(Chance)
Nainis na ako. Pilit akong kumakawala sa hawak niya pero higit na malaki at malakas sa akin si tito Victor. My eighteen-year-old body is weak compared to him. Ang inis ko ay naging frustration at pagrerebelde. “Hindi ka naging clan leader dahil tinakasan ka ng bride-to-be mo, tito. At sa galit mo ay hinabol mo siya at muntik nang mapatay. Killing a human, even if it was a failed attempt is an unforgivable act. Hindi siguro alam nila Cain, pero ako alam ko kung paano binawi sa iyo ang kapangyarihan mo dahil sa ginawa mong iyon. Hindi ka na puwedeng maging clan leader dahil wala ka na ngang kapangyarihan ay sinisira mo pa ang katawan at isip mo sa mga bisyo mo.”
Namula ang mukha ni tito Victor, lumitaw ang mga ugat sa leeg at naningkit sa galit ang mga mata. Umangat ang isa niyang kamao na parang susuntukin ako. Hindi ako kumurap. Ni hindi ako umigtad at nagtangkang umiwas sa balak niyang gawin. Tinitigan ko lang siya ng deretso sa mga mata.
“Tama na iyan!” Dumagundong ang boses ni lolo Carlos sa opisina niya. Literal na dumagundong. Siguradong narinig ng buong kabahayan at kulog naman sa pandinig ng mga kalapit na bahay hanggang sa mga kalapit pang subdivision.
Iyon ang espesyal na abilidad ni lolo Carlos. He has the power to use his senses no normal human can. Kaya niyang mapalakas ang kanyang boses, mapatalas ng sampung beses sa normal ang paningin, pandinig, pang-amoy at pandama niya.
“Hindi na nakakatuwa ang pagiging uncooperative mo, Chance. Tandaan mo na kami pa rin ang pamilya mo. Your first degree family, so to speak. Gagawin mo kung ano ang sinasabi namin. Ikaw ang magiging clan leader. Kung hindi ay babawiin ko ang kalayaang mayroon ka ngayon. Iyon ba ang gusto mong mangyari?” seryosong sabi ni lolo Carlos.
Tumiim ang bagang ko at mariin kong ikinuyom ang aking mga kamao. “Bakit, malaya ba ako ngayon? Nakahiwalay lang ako ng tirahan pero alam kong bantay sarado niyo pa rin ako bente kuwatro oras,” maanghang na sabi ko.
“Just be thankful that we allow you to live alone, Chance. Kapag hindi ka sumunod sa amin at mag-effort para maging susunod na clan leader, alam mo kung ano ang kahahantugan mo,” sabi ni lolo Carlos.
Gusto kong magwala. Magsisigaw. Lalo na at buong buhay ko, hanggang ngayon, ay hinahayaan ng mga magulang kong masunod si lolo. Na maging sila ay gusto ang ginagawa sa akin para sa sarili nilang interes. They don’t treat me as their child. Para sa pamilya ko, susi ako sa pinakamimithi nilang kapangyarihan. Na kung hindi ipinagkaloob sa kanila ng Diyosa ay kukunin nila sa sarili nilang paraan. Kahit na maging sakripisyo pa ako.
Pero matagal na panahon na akong napagod magwala at magpakita ng galit. Umiling-iling ako dahil alam ko namang wala akong pagpipilian sa sitwasyong iyon. “At paano ako magiging clan leader?” pabuntong hiningang tanong ko na lang. Para lang matapos na ang usapan at makaalis na ako.
“Madali lang,” sagot ni lolo Carlos na mukhang natuwang hindi na ako nagmatigas. Umupo siya sa swivel chair at kampanteng sumandal doon. “Kailangan lang ma-paibig mo ang Moon bride. Siya ang susi para mapalakas ang kapangyarihan mo at para maging susunod na clan leader. Mas nakalalamang ka dahil pareho kayo ng edad. She’s seventeen and turning eighteen few months from now. Kailangan madala mo siya at maipakilala bilang iyong fiancée bago ang ikalabing walong taon niyang kaarawan. You know how the ritual works.”
Muli kong itiniim ang aking bagang. Alam ko nga kung ano ang ritwal na ginagawa para pag-isahin ang isang Alpuerto at ang Moon bride. Nabasa ko na halos lahat ng mga lumang kasulatan sa Black Library ng Old Alpuerto Mansion. I had too much time to spare for the past fifteen years. Ginugol ko ang panahon ko sa Black Library. Kapag nabasa ko na ang isang kasulatan ay hindi ko na iyon nakakalimutan.
“Paano ko siya papaibigin kung ni hindi ko siya kilala at hindi ko rin alam kung nasaan siya?”
“Hindi mo na iyan kailangang problemahin pa. Natagpuan na siya,” sagot ni papa. “Nasa isang liblib na bayan siya na ang tawag ay Tala. An ancient place, lingid sa kaalaman ng mga tao. At sigurado kami na hindi lang nagkataon lang na doon sila napadpad ng kanyang ina. Pupunta ka sa lugar na iyon sa lalong madaling panahon. Naayos na namin ang lahat. Na-i-enroll ka na namin sa kolehiyo kung saan siya nag-aaral para magkalapit kayong dalawa.”
May nalasahan akong pait sa aking bibig sa huling sinabi ni papa. “College? Ano naman ang pangalang gagamitin ko ngayon?”
Umangat ang mga kilay ni lolo Carlos. “Your real name of course. Ang Moon bride ang pinag-uusapan dito. Dapat na malaman niya kung sino ka talaga.”
Tumango ako para lang matapos na talaga ang usapan. “Wala naman pala akong kailangan pang gawin. Nagawa niyo na lahat. Sigurado rin ako na kasalukuyang may tao sa apartment ko at ineempake ang mga gamit ko, tama ba?”
Namilog ang mga mata ni mama. “Chance, gusto ko lang na hindi ka na mahirapan pa anak. Kaya pinapunta ko na doon ang isa sa mga tauhan ko.”
Napailing ako. “Whatever.” Tumalikod na ako.
“Saan ka pupunta, ha?!” angil ni tito Victor.
Hindi ako lumingon at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa pinto ng opisina. “Gagawin ang inuutos ninyo,” malamig na sagot ko. Pagkatapos ay tuluyan akong lumabas ng opisina. Deretso pababa sa unang palapag ng bahay. Palabas pa lang ako sa front door ay may nahagip na ang tingin ko sa hindi kalayuan. Napalingon ako at napahinto sa paglalakad nang makita ko si Agnes na nakatayo sa tabi ng mataas na indoor plant malapit sa direksiyon ng kusina. May pag-aalala sa kanyang mukha.
Humugot ako ng malalim na paghinga para kalmahin ang sarili. Saka ako pilit na ngumiti at sinenyasan ang labing limang taong gulang na dalagita na lumapit. Patakbo siyang lumapit sa akin. “Kuya Chance!”
Ibinuka ko ang aking mga braso para salubungin ang yakap niya sa akin. “Bakit ngayon ka lang bumalik?” tanong niya.
“I’m sorry, honey,” nausal ko. At iyon ang totoo. I am sorry that I have to leave Agnes. Sa pamilya namin, isang pabigat ang anak na babae. Sila lang ang mga ipinapanganak na normal na tao at walang espesyal na abilidad. Ang tungkulin lang nila sa pamilya ay ang makapangasawa ng isang lalaking mula sa maimpluwensiya at mayamang pamilya na sigurado na makakadagdag sa kapangyarihang hawak na ng mga Alpuerto. Ngayon pa nga lang ay may gusto na silang mapangasawa ni Agnes. Isang lalaking higit na mas matanda sa kaniya, ruthless at ganid din na katulad ni lolo, papa at tito Victor. Isang lalaking malupit at alam kong hindi mamahalin at aalagaan si Agnes sa paraang karapat-dapat para sa kaniya. Higit sa lahat, I am sorry that I cannot do anything for her.
Bukod sa gusto kong magkaroon siya ng mas interesanteng buhay kaysa maging maybahay ng kung sino. Gusto kong humabi siya ng sarili niyang kapalaran. Isang bagay na hindi ko magawa para sa sarili ko kahit anong gawin ko.
“Narinig kong nag-uusap sila. Na lahat daw kayong mga lalaki sa pamilya ay maaari nang maging clan leader,” sabi ni Agnes sa pabulong na tinig nang kumalas siya sa pagkakayap sa akin.
Bumuntong hininga ako. “Tama ka ng dinig. Kaya nila ako ipinatawag ay dahil diyan. Gusto nila akong gawing clan leader.”
Kumislap sa pag-asa ang mga mata ni Agnes. “Go for it, kuya Chance.”
Natigilan ako at naningkit ang mga mata. “Kakampi ka na rin ba nila, Agnes?”
Namilog ang mga mata niya at marahas na umiling. “Of course not! Pero kuya, kapag ikaw ang naging clan leader, magiging malaya na tayo sa pagrerenda nila sa mga buhay natin, hindi ba? Kapag ikaw na ang may kontrol sa yaman, kapangyarihan at impluwensiya ng pamilya, hindi na nila magagawa sa iyo ang mga ginagawa nila sa nakaraang mga taon. At ako… hindi na nila ako maipapakasal sa isang lalaking gagawin lang miserable ang buong buhay ko. So please, kuya Chance, do it. Be the clan leader.”
Hindi ako nakapagsalita, napatitig lang sa mukha ni Agnes na puno ng pag-asa at tiwala sa akin. Ayokong maging clan leader. Ayokong sundin ang gusto nila bilang pagrerebelde. Ang plano ko ay hayaan silang ipatapon ako sa bayan ng Tala, pumasok sa kolehiyo at magkunwaring gumagawa ng effort para mapalapit sa Moon bride. Pero hahayaan ko pa ring kay Cain siya mapunta.
Pero kung para kay Agnes, para sa posibilidad ng magandang kinabukasan niya, para sa posibilidad na kahit man lang isang tao sa pamilya namin ay magkaroon ng masaya at normal na buhay, gagawin ko.
Kailangan kong maging Clan Leader.
Kahit na hindi ko gusto ang Moon bride, kailangan kong mapalapit sa kaniya. Kahit taliwas sa prinsipyo ko ang tumalo ng isang teenager.
Dahil hindi man nakikita ng mga mata, masyadong malaki ang pagkakaiba namin ng Moon bride.