(Cain)
LABAG sa loob ko ang pag-alis nina Ayesha pero wala naman akong pagpipilian. Pagkaalis nila bumiyahe naman ako papunta sa Alpuerto Tower, ang sentro at headquarters ng lahat ng negosyo ng pamilya.
Nagulat ako nang bago ko iliko ang kotse ko papunta sa parking space ng tower ay nakita kong maraming press people sa main entrance. Maging sa parking lot, mayroon din. Sa kung anong dahilan mukhang nakatunog ang press sa nangyayaring kaguluhan sa Alpuerto Group Of Companies. Hindi naman ako nagugulat na malaking isyu sa kanila ang problema namin. Masyadong malawak ang kapangyarihan sa business world ng pamilya kaya kaunting problema ay malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ng bansa. Hindi lang kami ang matataranta oras na lumabas ang isyu ng bagong nagmamay-ari sa majority ng stocks.
Maraming press people ang sumalubong sa akin pero mabilis ko silang naiwasan. Kumabog ang dibdib ko sa kaba habang nakasakay ako sa elevator paakyat sa palapag kung nasaan ang pinakamalaking conference room. Hindi ko alam kung para saan ang kaba na bigla kong naramdaman.
Naroon pa rin ang kaba sa dibdib ko kahit nang naglalakad na ako sa maluwag na hallway papunta sa conference room. Bubuksan ko pa lang ang double doors na hindi naisara na mabuti ng huling pumasok doon naririnig ko na ang ingay ng mga nagtatalong boses sa loob.
Huminga ako ng malalim saka pumasok sa loob.
Galit ang mga miyembro ng board. Si papa, maging ang mga lolo ko, mukha ng harassed at hindi alam kung paano pakakalmahin ang mga tao.
Napahinto at napalingon sila lahat sa akin nang pumasok ako sa conference room. Sandaling natahimik.
“Ikaw ang susunod na pinuno ng pamilya Alpuerto, hindi ba?” biglang sabi ng isa sa mga matandang lalaki doon. “Ipakita mo ngayon sa amin kung karapat-dapat ka nga maging susunod na leader. Solusyunan mo ang problemang ito. Paanong napunta sa hindi natin kilala ang majority ng stocks ng lahat ng negosyo? Paano nakalusot sa inyo ang nagyaring ito? Sumosyo kami sa negosyo dahil malaki ang tiwala namin sa pamilya niyo. Magpaliwanag kayo.”
Sinubukan ko sumagot kaso nagsunod-sunod na ang mga tanong hanggang hindi na ulit magkarinigan sa ingay. Napasulyap na lang ako kay papa at kina lolo. Laglag ang mga balikat nila at napapailing.
Tumiim ang mga labi ko at nakuyom ang mga kamao. “First of all, be quiet,” malakas na sabi ko.
Natahimik ang lahat. Good. Naglakad ako palapit sa pamilya ko at huminto sa kabisera ng mahabang lamesa. Bakante ang swivel chair doon. “Sit down, all of you. Ang problemang ito ay hindi lang responsibilidad ng mga Alpuerto. Kaya nga may board of directors. This group of companies is a partnership with all of the stock holders. Himbis na magtapunan ng sisi, dapat natin resolbahin ang mga problema na magkakasama. This is the time that we must unite to fight whoever is behind this.”
Nagkatinginan ang mga negosyante sa harapan ko. Hanggang isa-isa silang umupo, mukhang kalmado na. Lihim akong nakahinga ng maluwag. Sinulyapan ko sina papa na bahagya akong nginitian. Nagsipag-upo na rin sila. Iniwang bakante ang swivel chair sa kabisera na dapat okupahin ni papa o kaya ay ni lolo Bartolome.
“Umupo ka na rin Cain,” sabi ni lolo Carlos na itinuro ang swivel chair na para sa pinuno ng pamilya.
Hindi ako makapaniwala na si lolo Carlos pa ang magsasabi ‘non. It was as if it’s his way of telling me that he approves of me now.
Kaya umupo ako at humarap sa mga negosyanteng naghihintay sa sasabihin ko.
Pero bago pa ako makapagsalita biglang bumukas ang pinto ng conference room. Lumingon ako at ganoon din ang lahat ng tao doon. Isang lalaki ang bagong dating. Maganda ang pangangatawan at ang tindig. Nakasuot ng itim na suit. Mukhang malapit lang ang edad niya kay papa. Balbas sarado. Hindi kanais-nais ang ekspresyon sa mukha. Ang kanyang mga mata, malamig at halatang mapanganib. Ang kaba na nasa dibdib ko kanina, biglang tumindi habang nakatingin ako sa estranghero.
“Kumpleto ba kayo ngayon? Good. Plano ko nga magpatawag ng meeting,” sabi ng bagong dating sa tinig na parang lumamutak sa sikmura ko. Hindi ko alam kung bakit.
“Who are you?” manghang tanong ng isang board of director nang magsimulang maglakad para tuluyang pumasok sa conference room ang may-edad na lalaki.
Huminto siya sa paglalakad, tumayo lang doon at ngumisi. It was a nasty grin. Saka lumingon sa Elders na nang tingnan ko napansin kong namumutla at takot na nakatingin sa bagong dating. Si papa naman madilim ang ekspresyon at tumayo pa na para bang naghahanda sa isang laban. Napatayo rin tuloy ako.
Kilala ng pamilya ko ang bagong dating.
“Bakit ganiyan ang mga hitsura niyo?” parang naaaliw na sabi pa ng lalaki habang pinagmamasdan sina lolo. “Ah. Dahil akala niyo patay na ako, hindi ba? I’m sorry to disappoint all of you but I am perfectly alive and well.” Nawala ang ngiti niya at naging mabalasik ang mukha. “Pero kayo, sisiguruhin kong hindi magiging maayos ang buhay niyo simula ngayon.”
“Sino siya?” hindi ko na rin natiis na itanong. Nilingon ko si papa.
Lumitaw ang litid sa leeg niya sa sobrang pagkakatiim ng bagang niya habang masama ang tingin sa bagong dating. “Siya si Ambrosio.”
“Ambrosio who?” lakas loob na tanong ng isa sa mga negosyante.
Kumuyom ang mga kamao ni papa. “Ambrosio Alpuerto. Ang nakababata kong kapatid.” Para akong sinipa sa sikmura. Napatitig ako sa mukha ng kinalakihan kong ama. Tiningnan niya rin ako at nagtagpo ang mga paningin namin. Tumango siya.
Nanghina ang mga tuhod ko. Napakapit ako sa lamesa kaya hindi ako natumba. Para akong binuhusan ng malamig na tubig.
Kung kapatid siya ni papa na akala nila ay patay na, isa lang ang ibig sabihin ‘non.
Si Ambrosio Alpuerto. Siya ang tunay kong ama.