“Hindi ako makapaniwala na kaya mong gawin sa akin ito, mommy, hindi mo man lang inisip na lalaki ako at baka kung anong isipin ng mga empleyado ko.” masamang masama ang loob na sumbat ni Miguel sa kaniyang ina.
Nang marinig ang malakas na tawanan ng mga kapatid niya ay mas lalong nag init ang ulo niya.
Isang magandang balita ang natanggap nila kaya nagtipon sila para magcelebrate. Sa sobrang saya ng mommy niya nang ianunsiyo ng kuya Jaime niya na nagproposed na ito ng kasal sa girlfriend nitong si Allyson ay nagluto pa ito ng masasarap na mga putahe na paborito nilang lahat.
Sa palagay niya ay tama lang naman na magcelebrate sila dahil alam niya na hindi rin biro ang pinagdaanan ng kapatid niya habang sinusuyo nito ang girlfriend na si Allyson. Ngayon na nakikita niyang masaya ang kuya Jaime niya at magkakaroon na ng bagong ina ang triplets na sila Keannu, Kenshin at Kean ay masasabi niya na masayang masaya siya para sa mga ito.
“Ano ba ang masama sa ginawa ni Dorothea?” nangingiting tanong ng ina.
Napailing na lang siya at hindi makapaniwalang tiningnan ito. Naroon sila sa malaking sala ng mansiyon at masayang nag uusap hanggang sa maisingit niya ang tungkol sa ginawa sa kaniya ng magaling niyang bodyguard.
“Ipinahiya niya ako sa harap ng mga empleyado ko, mommy, pwede ba? Ilang beses ko bang dapat sabihin sa'yo na hindi ko naman talaga kailangan ng assistant o bodyguard. Kayang kaya ko ang sarili ko.”
“Wala naman problema sa naging desisyon ni mommy, gusto ka lang niyang maprotektahan.” Singit naman ni Juancho.
Isang taon lang ang tanda nito sa kaniya kaya hindi na niya ito tinatawag na kuya. Sa kanilang limang magkakapatid ay ito ang mas malaki ang pagkakahawig sa kaniya. Kahit sa tangkad at bulto ng katawan ay hindi rin sila nagkakalayo.
“Pero napahiya nga ako, hindi pa ba big deal iyon?” reklamo niya.
“Ngayon ba naniniwala ka na sa akin na malakas talaga si Dorothea at kayang kaya ka niyang ipaglaban kapag may nagtangkang gumawa ng masama sa'yo?” muli ay tanong ng mommy niya.
Kulang na lang ay masabunutan na niya ang sarili dahil halata naman na wala talagang balak ang ina na bawiin mula sa kaniya ang bodydguard niya. Alam naman niya ang dahilan kung bakit ganoon na lang kung protektahan siya nito. Simula pagkabata kasi ay sakitin na siya kaya sa kanilang lima ay siya ang higit na mas inalagaan ng mommy nila.
Palaging iba ang atensiyon na ibinibigay sa kaniya ng mga magulang dahil nga sa kalagayan niya. Palagi rin siyang nabubully noon dahil payat ang pangangatawan niya at kung ikukumpara siya sa ibang kapatid niya ay magmumukha lang siyang nakakaawa.
Mas lalong nadagdagan ang takot ng mga magulang niya nang kamuntik na siyang makidnap noong sampung taong gulang pa lang siya. Mula noon ay palagi nang nakabantay ang mommy niya sa kaniya na para bang natatakot itong mawala na lang siya bigla. Kahit ngayon na bente otso na siya ay hindi pa rin nagbabago ang pagtrato sa kaniya ng ina. Para pa rin siyang bata kung ituring nito kaya madalas siyang biruin ng mga kapatid na mama’s boy daw siya.
“Sa akin, okay lang naman na bumuntot buntot si Dorothea, hindi ba ninyo napapansin ang hugis ng katawan niya?” sumipol si Fabio at itinaas pa ang mga kamay para gumawa ng kurba ng katawan ng babae. “Kahit naman natatakpan madalas ng malalaking t-shirt ang baywang niya, hindi magagawang maitago iyon sa mga mata ko.”
“Napansin mo rin pala?” sabi naman ni Gabriel.
Pakiramdam niya ay tumaas ang lahat ng mga balahibo niya sa katawan. Nag iba ang pakiramdam niya habang nakikinig sa sinasabi ng dalawang nakakabatang kapatid. Parang gusto niyang mainis sa mga ito dahil pagkatapos nang matagal na pagbabakasyon ng mga ito at ngayon lang bumalik ay ang pang aasar pa ang isasalubong ng mga ito sa kaniya.
Hindi rin niya alam kung bakit kailangan niyang makaramdam ng matinding inis nang marinig ang sinabi ni Fabio tungkol sa bodyguard niya. Kung maloko siya pagdating sa babae ay hindi hamak na mas matindi ang kalokohan ni Fabio. Minsan na itong nabigo sa pag ibig kung kaya hindi na nakapagtataka na ayaw nitong magseryoso sa kahit sino pang babae na nauugnay dito.
“Tumahimik nga kayo,” saway ng kanilang ina.
“Totoo naman ang sinasabi ko, mommy. Kung ayaw ni Miguel, bigay mo na lang sa akin.”
Tiningnan niya ng masama ang katabing si Fabio. Kung hindi lang nakatingin sa kanila ang ina ay baka binatukan na niya ito.
“Payag ka ba?” tanong pa ni Fabio sa kaniya.
Sarap sipain.
“Mukha ba akong namimigay ng tauhan? At isa pa wala akong tiwala sa'yo. Kahit nga siguro poste kapag kinabitan lang ng palda papatulan mo na agad.” Seryosong turan niya.
“Ano naman ang problema? binata naman ako at dalaga naman si Dorothea.”
“Tumigil ka nga.”
“Damot!”
“Naku, ewan ko sa inyo, basta ako matutulog na. Kanina pa siguro naghihintay sa akin ang daddy ninyo. Kanina pa iyon hindi mapakali sa pagtawag sa mga kaibigan niya para lang ibalita na ikakasal na ang panganay niya.” Naiiling na tumayo na ang ina at iniwan na silang lima sa sala.
“Paano ba 'yan halatang wala talagang balak si mommy na pakinggan ang request mo?”
Ngumisi na lang siya nang marinig ang tanong ni Gabriel. Ngayon siya dapat gumanti kay Dorothea dahil sa ginawa nito sa kaniya noong isang araw. Hindi na siya makapaghintay na makita ang magiging reaksiyon niya kapag nagawa na niya ang plano niya.
Nasa akin pa rin ang huling halakhak!