Chapter 62

(Ayesha)

Ama? Namilog ang mga mata ko. Ang tunay na ama ni Cain? Buhay siya? Sumagi sa isip ko ang ekspresyon ni Cain kagabi habang magkausap kami. Anong mararamdaman niya kung biglang sumulpot sa hospital room ang kanyang tunay na ama?

Hindi maganda ang kutob ko.

Pumihit ako. “Mama, sumunod ka na lang ha?” Pagkatapos kong sabihin ‘yon mabilis na akong tumakbo pasunod sa may-edad na lalaki, pabalik sa silid kung saan naroon ang buong pamilya ng Alpuerto.

Hindi ko naabutan ang tunay na ama ni Cain. Palaging likuran na lang niya ang nakikita ko hanggang sa pumasok siya sa pinto ng hospital room. Ni hindi kumatok. Hingal na hingal na ako nang sa wakas makalapit ako sa pinto.

“Ang lakas din ng loob mong magpunta dito? Pagkatapos ng lahat ng ginagawa mo laban sa pamilya? How can you do this Ambrosio?!”

Napaigtad ako sa malakas at galit na boses na ‘yon ni senator Gregorio Alpuerto.

“Ah, Gregorio. Talagang kapatid kita. Alam mo na lahat ng mga nangyayari ay planado ko. But you are too late. Kahit na alam na ninyo, wala na kayong magagawa. Katapusan niyo nang lahat.”

Kumabog ang dibdib ko. Pamilyar sa akin ang boses na ‘yon kahit na sigurado akong ngayon ko lang ‘yon narinig. O ang boses nga ba niya ang pamilyar o ang takot na biglang bumalot sa puso ko? Nanlamig ako at nanginig ang mga tuhod ko. Pinilit kong lumapit pa sa nakabukas na pinto para makita ang nangyayari sa loob.

Nakatayo sa gitna ng silid ang tunay na ama ni Cain. Nakatutok sa kaniya ang tingin ng lahat. Patalikod sa pinto ang puwesto ng iba pero si Cain, Angus, Chance at senator Gregorio nakikita ko ang mga mukha. Lahat sila madilim at galit ang ekspresyon.

“So you really manipulated the minds of the people around us. Hindi pa ba sapat ang mga nagawa mo noon?” galit na singhal ni senator.

“Kayo ang may ginawa sa aking mali noon,” galit din na asik ng tunay na ama ni Cain. “Winasak niyo ang pamilya ko. Then you exiled me like I’m the one who did something unforgivable. Wala kayong ideya kung anong klase ang naging buhay ko sa nakaraang mga taon. Ipapatikim ko sa inyo kahit kapiranggot lang ng impiyernong naranasan ko. Lintik lang ang walang ganti! Mararanasan niyo rin kung paano magunaw ang mundo. Kung paano mawalan ng taong minamahal na katumbas ng sarili niyong buhay. Mawawala rin sa inyo ang lahat katulad ng nangyari sa akin dahil sa inyo. Umpisa pa lang ito ng ganti ko.”

Sa kinatatayuan ko nakita kong bumaling siya kay Cain. Alam ko dahil dumeretso ang tayo ni Cain habang nakatingin sa tunay na ama. “Cain, anak. Alam kong alam mo nang ako ang ama mo ngayon. These people are not what you think they are. Sumama ka na sa akin.”

Nakita ko nang kumuyom ang mga kamao ni Cain. May bumikig sa lalamunan ko nang pagtingin ko sa mukha niya ay makita ko ang kislap ng pait sa kanyang mga mata. “Ngayon mo lang ako hinarap matapos ang mahabang panahon. Bumalik ka at sinisira mo ang pamilya na nag-aruga sa akin sa nakaraang mga taon. Sinisira mo ang sarili mong pamilya. Bakit sa tingin mo sasama ako sa iyo na hindi ka man lang nagpapaliwanag kung bakit nawala ka sa buhay ko?”

Naging tensiyonado ang likod ng ama ni Cain. “Sila ang pipiliin mo kaysa sa akin? Mag-isip kang mabuti, anak. Hindi sila karapat-dapat sa loyalty mo. Sila ang dahilan kung bakit lumaki ka na wala ako. Na wala ang mama mo. Na wala –

“Tumigil ka na, Ambrosio. Umalis ka na. At kung ano man ang ginagawa mong paninira sa pamilya, lalaban kami,” galit na putol ni senator sa sasabihin pa ng lalaki.

Tumawa si Ambrosio. Tawa na puno ng malisya at galit. “Diyan ka naman magaling, Gregorio. Ang umastang magaling at perpekto. Iba ako sa inyong lahat at alam kong alam niyo iyan. Ang mga kapangyarihang taglay niyo? Wala ang mga iyan sa kakayahan na mayroon ako. Kaya kayo galit sa akin, hindi ba? Takot kayo sa akin. Takot kayo sa kaya kong gawin. Puwes, dapat lang na matakot kayo. Dahil hindi pa dito magtatapos ang mga plano ko. Babagsak kayo at mararanasan ninyo kung ano ang pakiramdam ng labis na pagluluksa at pagdadalamhati. Sayang, nagpunta ako rito dahil akala ko may namatay na sa inyo. Pero mukhang matibay ka din tiyo Ingracio.”

“Ambrosio, enough!” si tiya Martha naman ang nagsalita.

“Isa ka pa, Martha. Sinaksihan mo lang ang mga nangyari noon. Wala kang ginawa habang nagdurusa ang asawa ko dahil sa kagagawan ng mga Elder. Kayo ang pumatay sa asawa ko!” sigaw ni Ambrosio.

Naitakip ko ang mga kamay sa bibig ko dahil napasinghap ako. At nang makita ko ang pagkabigla at pamumutla ni Cain, parang may lumamutak sa puso ko. “What?” paos na anas ni Cain.

“Iyan ang katotohanan, Cain. Katotohanan na siguradong itinago nila mula sa iyo. Sila ang pumatay sa iyong ina. Ngayon, sila pa rin ba ang kakampihan mo?”

“Hindi namin pinatay si Rosario,” galit na sabi ni lolo Carlos. “Nagpakamatay siya.”

“Kayo ang nagtulak sa kaniyang tapusin ang sarili niyang buhay,” sagot ni Ambrosio.

Namilog ang mga mata ko. Gods, kailangan ko na yata umalis. Hindi tama na nakikinig ako ngayon. Pero hindi ko magalaw ang mga papa ko. Parang nakapako na sa kinatatayuan ko.

“My mother killed herself?” manghang sabi ni Cain. “Why? When?” Bumaling ang binata kay senator Gregorio. “Kailan nangyari ito? Ito ba ang nakaraan na ayaw niyong malaman naming magpipinsan? Papa, nirespeto at pinagkatiwalaan kita mula pa noon hanggang ngayon. Paano niyo it nagawang ilihim sa akin!”

“Because the memory is too devastating for you! Dahil matapos ang insidenteng ‘yon, hindi ka natutulog at maghapon na umiiyak. Kapag natutulog ka, sumisigaw ka sa panaginip mo. Kinailangan naming manipulahin ang mga alaala mo para lang bumalik ka sa normal. How can we let a child suffer such nightmares?” argumento ni senator.

“Ha! Huwag kang magsalita na parang ang linis ninyo,” maanghang na sabi ng tunay na ama ni Cain. “Kailan pa kayo nagkaroon ng awa sa isang bata? Nightmares? Wala iyan sa reyalidad na kayo ang may gawa. Pati ba ang tungkol sa underground dungeon sa mansiyon ay tinakpan niyo ng ibang alaala para makalimutan ng mga batang ito kung anong nakita nila doon? Kung sino ang nandoon?”

Sumikdo ang puso ko. Bumilis ang tibok. Biglang sumagi sa isip ko ang underground dungeon na napapanaginipan ko. Nasa loob ‘yon ng mansiyon ng mga Alpuerto? Kung ganoon… ang napapanaginipan kong lalaki…

Napasinghap ako nang biglang may humablot sa braso ko palayo sa pinto. Paglingon ko, si mama pala. Magsasalita sana ako kaso nakita kong namumutla siya. Ang mga mata niya, nanlalaki at namamasa. Sigurado akong narinig din niya ang pag-uusap sa loob ng hospital room ni lolo Ingracio. Hindi siya nagsalita pero sumenyas siya na lumayo kami. Saka niya ako hinatak ulit.

Huminto lang kami sa mabilis na paglalakad nang makalabas na kami ng ospital. Sabay pa kaming bumuntong hininga ng malakas.

“Ayesha, hindi ka dapat nakikinig sa usapan ng iba. Paano kung may nakakita sa iyo at ikaw ang napagbalingan nila ng galit?” sabi ni mama.

Nilingon ko siya. Akala ko galit siya pero takot at pagkabahala ang nakikita ko sa mukha niya. Namamasa rin ang kanyang mga mata. “H-hindi ko alam na nangyari ang mga sinasabi nila. Bago ako umalis kasama ng papa mo, nakita ko pa si Ambrosio at Rosario na naglalakad-lakad sa hardin ng mansiyon, magkahawak ang mga kamay at halatang mahal na mahal ang isa’t isa. H-hindi ko alam na… nagpakamatay si Rosario. Kung ganoon ay napaka-insensitive ng sinabi ko kay Cain na may masaya rin siyang pamilya.”

Uminit ang mga mata ko at may bumikig sa lalamunan ko. “Mama… siguradong masakit para sa kaniya ang mga narinig niya ngayon.”

Tumango si mama, Inabot niya ang kamay ko at mariing pinisil. Matagal kaming nanatiling nakatayo doon. Mabigat ang dibdib ko. Napaigtad lang ako nang may mahagip ang tingin ko mula sa loob ng ospital. Si Ambrosio, mabilis na naglalakad palabas at namumula sa galit ang mukha.

Suminghap si mama at mabilis akong hinatak palayo. “Hindi niya tayo pwedeng makita, Ayesha,” tarantang bulong niya sa akin.

Nakapagtago kami sa likod ng isang nakaparadang sasakyan nang makalabas ng tuluyan si Ambrosio. Dumukot ng cellphone sa bulsa ang ama ni Cain. May tinawagan. “Nasaan ka? Magkita tayo.”

Sumikdo ang puso ko. Bigla kong narealize kung bakit pamilyar ang takot na nararamdaman ko mula pa kaninang nakita ko si Ambrosio. The cellphone made me remember. Isang beses, kahit mahina at hindi ko naintindihan kung ano ang sinasabi, narinig ko ang boses niya.

Si Ambrosio Alpuerto ang kausap sa cellphone ni Zion. Siya ang may gustong dukutin ako!

Nanlamig ako at napayakap ako sa sarili ko. Isang bahagi ko ang gustong sugurin siya at matapang na itanong kung bakit niya ginawa sa akin ‘yon. Pero mas malaking bahagi ko ang natakot. Kaya umatras pa akong lalo at sumiksik kay mama hanggang may humintong itim na sasakyan sa harap ni Ambrosio kung saan siya sumakay. Humarurot palayo ang sasakyan. Saka lang ako napabuga ng hangin na hindi ko napansing pigil ko pala.

“Ayesha, umalis na muna tayo dito ngayon. Saka ka na ulit bumisita sa kanila kapag medyo lumamig na ang mga ulo nila, okay?” nag-aalalang sabi ni mama.

Kumurap ako at humarap sa kaniya. Huminga ako ulit ng malalim at tumango. “Pero saan tayo tutuloy?”

Sandaling nag-isip si mama bago naging determinado ang kislap sa mga mata. “Sa Malyari compound.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.