"Hindi na talaga kita maintindihan kuya Juancho, nakabalik ka na nga pero ayaw mo pa ring hawakan ang mga negosyo mo. Kahit sila mommy nagtataka na sa'yo."
Napapabuntong hininga na lang si Juancho habang patuloy si Miguel sa panenermon sa kaniya. Alam niyang hanggang ngayon ay naninibago pa rin ang mga ito sa kaniya.
Dati kasi ay hindi siya ang tipo ng tao na magliliwaliw na lang buong araw at hindi iintindihin ang mga trabaho na nakatoka sa kaniya. Maliban kasi sa mga negosyong pag aari niya sa bayan nila katulad ng hotel at ilang mga commercial building ay may mga negosyo rin siya sa Maynila.
Katuwang din siya ng kaniyang ama sa pamamalakad ng kompanya nila.
Pero sa ngayon ay wala pa siyang balak na bumalik sa dati niyang buhay. Masyado siyang natutok noon sa trabaho kaya mas gusto niyang sulitin pa ang pagpapahinga niya.
"Hindi ka pa rin ba makamove on sa pagkamatay ng fiancée mo?"
"What?" gulat na napalingon siya kay Miguel.
Bumagal ang paghakbang ng mga paa niya nang marinig ang sinabi nito. Naroon sila sa pasilyo ng pag aari niyang hotel. Nang dumating siya kanina ay naabutan niya itong nag iikot sa buong hotel kasama ang assistant na si Doro.
Kanina pa hindi makatingin ng diretso sa kaniya ang assistant ng kapatid niya. Natitiyak niya na alam na nito ang nangyari sa pinsan nito at natatakot ito na baka magsumbong siya.
"Hindi ka pa rin ba makamove on sa nangyari sa fiancée mo?" seryosong tanong ni Miguel sa kaniya.
Awtomatikong nag isang linya ang mga kilay niya at sinalubong ito ng tingin.
Ano nga ba ang dapat niyang isagot kay Miguel? Alam niya sa sarili niya na nakalimutan na niya ang nangyari. Pero kahit papaano ay may bakas pa rin ng sakit ang nangyari sa kanila ni Eunice. He used to be a playboy.
Walang babaeng lumapit sa kaniya ang hindi niya pinagbigyan pagdating sa kama. Pero mula nang makilala niya ang fiancée niya ay nagbago siya. Kay Eunice na lang at sa trabaho niya umiikot ang mundo niya. Kaya ng bigla itong nawala sa kaniya ay nawalan ng direksiyon ang buhay niya.
"Sabihin na lang natin na naliligaw ako noon at ngayon ko pa lang unti unting nakikita ang tamang daan. Bro, hindi mo pa ako maiintindihan sa ngayon. Maghanap ka na muna ng babaeng mamahalin mo para malaman mo ang gusto kong sabihin." Sabi niya at tinapik ito sa balikat.
"Nah," marahas na napailing ito.
"Ayoko ng seryosong relasyon."
"Playboy,"
"Tsss."
Balak pa sana niyang biruin ang kapatid pero nagtaka siya nang mapansin na parang natigilan ito at nakatulalang tumitig sa direksiyon ng revolving door. Daig pa nito ang natuklaw ng ahas dahil kahit ang pagkurap ng mga mata ay hindi na nito magawa.
Nang sundan niya ng tingin ang direksiyon na tinitingnan ni Miguel ay ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makita niya ang isang babaeng kahawig ni Angel Locsin na papalapit sa kanila.
Oh man!
Hindi niya magawang sisihin si Miguel kung halos lumuwa na ang mga mata nito sa pagtitig sa babaeng bagong dating. Kahit siya ay parang may masidhing damdamin ang nag uumalpas sa dibdib niya habang pinagmamasdan ang babae.
Kung tutuusin ay simple lang naman ang suot ng babae. Red T-shirt ang pang itaas nito na hapit na hapit sa katawan nito at may mababang V neckline kaya lumilitaw ang magandang hubog ng cleavage nito.
Hindi magawang itago ng maong shorts na suot nito ang matambok na pang upo at makinis na mga hita nito. Walang masyadong inilagay na kolorete sa mukha ang babae pero sapat na ang manipis na lipstick sa mga labi nito at nang aakit na tingin nito para magtagumpay itong kunin ang atensiyon nilang magkapatid.
Parang isang napakagandang diyosa na naglalakad ito palapit sa kanila ni Miguel. Sinong lalaki ang hindi matutulala sa babaeng ito kung kahit sa simpleng paggalaw lang ng balakang nito o paghawi sa makintab at mahabang buhok ay napakasexy na nitong tingnan.
Pakiramdam niya ay literal na tumigil sa pagtakbo ang oras niya ng tuluyang makalapit sa kanila ang babae. Nakita niya kung papaano ito ngumiti ng matamis kay Miguel bago sila nilampasan.
Suzy!
Naikuyom niya ang isang palad nang makita kanina ang nanghahamong tingin nito sa kaniya. Nakita niya ang pagmamadali sa kilos ni Miguel nang pulutin nito ang nalaglag na panyo at hinabol ang babae para ibalik iyon.
Gusto niyang magwala sa inis at hilahin palayo sa lugar na iyon si Suzy. Pero bakit? Ilang araw na niyang hindi maintindihan ang sarili niya. Dapat noong una pa lang ay sinabi na niya kay Miguel ang plano ni Suzy para mabigyan niya ito ng warning.
Pero anong ginagawa niya? Sa halip na magsumbong siya sa kapatid niya ay gumawa pa siya ng paraan para makalapit siya sa babae.
Hindi niya mapigilan ang sarili niya na lapitan ito noong gabi ng party. Kinailangan pa niyang magpanggap na si Miguel para lang makuha ang atensiyon nito. Hindi niya alam kung bakit napakalakas ng hatak sa kaniya ni Suzy. May mga gabi na halos hindi siya makatulog sa pag iisip dito.
Umabot pa siya sa punto na nagmumukha na siyang stalker dahil maliban sa pinaiimbestigahan pa rin niya ito hanggang ngayon ay palagi rin niyang binibisita ang Facebook account nito.
Nang matuklasan niya ang tungkol sa totoong pagkatao nito at ang dahilan kung bakit ganoon na lang ang determinasyon nito na magbuntis ay hindi niya makuhang magalit dito. Obviously ay hindi naman dahil sa pera ng pamilya niya kaya gusto nitong magkaroon ng anak kay Miguel.
Malinaw niyang narinig ang mga sinabi nito noon kay Doro habang nag uusap ang dalawa sa coffee shop.
Pero humanga siya kay Suzy nang malaman na halos ito na pala ang nagtataguyod sa pamilya nito. Kahit nalulugi na ang peryahan ay hindi pa rin ito sumusuko. Kahit isang beses siguro ay hindi man lang sumagi sa isip nito na ibenta na lang ang negosyo ng pamilya para huwag nang mahirapan pa.
Madalas niya itong pagmasdan sa malayo at nakita niya kung gaano nito kamahal ang mga tauhan nito.
Sa kabilang banda ay nakikita niya si Eunice dito. Katulad ni Suzy ay mapagmahal at matulungin din kasi ang fiancée niya. Sa tuwing nakikita niya si Suzy ay parang may kung anong binubuhay ito sa namatay na bahagi ng puso niya.
Nang marinig niya ang masayang tawanan ng dalawa ay parang gustong kumulo ng dugo niya. Nagseselos ba siya? Fuck!
"Eh sir, alam ko naman po na alam na ninyo ang tungkol sa ginawa ng pinsan ko. P-pasensiya na po talaga-"
"Patatawarin kita, Doro pero gusto kong ilayo mo na ang amo mo sa pinsan mo ngayon din." Magkasalubong ang mga kilay na utos niya.
Oh God! Nagseselos na nga yata ako...
"Opo, bossing!" patakbong lumapit sa dalawa si Doro at kinausap si Miguel.
Narinig niyang ipinaalala ni Doro sa amo ang business meeting na malapit nang magsimula kaya nagmamadaling nagpaalam na ito.
Halos sumigaw na siya sa inis nang makita niya na nagpalitan pa ng contact number ang dalawa. Kulang na lang ay magdilim na ang paningin niya at hindi na niya halos pinansin pa si Miguel nang nagmamadaling nagpaalam na ito sa kaniya.
Si Suzy naman ay pumihit paharap sa kaniya at nakataas ang isang kilay na pinagmasdan niya. Parang gustong sumabog ng dibdib niya nang makita niya ang pagkislap ng katuwaan sa mga mata nito.
Inilang hakbang niya ang malaking agwat sa pagitan nilang dalawa at madilim ang mukha na hinaklit niya ito sa braso.
"Let's talk." Mariing sabi niya.
"Nag uusap na tayo ngayon, Mr. Mondemar." Malambing ang tinig na saad nito.
Hindi na siya nagsalita pa at nakasimangot na hinila na lang ito patungo sa direksiyon ng elevator.
"Saan tayo pupunta?"
"Sa lugar na wala kang maloloko."