Chapter 14

(Ayesha)

Sandaling nagtama ang mga paningin namin ni mama. Parang may sasabihin siya sa akin. Nakita ko ‘yon sa kislap ng mga mata niya at sa pag-awang ng mga labi niya. Pero sa huling sandali kumurap siya at ngumiti. “May napupusuan ka na ba sa mga kaklase o kakilala mo, Ayesha?”

“Mama!” Nabigla ako sa pagbabago niya sa usapan. Pilit akong tumawa. “At ang luma ng term na ‘napupusuan’ ha? Wala pa po akong napupusuan,” pabirong ulit ko sa ginamit niyang salita.

Tumawa rin si mama. Pero napansin ko na pilit iyon. Pagkatapos bumuga siya ng hangin. “O siya, sige. Kung iyan talaga ang totoo. Pero gusto kong malaman mo na hindi kita pipigilan kung may magustuhan ka, okay? Basta sasabihin mo lang sa akin at ipapakilala mo siya. Kahit anong mangyari, huwag kang makikipagrelasyon sa isang tao dahil lang sinasabi ng iba o dahil lang pinipilit ka. Piliin mo ang talagang mahal mo. Maliwanag ba?”

Bigla ay naalala ko si Cain. Lalo na ang sinabi niyang fiancée daw niya ako. Hindi naman niya ako pinipilit makipagrelasyon sa kaniya. Pero paano kung related ang kasunduan daw ng mga pamilya namin sa pangaral ni mama? Sabihin ko na kaya ang tungkol kay Cain? Pero paano kung mag-alala siya at magdesisyong huwag na lang umalis? Sayang ang opportunity para sa promotion.

Kaya pilit akong ngumiti at muli siyang niyakap. “Opo mama. Sige na, magbibihis na ako para makatulog na tayo pareho. Bukas na tayo mag-usap ulit, ha? Good night po.” Saka ako humalik sa pisngi niya.

Gumanti si mama ng halik at nag-good night din. Naglakad ako papunta sa kuwarto ko. Bago ako tuluyang pumasok nilingon ko ulit si mama na nanatiling nakaupo sa sofa. Natigilan ako dahil parang ang lalim ng iniisip niya habang nakatunghay sa kawalan. Pero nang mapansin niyang nakatingin pa rin ako, lumingon siya sa akin at ngumiti. “Good night, Ayesha.”

Bumuntong hininga na lang ako at gumanti ng ngiti. “Good night, mama.” Iyon lang at tuluyan na akong pumasok sa kuwarto ko.

Nang mapag-isa ako nalaglag ang mga balikat ko. Ngayon kasing aalis si mama mas lalong hindi ko puwedeng buksan ang topic tungkol kay Cain at sa kanyang pamilya. Pagbalik na lang siguro ni mama. Kakayanin ko naman alagaan ang sarili ko sa loob ng limang araw.

Pero paano ang anino sa dilim na dalawang beses ko nang nahuling nagmamatyag sa akin?

Kumalat ang kilabot sa buo kong katawan at nayakap ko ang sarili. “Hindi. Walang mangyayaring masama. Wala.”

Sana lang ‘yon talaga ang totoo.

PAGDATING ko sa school campus pagsapit ng lunes may kakaiba na namang excitement ang mga babaeng estudyante. Damang dama ko ‘yon pagpasok pa lang sa school gate. Pero alam kong sa pagkakataong ‘yon hindi si Cain ang dahilan. Iba. At kung sino man iyon ay dumating sakay ang isa ring magarang sasakyan. Hindi ko nasaksihan ang pagdating niya pero kapansin-pansin ang kotseng naka-park sa loob ng school campus.

“Ayesha!” humahangos na lapit sa akin ng kaibigan kong si Raye pagdating ko. Kumikislap sa excitement ang mga mata. “Naku, may magandang nangyari sa boring na college natin ngayong araw! Hindi na lang si sir Angus ang magiging oasis sa school natin na walang guwapong mga lalaki.”

Ngumiwi ako. “Raye, ang harsh naman ng pagkakasabi mo. Hindi naman boring ang Abba College.”

Itinirik ng kaibigan ko ang mga mata. “Duh. Boring kaya. Si sir Angus lang ang masarap pagpantasyahan. Pero hindi na ngayon. May exchange student sa College of Chemical Engineering.” Hindi maitago ni Raye ang kilig.

“Okay,” mabagal na sabi ko. “Sabihin mo sa akin kung sino siya habang naglalakad tayo papunta sa classroom natin, ha?” Saka ako naglakad. Mabilis na umagapay sa akin si Raye at excited na nagsimulang mag-kuwento.

“Ang gara ng kotse niya, nakita mo ba? At naku, ubod ng guwapo, parang artista. Ang sabi galing maynila daw at exchange student lang siya. Mananatili lang ng ilang buwan dito sa atin. I don’t know kung sino ang pinalitan niya rito ha, pero sana hindi na sila magpalit ulit.”

Sa kakakuwento ni Raye hindi siya tumitingin sa dinadaanan namin. Namilog tuloy ang mga mata ko nang bigla siyang may masanggi na naglalakad. Napahinto kami dahil bumagsak sa sahig ang mga librong dala ng nabangga ni Raye.

“Naku! Sorry po.” Maagap kong tinulungan ang babae.

“It’s okay. Pero ang mga libro, pakitulungan naman ako, please,” sabi niya at inayos ang pagkakasuot ng salamin sa mata. Nang tumingala siya agad ko siyang nakilala. Si miss Roxette. Ang school librarian ng Abba College.

Tinulungan namin siya ni Raye na pulutin ang mga librong nahulog. Saka namin inabot sa kaniya nang makatayo siya. “Salamat sa inyo, ha? Sige na, pumasok na kayo,” sabi ni miss Roxette at mabilis nang naglakad palayo. Parang hirap pa rin siya sa bitbit na mga libro pero walang mga estudyanteng nagtangkang tumulong sa kaniya.

“Kawawa iyon si miss Roxette. Hindi siya magkaka-boyfriend at tatanda siyang dalaga kung palagi siya nagkukulong sa library. Tapos ganoon pa palagi ang ayos. Magulo ang buhok, makapal ang salamin sa mga mata at ang unipormeng suot niya ay masyadong maluwag para sa kaniya,” komento ni Raye.

“Hayaan mo na nga si miss Roxette,” saway ko sa kaniya. Naglakad na kami ulit.

“Anyway, nasaan na ba ako sa kinukuwento ko?” tanong ni Raye nang nasa loob na kami ng gusali kung nasaan ang classroom namin.

“Sa Chemical Engineering exchange student,” wala sa loob na sagot ko nang nasa tapat na kami ng classroom. Naunang pumasok si Raye. Na biglang napahinto at napasinghap. “O bakit?” gulat na tanong ko.

“Oh my God, Ayesha,” impit na tili ni Raye. Sandali siyang lumingon sa akin, bakas ang kilig at excitement sa mukha. Saka ako hinawakan sa braso at hinila palapit sa pinto. “Nandito iyong exchange student. Ayun o.”

Sinundan ko ng tingin ang itinuro niya. Hayun nga, sa dulong silya na katabi ng bintana na dati palagi kong puwesto kapag doon ang klase namin, nakaupo ang isang guwapong lalaki. Mestizo ang facial features, matangos ang ilong, mapula ang makurbang mga labi. Lean ang pangangatawan at malakas ang dating kahit t-shirt at jeans lang ang suot. Nakahalukipkip. Mukhang bored kahit pa lahat ng estudyante doon nakatingin sa kaniya.

“Ang guwapo ‘di ba?” kinikilig na bulong ni Raye nang tuluyan na kaming pumasok sa classroom. “Pati pangalan niya, sosy. Chance. Chance Alpuerto.”

Napahinto ako sa paglalakad sa sobrang pagkabigla. Para bang narinig niyang tinawag ang pangalan niya na lumingon sa amin ang lalaki. Nagtama ang aming mga paningin. Mas lalo akong nagulat dahil kumislap ang rekognisyon sa mga mata niya. Na napalitan ng disgusto.

Kilala niya ako.

At isa siyang Alpuerto. Katulad ni Cain.

At mukhang galit siya sa akin. Katulad ng anino sa dilim.

Coincidence lang ba ang bigla niyang pagsulpot sa Abba College?

Alam ko naman ang sagot. Imposibleng nagkataon lang ang lahat.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.