Chapter THE MAGIC IN YOU 8

Kahit na nakaramdam nang panlulumo ay pilit na ngumiti na lang si Suzy matapos niyang bilangin ang perang kinita ng peryahan ngayong gabi. Halos hindi pa umakyat ng isang libong piso ang kita nila at kung magpapatuloy pa iyon ay siguradong hindi matatapos ang taon ay matitigil na ang operasyon ng peryahan.

Inihanda na niya ang mga sobreng pinaglagyan niya ng sweldo ng mga tauhan at lumabas na siya ng lumang kwarto na nagsisilbing opisina niya. Ang mga tauhan ay mukhang kanina pa naghihintay sa labas at nang makita siya ay parang nabuhayan ng pag asa na ngumiti ang mga ito.

Kahit mabigat ang pakiramdam niya ay pilit na ngumiti siya at pinagmasdan isa –isa ang mga tauhan ng lolo Impeng niya. Kung dati ay lampas kuwarenta ang mga tauhan nila ngayon ay halos wala pa sa kalahati ang mga ito. Nang lapitan siya ng unanong si Tata Denong para kunin ang sahod nito ay parang gusto niyang maiyak. Mula pagkabata ay kasama na niya ang matandang unano at ito pa nga ang nagturo sa kaniya na gumamit ng mga magic tricks hanggang sa isinama na siya nito sa pagpeperform sa entablado.

“Salamat po sa inyo.” Sabi niya sa mga ito matapos niyang maibigay ang pera. Nang sulyapan niya ang manghuhulang si Tiya Guanda ay napakunot noo siya nang lapitan siya nito.

“Suzy, anak itago mo na lang muna itong perang ito. Hindi ko pa naman kailangan.”

Umiling siya at ibinalik sa matanda ang sobre. Malapit ang loob niya sa matandang babae dahil halos ito na ang kinikilala niyang ina habang lumalaki siya. Ito ang palaging nag aalaga sa kaniya sa tuwing nagkakasakit siya simula noong maliit pa lang siya.

“'Nay sige lang po. Magsasabi naman po ako sa inyo kapag hindi ko pa kayang magpasweldo sa inyong lahat. Maayos naman po ang kita natin ngayong buwan at hindi po pwedeng pabayaan ko na lang kayong lahat, pamilya ko po kayo.”

Ngumiti ang matanda at hinawakan ang kanang palad niya. Nang mapasulyap ito sa guhit ng palad niya ay biglang natigilan ito at nagliwanag ang mukha.

“B-bakit po?” nalilitong tanong niya.

“Anak, may darating sa'yong swerte. Isang lalaki ang tutulong sa atin at nakikita ko sa palad mo na nagtagpo na ang mga landas ninyo.”

Napangiti siya sa sinabi ng nanay-nanayan niya. Alam niyang effective itong manghuhula kaya naniniwala siya sa sinabi nito.

“Talaga po?” nangingiting sabi niya. May pag asa pa pala siya kahit na pumalpak siya kay Miguel.

Kailangan niyang maghanap ng bagong prospect bago pa man mahuli ang lahat at maunahan siya ng dalawang kapatid niya.

Nang makaalis na ang mga tauhan ay nagpasiya na siyang maglakad patungo sa likod ng peryahan kung saan naroon ang lumang bahay. Uminit agad ang ulo niya nang makita niya ang kuya Jepoy niya na naghahalungkat sa silid niya.

“Anong ginagawa mo?!” inis na singhal niya dito nang makita na magulo na ang kama niya.

“Huwag ka ngang maingay, magigising si lolo Impeng.” Anito habang binubutas ang isang unan niya.

Nilapitan niya ang kapatid at agad na itinulak ito palayo. Pinagmumura niya ito at dinuro.

“Hindi mo ba alam na trespassing ka, ha? Kwarto ko ito!” singhal ulit niya.

Napabuntong hininga si Jepoy.

“Kailangan ko ng pera dahil may date kami ng nililigawan ko.”

Naikuyom niya ang mga palad at tiningnan ito ng masama.

“Wala na akong pera, nagpasweldo ako sa mga tauhan.” Malamig na sabi niya.

“Anak ng tinapa naman! Sila pa ba ang inuuna mo kaysa sa akin na kapatid mo?”

“May mga pamilya silang umaasa sa kanila, kuya. Mahiya ka nga sa balat mo! Sa akin ka pa talaga hihingi ng pang motel mo?”

Lumapit ito at hinila ang kwelyo ng damit niya. Aktong susuntukin siya nito pero inunahan niya ito at agad na tinuhuran niya ang pagkalalaki nito.

Namutla ito at namimilipit sa sakit na binitiwan siya. Mabilis ang mga kilos na lumapit siya sa drawer niya at dinampot ang bakal na gunting sa ibabaw niyon.

“Yan! Ganiyan ang dapat sa'yong tarantado ka. Sige, subukan mong kantiin ako at hindi ako magdadalawang isip na gripuhan ka sa leeg.” Nanggigigil na banta niya kay Jepoy.

“May araw ka rin sa akin!” sigaw nito nang ipagtulakan niya ito palabas ng kwarto niya.

Nang iinsultong tiningnan niya lang ito at pinagsarahan ng pinto. Nang mapag isa siya sa kwarto niya ay nanghihinang napaupo siya sa kama. Nang maalala niya ang taong naging dahilan ng palpak na plano niya ay agad na umahon ang matinding inis sa dibdib niya.

Alam niyang hindi na niya pwedeng gamitin pa si Miguel para sa mga plano niya. Nabisto na siya ni Juancho. Pero patutunayan niya sa lalaki na kayang kaya niyang akitin ang kapatid nito. Ininsulto siya nito at magpasensiyahan na lang silang dalawa dahil plano niyang gumanti.

Humanda ka sa akin Juancho Mondemar!

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.