Chapter 67

(Ayesha)

Narating ko ang dulo ng pasilyong tinatahak ko. May maliit na kulungan doon. Sa isang sulok niyon may batang lalaki na nakayukyok at umiiyak.

Namasa ang mga mata ko. Naghalo ang panghihilakbot at sakit sa puso ko. Si Zion. Ikinulong ng mga Elder sa dungeon matapos nilang malaman na kaya niyang pumatay sa pamamagitan lang ng kanyang mga mata.

Kasalanan ba niyang ipanganak na may ganoong kapangyarihan? Na hindi pa niya kayang kontrolin iyon? Wala na ba silang naisip na ibang paraan kung hindi ang tratuhin ang isang bata ng ganito? Ang ikulong siya sa kadiliman na parang isang preso? Wala pa siyang kamuwang-muwang. Ang pamilya na dapat umaaruga sa kaniya, ganito ang ginawa.

“Ilabas niyo ako rito. Ayoko dito,” iyak ng batang si Zion.

Tuluyang tumulo ang mga luha ko at tumakbo palapit sa rehas. “Tutulungan kita,” garalgal na nasabi ko. “Ilalabas kita mula sa pagkakakulong mo. Pangako, tutulungan kita. Palalayain kita.”

Huminto sa pag-iyak ang batang lalaki. Nag-angat siya ng mukha. Nagtama ang aming mga mata. Siya nga si Zion. Hindi ko malilimutan ang itim na itim na mga matang iyon. Napahawak ako sa rehas. “Zion,” padaing na tawag ko sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata niya at parang may narealize na mabilis tinakpan ang mga mata. “Huwag kang tumingin! Mapapahamak ka kapag tumingin ka sa mga mata ko. M-mamamatay ka. Kaya ako nandito. Kasi hindi ako pwedeng makita ng kahit na sino. Hindi niyo pwedeng matitigan ang mga mata ko.”

Lalong bumagsak ang mga luha ko. Kinailangan ko lumunok ulit para makapagsalita. “It’s okay. Pwede akong tumingin sa mga mata mo na walang nangyayari sa akin.” Marahas na umiling ang batang si Zion. “Walang mangyayari,” giit ko.

Sandaling nag-alangan siya. Hanggang unti-unti niyang inalis ang mga kamay at nag-angat ng tingin. Nagtagpo muli ang mga paningin namin. Kahit may luha ngumiti pa rin ako. “See? Walang nangyari sa akin. Hindi mo ako masasaktan kahit na tumitig ako sa mga mata mo.” May bumikig sa lalamunan ko pero hindi ko inalis ang ngiti sa mga labi ko. “Balang araw, kapag malaki ka na, magkikita tayo ulit. At katulad ngayon, hindi mo kailangan itago ang mga mata mo sa akin. Matititigan kita at walang mangyayaring masama sa akin. Dahil gustong gusto ko ang mga mata mo, Zion.”

Tumitig siya sa akin. Sumilay ang munting ngiti sa bata niyang mukha –

Suminghap ako nang bigla ay para akong hinablot palayo sa eksenang iyon. Mabilis na dumaan sa isip ko ang mga sumunod na taon. Sa sobrang bilis parang binibiyak sa sakit ang ulo ko at parang luluwa ang mga mata ko. Kinapos ako ng paghinga hanggang mawalan ako ng balanse. Nang mapaluhod ako at habol ang paghinga ko, narealize ko na nakabalik ako sa sikretong silid.

“Masyado kang nagtagal sa isang bahagi ng nakaraan. Hindi mo pwedeng gawin iyon. Nakakabawas iyon ng taon sa buhay mo,” sabi ni Luna.

Huminga ako ng malalim. Pumatak sa sahig ang mga luha ko. Sariwa pa rin sa akin ang nakita kong kinahantungan ni Zion pagkatapos ng maiksing sandaling engkuwentro namin sa dungeon. “P-paanong nakapag-usap kami? Hindi ako nakita ng mga taong nakita ko sa nakaraan bago siya.”

“Dahil humihingi siya ng tulong, hindi ba? Tumatawag siya ng taong tutulong at maglalabas sa kaniya sa kadiliman. Ayesha, siguro alam mo na ngayon na mayroon kayong malakas na koneksiyon ni Zion. Narinig mo ang taimtim at desperado niyang pagtawag. At ang kagustuhan mong makita siya ang naging dahilan kaya hindi na lang ang kamalayan mo ang naglakbay. Maging ang katawan mo. Nagtungo sa lugar na iyon para makita siya.”

Napatingala ako kay Luna. May mga liwanag pa ring nagpapaikot-ikot sa amin pero mas maliwanag ang buwan na ngayon ay nasa bandang likod na ng ulo niya. Wala na iyon sa pinakatuktok ng silid.

“Hindi ka na siguro niya natatandaan ngayon. Pero nagkaroon ng malaking papel sa naging buhay ng batang si Zion ang pagpapakita mo sa kaniya, Ayesha. Sa loob niya, kahit hindi niya aminin, naging dahilan ka para hindi siya sumuko sa buhay at magpatuloy. Kahit hindi man maganda at malinis ang naranasan niyang klase ng pamumuhay.”

Naiyak na naman ako nang bumalik sa isip ko ang imahe ng naging buhay ni Zion. “Napapanaginipan ko siya bago ko pa siya makita. Kahit iyong sa maliit na kulungan na iyon, napanaginipan ko. Anong ibig sabihin ‘non?”

“Isa sa mga kakayahan ng isang moon bride ang makita ang kanyang hinaharap sa pamamagitan ng panaginip. Ang mga napanaginipan mo ay nakatakdang mangyari. Katulad ng pagkikita ninyo ng batang si Zion. Nangyari ngayon, hindi ba?”

Ilang segundong napatitig ako kay Luna. Hanggang may marealize ko. “Alam mo ang lahat ng mangyayari. Dinala mo ako rito ngayong gabi dahil alam mong mapupunta ako sa nakaraan at makakausap ko si Zion.”

Umangat ang gilid ng mga labi ng Forseer. “Responsibilidad kong maging maayos ang takbo ng kasaysayan. Kung mangingielam ako, magugulo lang ang mga pangyayari at posibleng magkaroon ng aksidenteng hindi ko kayang ayusin. Kung hindi kita dinala dito at hindi ka niya nakita noong bata siya, ano sa tingin mo ang nangyari sa kaniya?”

Hindi ako nakasagot. May bumikig sa lalamunan ko nang maisip na baka walang Zion ngayon kung hindi nangyari ang nangyari ngayong sa sikretong silid.

“Nakatakda man ang hinaharap pero maaari pa rin iyong mabago sa bawat desisyong gagawin natin. Maliit man o malaking pagpapasya iyon. Gusto mo na bang makita ang dalawang posibleng hinaharap mo, Ayesha? Malapit nang mawala sa kalangitan ang buwan. Mawawalan na ng bisa ang mahika ng silid na ito.”

Natatakot akong makita ang hinaharap. Pero gusto ko rin malaman. Alam ko na hindi na ako magkakaroon ng isa pang pagkakataon para bumalik sa sikretong silid. Lumunok ako at tumayo. Huminga ako ng malalim hanggang bahagyang bumalik sa normal ang tibok ng puso ko.

“Handa na ako,” bulong ko.

Tumango si Luna. Ang mga liwanag sa paligid namin parang tumango rin. Nang lumapit at palibutan ako ulit ng mga liwanag ay pumikit ako at tinanggap ang init at mahika na parang tumatagos sa bawat himaymay ng katawan ko.

Magkasabay na dumaan sa isip ko ang dalawang magkasalungat kong hinaharap. The scenes are overwhelming. Habang tumatagal pabigat ng pabigat ang pakiramdam ko. Parang pinipiga ang puso ko at ang mga mata ko ay humapdi at namasa. Habang papalayo sa hinaharap ang nakikita ko naging hikbi at iyak na ang pamamasa ng mga mata ko.

Nang mawala ang mga imahe at nagbalik ang diwa ko sa loob ng sikretong silid, humahagulgol na ako. Lumuhod ako sa sahig at kinipkip ang dibdib ko. “Bakit?” anas ko sa pagitan ng mga hikbi. “Bakit?”

Lumuhod sa harap ko si Luna at niyakap ako. Nawala na ang mga sumasayaw na liwanag. Naging normal na silid na ulit ang kinaroroonan namin. Pero ako, hindi na yata babalik sa normal. Masyado akong maraming nakita. Masyadong maraming nalaman.

“Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko,” hagulgol ko at gumanti ng yakap kay Luna.

Magaan niyang tinapik ang likod ko. “Huwag kang magmadali. It will all make sense to you. Bigla na lang, malalaman mo kung ano ang dapat gawin. Maniwala ka sa akin. Sa simula ka lang maguguluhan.”

Narealize ko na base sa sarili niyang karanasan ang sinasabi niya. Unti-unti kong nakalma ang sarili ko. Huminto ang pagbagsak ng mga luha ko at bahagya akong kumalas kay Luna para makita ko ang mukha niya.

“Paano mo nakaya?” tanong ko.

“Nakaya na ano?” balik tanong ni Luna na may munting ngiti sa mga labi.

“Na… na magkaisip at marealize na natatandaan mo pa rin ang mga alaala ng lahat ng naging forseer?”

“Hindi naman naging mahirap para sa akin. Lahat ng forseer ay ako. Iba-iba man ang naging hitsura at pangalan ko, sa loob iisang tao lang naman ako. Ako pa rin ang batang bulag na binigyan ni diyosa Mayari ng pagkakataong magkaroon ng silbi sa mundong ito.”

“Pero paano sa tuwing…”

“Sa tuwing namamatay ako?” tapos niya sa tanong na hindi ko magawang ituloy. Sumagi sa isip ko ang imahe ng pagkawasak, kadiliman at pagdurusa; ang imahe ng posible kong hinaharap.

“Hindi ako takot mamatay. Hindi dahil alam kong ipapanganak din ako ulit. Kung hindi dahil wala namang dahilan para katakutan ang kamatayan. Bahagi iyon ng buhay. More than dying, I’m more afraid to live a life without any purpose. Mas takot akong maging katulad ng lahat at walang sariling pagkakakilanlan o sariling talento. Kaya masaya ako na hindi ako pangkaraniwang tao. Na napapalibutan ako ng mga taong katulad mo Ayesha at katulad din ng mga Alpuerto na may kani-kanilang kakayahan at katangian na wala ang iba.”

Tinitigan ko ang mukha ni Luna. Bahagyang gumaan ang pakiramdam ko ngayon dahil sa sinabi niya. Muli ko siyang niyakap. “Salamat,” taos pusong bulong ko.

“Hindi ka nagsisisi na nakita mo ang lahat?”

Umiling ako kahit pa may bumara sa lalamunan ko nang maalala na naman ang mga nakita ko. “Wala akong pinagsisisihan.”

Huminga ng malalim si Luna at gumanti ng yakap. “Kung ganoon salamat din. Salamat na hinayaan mo akong may makasama sa sikreto ng ating lahi. Natatakot akong balang araw, wala nang makaalam ng tungkol sa pinagmulan natin. Na mabubura sa kasaysayan ang hiwagang taglay ng tinubuan nating lupa. Na magiging alamat na lang tayo. Kathang isip na kuwento na ikukuwento at isusulat pero hindi naman paniniwalaan na totoo.”

Humigpit ang yakap ko sa kaniya. Hindi ako nagsalita. Pero alam ko na nagkakaintindihan kami.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.