Chapter 15

(Chance)

I HATE HER. Ang Moon bride o kung ano man ang tawag sa kaniya. Hindi ko maintindihan kung bakit pilit pa ring ginagawa ng Elders ang tradisyong ipareha ang isang Alpuerto sa tinatawag nilang Moon bride. Nakakatawang isipin na sa kabila ng labis na pride ng pamilya namin ay inaasa nila ang kinabukasan ng lahi namin sa isang babae lang. But then again, I hate my family too. Kaya kung tutuusin ay wala akong pakielam sa gusto nila. Ang gusto ko lang ay makawala sa galamay ng pamilya ko, mabuhay ng tahimik at ayon sa gusto ko, at higit sa lahat ay maging malaya. No more laboratory sessions. No more experiments. Kahit na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin natutupad ang kagustuhan kong iyon. Ayaw nila akong pakawalan.

Malaking accomplishment na nga sa akin na may sarili akong tirahan sa Maynila. Malayo sa Forbes Park kung nasaan ang Old Alpuerto Mansion at ang malaking bahay na pagmamay-ari naman ni lolo Carlos, kung saan ako lumaki at nagkaisip. Doon din nakatira ang aking ama na si Demetrio at ang aking ina na si Helena. Naging mahirap para sa akin ang kumbinsihin ang pamilya kong hayaan akong mag-solo ng tirahan. Masyado kasi silang obsessed sa akin. Lalo na ang aking ina.

Kaya nang biglang sumulpot sa tirahan ko ang isa sa mga tauhan ni lolo Carlos para sunduin ako ay alam kong hindi maganda ang dahilan. Wala namang silbi ang magmatigas mula pa noon. Ako lang ang mapapagod. Kapag ginusto ni lolo at papa ay wala akong laban. Kahit saan ako magtago siguradong matutunton nila ako. Hangga’t mayroon akong pagmamay-ari o kahit anong bagay na nagamit ko na, malalaman agad ni papa kung nasaan ako gamit ang espesyal niyang abilidad. Kaya nga hawak ni papa ang pinakamataas na posisyon sa Armed Forces Of The Philippines.

Gamit ang kapangyarihang ipinagkaloob kay papa nang siya ay ipanganak ay naging mabilis ang promotion niya mula sa pinakamababang ranggo, pataas ng pataas hanggang maging heneral at ma-assign ng pangulo bilang AFP Chief-of-Staff.

Akala ng karamihan ay may matalas na sense lang talaga ang aking ama kaya nahuhuli niya ang mga most wanted na kriminal, natatagpuan ang mga na-kidnap ng mga rebelde at kung ano pang grupo, nasasabat ang drug lords at mga pinagtataguan ng mga droga, at kung anu-ano pang kagila-gilalas na mga kasong natrabaho ng aking ama. Pero hindi nila alam, may kapangyarihan si papa na malaman ang lokasyon ng kahit na sino sa pamamagitan lang ng paghawak niya sa isang bagay na nagamit na ng taong iyon.

My father is a living GPS. Ang sabi niya ay regalo daw ng mga Diyos ang kapangyarihan niya. Pero base sa mga makalumang kasulatang nakatago sa Black Library ng Old Alpuerto Mansion ay isang Diyosa lang naman ang pinanggalingan ng kapangyarihang minana namin sa aming kanunu-nunuan. Lingid kasi sa kaalaman ng mga Elder ay marunong akong bumasa ng sinaunang lengguwahe. Dahil wala naman akong ibang gagawin sa mga taon na wala akong ibang maaaring puntahan kung hindi ang bahay na kinalakihan ko at sa lumang mansiyon ay nag-aral na lang ako basahin ang mga iyon. Kaya alam ko na maraming hindi sinasabi ang mga nakatatanda tungkol sa aming pamilya.

Not that I want to argue with my father. Magsasayang lang ako ng panahon. Isa pa ay hindi ko kinokonsiderang regalo ang espesyal kong abilidad. Siguro para sa pamilya ko ay isa ang kapangyarihan ko sa pinakamalakas at pinakamagandang ‘regalo’ na sumulpot sa pamilya namin. Siguro nga ay proud na proud sila sa akin ngayon at obsessed sa kapangyarihan ko. Pero hindi ko pa rin nakakalimutan na ilang taon din nila akong ikinahiya. You see, kompara sa iba ay late na namin nadiskubre kung anong espesyal na abilidad ang mayroon ako. Bago ako tumuntong sa edad na trese ay inakala nilang ipinanganak akong walang special ability. ‘Abnormal’ sa opinyon ng pamilya ko. Which was ironic. Dahil para sa akin, at least sa maiksing sandali ay naging normal akong tao.

Pagdating namin sa mansiyon ay diretso akong hinatid ng tauhan ni lolo Carlos sa private office niya. Nang makita kong hindi lang siya ang nasa opisina kung hindi pati ang mga magulang ko at ang kapatid ni papa na sa tito Victor ay nakumpirma ko ang kutob ko na hindi ko magugustuhan ang dahilan kung bakit nila ako pinatawag.

“Chance. Hijo. It’s good to see you!” masayang bulalas ni mama. Elegante at wala pa ring kupas ang ganda sa suot na mamahaling bestida at naaadornohan ng mga alahas. The epitome ang sophistication, wealth and class. At least sa panlabas niyang anyo. Lumapit siya sa akin, nakabukas ang mga braso para yakapin ako. Pinigilan ko ang sariling mangikig at umatras palayo sa kaniya. Niyakap niya ako at hinalikan sa magkabilang pisngi. Umalingasaw ang amoy ng mamahaling pabago ni mama.

Hindi naman iyon kataka-taka. Siya si Corazon Viloso, nag-iisang tagapagmana ng isang mayamang pamilya na ang negosyo ay perfume at mga pampaganda. Iyon ang dahilan kaya mula noon hanggang ngayon ay obsessed sa pagpapaganda at pagpapanatili ng kanyang youthful beauty si mama. She also has an interest to things related to the extraordinary, unusual and supernatural. Kaya siguro siya ang napangasawa ni papa. Bukod sa naging business associate ni lolo Carlos ang tatay ng aking ina.

“Come, Chance. May magandang balita ang lolo mo,” sabik na bulalas ni mama at hinatak pa ako palapit sa malaking lamesa ni lolo Carlos.

“Anong balita?” tanong ko. Hindi ko na itinago ang boredom at kawalan ko ng interes sa kung ano mang sasabihin ni lolo.

Katulad ng dati, mukhang wala silang pakielam sa opinyon at nararamdaman ko. Nagsalita agad si lolo Carlos, “May tiyansa ka ng maging clan leader. No. I will make you a clan leader. Babawiin mo ang dapat ay matagal nang sa atin.”

“Wala akong interes maging clan leader,” malamig na sagot ko. “Kung iyan lang ang dahilan kung bakit niyo ako pinatawag, tapos na ang usapang ito. Aalis na ako.”

“Ano bang sinasabi mo Chance? Magandang oportunidad ito para sa pamilya natin, anak,” manghang sabi ni papa na mukhang talagang nagulat na wala akong interes maging clan leader. Akala ko ay hindi siya magsasalita dahil parang estatwa lang siya kanina sa tabi ni lolo, nakasuot ng uniporme niya, matikas ang tindig at magkahiwalay ang mga binti habang nakatayo. Mas mukha siyang bodyguard na sundalo ni lolo kaysa anak.

“I don’t really care. Ayokong maging clan leader. Besides, hindi ba noon pa man ay si Cain na talaga ang itinakdang maging pinuno ng Alpuerto clan? Bata pa lang siya ay nag-te-training na siya para maging pinuno ng pamilya. Paanong may tiyansa na akong maging clan leader?”

“Don’t be so naïve, Chance. Alam naming mas matalino ka kaysa sa pinsan mo. Mayroon ka ring kapangyarihang ngayon lang lumabas sa ating pamilya sa loob ng ilang daang taon. Mas may karapatan kang maging clan leader kaysa kay Cain,” sagot ni tito Victor na habang lumilipas ang taon ay pabalasik ng pabalasik ang hitsura. Balbas sarado, malalim ang mga mata na parang hindi nakakatulog ng maayos at payat. Sa tuwing nakikita ko ang tiyuhin kong ito na mukhang itinatapon na ang buhay sa mga bisyo ay hindi ko maiwasang maawa sa nag-iisa niyang anak na si Agnes.

Greed. Hatred. Matinding pagnanais na gumanti. Ang mga iyon ang nakita ko sa kislap ng mga mata niya nang magpatuloy siya sa pagsasalita, “Tayo ang karapat-dapat mamuno sa ating pamilya. Ako dapat ang kasalukuyang clan leader. Katulad ni Cain ay hinubog din ako para sa posisyong iyon mula pa noong bata ako. Pero tingnan mo kung ano ang nangyari. Hindi ko alam kung anong ginawang pagsipsip ng tito Gregorio mo para makuha ang majority ng boto ng mga Elder at mga business associate ng pamilya natin kaya siya ang biglang ginawang leader. Ang alam ko lang ay isang malaking kabastusan at insulto para sa atin ang ginawa nilang pagbawi sa karapatan kong maging clan leader.”

“Tama ang tito Victor mo. I am deeply offended. Masakit na pinagtulungan ako ng dalawa kong kapatid para mapunta sa kanila ang pamumuno sa pamilya Alpuerto, sampu ng lahat ng kayamanan at negosyo ng pamilya. Kaya ngayon ay panahon na para bawiin ang para sa atin,” sangayon ni lolo Carlos.

Bumuntong hininga na lang ako para pagtakpan ang kagustuhan kong humikab sa mga sinasabi nila. Masyadong passionate sa mga bagay na hindi naman kailangan pagtuunan ng enerhiya ang mga nakatatanda sa pamilya ko. Katulad ng nasaling nilang pride nang maunsyami ang pagiging clan leader ni tito Victor.

“Ang kaunti na lang natin sa pamilya, gagawa pa kayo ng conflict,” naiiling na komento ko. “Wala akong balak sumali sa mga plano ninyo.”

“Anong sinabi mo?!” sabay-sabay na sabi nila. Si mama ay gulat habang sina lolo, papa at tito Victor ay galit.

Malalaki at halos patakbo pa akong sinugod ng tiyuhin ko. Bago pa ako makaatras ay nahablot na niya ang kuwelyo ng suot kong t-shirt at halos magkadikit na ang aming mga mukha sa galit niya. “Hindi tayo ang nagsimula ng sinasabi mong conflict kung hindi sila, naiintindihan mo? Sila ang umagaw sa dapat ay mayroon ako. Ang dapat ay mayroon tayo.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.