Chapter 51

(Ayesha)

Nagulat ako nang lumuhod siya sa harap ng matandang babae. Inabot ni mama ang mga kamay ni lola at inilapat ang mga ‘yon sa mukha niya. “I’m sorry mommy. Sorry na ngayon lang ako bumalik. I miss you so much. Kayo ni daddy. At ang mga lola na nagturo sa akin ng mga bagay na alam ko ngayon. At ang mga tiyahin ko at ang mga pinsan ko. Na-miss ko ang lugar na ito kung saan ako lumaki. Na-miss kong maging isang Malyari.”

Nagkaroon ng nakakailang at tensiyonadong katahimikan. Kahit sina Cain at sir Angus mukhang hindi alam kung ano ang gagawin o sasabihin.

Hanggang mamasa na rin ang mga mata ni lola pero mukhang napigilan ang sariling umiyak at nagtaas ng noo. May pagsuyo na sa boses niya nang magsalita, “Tumayo ka diyan. Hindi lumuluhod at humahagulgol ng ganiyan ang isang Malyari. Kahit ano pa ang naging pagkakamali mo noon, hindi pa rin maalis ang dugo ng lahi natin sa katawan mo. Hindi pa rin maaalis na anak kita. Na anak ka ni Mayari. At na mahal kita.”

Tumingala si mama, humihikbi pa rin. Napangiti rin ako. Nakahinga ng maluwag. Lalo na nang tumayo si mama at magyakap sila ni tiya. Matagal na natahimik kaming lahat habang pinagmamasdan ang mag-ina.

Si Luna ang bumasag sa katahimikan.

“Walang dapat ipagtanim ng sama ng loob o galit. Umaayon ang lahat sa dapat mangyari. Ang pag-alis ni Rebecca noon at pagtalikod sa kanyang responsibilidad bilang moon bride ay kinailangan mangyari para matupad ang itinakda ni diyosa Mayari.” Napatingin kami sa kaniya. May sumilay na misteryosong ngiti sa mga labi ni Luna pero hindi na nagsalita pa.

Isa sa mga babaeng naroon ang nagalok sa amin na kumain. Nagsunuran na sa pag-aalok ang iba pa, kasama na sina Luna at ang lola ko.

Simple lang ang mga pagkaing nakahain sa lamesa pero sarap na sarap ako at busog na busog. Siguro kasi nakikita ko na masaya at magana kumain si mama habang nakikipag-usap sa mga kamag-anak namin. Siguro kasi buong buhay ko wala akong nakilala na kamang-anak ko at ngayon napapalibutan nila ako. Niyakap at hinalikan pa ako sa ulo ni lola at ni lolo na sumulpot sa kalagitnaan ng pagkain namin.

Excited na akong sabihin sa matalik na kaibigan kong si Raye ang tungkol sa pamilya ko. Sana, makauwi kami agad sa Tala at makabalik na ako sa pagpasok sa school. Sana matapos na ang tungkol sa isyu ng pagdukot sa akin. Sana hindi na malagay sa peligro ang buhay ko at ng mga taong malapit sa akin.

Sana maayos ang kalagayan ni Zion.

Kumurap ako. Bakit bigla ko na naman naisama si Zion pati sa mga hiling ko? Marahas akong umiling at ibinalik ang atensiyon sa kasalukuyan.

Inabot na kami ng alas sais ng gabi sa ancestral house ng mga Malyari. Hindi ko namalayan ang oras. Pero kailangan na namin umalis. Nakakahiya na kay Cain at sir Angus na sinamahan kami hanggang ganoong oras doon. Alam ko na may mga kailangan silang gawin. Kaya bumulong ako kay mama para sabihin na dapat na kami magpaalam. Napansin ko na parang ayaw pa niya pero nagsabi pa rin siya kay lola na aalis na kami.

Gusto ko rin sana magpaalam kay Luna pero hindi ko siya makita. Kailan siya humiwalay sa grupo namin?

“Nasaan po si Luna?” hindi ko napigilan itanong kina lola.

“Ah. Malamang nasa labas siya,” sabi ni lola na bahagyang ngumiti sa akin. “Ngayon ang gabi na nasa rurok ng kabilugan ang buwan. Pagkatapos ng gabing ito, unti-unti nang magdidilim ang langit hanggang tuluyang mawala ang bakas ng buwan. Muli ‘yong liliwang at ang susunod na rurok ng kabilugan niyon ay sa kaarawan mo na Ayesha.”

Sumikdo ang puso ko. Oo nga pala. Malapit na ang kaarawan ko. Napatingin ako kay Cain at sir Angus na nakatingin din sa akin. Uminit ang mukha ko. Napaiwas ako ng tingin kasi parang bumigat ang dibdib ko. Kasi naalala ko kung ano ang dapat kong gawin bilang moon bride pagsapit ng kaarawan ko.

Nawala sa isip ko ang mga alalahanin na ‘yon nang may marinig akong malamyos na tinig na umaawit. Napahakbang ako para sundan kung saan nanggagaling ang tinig. Nawalan na ako ng pakielam sa mga tao sa paligid ko. Katulad kanina nang una kong makita si Luna parang may tali na humahatak sa akin palapit sa kaniya. Dahil sigurado ako na siya ang kumakanta.

Pasikot-sikot ang dinaanan kong pasilyo hanggang makarating ako sa isang bahagi ng mansiyon kung saan nakabukas ang French doors. Lumakas sa pandinig ko ang awit na ang lengguwahe ay hindi man maintindihan ng isip ko, naiintindihan naman ng puso ko.

Humakbang ako palabas sa French doors at napunta ako sa isang hardin. Nasa gitna si Luna.

Hindi lang siya kumakanta. Sumasayaw pa siya habang nakatingala sa langit. Hindi pa masyadong madilim pero nang tumingala ako nakita kong bilog na bilog nga at maliwanag ang buwan.

Uminit ang mga mata ko. Ang puso ko, naghuhumiyaw sa labis na pangungulila at pagmamahal. Parang gusto ko rin kumanta at sumayaw.

“Ikaw ang huling moon bride.”

Kumurap ako at ibinalik ang tingin kay Luna nang magsalita siya. Nakatayo na lang siya roon, nakaharap sa akin. Sa mga sandaling ‘yon parang nakakakita ang kanyang mga mata. O siguro dala lang ‘yon ng kapangyarihang nararamdaman kong lumalabas mula sa kaniya.

“Ikaw ang katuparan ng ipinangako ko kay Dian Masalanta. Ikaw ang tatapos sa direktang relasyon ng mga diyosa sa mortal. Ikaw ang katapusan. At lahat ay babalik sa orihinal na plano ni Bathala para sa mga katao.”

Nanlaki ang mga mata ko at nahigit ko ang aking hininga. Dahil sa mga sandaling ‘yon, naramdaman ko na hindi si Luna ang nagsasalita. Boses pa rin ni Luna pero may kakaibang timbre ‘ron. Na para bang awit ang naririnig ko at hindi pagsasalita. Hindi tagalog ang lengguwaheng gamit niya pero sa kung anong dahilan naiintindihan ko ‘yon.

“Diyosa M-mayari?” bulong ko.

May sumilay na ngiti sa mga labi ni Luna. Na agad nawala nang para bang may nakita siya sa akin. Katunayan bumakas ang takot sa mukha niya. “Ah… may isang hindi inaasahang dugo ang sumali sa dalawang lahi. Dugo na hindi dapat mapasama sa mga mortal. Dugong kailangang palisin bago pa kumalat.

“Ngunit ang puso mo… pagmamay-ari na niya. Kapag siya ang pinili mo isa na namang simula ang magaganap. Kadiliman… kapag nagkamali ka ng pili… ipapanganak ang anak ng kadiliman…Katapusan… simula… Ikaw ba ang magliligtas o ikaw ang magpapahamak sa mga anak ng Baylan? Nasa iyo ang pagpapasya…”

Napahigit ng hangin si Luna, tumingala at sandaling parang nanigas sa pagkakatayo bago siya nanlambot at napaluhod sa lupa. Habol niya ang paghinga. Kumurap ako at kahit nalilito sa mga narinig ko tumakbo ako palapit sa kaniya para alalayan siya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.