Chapter 64

(Ayesha)

Uminit ang mga mata ko. Hindi ko magawang magsalita.

Huminga ng malalim si lola at inalis ang tingin sa akin. Alam ko na patapos na siyang magkuwento at na wala na akong maririnig pa mula sa kaniya tungkol sa paksang ito. Kaya nagulat ako nang magsalita ulit siya habang nakatingin sa kawalan. “Bukod sa kahit ako hindi maatim ang ginawa ng Elders sa isa niyang anak. Mula noon hanggang ngayon, hindi ako pabor sa ginawa nila.”

Huminto yata sa pagtibok ang puso ko. Para akong nabingi. “I-isa niyang anak?” anas ko.

“Oo.” Tiningnan ako ulit ni lola. “Isa iyong lihim na pilit tinatago ng mga Elder. Dalawa ang anak nina Ambrosio at Rosario. Kambal.”

KINAILANGAN kong lumabas ng malaking bahay para sumagap ng hangin. Kahit anong tanong ko kay lola tungkol sa kambal na anak nina Ambrosio at Rosario hindi na niya ako sinagot. Pero sa isip at puso ko, alam ko kung sino ang kakambal ni Cain.

Zion. Gusto ko siyang makita. Gusto kong malaman ang totoo mula mismo sa kaniya.

Gusto kong malaman kung okay lang ba siya.

Uminit ang mga mata ko at napatingala ako sa kalangitan. Hugis ngiti na ang buwan pero parang ang liwanag pa rin ‘non sa paningin ko. Ilang araw na lang, tuluyan na ‘yon mawawala sa paningin ng mga tao. Ang matitira na lang ay ang mga bituin.

Sa susunod na pagsulpot ng buwan, hanggang sa kabilugan niyon, ikalabing walong kaarawan ko na.

May umihip na malamig na hangin. Niyakap ko ang sarili ko. Huminga ako ng malalim at inalis ang tingin sa kalangitan. Napakurap ako nang marealize kong nakalabas na pala ako ng Malyari compound. Tahimik na sa labas. Palibhasa malayo sa ibang mga bahay ang lupain ng mga Malyari.

Alam ko na dapat na akong bumalik. Ang paalam ko lang kay mama sa loob lang ako ng compound magpapahangin. Pero natagpuan ko ang sarili kong naglalakad pa palayo hanggang mapunta ako sa isang lugar na maraming nakatayong mga establisyemento at dikit-dikit na mga bahay. Sa di kalayuan naririnig ko ang busina at ingay ng mga pampasaherong jeep. Kaunting lakad pa at nang tumingala ako nakita ko sa malayo ang dumaang tren. Maingay sa direksiyon na iyon pero sa kalsada kung nasaan ako, tahimik at may mangilan-ngilang mga kumpol ng tao sa mga sulok.

Nasaan na ba ako? Saan ang daan pabalik sa Malyari compound?

Nagpalinga-linga ako. Sa likuran ko may dalawang magkasalungat na daan. Saan ako babalik, kaliwa o kanan?

Nagsimula na akong humakbang papunta sa kaliwa nang may kilabot na humagod sa likod ko. Lakas loob akong lumingon sa paligid. Nakatingin sa akin ang isang grupo ng mga lalaki na nagkukumpulan sa madilim na kanto. Hindi ko gusto ang ekspresyon sa mga mukha nila na naaaninag ko dahil sa ilaw ng mataas na lamp post. At nang magsimulang maglakad palapit sa akin ang mga lalaki parang tumalon ang puso ko palabas sa dibdib ko. Binawi ko ang tingin at mabilis na naglakad. Lumiko ako sa kanan at taimtim na nagdasal na sana iyon ang tamang daan pauwi.

Narealize ko agad na hindi natupad ang dasal ko makalipas ang ilang minutong paglalakad. Hindi kasi pamilyar ang mga barong-barong na biglang humilera sa magkabilang gilid ng daan. Nadagdagan pa ang mga kanto na lilikuan. Wala akong natandaang lumiko ako kung saan-saan kanina. Lumalalim na ang gabi at nararamdaman ko ang pagsunod pa rin sa akin ng mga lalaki.

Mabilis ang tibok ng puso ko at alerto ang mga mata ko, naghahanap ng puwede kong maging sandata laban sa mga sumusunod sa akin. Palapit ng palapit ang mga yabag. Tumatayo na ang mga balahibo ko. Nang maramdaman ko na ang presensiya nila sa likuran ko hindi ko na napigilan ang pagkaripas ng takbo. Narinig ko ang pagmumura ng mga lalaking humahabol sa akin at nagsipagtakbo rin. Nanlamig ako. Madali nila akong maabutan at bakit ba wala ng mga tao sa kalsada sa ganitong oras? Wala akong mahihingan ng tulong.

Sa desperasyon sumuot ako sa isang maliit na eskinita. Baka sakaling maligaw ko ang mga humahabol sa akin. Pero nakasunod pa rin sila.

“Hindi ka makakatakas sa amin.” Narinig kong patawang sabi ng isa.

Kinilabutan ako at uminit ang mga mata ko. Pero hindi ako tumigil ni bumagal sa pagtakbo. Nagpaliko-liko na ako kung saan-saan hanggang makalabas ako sa isang maluwag na espasyo. Pero may mataas na pader na nakapalibot.

Stranded ako.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.