Chapter 31

(Ayesha)

Nanlamig ako sa takot at tinangkang kumawala ulit sa hawak nila pero lalong humigpit ang mga kamay nila sa magkabilang braso ko. Hinatak nila ako pabalik sa direksiyong tinahak namin kahit nagpupumiglas ako. Tuluyan nang tumulo ang luha ko dahil alam ko na kapag naibalik nila ako may gagawin silang masama sa akin. Ayokong mangyari ‘yon.

“Please, tulungan niyo ako. Kahit sino, tulungan niyo ako!”

Nagtawanan ang tatlo sa pagsigaw ko. “Walang tutulong sa ‘yo. Tayo lang ang tao sa gubat na ‘to!” sabi ng lalaking nanakit sa akin.

Nagtatawanan pa rin sila at tuluyan na akong tinakasan ng tapang at pag-asa nang biglang sumulpot sa daraanan namin ang lalaking naka-itim. Huminto sa pagtawa ang tatlo, nagkaroon ng tensiyon. Hindi nagsasalita ang bagong dating pero ramdam ko at siguradong ramdam din ng tatlong lalaki ang panganib at galit sa aura niya.

“Balak niyo pala akong traydurin. Akala niyo ba kaya niyo ako?” malamig na sabi ng lalaking naka-itim. Tumingala ako at nakita kong nakasuot pa rin siya ng dark shades. Pero nakikinita ko ang hitsura ng mga mata niya base sa boses niya. Galit at marahas ang siguradong emosyon sa mga mata niya kung mayroon man.

Hindi ko akalain na makakaramdam ako ng labis na relief na makita siya.

“Hindi mo na kami matatakot ngayon!” mayabang na sabi ng lalaking nanakit sa akin. Pagkatapos sumugod ito at inundayan ng suntok ang bagong dating. Na balewalang naiwasan ng naka-itim sabay tadyak sa tiyan ng sumugod. Umigik ito at napaluhod habang hawak ang tiyan. Bumitaw sa akin ang dalawang lalaki at nanlamig ako sa takot nang himbis na sumugod ay nagsipagbunot sila ng mga baril mula sa likuran sabay tutok ng mga ‘yon sa lalaking naka-itim. Pero ni hindi siya natinag. Wala ni katiting na bakas ng takot. Bumuntong hininga pa siya na parang na-bore at humakbang palapit, sinipa ang lalaking nakaluhod nang madaanan.

“Huwag kang lalapit! Alam naming wala kang dalang sandata! Isang putok lang, sabog ang bungo mo,” sabi ng isang lalaki.

Hindi tumigil sa paglapit ang naka-itim. “Bakit sa tingin niyo wala akong dalang sandata? Dahil hindi ko kailangan.”

Takot na humakbang ako paatras pero napansin ‘yon ng isa. Hinablot ako ulit sabay tutok ng baril sa sentido ko. “Papatayin ko ang babaeng ito para walang makinabang kahit sino sa atin kapag lumapit ka!”

Nahulog yata sa lupa ang puso ko nang dumiin ang nguso ng baril sa sentido ko. Mariin akong napapikit sa labis na takot. Sa dami ng nalaman ko tungkol sa pagkatao ni mama at sa pagkatao ko, lalo na sa mga nalaman ko tungkol sa mga Alpuerto, hindi ko naisip na sa baril ako mamamatay.

Narinig kong huminto sa paglalakad ang lalaking naka-itim. “Mukhang kahit kausapin ko kayo hindi kayo makikinig sa akin,” sabi niya.

Unti-unti akong dumilat. Nakita kong hinuhubad niya ang shades niya. Saka matalim ang tingin na tumitig sa lalaki sa kaliwa ko. “Magsisisi kayo na ginalit niyo ako,” matalim ang tinig na sabi niya.

Biglang nabitawan ng lalaking tiningnan niya ang hawak na baril at umungol na parang sinasakal. Manghang napalingon ako sa lalaki na nanlalaki ang mga mata, nakabuka ang bibig at nakahawak sa leeg na parang sinusubukang huminga pero hindi magawa.

Namangha ako nang makita na unti-unting namumutla ang lalaki, parang may vaccum na humihigop sa kaniya na hindi ko maipaliwanag. Humumpak ang mga pisngi at parang luluwa ang mga mata.

“Alam mo na ngayon kung bakit hindi ko kailangan ng sandata. Kaya kitang patayin kung gugustuhin ko,” walang awang sabi ng lalaking naka-itim.

Umungol ang lalaking parang nasasakal. Sa tingin ko nakikiusap siya. Ang lalaki sa kanan ko takot na nabitawan ang baril. “H-halimaw ka! Halimaw!” Siya naman ang tiningnan ng naka-itim at nang magtama ang kanilang mga mata biglang para na ring nasasakal ang sumigaw. Ang lalaking nanakit sa akin ay mukhang nakabawi sa sipa na tinanggap at namumutla sa takot habang nakatingin sa mga kasama. Pagkatapos walang lingon likod na sumigaw at tumakbo palayo.

“Sinong halimaw? Ako? Gusto mo bang malaman kung gaano ako kahalimaw? Kaya kong lagutin ang hininga mo kahit hindi kita hawakan,” gigil na sabi ng lalaking naka-itim.

Diyos ko, papatayin nga yata niya ang dalawang lalaki! Masasama silang tao pero hindi kaya ng sikmura kong makasaksi ng pagpatay. Bago pa ako makapag-isip ng matino humakbang na ako palapit sa lalaking naka-itim at humarang sa harapan niya hanggang sa nasa akin na ang tingin niya. “Tama na –” Bumikig sa lalamunan ko ang boses ko nang magtama ang aming mga paningin. Ang bilog ng kanyang mga mata… itim na itim. I saw that his eyes held so much depth, so much anger, so much… power.

“Tumabi ka kung ayaw mong tapusin ko na rin ang buhay mo dito pa lang,” malamig na banta niya.

Parang nilalamutak ang sikmura ko sa takot. At alam ko na nakikita niya ‘yon sa mukha ko pero hindi ako kumilos para lumayo. “H-huwag mo silang patayin. Huwag sa harap ko.”

“E di pumikit ka,” magaspang na sagot niya.

Marahas akong umiling kahit na nanginginig na ako sa takot. Sa likuran ko natumba na at namimilipit ang dalawang lalaki. Hindi ko alam kung lakas ng loob o kahangalan pero sinalubong ko ulit ng tingin ang mga mata niya. “Stop it,” mas matatag na giit ko.

At may nangyaring nakakamangha na hindi ko inaasahan.

Nang maging determinado sa isip kong pigilan siya sa kung ano mang ginagawa niya sa dalawang lalaki may naramdaman akong init na bumalot sa katawan ko. Mabilis ‘yong kumalat hanggang sa lalaking naka-itim. Nanlaki ang mga mata niya at napaatras na parang natulak ng kung anong puwersa. Bigla ring nawala ang itim na itim na kulay ng kanyang mga mata at nagmukhang normal.

Napaubo ang dalawang lalaki sa likuran ko at nang lumingon ako nakita kong hindi na sila namimilipit at parang mga hayok sa hangin na habol ang paghinga. Takot na tumingin sila sa amin at sabay pasigaw na nagtatakbo palayo.

Naiwan kaming dalawa ng lalaking naka-itim. Bigla kong narealize na pagkakataon ko na rin ‘yon para makatakas. Pumihit ako patalikod sa kaniya at akmang tatakbo pero maagap niyang nahawakan ang braso ko. “Bitiwan mo ‘ko!”

“Tumahimik ka! Hindi kita pakakawalan,” mariing sabi niya. May bahid pa rin ng pagkamangha ang boses niya pero parang pilit niyang itinatago. “Sigurado na ako na ikaw talaga ang hinahanap namin.”

“Namin…” nausal ko at nilingon siyang muli. “Sinong namin?”

Mariing naglapat ang mga labi niya. “Hindi mo na kailangan malaman.” Saka niya ako hinatak, palayo sa direksiyon kung nasaan ang pinagtaguan nila sa akin sa loob ng ilang araw.

“Saan mo ako dadalhin?!”

“Hindi mo rin kailangan malaman!”

Nagpumiglas ako pero mas malakas siya sa akin. Frustrated na napatingin na lang ako sa likuran niya. Na lalo kong narealize na pamilyar sa akin. Binilisan niya ang paglalakad at dahil hindi ako nakatingin sa dinaraanan namin natisod ako sa ugat ng isang puno. “Aray.” Nagasgas ang mga tuhod ko. Ang hapdi. Tiningnan ko ang mga ‘yon at nakita kong may dugo. Ang mga binti ko sugatan din. Siguro kanina may tumusok na mga sanga na nadaanan ko nang tumatakbo ako.

Ngayong nararamdaman ko ang hapdi ng sugat, parang naging sensitibo na ang buong katawan ko sa lahat ng sakit na tinamo ng katawan ko. Sa mga gasgas sa braso ko lalo na ang parteng mahigpit na hawak ng mga lalaki kanina, sa sugat at bakas ng tali sa mga palapulsuhan ko, hanggang sa nangangapal na pisngi kong sinampal kanina ng mayabang na lalaki. Damang dama ko ang sakit at kinailangan kong kagatin ng mariin ang ibabang labi ko para lang hindi bumunghalit ng iyak.

Napahinto rin sa paglalakad ang lalaking nakaitim at napayuko sa akin. Nang tingalain ko siya nakita kong bakas ang iritasyon sa mukha niya. “Ano? Nasaan ang tapang mo ngayon?”

Lalo kong diniinan ang pagkakakagat sa ibabang labi ko hanggang sa malasahan ko na ang dugo mula roon para lang huwag umiyak sa harapan niya. Pinilit kong tumayo kahit sumisirit ang sakit sa mga tuhod ko.

Nagulat ako nang marahas siyang bumulong, “‘Tangina talaga.” Naramdaman ko ang biglang pagpihit niya paharap sa akin. Itinaas ko ang mga braso para protektahan ang mukha ko dahil akala ko sasaktan niya ako. Kaya nagulat ako nang bigla akong umangat mula sa lupa at biglang bumaligtad ang paningin ko nang buhatin niya ako na parang sako. Nagsimula siyang maglakad nang walang kahirap-hirap kahit nasa balikat niya ako. “Ang sakit mo sa ulo,” inis na angal pa niya habang naglalakad.

Natulala na lang ako sa sinabi at ginawa niya. Nawala ang takot ko. Napalitan ng inis. Inis na sinuntok ko ang likod niya. Hindi niya ako pinansin. Sinuntok ko siya ulit.

“Gawin mo pa iyan, malilintikan ka sa akin,” nagbabantang sabi niya.

Huminto ako. Bigla kong naalala ang walang awang ekspresyon niya kanina habang pinagmamasdang halos mamatay ang dalawang lalaking kasama niya. Ayokong mamatay sa ganoong paraan.

“Sino ka ba talaga?” frustrated na lang na tanong ko. Nanginginig ang boses ko kasi naiiyak pa rin ako.

Matagal na hindi siya sumagot.

“Hindi ko rin kailangan malaman?” inis na tanong ko.

Huminto siya sa paglalakad at ibinaba ako hanggang sa nakatayo na ako sa harap niya. Hinawakan niya ang baba ko at itinaas ang mukha ko hanggang mapatingin na ako sa mukha niya. “Hindi ko maitatago sa ‘yo kung sino ako. Kasama sa plano ang malaman mo ang pagkatao ko,” seryosong sabi niya.

Kumunot ang noo ko dahil gusto ko talagang malaman kung ano ang plano na sinasabi niya. Napatitig ako sa mukha niya. Ngayong wala na ang dark shades na palaging suot niya… alam ko na kung bakit pamilyar siya! Ang hugis ng mga matang ‘yon, ang matangos na ilong, ang mga labi… balbas sarado man siya kaparehong kapareho ‘yon ng mukha ni…

“Cain?” nausal ko bago ko pa napigilan ang sarili ko.

Naningkit ang mga mata ng lalaki sa harapan ko, naging mabalasik ang ekspresyon at tumiim ang mga labi. “Hindi Cain ang pangalan ko. Huwag mo akong ipagkamali sa kung sino. Pinaka-ayoko ‘yan sa lahat.”

Natulala ako. Siyempre imposibleng siya si Cain. Pero magkamukha talaga sila! Kung hindi siya si Cain, sino siya?

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.