Chapter 63

(Ayesha)

WALANG pagdadalawang isip na tinanggap kami ng mga Malyari. Katunayan mukhang masaya pa nga sila na bumalik kami. Mukhang walang bisitang dumarating sa compound sa loob ng maraming taon kung umakto at mag-asikaso ang mga nakatatanda. O siguro napapansin lang nila na balisa at minsan tulala kami ni mama. Siguro nararamdaman nila na may dahilan kaya kami napadpad doon at hindi lang basta dumadalaw.

Gabi na at tapos na kaming kumain ng hapunan nang hindi na yata nakatiis si mama at nagtanong na kay lola. “Ano ang nangyari sa mga Alpuerto noong wala na ako?”

Natahimik si lola. Ganoon din ang iba pang mga babaeng kamag-anak namin na naroon din. “Anong nangyari ang gusto mong malaman?”

“Si Rosario… namatay siya?”

Nagkatinginan ang mga babae. Halatang may alam pero hindi nagsalita.

Frustrated na huminga ako ng malalim. “Kanina po sa ospital… dumating ang nagpakilalang si Ambrosio.” Inilahad ko ang nasaksihan namin ni mama. Sinabi ko ang tungkol sa paghihiganti ni Ambrosio.

Natahimik silang lahat pagkatapos kong magkuwento. Maya-maya bumuntong hininga si lola at nagsalita, “Hindi namin alam ang lahat ng nangyayari sa pamilya Alpuerto. Marami silang lihim na hindi natin alam. Ganoon din naman ang pamilya Malyari. Marami ring lihim na hindi na nila kailangan pa malaman. Pero alam namin ang nangyari kay Rosario. Isang taon ‘yon pagkatapos mong maglayas, Rebecca. Nalaman namin dahil nagkaroon ng kaguluhan sa Forbes Park nang gabing ‘yon. May sunog sa loob ng mansiyon ng mga Alpuerto. Kaya kahit hindi sila nagpapapasok ng mga estranghero doon ay napilitan silang tumawag ng bumbero. We got concerned when we heard it from one of their servants. Kaya nagpunta kami para makita kung ano ang pwede naming maitulong. It turned out na isang silid lang sa mansiyon ang nasunog. Ang silid nina Rosario at Ambrosio.”

Nahigit ko ang paghinga at bumilis ang tibok ng puso ko. Hinintay ko na magpatuloy sa pagsasalita si lola.

“Dahil nandoon na kami, wala silang nagawa kung hindi sabihin sa amin ang nangyari nang gabing ‘yon. Umalis lang daw si Ambrosio dahil pinuntahan ang anak niya. Nang bumalik sila, nakahandusay na sa sahig si Rosario, duguan at wala nang buhay. Nilaslas niya ang sarili niyang mga pulso.”

May bumikig sa lalamunan ko. “P-pero bakit? Bakit siya nagpakamatay?”

Sumulyap sa akin si lola. “Ayesha, ayoko sanang sabihin sa iyo dahil bata ka pa. Pero kung talagang nakapagdesisyon ka nang ma-involve sa mga Alpuerto at haharapin ang pagiging moon bride mo, sa tingin ko dapat mong malaman ang totoo. Matagal nang may tensiyon sa pamilya Alpuerto dahil kay Rosario. Kumpara sa lahat ng mga babaeng naging bahagi ng pamilya nila na hindi isang Malyari, hindi siya galing sa isang mayamang pamilya. Ni hindi namin alam kung saan talaga siya galing. Ang alam lang ng mga Alpuerto schoolmate nila Ambrosio sa kolehiyo ang babaeng ‘yon. Ang totoo, nang unang ipakilala si Rosario, nobya siya ni Gregorio.”

“Ha? Hindi ko iyan alam,” manghang sabi ni mama. Kahit ako nagulat. Minsan nabanggit sa akin ni Cain na hindi na nag-asawa si senator. Si Rosario ba ang dahilan? At paanong si Ambrosio ang napangasawa ng babae at hindi si senator Gregorio?

“Mahal ni Rosario si Gregorio. Kahit ako na minsan lang sila nakaharap na magkasama, nakita ‘yon. Pero may napansin din akong nakabahala sa akin. Si Ambrosio, nakita ko sa mga mata niya tuwing pinagmamasdan ang magkasintahan na naiinggit at nagseselos siya. Nakita ko na may pagtingin din siya kay Rosario. Ayesha, alam mo na bawat lalaking miyembro ng pamilya Alpuerto ay may taglay na espesyal na abilidad hindi ba?”

Tumango ako. Kinabahan.

Nagpatuloy sa pagsasalita si lola. “Mayroon silang unwritten rule na hindi nila maaaring gamitin ang kapangyarihan nila para manakit ng ibang tao. Hindi rin nila pwedeng gamitin ang kakayahan nila para baguhin ang takbo ng buhay ng isang tao. Kaya mapanganib ang kapangyarihan ni Ambrosio. Narinig niyo naman, kaya niyang manipulahin ang isip ng iba. Kaya bata pa lang siya, mahigpit na siyang pinagbawalan ng mga Elder na huwag gagamitin ang kapangyarihan niya na walang permiso. Naging istrikto sila sa kaniya at bawat kilos niya nahahanapan nila ng dahilan para punahin. Habang si Gregorio, naging paborito ng mga Elder. He has always been charming, intelligent and confident. Sa tingin ko kasalanan din ng mga nakatatanda at hindi na ako nagtaka na nagkaroon ng inferiority complex si Ambrosio sa kanyang kapatid. But throughout the years he never acted harshly towards Gregorio.”

“Hanggang dumating si Rosario?” kabadong tanong ko.

Tumango si lola. “Maybe Ambrosio finally found something he doesn’t want to give up on. Hindi ko rin sigurado noon kung paano nangyari. Pero bago pa makapag-propose ng kasal si Gregorio kay Rosario, nagtanan na sila ni Ambrosio. Nawala sila ng isang buwan at nang matagpuan sila, buntis na si Rosario at lihim na pala silang nagpakasal. Isang Alpuerto ang nasa loob ng sinapupunan niya at alam ng mga Elder na importante sa kanila ang bata lalo na kung lalabas na lalaki iyon. Kaya kahit na hindi magiging madali para kay Gregorio na makita ang dalawa, pinabalik sila sa mansiyon at doon na tumira. Sa mga sumunod na taon mula noon, kitang kita na labis ang pagmamahal ni Rosario kay Ambrosio. Na para bang kahit kailan hindi niya inibig si Gregorio.”

“Pero paanong bigla na lang nagbago ang nararamdaman ni Rosario –” Napasinghap ako at nanlaki ang mga mata ko. “G-ginamit ba ni Ambrosio ang kapangyarihan niya?”

Seryoso ang ekspresyon ni lola nang tumango. “Pinigilan ng mga Elder na gamitin ni Ambrosio ang kapangyarihan niya sa loob ng mahabang panahon. Ang hindi nila alam at huli na nang kanilang mapagtanto, kapag hindi ginagamit ang kapangyarihan lalo iyong lumalakas dahil naiipon sa loob nila. Ambrosio’s power became too powerful. Bukod pa sa labis ang kagustuhan niyang makuha si Rosario. Kaya nang gamitin niya ang kapangyarihan niya hindi lang isip ni Rosario ang nabago niya, maging ang puso ng babae.”

May bumikig sa lalamunan ko. Kung ganoon, peke ang pagmamahalan na nakita ni mama sa pagitan nina Ambrosio at Rosario. Nabuo si Cain hindi dahil mahal talaga ng mga magulang niya ang isa’t isa.

“Ang sabi nila, sa nakaraang mga taon bago namatay si Rosario ay sinusumpong talaga siya ng depresyon. Hindi na ako nagtataka. Siguro may mga sandaling humihina ang hawak ng kapangyarihan ni Ambrosio sa isip at puso niya. Of course she will get confused and depressed whenever she feels like there is something wrong. Na sa puso niya may ibang nagmamay-ari pero bakit iba ang lalaking pinakasalan at kasama niya. Nang gabing iyon daw, sandaling nawala ng tuluyan ang kapangyarihan ni Ambrosio na bumabalot kay Rosario. Naging malinaw ang isip at puso niya ng gabing iyon. Nakarinig daw sila ng pagtatalo mula sa loob ng kuwarto ng mag-asawa bago humahangos na lumabas si Ambrosio. Kukunin daw ang anak para ipakita kay Rosario. Pero pagbalik nila, patay na siya.”

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.