Chapter 46

(Ayesha)

“Magiging maayos ang lahat, Becky. Wala sa pamilya namin ang makakasakit sa inyo. We are not going to allow it.”

Napatingin kami sa sala nang biglang nagsalita si sir Angus. Gising na pala siya. Ganoon din si Chance.

“Mas ligtas kayo sa presensiya namin kaysa maiwan dito na hindi natin alam kung sino ba talaga ang kaaway,” argumento pa rin ni Cain.

Napabuntong hininga ako kasi may punto naman sila. Mukhang ‘yon din ang opinyon ni mama dahil nalaglag ang mga balikat niya at nawala ang pagmamatigas sa mukha. “Oo na nga.”

Ngumiti si sir Angus. Tumango si Chance. Si Cain naman lumambot ang ekspresyon. “Luluwas tayo ng manila ngayong araw. Pagkatapos ng almusal, bibigyan ko kayo ng oras para makapag-empake.”

Nagkatinginan kami ni mama. Napansin ko na nagkaroon ng alinlangan sa mukha niya. Inabot niya ang kamay ko at mahigpit iyong hinawakan. Nanlalamig ang kamay niya. Ninenerbiyos si mama.

Bigla ko naunawaan na big deal para sa kaniya ang magpunta ng maynila. Mas lalo na ang mapalapit ulit sa pamilya na tinakasan niya noong bata pa siya para makasama si papa. She’s been running away for almost eighteen years. Nakakatakot talaga makita ulit ang mga taong tinakasan niya noon.

Pinisil ko ang kamay niya at nginitian siya. Magiging okay ang lahat. Gusto ko ‘yon sabihin sa kaniya.

Iyon din kasi ang gusto ko paniwalaan.

PAGSAPIT ng hapon sa araw din na ‘yon bumiyahe kami paluwas ng maynila. Hand-carry bags lang ang dala namin ni mama dahil wala naman kami balak magtagal na wala sa Tala. May trabaho siyang kailangan balikan. Kailangan ko rin bumalik sa school at sa part-time job ko.

Sa isang mataas na gusali huminto ang sasakyan ni Cain. Sa penthouse daw ng gusali na ‘yon siya nakatira at doon daw muna kami mananatili ni mama. Napansin ko na nakahinga ng maluwag si mama nang malaman iyon.

Si sir Angus ang nagboluntaryong bitbitin ang mga bag namin paakyat sa penthouse. Sa likod kami dumaan at hindi sa entrada ng gusali. Para daw kung sakaling nagmamatiyag ang may pakana ng pagdukot sa akin hindi nila malaman na naroon ako.

Natagpuan ko ang sarili kong pasimpleng tumitingin sa paligid, hinahanap kahit ang pamilyar lang na anino ni Zion. Dahil kung naroon siya mapapanatag ako na walang nangyaring masama sa kaniya.

Sandali, mapapanatag? Kailan pa ako napanatag na may nagmamatiyag sa akin? Marahas akong umiling para palinawin ang isip ko na nagulo na yata mula nang manatili ako sa bundok.

“Are you okay?”

Kumurap ako at napalingon kay Chance na siyang nakatayo sa kanan ko habang sakay kami ng elevator paakyat sa penthouse. Nakatingin siya sa akin, hindi pa rin nakangiti na tulad ng dati pero mas mabait na ang tono niya.

Huminga ako ng malalim at bahagyang ngumiti. “Okay lang ako. Salamat sa pagtatanong.”

Iniwas niya ang tingin, itinutok sa pinto ng elevator pero mahina namang nagsalita, “I apologize for my rude behavior since we’ve met. I judged you even before I get to know you. Napagbalingan kita ng galit at frustration ko kahit wala ka naman talagang ginagawang masama.”

Sandaling napatitig ako sa kaniya. Hindi ako makapaniwala na sinasabi ‘yon ni Chance. Mas sanay ako na masungit siya at nakataas ang noo. Well, nakataas pa rin naman ang noo niya at mukhang suplado ngayon. Pero nakahinga ako ng maluwag ngayong alam ko nang hindi siya galit sa akin. Kasi sa totoo lang, gusto ko siya maging kaibigan. Siguro siya kasi ang ka-edad ko sa kanilang lahat. At least, sa panlabas na anyo.

“Okay na. Huwag mo na isipin ‘yan,” sagot ko sa mahina rin na tinig. Para sana siya lang ang makarinig. Pero nang tumingin ako sa pinto ng elevator nakita ko sa repleksiyon namin na may munting ngiti sa mga labi nina Cain at sir Angus. Kahit si mama nakangiti rin. Mukhang narinig nila ang mga pinag-uusapan namin ni Chance na namumula ang mukha at mariing nakatikom ang mga labi. Sa tingin ko nahihiya siya. Lumawak tuloy ang ngiti ko.

Huminto ang elevator sa pinakahuling palapag. Bumukas ‘yon at bumulaga sa amin ang malawak na penthouse. Sa magazines, internet at palabas sa TV ko pa lang nakikita ang ganoon kaganda at ka-modernong tirahan. Simple pero mamahalin ang mga furniture at halatang lalaki ang nakatira roon.

Hindi pa kami nagtatagal sa pagkakatayo sa labas ng elevator nang sumulpot mula sa kung saang parte ng penthouse ang assistant ni Cain. Salamin ang halos lahat ng pader, ganoon din ang front door kaya kita namin siya mula sa loob. Walang ekspresyon ang mukha niya pero mabilis ang mga hakbang para makalabas at makapunta sa amin.

Sinulyapan ko si Cain. Nakataas ang mga balikat niya at seryoso ang ekspresyon. Tensiyonado din ang kanyang mga kalamnan habang nakatingin sa assistant niya. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang reaksiyon niya.

Nakalapit na sa amin si Arnold, deretso ang tingin sa boss niya. “Master Cain, welcome back.”

“Ano ang problema?” tanong ni Cain.

Mariing naglapat ang mga labi ni Arnold, sumulyap kina sir Angus at Chance. Pagkatapos sumulyap din kay mama at sa akin bago bumalik ang tingin kay Cain. “May mga bisita ka, master. Naghihintay sila sa opisina mo. Emergency daw kaya sila mismo ang nagpunta rito para makausap ka.”

Maging sina sir Angus naging tensiyonado na rin. Bumakas din ang pag-unawa sa mga mukha nila at katulad ni Arnold napasulyap sa amin ni mama. They look worried. Kinabahan na tuloy ako.

Bumaling ako kay Cain. “Kung makakaistorbo kami ni mama, pwede kaming umalis muna.”

“Hindi kayo istorbo,” mabilis na sagot niya. Bumuntong hininga siya. “Hindi ko lang alam kung magiging komportable ang mama mo. Ang mga Elder ng pamilya namin ang siguradong naghihintay sa akin sa loob.”

Si mama naman ang na-tense. Hindi siya nakapagsalita at para bang wala sa loob na hinawakan ako sa braso. Pero maya-maya lang mukhang nakalma na niya ang sarili kasi huminga siya ng malalim at itinaas ang noo. “Handa akong makaharap sila. Hindi ako papayag na sumama sa inyo dito kung hindi ko inaasahang makikita sila.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.