Chapter 61

(Ayesha)

ALAM ko na mapanganib mapalapit sa mga Alpuerto. Iyon ang palaging sinasabi sa akin ni mama simula pa nang malaman niyang may koneksiyon na ako sa pamilya. Pero hindi ko na sila kayang balewalain pa. Napalapit na ako kina Cain, Chance at kahit kay sir Angus. Kilala ko rin lahat ng mga miyembro ng pamilya nila. Hindi ko na kayang huwag mag-alala para sa kanila.

Nang yakapin ako ni Cain at maramdaman ko ang bigat na nararamdaman niya sa mga nangyayari sa pamilya niya, parang biniyak ang puso ko. Kasi sanay akong nakikita siyang kompiyansa sa sarili at mukhang kayang gawin ang lahat. Pero kahit siya na nagmula sa isang makapangyarihang pamilya at may taglay na espesyal na abilidad ay tao lang rin.

Lalong kumirot ang puso ko nang nasa loob na kami ng ospital. Lahat ng mga nakatatandang Alpuerto, mukhang mga talunan na bagsak ang mga balikat. Malayo sa mga hitsura nila noong birthday party ni tiya Martha.

Wala ba talaga akong pwedeng gawin kung hindi ang maghintay ng kaarawan ko para matulungan sila? Ang mga diyos at diyosa? Bakit nanonood lang sila habang nagkakaganito ang angkan na biniyayaan nila ng kapangyarihan?

It is meant to happen anyway…

Napatingin ako kay Chance nang maalala ang sinabi niyang ‘yon. Nakatitig siya sa malayo at seryoso ang mukha. Talaga bang ganoon na lang ‘yon?

Natapos ang operasyon kay lolo Ingracio ilang oras ang nakalilipas. Tagumpay naman daw at stable na ang kalagayan niya pero kailangan pa rin obserbahan. Ilang oras pa ang kailangan bago siya ililipat sa private room. Sapat na ang balitang ‘yon para makahinga ng maluwag ang lahat. Nakatulog na nga si Agnes at tiya Martha. Ang iba, umalis muna para kumain.

Naiwan kami ni Cain sa labas ng emergency room. Magkatabi kaming nakaupo sa bench sa hallway. Nakatitig siya sa kaharap naming pader. Mukhang tensiyonado pa rin pero wala na ang vulnerability na nakita ko kanina nang yakapin niya ako. Huminga ako ng malalim at pilit na ngumiti. “Salamat sa diyos at maayos na ang lagay ni lolo Ingracio.”

Napatingin siya sa akin at may sumilay na munting ngiti sa mga labi niya. Mukha siyang pagod. “Yeah. Kaya kong harapin lahat ng problema ng pamilya basta wala lang kahit isa sa kanila ang nasa bingit ng kamatayan.”

May kumurot sa puso ko. Marahan akong tumango. “Naiintindihan kita. Nawala sa amin si papa at kahit mahabang panahon na ang lumipas, nasasaktan pa rin ako kapag naalala ko siya. Alam ko kung anong pakiramdam na mamatayan ng mahal sa buhay, Cain.”

Huminga ng malalim si Cain. “Salamat na nagpunta ka kahit sinabi kong huwag. Hindi ko inakala na malaking tulong sa akin ang presensiya mo. Just you being here makes me calmer.”

“Masaya ako na may naitutulong ako sa iyo kahit moral support lang,” sagot ko. “Huwag mo masyadong pasanin ang lahat ng problema ng pamilya niyo. Pwede ka naman humingi ng suporta mula sa mga pinsan mo. Bakit kailangang akuin mo lahat ng responsibilidad?”

Huminga ng malalim si Cain at tumingin na naman sa katapat naming pader. Mahabang sandali ang lumipas bago siya nagsalita ulit. “Hindi ako tunay na anak ni papa.”

Nanlaki ang mga mata ko at napaderetso ako ng upo. “Ha?”

“Hindi si Gregorio Alpuerto ang tunay kong ama. Inampon lang niya ako noong bata pa ako. Hindi ko matandaan ang mga magulang ko pero ang sabi sa akin ng Elders wala na sila. Patay na.” Bumakas ang pait at hinanakit sa mga mata ni Cain. “Buong buhay ko ‘yon na ang naging paniwala ko. At sa totoo lang, kahit na alam kong isa talaga akong Alpuerto, madalas pakiramdam ko outcast ako. Kaya nang sabihin sa akin ng Elders na ako ang gusto nilang maging susunod na clan leader, bigla akong nagkaroon ng purpose sa buhay ko. Nagkaroon ako ng paraan para maging parte talaga ng pamilya. The responsibility they entrusted to me filled the empty space that my parents left inside me.”

Kumirot ang puso ko para kay Cain. Sa unang tingin hindi mapapansin ang inner struggles niya. Parang si Chance din at si sir Angus.

Are they really blessed or cursed?

Bumuga ng hangin si Cain at nang tingnan ako medyo ngumiti na. “Kaya gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para sa pamilya ko.” Tumayo siya. “Ikaw, tinawagan mo na ba ang mama mo na nandito ka? Huwag mo na siya pag-alalahanin ulit.”

“Tumawag na ako kanina. Nagalit siya sa akin pero alam ko paluwas na rin siya ng manila.”

Bumukas ang pinto ng emergency room at inanunsyo ng nurse na dadalhin na sa private room si lolo Ingracio. Napatayo na rin ako at natuon na kay lolo ang atensiyon namin.

KINABUKASAN ng tanghali nagkamalay si lolo Ingracio. Damang dama ko na nakahinga ng maluwag at sumaya ang buong pamilya ng Alpuerto nang magmulat siya ng mga mata at kahit paos at mahina ay nagawang magsalita.

“Ah.This is the first time I saw all of you together like this. Thank the Gods. A blessing in disguise.”

Pasimple akong lumabas ng silid para bigyan sila ng privacy na pamilya. Naglakad ako hanggang makarating ako sa ground floor lobby. Balak kong lumabas muna ng ospital para magpahangin pero nakasalubong ko si mama. Kadarating lang.

“Ano na ang nangyari?” Napangiti ako kasi halatang nag-aalala din siya para kay lolo Ingracio. Matalim akong tiningnan ni mama. “Huwag ka ngumiti. Galit pa rin ako na bigla kang lumuwas ng maynila na walang pasabi.”

Napangiwi ako. Nakonsiyensiya. Kumapit ako sa braso niya. “Sorry na mama. Hindi ko na kasi talaga matiis pa ang pag-aalala ko. Okay na si lolo Ingracio, nasa private room na at may malay na. Pero hindi lang ‘yon ang kinakaharap nilang problema. Mama, kahit pa anong sabihin mo, involved na talaga tayo sa kanila. Ang mga pamilya natin may nagdudugtong na pisi, hindi ba? How can I leave them alone?”

Tinitigan ako ni mama hanggang mapabuntong hininga at malaglag ang mga balikat. “Naiintindihan naman kita. Kaya lang –”

Napalingon si mama sa direksiyon ng entrada ng ospital at parang may nakitang pamilyar sa kaniya. Namilog ang mga mata niya kaya sinundan ko ang tinitingnan niya. Isang may-edad na lalaki na nakasuot ng itim na suit ang lumampas sa amin. Hindi ko masyadong natitigan ang mukha kaya luminga ako para sundan ng tingin. Ganoon din ang ginawa ni mama. Lumiko siya sa hallway paakyat ng hagdan.

“Siya ‘yon,” anas ni mama. “Tumanda na siya at maraming taon na ang lumipas pero hindi ako pwedeng magkamali.”

“Sinong siya?” takang tanong ko.

Ibinalik niya ang tingin sa akin. “Ang ama ni Cain.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.