Chapter 49

(Ayesha)

Sandaling namayani ang katahimikan bago nagsalita si senator Gregorio Alpuerto. “Kalimutan na natin ang nakaraan. Hindi na natin maibabalik pa iyon. Walang Alpuerto ang ipinanganak na may ganoong kapangyarihan. Ang kailangan natin ngayon ay mag-focus sa pagpapanatili sa existence ng pamilya natin.” Tumingin sa akin ang may-edad na lalaki. Apologetic siyang ngumiti. “We might be putting a huge pressure on your shoulders, Ayesha. Pero sana, bago dumating ang ikalabing walong taong kaarawan mo ay isang Alpuerto ang mapili mong makasama habambuhay. Mas magiging madali sa iyo ang ritwal ng pag-iisa kung ganoon ang kaso. You know what I mean right?”

Uminit ang mukha ko. Bigla akong nahiya pero nagawa ko namang tumango. Iniwasan ko tumingin kay Cain at sir Angus.

Tumayo si lolo Bartolome. “Kung ganoon tayo na ang bahala sa mga bagay na tayo lang ang puwedeng umayos.”

“Pinapakilos ko na ang mga tao ko para alamin at hanapin ang nasa likod ng pagdukot kay Ayesha. May briefing akong gagawin kaya mauuna na ako,” sabi ni AFP Chief Demetrio Alpuerto.

“Ako na ang bahala sa mga negosyong hawak namin. Titingnan ko kung ano ang magagawa ko,” sabi naman ni lolo Carlos. Sabay na umalis ang dalawa.

Bumuntong hininga si lolo Ingracio habang tumatayo na rin. “Sino kaya ang gumagawa nito sa atin?” pagod na tanong niya.

“Kailangan natin maging maingat at alerto. Kung sino man sila, siguradong mayroon silang malalim na galit sa atin,” sabi naman ni lolo Bartolome.

Napansin ko na natigilan si senator Gregorio na para bang may sumagi sa isip niya. Nagbago ang ekspresyon sa mukha niya. Ilang segundo lang ‘yon pero nanayo ang mga balahibo ko sa batok at kinilabutan ako sa nakita ko. Narealize ko na may dinadala siyang galit. Hindi ko alam kung para kanino.

Nawala na ang galit na ‘yon sa mukha niya nang kumurap ako. Nagpaalam ang lahat ng nakakatanda at umalis. Maliban kay Victor. Naramdaman ko na tensiyonado pa rin si mama. Nagkatinginan naman kami nina sir Angus at Cain.

Sa sahig nakatingin si Victor, kuyom pa rin ang mga kamao at as usual mukhang galit. Pero ngayon ko narealize na dapat pala tinititigan mong maigi ang mukha niya. Dapat pala, iniintinding mabuti kung ano ang kahulugan ng bawat munting pagbabago sa mukha niya. At ngayon, nakikita ko na medyo nakaangat ang gilid ng mga labi niya na para bang may gusto sabihin pero nahihirapang gawin. Sinulyapan ko si mama at nakita ko na nakita rin niya ‘yon.

Bigla kong naalala si Zion. Palagi din kasi siyang mukhang galit at nakakatakot sa simula. But when I really looked at him and when I finally saw through his defenses, I saw the glimpse of his true self.

Kumirot ang puso ko nang maalala siya.

Kumurap ako nang maramdaman ang magaan na tapik ni mama sa braso ko. “Puwede bang bigyan niyo kami kahit ilang sandali lang? Mag-uusap kami,” sabi niya sa amin.

“Becky –” magsisimula sanang magreklamo si sir Angus pero napigilan siya ni Cain na agad pumayag.

“We can stay outside.”

“No. Kami na ang lalabas,” sabi ni mama. Bumitaw siya sa akin, tiningnan sandali si Victor na nag-angat na ng tingin, at saka naunang maglakad papunta sa glass door ng penthouse. Walang salita na sumunod si Victor. Ni hindi siya nagpaalam sa mga pamangkin niya.

Nakalabas na ang dalawa at natatanaw kong nakatayo sila sa tapat ng elevator. Maraming pulgada ang layo sa isa’t isa at ni hindi nga magkaharap. Matagal na parang wala naman nagsasalita sa kanila.

“Ayokong patawarin niya si tiyo Victor. An attempt on her life is unforgivable,” galit na sabi ni sir Angus kaya napunta sa kaniya ang tingin ko.

Hinarap siya ni Cain. “Hindi tayo uusad kung hindi tayo nagpapatawad, Angus. Isa pa, masyadong maraming problema ang kinakaharap ng pamilya at mas makakatulong kung mawawala ang internal conflict sa pamilya natin. Magiging maganda para kay tiyo Victor kung maisasara na nila ng nanay ni Ayesha ang nakaraan.”

“Sinasabi mo lang iyan dahil wala kang ideya kung ano ang pakiramdam na dinadalaw ka kahit sa panaginip ng mga pangyayaring mahirap kalimutan, Cain,” inis na sabi ni sir Angus. Nagulat ako sa pagtataas niya ng boses. Lalo akong nagulat sa pait at galit sa mukha niya. “Hindi mo alam kung ano ang ginawa nila sa amin ni Chance. Mga bagay na ipagpapatuloy pa nilang gawin kung hindi lang kami nanindigan para sa mga sarili namin. Sila ba ang mga taong gusto mong patawarin? They don’t deserve it.”

Napatitig kami sa kaniya. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Si Cain ang bumasag sa nakakailang na katahimikan. “Ano ang ginawa nila sa inyo, Angus?” May panganib sa boses niya. Na para bang kung hindi niya magugustuhan ang sasabihin ni sir Angus handa siyang komprontahin ang mga nakatatanda sa pamilya Alpuerto para ipagtanggol ang mga pinsan niya.

Nawala ang galit sa mukha ni sir Angus at malalim na bumuntong hininga. Hinawi niya ang mahabang buhok at umiling. Nawala na rin kahit ang tensiyon sa katawan niya. “Forget it. Masyado ka na maraming iniisip.” Sumulyap sa akin ang professor ko at apologetic na ngumiti. “Pasensiya ka na Ayesha. Nakita mo pa akong magtaas ng boses.”

Umiling ako. “Normal lang makaramdam ng galit at frustration ang isang tao. Walang dahilan para humingi ka ng pasensiya sa akin.”

Lumambot ang ekspresyon ni sir Angus. Pero nang sumulyap ulit siya sa direksiyon nina mama at Victor sumimangot na naman. Sumulyap din ako sa dalawa. Nag-uusap na sila. Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila kasi hindi ko mabasa ang buka ng mga bibig nila. Maya-maya nagtinginan ang dalawa, tumango at nang bumukas ang pinto ng elevator pumasok doon si Victor. Saka lang pumihit paharap sa penthouse si mama at pumasok sa loob.

“Becky, pinatawad mo ba siya?” tanong ni sir Angus nang makalapit sa amin si mama.

Huminga ng malalim si mama. “Hindi. Walang kapatawaran ang ginawa niya sa amin kahit pa ako rin ang may kasalanan kung bakit niya iyon nagawa. Hindi rin niya ako patatawarin sa ginawa kong pagtataksil. We decided not to forgive each other. Pero hanggang doon na lang iyon. Isang nakaraan na pagsisikapan namin na huwag na dalhin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Pareho kaming may nagawang hindi maganda sa isa’t isa noon at alam namin na mas madali sabihin na talikuran ang nakaraan kaysa gawin. But we will try hard.” Sumulyap siya sa akin at nanginginig ang mga labi na ngumiti. “I’m not going to run away anymore. Ayokong palagi na lang may nagiging matapang para sa akin. Gusto kong maging matapang din katulad mo, Ayesha. Katulad niyo ng papa mo.”

Uminit ang mga mata ko. “Mama…” Lumapit ako sa kaniya at niyakap siya ng mahigpit. Gumanti siya ng yakap at hinalikan ang tuktok ng ulo ko.

“Kaya naisip ko… siguro panahon na para bumalik ako sa amin at ipakilala ka sa pamilya ko,” patuloy ni mama. Kumalas siya mula sa pagkakayakap sa akin, hinaplos ang buhok ko at tiningnan ang mukha ko. Tipid siyang ngumiti. “Gusto kong makilala mo ang pamilya Malyari, Ayesha. I want you to know your bloodline.” Sumulyap siya kay Cain at sir Angus. “Puwede niyo ba kami samahan sa Malyari compound?”

“Yes,” walang pagdadalawang isip at sabay pang sagot ng dalawa.

Nahigit ko ang hininga. Hindi ko alam kung ano ang aasahan kapag nagpunta kami sa lugar kung saan ipinanganak at lumaki si mama. Pero sumikdo ang puso ko sa antisipasyon. Para bang may kung ano sa Malyari compound na binabanggit lang parang hinihila na ako.

Na para bang sa nakaraang mga taon hinihintay talaga ako ng Malyari compound, hinihintay ang araw na pupunta ako doon.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.