(Ayesha)
“Okay ka lang, Luna?”
Huminga siya ng malalim at tumango. Tumingala siya sa akin. Nakita ko na bumalik na sa normal ang mga mata niya. Wala na naman nakikita. “Sino ang lalaking nagmamay-ari ng puso mo, Ayesha?”
Umawang ang mga labi ko. Hindi ako nakapagsalita dahil hindi ko alam ang isasagot. Sino nga ba?
“Huwag mong kalilimutan ang propesiya. Kapag sa tingin mo may desisyon kang kailangang gawin, huwag mong kalilimutan, Ayesha. Hindi lang para sa mga Alpuerto o para sa mga Malyari. Para sa mga tao sa hinaharap, huwag mong piliin ang maling lalaki,” pakiusap ni Luna.
Parang may pumiga sa puso ko at may bumikig sa lalamunan ko. “H-hindi ko alam kung sino ang sinasabi niyang nagmamay-ari ng puso ko,” paos na sagot ko.
Umangat ang kamay ni Luna at humaplos sa pisngi ko. “Kung hindi mo alam bakit ka umiiyak?”
Kumurap ako. May pumatak na luha mula sa mga mata ko. Umiiyak nga ako. Pero bakit?
“Ayesha! Saan ka nagpunta - May problema ba, anak?”
Lumingon ako sa nakabukas na french doors. Nakatayo roon si mama. Kasama sina sir Angus at Cain. Kinalma ko ang sarili ko at ngumiti. “Wala pong problema mama. Nag-uusap lang kami ni Luna.” Ibinalik ko ang tingin sa Forseer at inalalayan siyang makatayo.
“Aalis na ba kayo? Maaga pa,” sabi ni Luna nang makalapit sa amin sina mama.
“Babalik naman kami. Masaya akong makilala ang bagong Forseer,” nakangiting sabi ni mama.
Ngumiti rin si Luna. Pagkatapos bumaling siya kay Cain. “Ikaw na may kapangyarihang makita ang nakaraan pero hindi makita ang matagal mo nang inaasam, matutupad na ang iyong kahilingan.”
Manghang napatingin ako kay Cain na natigilan sa sinabi ni Luna. So, ‘yon ang power niya? Ang makita ang nakaraan? Wow.
Sumunod na bumaling ang Forseer kay sir Angus. “At ikaw na nakukuha ang pagmamahal at atensiyon ng lahat ng mga nilalang pero ang puso ay walang laman, matatagalan pa bago mo makita ang taong pupuno sa malaking kakulangan sa iyong buhay. Magpatawad at lumimot. Hangga’t hindi mo iyan nagagawa hindi darating ang taong inilaan sa iyo ng Maykapal.”
Hindi kumibo si sir Angus pero nakita ko nang may dumaang emosyon sa mukha niya na agad ding nawala. Kumirot ang puso ko. Narealize ko na kahit hindi halata malungkot na tao si sir Angus.
Wala raw laman ang puso niya. Ano ang dahilan at naging ganoon siya? Ano ang maaaring napagdaanan ng isang tao hanggang sa puntong maging isang malaking empty space na lang ang puso niya?
Alam ko na hindi niya sasabihin sa akin kahit kailan. Kaya ang hiling ko na lang, mas mapadali ang pagdating ng tao na masasabihan ni sir Angus ng lahat ng tungkol sa kaniya. Ang tao na pupuno sa espasyo sa puso niya hanggang sa puntong aapaw na ‘yon.
Sumunod na bumaling sa akin si Luna kaya napunta na sa kaniya ang atensiyon ko. Inabot niya ang mga kamay ko at pinisil ang mga ‘yon. “Muli kang babalik dito. Ikaw mismo ang kusang hahanap sa akin. Sa panahong ‘yon, ipapakita ko sa iyo ang gusto mong makita, Ayesha. Hanggang sa muli.” Dumukwang siya at ginawaran ng magaan na halik ang pisngi ko.
Tahimik kaming apat habang naglalakad palabas ng Malyari compound. Kahit nang bumabiyahe na kami pabalik sa penthouse ni Cain. Nabasag lang ang katahimikan sa pagitan namin nang magpaalam na si sir Angus na aalis.
Pagkaalis niya, humarap sa akin si mama, ngumiti at niyakap ako ng mahigpit. “Masaya ako na nagpunta tayo, anak.”
Sa kabila ng kakaibang kaba na nanatili sa dibdib ko mula nang marinig ko ang propesiya ni diyosa Mayari sa akin ngumiti pa rin ako. Gumanti ako ng yakap. “Oo nga po. Kung nandito lang si papa, sigurado matutuwa ‘yon.”
Ngumiti si Cain habang nakatingin sa amin. “You are lucky that you have a mother who loves you, Ayesha. At ngayon kilala mo na rin ang mga kamag-anak mo at may alaala ka pa ng isang kumpletong pamilya.”
Kumalas si mama sa pagkakayakap sa akin at tumingin kay Cain. “Ha? Mayroon ka rin namang masayang pamilya, hindi ba?”
Ngumiti ulit si Cain pero parang may halo ‘yong lungkot. “Well, yes…”
“They are a beautiful couple,” nakangiting sabi ni mama.
Natigilan si Cain. Kumunot ang noo. “Sino?”
Namangha si mama. “Sino pa? Ang mga magulang mo.”