CHAPTER 46

46: The traitors

-

Kinabukasan, maaga akong nag-asikaso para sa unang subject. Gumugulo pa rin sa isipan ko ang nakita kagabiㅡSi Emerald, hindi kaya isa siya mga gumagawa nito sa akin? I mean nagkaaway kami dati kaya hindi imposible.

Ngayon ko lang din napagtanto na magkaiba ang height noong taong nakafacemask na itim at iyong taong nakamaskara na sumaksak kay Ayesha, dahil yung taong iyon, mas matangkad siyaㅡhanggang balikat lang niya kasi si Ayesha.

“Rain?” Narinig ko na lang ang boses ni Zea mula sa labas, agad kong kinuha ang bag ko at saka binuksan ang pinto.

“Zea, Amethyst. Anong kailangan niyo?”

“Anong ibig sabihin nito?” Tanong ni Zea at saka ipinakita ang picture namin ni Jiro sa rooftop na magkahalikan. Nanlaki na lamang ang mata ko at hindi agad nakapagsalita. Ito yung araw na pangalawang beses akong hinalikan ni Jiro.

“Teka Zea, nagkakamali kaㅡ”

“Yung unang beses na makita ko kayong magkahalikan, okay lang sa aki, eh pero this time? Masasabi ko pa ba na ginamit ka lang niya para pagselosin ako? Kahit wala ako sa paligid, naghahalikan kayo.” Nakita ko ang pagluha ni Zea kaya naman sinubukan ko siyang hawak ngunit hindi ko nagawa dahil bigla siyang tumakbo palayo.

“Ulan.” Wala sa sarili akong napalingon sa balkonahe nang marinig ko si Thunder. Sinara ko ulit ang pinto at saka lumapit sa kanya. “Sino yung kausap mo?”

“Si Zea.” Tipid kong sagot at saka ipinakita iyong picture na inabot sa akin kanina. Mukhang na-gets naman agad ni Thunder kung ano ang nangyari.

“Kakausapin ko siya mamaya, alam ko naman na hindi mo ginusto yung nangyaring ‘yon, eh. Saka ang tagal na nito.” Sabi niya at tumango lamang ako. Hindi ko gustong saktan si Zea pero paano siya nagkaroon ng picture na iyon? Mukhang sinusubukan talaga nila akong siraan sa lahat.

Pagdating namin sa classroom ay kaunti lang ang mga kaklase naming present.

“May pasok ba?” Tanong ni Thunder sa ibang kaklase ko at nagkibit balikat lang sila.

“Good morning class. Since iilan lang ang estudyanteng pumasok ngayon. You can have your free time to rest. Mukhang hindi pa nakamove on ang iba sa pagod nila kahapon sa Team building.” Sabi ni Sir kaya agad akong hinawakan ni Thunder at saka humarap kay Jiro.

“Sumama ka sa’min.” Walang emosyong sabi ni Thunder kay Jiro at saka ako hinila palabas, lumingon naman ako at nakitang nakasunod siya sa amin habang nakabulsa ang parehong kamay.

Pagdating namin sa classroom ni Zea ay agad siyang tinawag ni Thunder.

“What?” Tanong ni Zea at nanlaki naman ang mga mata niya nang mapansing kasama namin si Jiro.

“Ano bang problema niyo kay Zea?” Tanong ng naguguluhang si Jiro. Hindi muna nagsalita si Thunder at ipinakita lang iyong picture na binigay sa akin ni Zea kanina.

“Baka gusto mong i-explain sa asawa mo yung kagaguhang ginawa mo nang araw na ‘to.” Walang sabi-sabi, agad lumapit si Jiro kay Zea. Inexplain niya lahat kung ano talaga ang nangyari noong araw na iyon. Mukhang naniwala naman si Zea kaya nawala na ang pag-aalala ko na magalit siya sa akin.

“Sorry, Rain.”

“Wala kang dapat ikahingi ng tawad. Ako dapat ang mag-sorry sa’yo, Zea.” Hinawakan ko ang kamay niya at saka kami nag ngitiang dalawa na parang walang nangyari.

“Let’s eat outside. Treat ko.” Aya niya at wala nang nagawa sila Jiro at Thunder kung hindi ang sumama sa amin. Mabilis lang kaming nakalabas ng Academy dahil na rin sa impulwensya ng magkapatid.

Nandito kami ngayon sa café malapit sa Academy. Dito lang din sa West District kaya walking distance lang. Katabi ko ngayon si Thunder habang nasa harapan namin sila Zea at Jiro.

“Nakakatanggap ka pa rin ba ng sulat?” Tanong ni Jiro sa akin at tumango lamang ako. “Look. I’m willing to help, sabihin niyo lang kung kailangan niyo ng tulong.”

“Wala ka ba talagang kinalaㅡ”

“Thunder, wala tayong sapat na ebidensya. Hindi maganda kung mang bibintang tayo.” Pagputol ko sa balak sana niyang sabihin.

“I know you’re in dangerous situation, pero sa tingin ko malabong si Jiro ‘yon dahil lagi ko siyang kasama. Stop accusing him, Thunder. Magkapatid kayo, ano ka ba? Do you really think na magagawa niya ‘yon sa inyo?” Pagtatanggol ni Zea at hindi kumibo ang magkapatid. Nagsukatan lang sila ng tingin at nag-iwas din.

“Wag na lang natin muna alalahanin ‘yon ngayon.” Sabi ko at pansamantala kaming tumahimik hanggang sa magsalita ulit si Zea.

“Jiro, samahan mo ako sa hospital later. May check up ako, sabi ng doctor kailangan ko pa rin mag-ingat dahil doon sa aksidenteng nangyari sa loob ng hellsㅡ” Hindi nagawang ituloy ni Zea ang sasabihin dahil sa bigla kong pagtayo. May bigla na lang kasi akong naalala.

“Rain. Bakit?” Tanong ni Thunder nang hawakan niya ang kamay ko.

“M-may idea na ako kung sino.” Siguradong sabi ko dahil bigla nag-flash back sa isip ko ang nangyari noon sa labas ng lumang function hall. Hindi ako pwedeng magkamali. May hawak noon si Jasper na isang plastic ng kulay asul na papel noong makita ko sila ni Emerald.

“Zea. Naalala mo ba bago mangyari yung aksidente? May napansin ka bang kakaiba kay Jasper noon?” Tanong ko.

“Wala naman. Basta bigla na lang silang sumulpot ni Emerald noong gabing ‘yon. Sabi niya may kinuha raw siyang gamit sa hideout... Bakit?”

“Mauna na kami.” Paalam ko at saka dali-daling hinila si Thunder pabalik sa Academy.

“Si Jasper ba?” Tanong ni Thunder nang huminto siya kaya napahinto rin ako.

“Yung asul na papel na hawak ni Jasper noong gabing iyon. Yun din ‘yung kulay ng papel na natatanggap ko. Yung maskarang nakita ko na hawak ni Emerald, may posibilidad na hiniram ‘yon ni Jasper sa kanya. At isa pa ‘yung picture ko noon sa may punoㅡposibleng siya ang may gawa noon, dahil ‘yung picture na ginamit ay ‘yung picture ko na nasa cellphone niya.”

Hindi maipinta ang mukha ni Thunder dahil sa mga sinabi ko. Naramdaman ko rin ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ko nang sa wakas ay maintindihan niya ang gusto kong iparating. Bakit gagawin ni Jasper ‘to sa akin? Hindi kaya galit pa rin talaga siya sa akin all this time?

“Tara.” Aya ko sa kanya at nang makabalik kami sa Academy ay agad kong sinabihan si Thunder na pumunta kay Amanda para humingi ng tranquilizer.

“Para saan ‘yon?” Tanong niya.

“Incase of emergency, baka biglang magtantrums si Jasper once na komprontahin natin siya, eh. Kakailanganin natin ‘yon para mapakalma siya.” Paliwanag ko at tumango lamang siya. Hinalikan niya ako sa noo at saka tumakbo papuntang keen’s lab, habang ako naman ay umikot sa campus para hanapin si Jasper.

Anong motibo niya? Tungkol pa rin ba iyon sa gustong pagprotekta sa akin ni Thunder noon sa Keen’s org? Sino pa ang mga kasama niya?

“Axel!” Tawag ko nang makita ko siyang naglalakad papuntang main building. Huminto siya nang marinig ako at saka humarap sa direksyon ko.

“Bakit, Rain?”

“Si Jasper? Nakita mo ba si Jasper?”

“Hindi, eh. Bakit? May nangyari ba?”

“May koneksyon ba si Jasper sa Keen’s org? Gaano ba kalaki ang galiㅡ”

“Rain, teka. Huminahon ka, ano ba kasing nangyayari?” Hinawakan niya ang braso ko at sinubukan akong pakalmahin.

“May nagpapadala sa akin ng death threats. Hindi ko na alam ang gagawin ko, Axel. Sinaktan na ng taong ‘yon si Ayesha, hindi ko hahayaan na may iba pang madamay kaya kailangan ko siyang mahanap.” Halos maluha ako kaya hinila niya ako para yakapin.

“Shh, tutulong ako. Kung sino man ang babaeng may kagagawan nito, mahahanap din natin siya.” Bigla akong natigilan dahil sa huling sinabi ni Axel. Agad akong kumalas sa pagkakayakap niya at saka dahan-dahang umatras.

“Bakit?” Tanong niya na tila naguguluhan.

“I-ikaw? K-kasama ka sa mga gumagawa nito?” Hindi makapaniwalang tanong ko habang nakatingin ng diretso sa kanya.

“Teka, hindi kita maintindihan.”

“Paano mo nalamang babae ang may kagagawan ng mga ‘to? Sabihin mo sa’kin, sino pa ang kasabwat niyo?!” Hinawakan ko ang damit niya at isang pagngisi lang isinagot niya sakin, dahilan para makumpirma ko na isa nga siya sa mga taong iyon.

Tinitigan ko siya ng masama ngunit nawalan iyon nang bumaling ang tingin ko sa tattoo na malapit sa dibdib niya.

Agad ko siyang binitawan at nagmadaling pumunta ng Keen’s lab, pero pagdating ko sa office ni Amanda ay tanging asul na papel lang ang nakita ko.

“I thought you’re 100% keen, but seriously. You’re stupid as hellㅡBut still, congrats. Nahanap mo rin kami, such a gullible. Huh?”

Sa sobrang inis at nilukot ko ang papel at saka napaupo sa couch na narito. Sinubukan kong kontakin si Thunder pero hindi niya sinasagot. Pero waitㅡpaano nalaman ni Amanda na alam ko na?

At bakit ngayon ko lang napansin na nakatattoo ang pangalan niya sa bandang dibdib ni Axel?!

“Rain.” Biglang sumulpot si Axel sa loob ng kwarto kaya napatayo ako at agad na lumayo.

“Wag ka lumapit sa’kin.”

“Wag ka na mag matigas, Rain. Masasaktan ka lang.” Sabi nito at saka lumapit sa akin. Nanlalambot ang tuhod ko dahil sa mga nangyayari pero kahit ganoon ay pinilit ko pa ring lumayo.

“Bakit Axel?!”

“Sinabihan ko na si Thunder noon na mahirap kalabanin ang keen’s org pero hindi sila nakinig.” Mabilis niyang nahablot ang braso ko at saka buong lakas na dinala sa isang puting kwarto na narito lang sa Keen’s lab. Walang bintana, walang gamit at tanging si Amanda at Thunder lamang ang nakikita ko sa loob.

“Thunder!” Tawag ko ngunit wala siyang malay. Nakaupo lang siya sa isang upuan habang nakatali ang mga kamay nito. Isang masamang tingin ang ipinukol ko kay Amanda dahil doon.

“Bakit niyo ba ‘to ginagawa?!” Sigaw ko pero sapilitan lang akong inupo ni Axel sa upuan na nasa likuran ni Thunder at mahigpit na itinali ang mga kamay ko roon. “Amanda, Axel. Ako na lang! Wag niyo nang idamay si Thunder dito, please! Ano bang kailangan niyo sa’kin? Ibibigay ko!”

“Shut up!” Sigaw ni Amanda na ikinabigla ko.

“Please. Wag niyo nang isali si Thunder dito. Ako na lang, ako naman ang kailangan niyo, ‘di ba?” Makaawa ko at tanging pag-iyak na lang ang nagawa ko hanggang sa pumasok si Jasper sa kwarto.

“Sorry, Rain pero kailangan namin ‘tong gawin.” Sabi niya nang maupo siya sa harapan ko. Napayuko na lamang ako hanggang sa maramdaman ko ang paghawak ni Thunder sa kamay ko. Nanatili akong nakayuko habang sinusubukan kong tanggalin ang tali na nasa kamay niya.

“Sabihin mo sa’kin, anong dahilan?!” Tanong ko kay Jasper habang patuloy pa rin sa pagtanggal ng tali. Tinignan lang niya sila Amanda at saka tumayo para lumapit sa dalawa.

May kung ano silang pinag-uusapan kaya hindi nila nahahalata na hindi na nakatali ang mga kamay ni Thunder sa mga oras na ito.

Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ko at saka patagong kinalagan.

“Listeㅡ” Hindi na nagawang ituloy ni Axel ang sasabihin niya nang biglang tumayo si Thunder. Naramdaman ko na lang ang mga daing sa likuran ko kaya tumayo na rin ako at pilit lumayo kay Amanda habang si Thunder ay nakikipagsuntukan laban kila Jasper at Axel.

Hindi ako pwedeng tumunganga lang kaya kinuha ko ang upuan at saka iyon ihinampas kay Amanda. Mabilis itong nawalan ng malay at naluha na lang ako nang makita kung paanong bugbugin ng dalawa si Thunder.

“Tama na ‘yan!” Sigaw ko nang subukan kong pumagitna sa kanila pero itinulak ako ni Axel, dahilan para tumama ang ulo ko sa pader. Nakaramdam ako ng pagkahilo at tila nanghina dahil doon.

Napapikit na lamang ako habang nakikitang duguang si Thunder. Sinubukan kong tumayo para sana tulungan siya ngunit tuluyan nang nagdilim ang paligid ko. Damn it!

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.