bumalik sa poder ng matanda.

“Mahal?”

Naikuyom niya ang mga palad nang marinig ang tinig ni Claud. Nagmamadaling lumapit naman ito sa kaniya. Lumuhod ito sa harap niya at sinapo nito ang mga pisngi niya.

“Bakit ka umiiyak?” mababakas ang labis na pag aalala sa mukha na tanong nito sa kaniya. Nakagat niya ang mga labi at tinabig ang kamay nito.

“Totoo ba na niloko lang ninyo ako ni lolo? Na wala naman talaga siyang sakit?” nasapo niya ang kaliwang dibdib ng bigla niyang maramdaman ang paninikip niyon.

“Totoo ba? ano?!” tila mauubusan na ng pasensiya na bulyaw niya dito. Nanlulumong tumango naman ito.

“A-ang sama ninyo!” nagpumiglas siya nang subukan siya nitong hawakan sa isang palad. Tumayo na siya at nagmamadaling lumabas ng silid. Sumunod naman ito sa kaniya habang paulit ulit na tinatawag siya nito. Hindi na niya pinansin pa si Claud hanggang sa makarating sila sa malaking gate ng eskwelahan. Maging ang mga gwardiya ay nagulat nang mapansin ang pagtatalo nilang dalawa.

“Ihahatid na kita—”

“Ayokong sumakay sa kotse mo at mas lalong ayokong umuwi sa mansiyon, magsama sama kayo!” bulyaw niya dito at nilampasan niya ang kotse nito. Mas lalong tumindi ang galit niya ng hindi pa rin siya nito tinigilan. Panay pa rin kasi ang buntot nito sa kaniya. Nagtatagis ang mga bagang na pumihit siya paharap dito. “Ano ba Claud! Tama na! bakit ba kasi hindi na lang ninyo ako pabayaan?”

“Dahil hindi ko kayang pabayaan ka na lang ulit. Tama ng minsan ay hinayaan kong mawala ka sa akin. Ang sabi ng lolo mo noon ay kailangan mo lang naman daw na hanapin ang sarili mo. At ako, kailangan ko daw na maging successful sa buhay para kapag dumating ang tamang panahon na magkita ulit tayo ay hindi na ako magiging alangan sa`yo at pwede mo na akong ipagmalaki. Damn! nandito ka eh.” Itinaas nito ang kanang kamay sa ibabaw ng ulo nito. “At nandito lang ako,” ang kaliwang kamay naman nito ay nasa bandang dibdib nito. “Napakalayo ng agwat natin at kahit igapang ko pa ang lahat ng kaso na hawak ko at maipanalo ko iyon ay hindi pa rin ako maaaring pumantay sa yaman ng pamilya mo. Kaya nga pumayag na ako sa suhestiyon ng lolo mo ay dahil desperado na rin akong bumalik ka agad. Dahil kung hihintayin ko pa na kumapal ng kumapal ang pera ko sa bangko bago kita hanapin ulit..” tumaas baba ang dibdib nito at ilan beses na napailing. “Baka hindi ko na kayanin..baka tuluyan na akong mabaliw.”

Awang ang mga labing pinagmasdan niya ang binata. Nakita niya ang katapatan sa mga mata nito. Patuloy ang pagdaloy ng masaganang luha niya. Hanggang sa matigilan siya ng bigla ay may isang motor ang tumigil malapit sa kinatatayuan ni Claud. Parehong nakahelmet ang mga ito kaya hindi niya makita ang mukha. May kung anong kinuha mula sa bulsa ng bag ang isang lalaki at itinutok iyon sa binata.

“Claudio!” nagimbal siya nang makita na baril pala ang hawak ng lalaki. Patakbong lumapit siya sa binata at niyakap ito. Magkasabay silang natumba sa sahig kasabay nang malakas na putok ng baril na narinig nila.

Narinig niya ang malakas na pagmumura nito at ang mahigpit na pagyakap nito sa katawan niya para maprotektahan siya. Naalerto naman ang mga gwardiya ng eskwelahan dahil sa malakas na putok ng baril kaya nilapitan sila ng mga ito.

“Sir, ma’am okay lang po ba kayo?” tanong ng isang security guard. Tumango si Claud at maingat na tumayo habang inaalalayan siya.

“Are you okay? may masakit ba sa`yo?” nag aalalang hinawakan siya nito sa mga balikat. “Tell me, please?”

Nanginginig ang mga palad na napailing siya. Halos hindi niya magawang magsalita dala ng matinding takot at pagkagulat. Umalis ang mga gwardiya para tumawag daw ng mga pulis kaya muli silang naiwan doon. Huminga siya ng malalim at malakas na napahagulhol. Pinangko naman siya ni Claud at maingat na dinala sa mga bisig nito.

“It’s okay, baby, wala na sila.”

Umiiyak na tumango na lang siya. Nanguyapit siya sa batok nito at ibinaon ang mukha sa mainit na dibdib nito. Hindi niya mailarawan ang matinding takot na naramdaman niya kanina nang makita ang hawak na baril ng lalaking nakasakay ng motor. Kung hindi niya ito agad nakita kanina ay tiyak na nabaril na nito si Claud.

“I love you..” paulit ulit na anas nito Claud sa kaliwang tenga niya habang pangko siya nito at tinatahak nito ang direksiyon patungo sa sasakyan nito. Dahil sa labis na pagkabigla ay nawalan na siya ng lakas na tumugon pa sa sinabi nito. Kontentong ipinikit niya ang mga mata at muling isinandal ang ulo sa dibdib nito habang pinapakinggan ang pintig ng puso nito.

Ah, saka na lang siguro siya babawi sa lalaki.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.