Chapter 50

(Ayesha)

ISANG MALAWAK na compound ang tinitirhan ng mga Malyari. Nababalutan ng mga halamang baging at malulusog na moss ang matataas at makakapal na pader na nakapalibot doon. Hindi ‘yon mukhang sinadya para maging disenyo. Mas mukhang napabayaan kaya tinubuan na ng mga halaman. Halatang luma at kupas na rin ang kulay ng tisang bubong ng mga bahay. Iyon lang ang nakikita ko mula sa tapat ng higante at kupas na rin ang kulay na gate kung saan kami nakatayo.

“Ganito ba talaga dito noon, mama?” tanong ko nang sulyapan ko siya.

Umiling si mama at mas mukhang mangha kaysa sa akin habang nakatitig sa gate. “Makulay at masigla ang lugar na ito sa pagkakatanda ko,” bulong niya. May kumislap na nostalgia sa mga mata niya.

Hindi ko napigilan na medyo mapangiti. Nakikita ko sa mukha ni mama na gustong gusto niya bumalik pero napigilan lang niya sa nakaraang mga taon. Namamasa nga ang mga mata niya ngayon habang nakatitig sa gate ng Malyari compound. Siguro naaalala niya ang naging kabataan niya roon.

Maya-maya lang nakuha ang atensiyon namin nang dahan-dahang pagbubukas ng gate na ‘yon. Lumapit si Cain na siyang nagtungo sa guard house para ipaalam ang pagdating namin. May kakaiba sa ekspresyon niya nang makalapit sa amin. Mukha siyang namamangha na nagtataka na hindi ko maintindihan.

“Bakit ganiyan ang hitsura mo?” tanong ko.

Tiningnan niya ako. “Ang sabi nila, inaasahan daw nila ang pagdating natin.”

Kumurap ako. “Wala naman tayong pinagsabihan na pupunta tayo dito ngayon, hindi ba?”

Tumango si Cain. Si sir Angus naman napasipol sa pagkamangha at nagsalita, “Well, hindi nakakapagtaka. Hindi man katulad ng mga Alpuerto, hindi rin pangkaraniwang mga tao ang mga Malyari.”

Huminga ng malalim si mama, inabot ang kamay ko at mariin ‘yong pinisil. “Pumasok na tayo.”

Iyon nga ang ginawa namin.

Maluwag ang bakuran sa loob. Makaluma ang mga bahay. Nakatayo ang mga ‘yon paikot kaya may malawak na espasyong pa-oval sa gitna. Dahil compound ‘yon at malawak na lupain akala ko maraming bahay sa loob pero habang naglalakad kami napansin kong nasa sampu lang yata ang mga bahay doon. Sa pinakamalaking bahay na matatagpuan sa dulo ng compound daw kami pupunta sabi ni mama. Iyon daw kasi ang ancestral house ng mga Malyari. Noong si mama daw ang moon bride, doon siya nakatira kasama ang mga magulang niya.

“Sino ang nakatira diyan ngayon?” tanong ko nang makita ko na ang ancestral house. Ilang metro na lang ang layo namin doon. Dalawang palapag lang ‘yon pero malawak. Halos sakop ang haba ng pader na nakapalibot sa compound. Pinakaluma rin ‘yong tingnan sa lahat ng mga bahay doon. Ang tahimik sa loob. Parang walang tao.

“Ang pamilya ng Forseer ang nakatira ngayon diyan,” sagot ni Cain.

“Oh, si tiya Lira?” tanong ni mama, nakangiti at mukhang nasabik.

Natigilan si Cain at sinulyapan si mama. “No. Pumanaw ang dating Forseer labin limang taon na ang nakararaan.”

Nawala ang ngiti sa mga labi ni mama. Natulala. “I-iba na ang Forseer?”

Biglang bumukas ang front door ng ancestral house. Napalingon kami lahat doon.

Isang babae na mukhang teenager ang nakatayo sa pintuan. Puti ang bestida niya na hanggang sakong. Hanggang baywang ang mahaba, tuwid at itim niyang buhok. Maganda ang babae pero ang mga mata niya, walang buhay. Nakatingin sa amin pero may palagay akong hindi talaga kami nakikita. Bulag siya.

“Siya ang bagong Forseer,” sabi ni Cain.

Tumango si sir Angus. “Nagpunta ang buong pamilya ng Alpuerto para makiisa sa selebrasyon nang ipanganak siya. Siya si Luna.”

NAPALUNOK ako nang humakbang si Luna palapit sa amin. Kinabahan pa ako na baka matisod siya o kung ano pa man pero sigurado ang bawat hakbang niya. Kung hindi ko lang alam na bulag siya, mapapaniwala ako na nakikita niya ang daan.

Nahigit ko ang hininga nang huminto siya ilang pulgada sa mismong harap ko. “Alam ko na darating ka sa araw na ito, moon bride.” Malamyos ang boses niya. Malamig. It reminds me of a full moon. Bagay sa kaniya ang pangalan niya. At katulad ng buwan, parang may humahatak sa akin palapit kay Luna. Ang puso ko, parang pinipiga na hindi ko maintindihan.

Inilahad niya ang kamay sa akin. Napahakbang ako palapit sa kaniya. At palapit pa. Hanggang sa parang kusang umangat ang braso ko at inabot ang kamay niya. May bumikig sa lalamunan ko at uminit ang mga mata ko nang maglapat ang mga palad namin. Bigla pakiramdam ko isa akong manlalakbay na matagal na nangulila sa pinanggalingan at sa wakas nakauwi rin ako.

Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko ngayon.

Sumilay ang nakakaunawang ngiti sa mga labi ni Luna. “Ipinanganak akong naririnig ang boses ni Mayari. May mga pagkakataon na ako ay nagiging siya. Ganiyan ang nararamdaman mo dahil may presensiya niya sa loob ko. Kusang lumalapit ang puso at kaluluwa mo sa kaniya,” sabi niya. Hinatak niya ako. “Pumasok kayo sa loob.”

Napatingin ako kina mama na tinanguan naman ako at nagsimula na rin maglakad pasunod sa amin ni Luna.

May mga naghihintay pala sa loob ng mansiyon. Mga babaeng parang nasa kuwarenta ang edad. Isa lang sa kanila ang mukhang matanda na talaga. Payat at matangkad ang matanda. Naghahalo na rin ang itim at puting buhok niya. Seryoso ang mga ekspresyon nila. Para pa ngang hindi sila natutuwang makita kami.

“Matapos ang halos labing walong taon, nagbalik ka, Rebecca,” sabi ng matandang babae.

“Mommy,” anas ni mama.

Gulat na napalingon ako sa kaniya. Namumutla si mama habang nakatingin sa matandang babae na lola ko pala. Bumakas ang guilt sa mukha ni mama at medyo nagbaba ng tingin. Kumirot ang puso ko para sa kaniya. Bumitaw ako kay Luna at lumapit sa kaniya. Kumapit ako sa braso niya para tahimik siyang bigyan ng suporta.

“Sorry po sa ginawa kong pagtakas noon. Sorry po na hindi ako tumawag man lang para ipaalam na ayos lang ako.” Huminga ng malalim si mama at nag-angat ng tingin. “Sorry kung pinag-alala ko kayo sa nakaraang labing walong taon.”

“Mabuti naman at alam mo na mali ang ginawa mo,” malamig na sagot ng lola ko. Pero nang muli siyang magsalita nawala ang lamig na ‘yon. Nanginig ang boses ng matandang babae. “Pinalaki ka namin ng maayos. Ibinigay ang lahat ng magustuhan. Minahal ka namin sa paraang kaya namin. Pero ano ang iginanti mo sa amin ng ‘yong ama? Alam mo na ikaw lang ang anak namin. Ngayong mayroon ka na ring anak, ano sa tingin mo ang naramdaman namin na bigla kang nawala at hindi na bumalik noon?”

Namasa ang mga mata ni mama at ginagap ang kamay kong nakakapit sa braso niya. “Alam ko na po ngayon ang pakiramdam na biglang mawala ang anak at hindi alam kung saan hahagilapin. Halos isang linggong nawala si Ayesha pero pakiramdam ko napakatagal na panahon bago namin siya nakita ulit. Hindi ko ma-imagine kung gaano katinding pag-aalala at sakit ang naramdaman niyo sa nakaraang halos dalawang dekada dahil sa akin.” Bumitaw sa akin si mama at tumutulo ang mga luha na lumapit kay lola.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.