Chapter 30

(Ayesha)

HINDI ko alam kung gaano katagal akong nasa loob ng silid na ‘yon. Ang binibilang ko na lang ay kung ilang beses nila akong dinadalhan ng pagkain. Anim na beses. Ibig bang sabihin ‘non halos tatlong araw na mula nang magkaroon ako ng malay?

Umiinit ang mga mata ko sa tuwing naiisip ko si mama. At sa campus, napansin na ba na nawawala ako?

Hindi na ako pwede pang magtagal dito. Kahapon, narinig kong sinasabi ng lalaking naka-itim sa mga tauhan niya na aalis siya. Hindi ko narinig kung saan pupunta. Pero magandang pagkakataon kung aalis siya. Napansin ko na mas pabaya sa pagbabantay ang mga lalaki kapag wala ang naka-itim. Nakakalimutan din nila akong pakainin. Ibig sabihin mas matagal ang oras na hindi nila binubuksan ang pinto para tingnan ako.

Pagkakataon ko ‘yon para makatakas.

Kaya nang hindi dumating ang pagkain na kadalasan ibinibigay sa akin nang magising ako, sinimulan ko nang kalagin ang pagkakagapos ng mga kamay ko. Nang huli akong pakainin hindi ang lalaking naka-itim ang nagkalag at muling nagtali sa akin. Hindi ko pinagdikit ng husto ang mga kamay ko nang tinatali ako. Kaya ngayon mas maluwag ng kaunti ang pagkakagapos ko.

Sinimulan kong imainobra ang mga kamay ko para makawala sa pagkakatali. Wala na akong pakielam kahit humahapdi ang balat ko sa tuwing nakukuskos ‘yon sa nylon na ginamit nila para igapos ako. Ang mahalaga sa akin makalag ang pagkakatali ko. Tulo na ang pawis ko, ngalay na ako at naiiyak na ako sa hapdi ng balat kong natuklap na yata sa kakapilit kong makawala nang sa wakas naabot ko ang buhol ng tali at nagawa ko iyong makalas. Nanghina ako sa labis na relief. Sandaling napasandal lang ako sa pader bago kinapa naman ang buhol ng busal sa bibig ko para ‘yon naman ang kalasin.

Nakalas ko na ‘yon nang bigla akong makarinig ng mga yabag palapit sa pinto ng silid kung saan ako nakakulong. Sumikdo ng puso ko at napahinto sa paggalaw ang mga kamay ko. Kung papasok sila ngayon makikita nilang napakawalan ko na ang sarili ko. Masisira ang plano kong pagtakas. Huminto ang mga yabag, narinig ko ang pag-uusap nila. Huminto yata sa pagtibok ang puso ko at taimtim na nagdasal na umalis sila at huwag na akong silipin. Maya-maya narinig kong ulit ang mga yabag nila na papalayo na sa pinto ko hanggang sa magkaroon ng katahimikan.

Napabuntong hininga ako. Saka mas mabilis kong itinuloy ang pagtanggal ng busal ko sa bibig. Nang magawa ‘yon kinapa ko agad ang pagkakabuhol ng gapos sa mga paa ko. Kumikislot ang mga ugat sa sentido ko at adrenalin ang nagpapabilis ng kilos at nagpapaalerto sa utak ko. Lalo na nang tuluyan na akong makawala sa mga tali. Tumayo ako at muntik nang mawalan ng balanse kung hindi lang ako nakakapit sa pader. Sa tagal kong nakagapos nangalay na ang mga binti ko.

Ilang segundo pa tuloy ang kinailangan ko para muling makatayo at makalakad. Itinaas ko ang mga kamay ko sa pader at kumapa habang naglalakad. Dalawang beses akong pinakain na maliwanag sa labas at nang pasimple kong igala ang tingin sa kinaroroonan kong silid may nakita akong nakasarang bintana na gawa sa plywood. Kung walang ibang harang sa tingin ko kaya ko ipagsiksikan ang sarili ko para makalabas mula sa bintanang ‘yon.

Ilang minuto pa akong kumakapa sa pader bago ko nahawakan ang hamba ng bintanang hinahanap ko. Lumipad ang mga paru-paro sa sikmura ko sa pag-asang naramdaman ko. Huminga ako ng malalim, sandaling pinakiramdaman kung may lalapit sa pinto para buksan ‘yon at nang masiguro kong tahimik saka ko kinapa ang bintana para alamin kung paano ‘yon mabubuksan. Nang makapa ko ang parang lock ‘non dahan-dahan ko ‘yong pinihit.

Napangiwi ako nang umingit ang kahoy. Kabadong lumingon ako sa pinto sa takot na baka narinig ‘yon sa labas. Pero mukhang hindi dahil tahimik pa rin doon. Huminga ako ng malalim, pilit kinakalma ang maingay na kabog ng puso ko. Saka pinihit pabukas ang bintana. Lumang istilo ‘yon na kapag itinulak palabas ay bubukas pataas. Mabuti na lang sa una lang umingit kaya nabuksan ko ‘yon ng husto. Binati ako ng malamig na simoy ng hangin at ng nagtataasang mga puno.

Nasa gitna kami ng kagubatan. At papadilim na. Kapag tuluyang nawala ang liwanag mahihirapan akong mahanap ang daan palabas ng gubat –

Biglang nagkaroon ng ingay sa labas ng silid, parang mga nagmamadali. Nahulog yata ang puso ko nang biglang bumukas ang pinto. Napalingon ako. Gulat na nakatingin sa akin ang isang lalaki, may dalang tray ng pagkain.

Sumipa ang adrenalin ko. Mabilis akong sumampa ng bintana at nakatalon na palabas bago ko narinig ang sigaw ng lalaki na, “Nakatakas siya!”

Mataas ang nabagsakan ko at sa totoo lang nagkamali pa ng bagsak ang mga paa ko pero binalewala ko ‘yon. Pinilit kong tumayo at saka tumakbo. Hindi ko alam kung ano ang direksiyong tinatahak ko. Basta ang gusto ko lang makalayo. Nakakabingi ang tibok ng puso ko, lalo na nang paglingon ko makita kong tumatakbo na pahabol sa akin ang tatlong lalaki. Ibinalik ko ang tingin sa harapan ko at lalong binilisan ang takbo. May bikig sa lalamunan ko at naiiyak na ako sa takot pero hindi ako tumigil. Kailangan kong makalayo. Kailangan kong makabalik sa amin.

Pero kahit gaano kalayo ang natatakbo ko naririnig ko pa rin ang pagsunod nila sa akin. Naririnig ko ang sigaw at pagtawag nila. Ang pagmumura. Ang mga banta na hindi maganda kapag nahuli daw nila ako. Pinag-igi ko ang pagtakbo pero hindi kaya ng mga binti ko ang inuutos ng utak ko. Nananakit ang mga ‘yon at kusang bumabagal.

Napasinghap ako at napasigaw nang biglang may humablot sa braso ko. “Huli ka!” hinihingal na sabi ng lalaki.

“Bitiwan mo ako!” Nagpumiglas ako pero nakalapit na rin sa amin ang dalawa pa niyang kasama. Hinawakan ng isa ang kabilang braso ko. Halata ang galit sa mukha nila.

“Tatakasan mo pa kaming babae ka ha,” gigil na sabi ng lalaking hindi nakahawak sa akin. Napasinghap ako nang umigkas ang kamay niya at tumama sa pisngi ko. “Milyon ang kapalit mo, gaga ka. Hindi ka namin patatakasin.”

“Huy! Sabi ni boss huwag siyang saktan! Malilintikan na naman tayo. Nabugbog na niya tayo nang malaman niyang hindi natin siya pinapakain,” reklamo ng isang lalaking may hawak sa akin.

“Wala na akong pakielam sa kaniya! Ayoko na magpa-alila sa taong mas bata sa akin. Pera ang kapalit ng babaeng ‘yan. Mas malaki ang kikitain natin kung tayong tatlo na lang ang maghahati-hati. Hindi natin siya kailangan. Tayo lang naman ang naghihirap dito. Siya puro utos lang ang ginagawa!”

Nagtinginan ang dalawang may hawak sa akin. Mukhang nakukumbinsi ng lalaking nanakit sa akin. Hindi pa rin ako nakakarecover sa sakit na dulot ng kamay niya sa pisngi ko. Mahapdi ‘yon at umiikot pa rin ang paningin ko.

“Sige. Payag kami. Tayo na lang,” sang-ayon ng isang may hawak sa akin.

“Ngayon pwede na nating gawin ang gusto natin sa babaeng ‘to,” sabi ng isa pa na may malisya ang tono.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.