Chapter 68

(Ayesha)

NAGISING ako isang umaga sa reyalisasyon na unang araw na naman ng bagong buwan. Birth month ko. Dalawang linggo na lang, ikalabing-walong kaarawan ko na. Kagabi nang tumingala ako sa langit nakita kong nakasilip na ulit ang buwan. Malapit na ulit iyon maging bilog.

Sa loob ng ilang araw mula nang gabing iyon sa sikretong silid sa ancestral house ng mga Malyari, wala akong ibang ginawa kung hindi ang mag-isip. Hindi pa rin kami bumabalik sa Tala at maraming beses na akong tinatawagan ni Raye para kumustahin. Sa dami ng absent ko, baka hindi na ako tanggapin sa klase ng mga professor ko. Alam ko na importante ang pag-aaral ko. Pero pagkatapos ng lahat ng nakita at nalaman ko, hindi ko kayang basta na lang umalis at bumalik ng Tala.

Madalas para makaiwas sa tanong ni mama na ilang beses nang nagkomentong may nag-iba sa akin ay naglalakad-lakad ako sa labas ng Malyari compound. At palagi, kahit hindi ko naman intensiyon, napapadpad ako sa magkasalungat na daan kung saan ako naligaw nang gabing nakita ko ulit si Zion.

Siguro sa tagong bahagi ng puso ko gusto ko siyang makita. Kahit na hindi ko alam kung paano ko siya haharapin na hindi ako mabibisto na marami akong alam tungkol sa kaniya? Paano ko makokontrol ang emosyon ko?

Sa huli hindi ko rin naman siya nakita. Hindi rin ako nagkaroon ng lakas ng loob na kusa siyang hanapin.

Huminga ako ng malalim bago bumangon mula sa kama.

Lumabas na ako ng kuwarto na inookupa ko at nagtungo sa kusina. Doon kasi tumatambay ang mga kababaihan sa bahay na iyon. Sa lahat din ng parte ng Malyari ancestral house, ang kusina lang ang maaliwalas at hindi niluma ng panahon. Sa loob ng lampas isang linggo na pananatili namin ni mama doon, nasanay na ako dumeretso sa kusina pagkagising ko. Nasanay na ako na kahit napakatahimik ng buong kabahayan ay may maririnig akong pag-uusap at tawanan sa kusina na hinahaluan ng tunog ng nakabukas na telebisyon.

Kaya nagtaka ako na tahimik ngayong umaga. Hindi sa walang tao. Nararamdaman ko ang presensiya nila. Naririnig ko rin na bukas ang tv kahit na hindi ko marinig ng malinaw kung ano ang pinapanood nila. Nang pumasok ako sa loob ng kusina nakita ko silang nakatutok lahat ang tingin sa telebisyon. Seryoso na gulat na nag-aalala ang nakikita kong ekspresyon nila. Si mama na nakaupo sa pinakamalapit na silya sa akin, namumutla at nakatakip pa ang mga kamay sa bibig.

Kumabog ang dibdib ko. Nanlamig ako sa kaba. Nilingon ko ang tv para makita kung ano ang palabas. Nahigit ko ang paghinga ko nang makitang news report ang nasa screen. At ang mga Alpuerto ang paksa ng balitang iyon.

Opisyal iyong press conference para ipaalam na ang bagong CEO ng Alpuerto Group Of Companies ay si Ambrosio Alpuerto. Tuluyan na niyang nakuha ang pinakamataas na posisyon sa mga negosyo ng pamilya.

Katulad ng alam kong mangyayari. At alam ko rin ngayon kung gaano karaming tao ang minanipula niya para maisakaturapan iyon. Kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya para makarating sa posisyong handa na siyang gawin ang noon pa niya balak na pagganti. Kung paanong ang sarili niya mismong anak ginagamit niya para mapabagsak ang sarili nilang pamilya.

Ang anak niya na kasalukuyang nakatayo sa tabi niya habang sumasagot sa tanong ng mga reporter.

Si Zion.

Napahawak ako sa dibdib ko. Sumikdo kasi ang puso ko habang nakatitig sa binata. At katulad ng nakaraang mga araw, uminit ang mga mata ko.

Hindi na rugged ang ayos niya. Pormal na ang suot at hindi na balbas sarado. Wala na rin siyang suot na dark shades. At dahil maliwanag kitang kita na ang mukha niya.

Kamukha niya talaga si Cain. Hindi maipagkakaila na kambal sila.

Iisa ang mukha nila pero kung tititigang maigi, malalaman na magkaiba silang tao. Lalo na ang mga mata. Suplado si Cain at palagi din naman seryoso ang mukha pero si Zion may mapanganib na aura ang kaseryosohan.

“Mahabaging diyosa Mayari, isa itong malaking kaguluhan,” bulalas ng isang may-edad kong tiyahin na nanonood ng balita.

“Ito ang aking anak na si Zion,” sabi ni Ambrosio mula sa telebisyon. “Like me, he was wronged by our own family. When he was very young, he was physically abused.”

Suminghap ang mga kababaihan sa kusina. Uminit ang mga mata ko. Nag-alala nang makitang parang may umigtad na ugat sa panga ni Zion. Sigurado ako na hindi talaga niya gustong ianunsyo iyon sa buong bansa. Pero kasama iyon sa plano ni Ambrosio. Gusto ng matandang lalaki na masira ang iniingatang pangalan ng mga Alpuerto. Gusto niyang paalisin sa pagkakatago sa anino ang pamilya sa pinakamasakit na paraan.

“Simula sa araw na ito, hindi na kami paaapi. Sa sarili kong paraan, bumangon ako at naging matagumpay. Hanggang nabawi ko na sa wakas ang mga bagay na dapat ay akin. Dapat ay sa amin ng anak ko. And now, as the new CEO of Alpuerto Group Of Companies, I declare that this is a new era. Marami ang magbabago at lahat ay para sa ikauunlad ng kompanya. Thus, I must get rid of the old ways. Kailangan na rin mawala ang mga matatanda na.”

“At paano ang tradisyon? Ang mga pamana ng mga ninuno nila? Itatapon niya rin iyon?” manghang bulalas ng isa kong second cousin.

“At ano ang mangyayari sa atin?” biglang tanong ng isa pa. “Mula pa noon, halos lahat ng ginagamit nating paggastos sa Malyari compound. May shares din tayo sa mga kompanya nila.”

Nabahiran ng takot ang katahimikan. Inalis ko ang tingin sa telebisyon. Nagkatinginan kami ni mama. Alam ko na nag-aalala rin siya para sa pamilya namin. Pagkatapos napansin kong natigilan siya at namilog ang mga mata na parang may naisip.

“Si Cain… alam na kaya niya ang tungkol dito? Hindi maipagkakaila na kambal sila ng Zion na pinakilala ni Ambrosio. Anong mararamdaman niya kapag nalaman niyang may kapatid pala siya at kakambal pa? Na hindi niya nakilala mula pa noong bata siya?”

Napaderetso ako ng tayo sa mga sinabi ni mama. Parang may sumipa sa sikmura ko. Oo nga pala, kailangan ko makita si Cain! Alam ko na may alam na siya ngayon pero base lang sa mga sinabi ng Elders. “Aalis lang ako,” sabi ko.

“Saan ka pupunta?” tanong ni mama. Pero hindi na ako nakasagot kasi tumalikod na ako at patakbong umalis ng kusina.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.