Chapter 54

(Cain)

Mariin akong pumikit. Iyon na ang inaasahan kong sasabihin niya. “I’m sorry to hear that, papa.” Higit pa doon ang gusto kong sabihin pero hindi ko alam kung anong mga salita ang sasapat sa nararamdaman ko ngayon. Lalo at narinig ko sa boses niya ang labis na pagkadismaya at pagkabigo. He has been working hard for that goal and the political party chose someone else.

Lumunok ako. “Nasaan ka?”

“Papunta na ako sa Alpuerto Tower. Biglang nagpatawag ng emergency meeting ang board of directors ng Alpuerto Group Of Companies. Hindi maganda ang kutob ko. Papunta na rin doon ang lahat ng Elder. Sumunod ka sa amin. And Cain, I don’t think the moon bride is safe here in manila. Alam ko na kinuha mo siya para protektahan siya pero mas mapanganib dito kaysa sa Tala lalo at hindi natin alam kung sino ang kalaban. Mas makabubuti at mas ligtas kung babalik sila doon. Magpapadala na lang kami ng tiyo Demetrio mo ng mga taong mananatili rin sa Tala para magbantay. Pababalikin din doon si Chance. Kahit si Agnes plano naming papuntahin din doon pansamantala. Si Angus mananatili dito sa maynila para tumulong sa atin mag-imbestiga kung sino ang nasa likod ng pag-atake sa pamilya natin.”

Huminga ako ng malalim. Napansin ko na tumigil na sa pagtunog ang ibang mga telepono. Sinulyapan ko si Arnold. May kausap din siya sa telepono. Tiningnan ko si Rebecca at Ayesha na parehong naghihintay na matapos akong makipag-usap. Napabuntong hininga ako. “Very well. Gagawin ko ang sinabi mo, papa.” Nagpaalam na ako sa kaniya. Ibinaba ko ang cellphone at bumaling kay Arnold na natapos na rin sa pakikipag-usap. Namumutla siya. “Sino ang kausap mo?”

“Si Mr. President. Nagagalit siya. May nakarating daw na balita sa kaniya na may balak ang pamilya na traydurin siya. Na nalaman daw ‘yon ng partido kaya inalis si master Gregorio sa pagiging pambato sa presidential election. Inaakusahan din niya si master Bartolome na mali-mali ang pinapayo sa kaniya para masira siya sa mga tao.”

Kumunot ang noo ko. Umuusbong na ang galit sa dibdib ko. “Sino naman ang nagsabi sa kaniya ng mga kalokohan na iyan?!”

Umiling ang assistant ko. “Wala akong ideya master Cain.”

“Mukhang may naglalaro sa mga Alpuerto,” komento ni Rebecca. “Kung sino man sila, siguradong mapanganib sila kung kaya nilang imanipula kahit ang isip ng presidente.”

Napatingin ako sa kaniya. May ideyang sumulpot sa isip ko. Manipulasyon. Posible bang… may iba pang tao sa mundo ang katulad namin na may espesyal na abilidad? Pero sino sila at bakit ngayon lang sila kumikilos? At bakit laban sa amin?

Pilit kong kinontrol ang mabilis na sikdo ng mga pulso ko. Hindi pwedeng manlabo ang utak ko ng mga emosyon. “Kung sino man sila, hindi ako papayag na lalo pa nilang mapinsala ang pamilya ko. We have too much to take care of as it is.” Tiningnan ko si Ayesha. “Hindi ko rin hahayaan na idamay ka nila.”

May bakas ng pag-aalala sa mukha ni Ayesha pero bahagya pa rin siyang ngumiti. “Alam ko, Cain.”

Gumanti ako ng tipid na ngiti. Saka ako huminga ng malalim. “Ang sabi ni papa mas ligtas kayo sa Tala. Alam ko na dinala ko kayo rito dahil naniniwala ako na mas kaya ko kayong protektahan kung nandito kayo sa bahay ko. Pero kung kasama ko kayo, mas nasa bingit din kayo ng panganib dahil hindi namin alam kung kailan sila direktang mananakit. Paano kung himbis na ako ang masaktan nila isa sa inyo ang mapahamak dahil malapit kayo sa akin? Ayokong mangyari iyon. Pasensiya na kung napapagod kayo sa biyahe. Magpahinga muna kayo ngayon at kumain. Sasamahan ko kayo lumuwas bukas ng umaga. But for now I have to go –”

“Hindi ba ako puwedeng manatili dito?” biglang tanong ni Ayesha.

Hindi ako nakapagsalita sa nakita kong determinasyon sa mga mata niya.

“Hinarap ko ang pamilya mo dahil ayokong takbuhan ang kapalaran ko, Cain. Pero ganito ba ang gagawin ko sa tuwing may hinaharap na problema ang pamilya Alpuerto? Tatakbo ako, itatago sa ligtas na lugar at maghihintay lang? Gusto kong makatulong. Gusto kong may gawin. Pangako wala nang mangyayari sa akin na kakailanganin niyo akong iligtas.”

Bumalik sa akin ang matinding takot at pag-aalala na naramdaman ko nang malaman na ilang araw na nawawala si Ayesha. Ang galit na naramdaman ko nang makita ko siyang hinahatak ng isang lalaking hindi ko namukhaan sa gitna ng kagubatan. Nakatatak pa rin sa utak ko ang bakas ng pasa sa mukha niya at mga galos sa katawan niya na nagpapatunay na sinaktan siya.

Hindi ko hahayaang maranasan ulit ni Ayesha ang naranasan niya sa kamay ng dumukot sa kaniya. Hindi ko hahayaang masuong siya ulit sa kahit anong panganib.

“Wala kang kailangan gawin kung hindi ang manatiling ligtas,” sagot ko.

“Pero siguro naman may pwede akong gawin! You are all making a fuss about me being the moon bride. Siguro naman may kakayahan din ako na pwedeng gamitin para makatulong sa inyo. O kahit naman wala akong kapangyarihan, may magagawa din ako. I don’t want to wait like a damsel in distress,” giit pa rin ni Ayesha.

“I said no. Wala kang maitutulong dahil ang kakayahan lang na mayroon ang isang moon bride habang hindi pa nagagawa ang ritwal ng pag-iisa ay ma-repel ang kapangyarihan ng mga Alpuerto. There is nothing you can do so do me a favor and just go back to Tala, please?”

Suminghap si Ayesha at nakita ko ang kislap ng sakit sa kanyang mga mata. Saka ko lang narealize na nagtaas pala ako ng boses. “Ayesha, please understand. Ayoko lang na mapahamak ka –”

“Hindi mo rin naiintindihan Cain,” putol niya sa sasabihin ko. Dumeretso siya ng tayo at tumaas ang noo. “Ano ba talaga ako para sa pamilya ninyo? Isa lang alay para sa isang gabing ritwal? Pagkatapos ay ano? Ano na ang papel ko oras na makuha na ninyo ang kailangan niyo pagkatapos ng ritwal? Ganito rin ba? Naghihintay lang sa isang tabi? Hindi napapahamak pero wala ring silbi?”

Tumiim ang bagang ko. You will be my wife. Iyon ang gusto ko sabihin. Pero may palagay ako na lalo lang siyang magagalit kung isasatinig ko iyon. So I kept quiet.

Mukhang hindi rin niya nagustuhan ang pananahimik ko. Kumislap sa iritasyon ang mga mata ni Ayesha. Ngayon ko lang siya nakitang ganito. “Fine. Aalis na kami ni mama ngayon.”

Bumuntong hininga ako. “Bukas na.”

“Ngayon na. May klase ako bukas. Papasok na lang ako sa school.” Sinulyapan ni Ayesha ang nanay niya. “Hindi pa naman natin naaalis sa bag ang mga gamit natin, hindi ba mama?”

Pinakatitigan ni Rebecca ang dalaga. Pagkatapos sumulyap din siya sa akin. Bahagya ko siyang tinanguan. Ibinalik niya ang tingin kay Ayesha. “Sige. Bumalik na tayo sa Tala ngayon din.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.