Chapter 65

(Ayesha)

Paglingon ko sa pinanggalingan ko naroon na rin ang mga lalaking humahabol sa akin.

“Huli ka,” ngisi ng isa. Malaswa pang dinilaan ang mga labi. Nanlamig ako at mabilis na umatras para makalayo sa kanila. Nagsimulang lumapit ang mga lalaki sa akin. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Tumingala ako sa langit. Maliwanag ang buwan kahit papalapit na ang new moon.

Malyari. Help me. Gods. Help me.

Ilang pulgada na lang ang layo nila sa akin. Pumikit ako at mariing itinikom ang mga labi.

Ilang segundo ang lumipas nag-echo sa katahimikan ng gabi ang malakas na hiyaw. Na sinundan pa ng isa pa. At isa pa. Hiyaw na dulot ng labis na sakit.

Napadilat ako. Napasinghap. Nakahandusay na ang mga lalaking humahabol sa akin. Pagkatapos ay halos gumapang na para lang makalayo at makatakas. Pero wala na sa kanila ang atensiyon ko. Nasa lalaking naiwang nakatayo ilang metro sa harapan ko. Nakatagilid siya sa akin, halos nakatalikod na nga. Parang gustong habulin ang mga lalaking nagsipagtakas pero napipigilan ang sarili.

Sa mabining liwanag ng buwan, nakilala ko agad siya.

“Zion,” anas ko.

Natigilan siya at parang ayaw pa nga ako lingunin. Hanggang tumayo siya ng maayos at pumihit paharap sa akin. Tuluyan kong nakita ang mukha niya na katulad ng kay Cain. Pero alam ko na ibang iba ang lalaking ito na nasa harap ko ngayon. Iba ang sikdo ng puso ko kapag tungkol sa lalaking ito ang sumasagi sa isip ko. Iba ang emosyong naglalaro sa dibdib ko kapag siya ang kaharap ko.

Gusto kong umiyak. Pero gusto ko ring ngumiti. Nanlalamig ako. Pero may init din akong nararamdaman sa puso ko. Naguguluhan ako. Pero sa likod ng isip ko, alam ko kung bakit ako nagkakaganoon.

“Anong ginagawa mo rito?” basag ni Zion sa katahimikan. May iritasyon at panginginig sa boses.

Kumurap ako. Huminga ng malalim. Nakatitig pa rin sa mukha niya nang bumalik sa isip ko ang dahilan kung bakit ako lumabas ng Malyari compound. Uminit ang mga mata ko. “Zion…”

“Ano?” inis pa rin na sikmat niya sa akin. Hindi pa rin ako makapagsalita. Saan ako magsisimula?

Mahina pero marahas na nagmura si Zion at luminga sa direksyong tinahak kanina ng mga lalaking humabol sa akin. “Lapitin ka ng gulo, alam mo ba iyon?”

Lumunok ako. Niyakap ko ang sarili. “Sorry,” garalgal na bulong ko.

Lukot ang mukha na tinitigan niya ako. Muli siyang nagmura at hinawakan ang braso ko. “Umalis tayo rito. Siguradong babalik sila na may dalang resbak.” Hinila niya ako. Nagpadala ako sa kaniya.

Sandali pa dumaan na naman kami sa mga pasikot-sikot na eskinita. Pero hindi tulad ko halatang alam ni Zion ang daan. Sa huling liko namin nakarating kami sa isang lumang gusali na dalawang palapag ang taas. May basag ang mga salaming bintana sa itaas habang sa baba naman ay kinakalawang at nababakbak na ang pintura ng gate. Hingit niya ako papasok doon. Isang parang garahe lang ang nasa loob. Maliit na bombilya lang ang umiilaw doon. Nakita ko agad ang pamilyar na itim na motorsiklo sa isang panig. Iyon ang gamit ni Zion noong minamatyagan niya ako sa Tala.

Tiningala ko ang makipot na hagdan paakyat sa ikalawang palapag. “Dito ka nakatira?”

“Bakit naglalakad ka na mag-isa sa lugar na ito? Mas delikado dito kaysa sa bayan kung saan ka nakatira. Hindi ka pa ba nadala?” sita pa rin niya sa akin himbis na sagutin ang tanong ko.

Huminga ako ng malalim. Nanlamig ako dahil naalala ko na naman ang nangyari noon sa bundok. Ang mga malulupit niyang kasamahan. Ang mga bandido. At ngayon, ang muntik ko na namang pagkapahamak. Namasa ang mga mata ko pero pinigilan kong umiyak.

“Malalim ang iniisip ko at naglalakad-lakad ako. Narealize ko na lang, hindi ko na alam kung nasaan ako.”

Lalo lang nalukot ang mukha ni Zion. Halatang hindi nagustuhan ang paliwanag ko. “Umuwi ka na.”

“Pero paanong nandito ka, Zion? Paanong naroon ka at nailigtas ako?” manghang tanong ko.

Natigilan siya. Nakatitig lang sa mukha ko. “Sumigaw ka at humingi ng tulong, hindi ba? Narinig ko.”

Kumurap ako. “Narinig mo? Nasaan ka ‘non?”

May bumakas na pagkalito sa mukha niya. “Nandito.”

Malayo ang gusali na ito sa kung saan niya ako nakita. “Hindi ako sumigaw ng malakas. Pero sa isip ko humihingi ako ng tulong. Posible ba na iyon ang narinig mo?”

Napalitan ng ibang emosyon na hindi ko mabigyan ng pangalan ang pagkalito sa mukha ni Zion. Nag-iwas siya ng tingin, parang inis na ginulo ng mga kamay ang buhok at huminga ng malalim. “Ah, basta. Umuwi ka na.” Nauna pa siyang lumabas ulit ng gate, nagpalinga-linga at bumaling sa akin nang masiguro yata na hindi na kami guguluhin ng mga lalaking humabol sa akin. “Bilisan mo.”

Tumalima ako. Mahabang sandali na tahimik lang kami naglakad sa pasikot-sikot na mga eskinita. Paminsan-minsan may kumakahol na mga aso pero bukod doon tahimik na ang gabi. Nakakapagtaka kung tutuusin kasi dikit-dikit ang mga bahay doon at hindi ba dapat may kaunting ingay man lang? Pero wala. Tahimik.

Maya-maya pa nakarating kami sa malawak na kalsada kung saan ako nanggaling kanina. Naroon na naman ang dalawang magkasalungat na daan. Dahil mali ang kanan ibig sabihin sa kaliwa ako nanggaling.

“Nalito ako sa daan kanina,” basag ko sa katahimikan.

“Hindi ba sinabi ko na sa iyo? Kapag naliligaw ka, kaliwa ang daang piliin mo.”

“Ah, oo nga. Nawala sa isip ko.” Naglakad kami sa kaliwang daan. Sinulyapan ko siya. “Ang mga sugat mo… magaling na ba?” alanganing tanong ko.

Niyuko niya ako. Tinitigan. “Hindi ka dapat maging mabait sa akin. Mas lalong hindi ka dapat nagtitiwala sa akin. Hindi ako kakampi. Dinukot kita at dahil sa akin kaya marami kang naranasan na hindi maganda.”

“Hindi ka likas na masamang tao. Nararamdaman ko iyon. At oo, marami akong naranasang hindi maganda. Hanggang ngayon kahit pilit kong kinakalimutan dinadalaw ako sa pagtulog ng mga nangyari. Kahit gising ako minsan, binabangungot ako.”

Huminto sa paglalakad si Zion. Ganoon din ang ginawa ko. Humarap ako sa kaniya at sinalubong ng tingin ang kanyang mga mata. “Pero higit sa mga alaala na iyon, hindi ko alam kung bakit mas nangingibabaw sa isip ko ang mukha mo. Himbis na matakot, mas nag-aalala ako kung okay ka ba o hindi. At kanina nang makita kita ulit, nakahinga ako ng maluwag. Hindi ko alam kung bakit magaan ang pakiramdam ko kapag kasama ka. Kung bakit ngayong nandito ka sa harap ko –”

“Tama na,” pigil niya sa sasabihin ko pa. Nag-iwas siya ng tingin. “Mauna ka na nga lang maglakad. Ikaw ang nakakaalam kung saan ka nakatira.”

Napabuntong hininga ako. Ano bang ang gusto kong sabihin? Hindi ko maintindihan ang sarili ko kaya malamang hindi rin niya ako naintindihan. Marami rin akong gustong kompirmahin kay Zion pero hindi ko magawang buksan ang paksa kahit may pagkakataon naman ako.

Bago ko pa tuloy mamalayan, nasa tapat na ako ng Malyari compound. Paglingon ko nakita kong malayo sa akin si Zion. Huminto pala siya sa tabi ng puno ilang metro ang layo mula sa compound. Humakbang ako para lumapit sa kaniya pero itinaas niya ang kamay para pigilan ako. Napahinto ako sa paghakbang. Sandali pa akong nag-alangan bago bumuntong hininga, malamyang itinaas ang kamay bilang pamamaalam at pasasalamat na rin, saka ako pumasok sa loob ng gate.

Tahimik at patay na ang ilaw sa mga bahay. Wala sigurong nakapansin na ngayon lang ako nakabalik. Nakahinga ako ng maluwag at mas naging kampante ang paglalakad ko. Himbis na sa front door ng malaking bahay ako pumasok, lumigid ako sa direksiyon kung saan alam kong naroon ang hardin. Sa French doors na lang ako dadaan.

Maingat ang naging mga hakbang ko para wala akong magawang ingay nang nasa loob na ako ng bahay.

“Mapaglaro talaga ang tadhana.”

Muntik na ako mapatili sa pagkagulat. Lumingon ako sa madilim na pasilyo na kasalungat ng dapat ay tatahakin ko para makarating sa silid na inookupa ko doon.

Humakbang mula sa kadiliman si Luna. “Ayesha, lumalakas ang boses ng puso mo. Hindi ka pa man nakakapasok sa compound naririnig ko na ang isinisigaw.”

Uminit ang mga mata ko. Humakbang ako palapit sa kaniya at kusang inabot ang kanyang mga kamay. “Ano ang gagawin ko?”

“Mukhang hindi ka na bingi sa sinasabi ng puso mo kung iyan ang tanong mo.”

May bumikig sa lalamunan ko. “Hindi pwede, ‘di ba? May papel akong kailangang gampanan para mapanatili ang existence ng mga Alpuerto. Si Cain ang nakatakdang maging clan leader. Siya dapat ang piliin ko, hindi ba? Ayokong maging makasarili at hayaan na lang mawala ang isang buong pamilya. Hindi ko pwedeng piliin ang tao na ang gusto ay ang pagkasira ng mga Alpuerto. Aware man siya o hindi na posibleng sarili niyang pamilya ang gusto niyang pabagsakin. Pero… nagpoprotesta ang puso ko sa gusto ng utak ko, Luna.”

Kalmado pa rin ang mukha ng Forseer. “Hindi mo kailangan alalahanin ang kahahantungan ng mga Alpuerto. Nakasulat na sa mga bituin ang kapalaran nila. Mas dapat mong alalahanin ang hinaharap mo. Nais kong malaman mo Ayesha na hindi pa pinal ang kapalaran mo.”

Natigilan ako. Nalito. Kinabahan. “Anong ibig mong sabihin?”

“May dalawang daan. Ang una patungo sa kapayapaan at buong buhay na kaligayahan. Ang pangalawa malaki ang posibilidad na magtapos sa kaguluhan, luha at pagkawasak pero may wagas na pag-ibig. Alin sa dalawa ang daang tatahakin mo? Alin doon ang magiging kapalaran mo? Nakadepende ang hinaharap sa magiging desisyon mo sa kasalukuyan, Ayesha.”

Napatitig ako sa mukha ni Luna. May kumirot sa puso ko at napahawak ako sa dibdib ko. “Kaguluhan? Pagkawasak?” garalgal na ulit ko sa mga sinabi niya.

Sandaling parang nag-isip si Luna. Pagkatapos humakbang siya, hila ang kamay ko. “Himbis na sabihin ko sa iyo, ipapakita ko na lang.”

Napasunod ako sa kaniya. “Paano?”

Himbis na sumagot nagpatuloy sa paglalakad si Luna sa madilim na mga pasilyo. Hindi siya nakakakita pero sigurado ang bawat hakbang niya. Kabisado na ang buong kabahayan. Sa isang pasilyo ang dulo ay isang makipot na hagdan. Umakyat kami doon. Isang pinto lang ang nasa tuktok niyon.

“Narito ang sikretong silid,” sabi ni Luna. Binuksan niya ang pinto at napasinghap ako nang humakbang kami papasok doon.

Pabilog ang silid at ni walang gamit. Sa gitna ng sahig may disenyo ng bilog na buwan. Sa paligid ng buwan, may mga simbolo na ngayon ko lang nakita.

Humakbang si Luna papunta sa gitna ng silid at saka humarap sa akin. Inilahad niya ang mga braso at bigla parang lumiwanag sa paligid. “Narito ang nakaraan, ang kasalukuyan at ang hinaharap. Handa ka bang makita?”

Napalunok ako. Biglang nag-alangan. Handa nga ba ako? Tumingala ako sa langit. Bakit parang mas maliwanag kaysa kaninang nasa labas ako ang buwan? Nasa mismong tuktok pa namin. Bakit parang may ibinubulong iyon sa akin?

Bumilis ang tibok ng puso ko. At nang muli akong tumingin kay Luna, nagsimula na ring humakbang ang mga paa ko palapit sa kaniya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.