(Ayesha)
Tumango si Cain. Hinawakan ko ang kamay ni mama at pinisil ‘yon para iparamdam sa kaniya ang suporta ko.
“Very well. Pumasok na tayo sa loob. Dadalhin kayo ni Arnold sa magiging kuwarto ninyo. De-deretso na ako sa opisina ko para malaman kung ano ang kailangan nila,” sabi ni Cain at nilingon ang mga pinsan. “Nandito na rin kayo, harapin niyo na rin sila. Tutal sa kasalukuyan, lahat tayo candidate maging clan leader. Lahat tayo karapat-dapat malaman ang mga nangyayari.”
Nauna na siya pumasok sa bahay niya. Sumunod sina sir Angus at Chance, seryoso na rin ang mga ekspresyon. Na para bang struggle para sa kanila ang harapin ang mga nakatatanda sa kanilang pamilya.
Naiwan si Arnold na siyang umalalay sa amin sa pagpasok at nagdala sa amin sa kuwartong pinahanda daw talaga ni Cain kagabi pa.
Napahugot ako ng malalim na paghinga nang kaming dalawa na lang ni mama sa kuwarto. Mabilis din kasing nagpaalam si Arnold para sumunod kay Cain. Narinig ko rin si mama na huminga ng malalim. Mukhang kahit umakto siyang matapang kanina ninenerbiyos pa rin siya.
“Hintayin na lang natin na katukin tayo nila Cain. Sigurado aalis din sila mamaya,” nakangiting sabi ko para makalma si mama.
Pilit na ngumiti si mama, huminga na naman ng malalim at parang frustrated na isinubsob ang mukha sa kanyang mga kamay. “Nahihiya ako sa iyo. Nakikita mo ang pagiging duwag ko. Ako ang nanay pero mas malakas pa ang loob mo kaysa sa akin. Kahit noon ganito na ako. Dahil lang sa papa mo noon kaya nagawa kong maging matapang kahit papaano. Pero sa loob ko alam ko na tumatakas pa rin ako. Alam ko na hindi talaga ako naging matapang kung hindi napahilig lang sa papa mo. Pareho kayo ng personalidad. Tingnan mo nga ngayon, ikaw pa ang umaalo sa akin.”
Napabuntong hininga ako pero napangiti rin. Na agad nawala nang may marinig akong malalakas na boses mula sa labas ng kuwarto namin. Parang mga natataranta na natatakot na hindi ko maintindihan. Sa lahat ng boses may isang halos sumigaw na, “Ano nang gagawin natin? Do something Cain!”
Nagkatinginan kami ni mama. “Anong nangyayari sa labas?” nanlalaki ang mga mata na tanong ko.
Umiling si mama pero mukhang nag-aalala rin. Nagpatuloy ang ingay kaya hindi na ako nakatiis. Tumayo ako at lumapit sa pinto para mas marinig ko ang pag-uusap sa labas.
“It was a trap! They took her as a decoy. Sigurado ako. Dahil kumilos sila sa sandaling abala kayo sa pagliligtas sa kaniya,” sabi ng isang boses.
Sumikdo ang puso ko at nanlamig ang buo kong katawan. Bigla kong naalala ang sinasabi ni Zion na plano. Na ibabalik din niya ako. Pagkatapos naalala ko na para bang palagi siyang may hinihintay. Decoy nga ba ako? Panlinlang para sa akin mapunta ang atensiyon nila Cain? Anong plano ang ginagawa nila Zion?
Nagtatalo pa rin ang mga nasa labas. Bago ko pa napigilan ang sarili ko nahawakan ko na ang doorknob at nabuksan ang pinto.
“Ayesha! Anong ginagawa mo?” manghang sabi ni mama mula sa likuran ko. Hindi ko na nga lang siya nalingon kasi nagulat din ako sa ginawa ko. Natigilan ako kasi napahinto sa pagsasalita ang mga lalaki sa labas at napalingon sa akin.
“Nandito ka?” Si Victor Alpuerto ang nagsalita. Narealize ko na hindi lang pala mga nakatatanda ang naroon ngayon. Maging ang ama nila Chance at ang senador na ama naman ni Cain naroon din. Bago ako makasagot lumampas na ang tingin ni Victor sa balikat ko at napaderetso ng tayo. Tumiim ang ekspresyon niya. Nagmukha siyang nakakatakot.
Ilang segundo na hindi ko maintindihan kung bakit nagbago ang ekspresyon niya. Hanggang maramdaman ko ang presensiya ni mama sa likuran ko nang akbayan niya ako. Nilingon ko siya at nakita kong katulad ni Victor nag-iba rin ang facial expression ni mama.
Oo nga pala. Hindi maganda ang nakaraan nila!
Nakita na rin ng mga matatanda si mama. Namangha sila. Namutla. Parang hindi alam kung ano ang sasabihin.
Si mama ang bumasag sa katahimikan. “Ayesha, umalis na tayo dito. Hindi ka ligtas dito kung nakakapasok ang isang katulad niya rito.”
“Mama!” Ngayon ko lang siya narinig na magsalita ng ganoon para sa isang tao. Likas na mabait ang mama ko at nakakakita ng kabutihan kahit sa pinakanakakainis na tao.
“You don’t have to go that far, Rebecca,” sabi ng isa sa mga matatandang lalaki.
“Lolo Bartolome, I am not going too far, am I?” galit na sagot ni mama. “Pinagtangkaan lang naman niya kaming patayin noon. Ako, ang lalaking mahal ko at si Ayesha, noong nasa sinapupunan ko pa siya.”
Nagimbal ako sa sinabi ni mama. Napatitig ako sa galit niyang mukha. Pagkatapos bumaling ako sa mga Alpuerto. Sa kanilang lahat, si Cain lang ang mukhang nagulat sa sinabi ni mama. Ibig sabihin alam nila na tinangka ni Victor na patayin ang mga magulang ko at ako na rin. Kahit si sir Angus at Chance, alam ang tungkol doon.
At walang nagsabi sa akin. May bumara sa lalamunan ko. Ano ba talaga ang nangyari noon?