Chapter 81 (FINAL)

(Ayesha)

HININTAY MUNA namin na talagang pwede na lumabas ng ospital si Zion bago kami humarap sa buong angkan ng Alpuerto. Mayroon din akong kailangan sabihin sa kanila bago ituloy ang ritwal. Kailangan nila malaman ang katotohanan sa likod ng kapanganakan ko. Kailangan nila malaman kung ano ang talagang mangyayari kapag ginawa ang ritwal ng pag-iisa sa gabi ng kaarawan ko.

Katulad ng inaasahan namin nagulat ang lahat ng malaman ang nararamdaman namin ni Zion para sa isa’t isa. Pero dahil suportado kami nina Cain, Chance at sir Angus sandali lang sila nag protesta at nag-alangan. Pumayag din sila na kahit si Cain ang magiging clan leader, si Zion ang makakapareha ko sa ritwal.

Naramdaman ko na hindi komportable si Zion sa usapan. Tahimik lang siya habang inilalahad ko sa pamilya niya kung paano kami nagkagustuhan. At dahil gusto kong malaman nila kung ano ba talaga ang magaganap kapag ginawa ang ritwal, sinabi ko sa kanila ang nakita ko sa sikretong silid nang dalhin ako doon ng Forseer.

Na ang totoo, ang pag-iisa namin ni Zion ay hindi para palakasin ang kapangyarihan ng mga Alpuerto.

“We are the last generation. We are the end of the gift that the goddesses gave our ancestors,” malumanay na sabi ko. “Kailangang magkaroon ng katapusan ang lahat. Hindi para sa mga mortal ang mayroon ang mga Alpuerto at mga Malyari. Matagal nang dapat walang kapangyarihan ang mga tao. Hiniram lang natin ang mayroon tayo. We have to return it back to the heavens.”

Natameme ang lahat. Hindi makapaniwala. Pagkatapos halos sabay-sabay silang umiling. Ayaw nila pumayag. Ayaw nilang mawala ang natitirang kapangyarihan na mayroon sila. Gusto nilang panghawakan ang koneksiyon nila sa mga diyos. Gusto nilang manatiling kakaiba at espesyal.

Hindi ko naman sila masisi. Sa mundong ito na magkakapareho na ang halos lahat, masarap sa pakiramdam ang maging espesyal.

“K-kung ayaw niyong gawin ang ritwal…” nasabi ko pero hinawakan ni Zion ang kamay ko at pinaglingkis ang mga daliri namin kaya napahinto ako. Napatingin ako sa kaniya.

“Hindi ba sinabi mo na kailangan mo itong gawin? Na ang diyosa ang may gusto nito?”

Kinagat ko ang ibabang labi ko at saka tumango.

“Ako, gusto kong mawala ang kapangyarihan ko,” amin ni Zion. “Ayokong mawala na naman ako sa kontrol balang araw at may masaktan akong mga tao na ayokong masaktan.” Tumitig siya sa mga mata ko. “Lalo na ang mga importante sa akin.”

May humaplos na init sa puso ko. Ngumiti ako at pinisil ang kamay niya. “Hindi mo ako masasaktan,” bulong ko sa kaniya. Hinaplos ko ang gilid ng mata niya. “I love your eyes. Lalo na kapag itim na itim sila. I can look at them forever.”

Gumanti siya ng pisil sa kamay ko. Hindi siya nagsalita pero sapat na para sa akin ang emosyong nakikita ko sa mga mata niya bilang sagot.

“Gusto ko ring mawala ang kapangyarihan ko,” biglang sabi ni Chance. Napunta naman sa kaniya ang atensiyon naming lahat.

“No! Why?” histerikal na tanong ni Corazon.

Umangat ang mga kilay ni Chance. “Why? I want to grow old just like any normal human. That’s all.”

“I want to give up my power too,” sabi ni sir Angus.

Bumuntong hininga si Cain. “Sa tingin ko dapat natin ibalik ang hindi naman talaga dapat nasa atin.” May pinalidad sa boses niya. “We will survive even without our powers. May abilidad at resources tayo. Kaya natin maging matagumpay bilang mga normal na tao.”

Nagkatinginan ang mga nakatatanda. Nag-aalinlangan. Natatakot. Nanghihinayang. Pero siguro may kakayahan talaga si Cain na pasunurin ang pamilya niya. Dahil sa huli nalaglag man ang mga balikat nila at mga nanghina, nagdesisyon silang ituloy ang ritwal.

KATULAD ng tradisyon, sa Malyari compound gaganapin ang simpleng kasal sa hapon at ritwal sa gabi. Isang malayong kamag-anak ng mga Malyari ang dadalo na huwes na magkakasal sa amin ni Zion.

Bago ang araw ng kaarawan ko pormal na nagtungo ang buong pamilya ng Alpuerto sa compound para mamanhikan. Iyon din ang unang beses na nakilala ng pamilya ko si Zion. Namangha sila na magkamukhang magkamukha siya at si Cain pero nakahinga ako ng maluwag na walang nagbanggit tungkol sa kaguluhang nangyari sa pamilya Alpuerto ilang linggo lang ang nakararaan.

Namasa pa nga ang mga mata ko nang lumapit si mama at yakapin ng mahigpit si Zion. Natigilan siya at napatingin sa akin na parang hindi alam ang gagawin. Napansin din iyon ni mama na nang kumalas ay ngumiti at pinisil pa ang mga pisngi ni Zion. “Anak na rin kita mula ngayon.”

Maging si Luna nagpakita para harapin ang mga Alpuerto. Lumapit kami ni Zion sa Forseer. Inilapat ni Luna ang mga kamay sa magkabilang pisngi ni Zion. “You have a strong heart. Kampante ako na magiging maayos ang lahat. Mapoprotektahan mo si Ayesha at siya lang ang babaeng mamahalin mo katulad na ikaw lang ang lalaking mamahalin niya. Kampante akong kayong dalawa ang tatapos ng lahat.”

Kaya kinabukasan, sa araw ng kaarawan ko, pagmulat ko pa lang naririnig ko na ang pagkakaingay sa labas. Bumangon ako at tumingin sa labas ng bintana kung saan tanaw ang loob ng buong compound. Bumilis ang tibok ng puso ko nang makitang halos lahat ng miyembro ng pamilya Malyari ay nasa labas at abala sa pag-aayos doon. May pabilog nang disenyo sa lupa. May simbolo ng bilog na buwan na napapalibutan ng mas maliliit at sari-saring simbulo. Katulad nang nasa sahig ng sikretong silid.

Pagsapit ng hapon dumating ang mga tiyahin ko para bihisan at ayusan ako. Tumutunog ang mga tambol na parang naririnig ko kapag chinese new year. Nang may dumating sa kuwarto ko para sabihing dumating na ang mga Alpuerto tumalon ang puso ko. Napatayo pa nga ako dahil gusto kong makita si Zion pero napigilan ako ng mga tiyahin ko.

Bandang alas singko ng hapon, tapos na ako ayusan. Pagkaalis ng mga tiyahin ko na ngiting ngiti at masaya sa kinalabasan ng pag-aayos sa akin dumating naman si mama. Natigilan siya sa pinto at namasa ang mga mata habang nakatingin sa akin. “Ang ganda ng anak ko.”

Natawa ako. “Totoo, ‘ma?”

Ngumiti siya, lumapit sa akin at pinisil ang baba ko. “Totoo. Lalong ma-i-in love sa iyo si Zion.”

Lumawak ang ngiti ko. Sumikdo ang puso ko. Sa nakaraang mga araw palagi naman kami magkasama pero sabik pa rin akong makita siya ngayon.

“Halika na. Kailangan na natin lumabas,” aya ni mama.

Tumango ako.

Eksaktong paglubog ng araw, nagsimula ang seremonya.

Kaagapay ko si mama na lumabas ng bahay at naglakad papunta sa gitna ng compound. Sa unahan namin, naglalakad si Luna. Ang tradisyon daw kasi ang Forseer ang naghahatid sa moon bride sa nagsisilbing altar. Sa palibot ng simbolo ng bilog ng buwan nakapuwesto ang mga bisita. Puro kapamilya lang naman namin ang naroon maliban sa huwes na nakatayo na sa podium paharap sa dalawang silya na uupuan namin ni Zion.

Si Zion na naglalakad na rin mula naman sa kabilang direksiyon. Nasa harapan niya si senator Gregorio na siya pa ring clan leader ng mga Alpuerto. Pagdating sa gitna, nang lumihis ang pinuno ng dalawang pamilya, saka lang kami nagkakitaan ng maayos ni Zion.

Nag-angat ako ng mukha at nagtama ang mga mata namin. Nahigit ko ang hininga ko. He was so handsome tonight. Higit pa sa nakaraang mga araw. Itim na suit ang suot niya. Bagong gupit siya at clean-shaven. Ang mga mata niya, mas kalmado at malinaw na kaysa noong unang beses ko iyon nakita. Ngumiti ako. Ngumiti rin siya. Inilahad niya ang kamay sa akin at walang pagdadalawang isip na inabot ko iyon.

Naging simple at mabilis ang seremonya ng kasal namin. Kahit nang sabihin ng huwes na ‘you may kiss the bride’ mabilis na halik lang sa mga labi ang iginawad sa akin ni Zion. Pagkatapos ‘non ay nagsalo-salo kami sa hapunan. Nagpaalam ang huwes at lumalim ang gabi.

Nag-iba ang paraan ng selebrasyon sa Malyari compound. Ang tambol nagiba ang tempo. Ang mga babaeng Malyari nagsimulang paikutan ang nakaguhit na buwan sa lupa. Lumapit si Luna sa amin ni Zion, hinawakan ang tig-isa naming mga kamay at hinatak papunta sa gitna ng mga simbulo.

Tumahimik sa paligid. Huminga ng malalim si Luna, tumingala sa langit at nagsimulang umawit sa lengguwahe nang nalimutan nang panahon. Pero tumagos sa puso ko ang bawat salita na para bang kahit hindi iyon naiintindihan ng isip ko, naiintindihan naman ng puso ko. Tumingin ako kay Zion. Mukha siyang nabigla. At mukhang katulad ko tumatagos din sa puso niya ang awitin.

Narealize ko na inaawit ng Forseer ang sinaunang dasal para sa ritwal ng pag-iisa. Napahawak ako sa kamay ni Zion. Pinaglingkis niya ang mga daliri namin. Sabay kaming humilig padikit sa isa’t isa. Humigpit ang hawak niya sa kamay ko.

Nagpatuloy sa pag-awit si Luna. Maya-maya nagsimulang kumilos paikot sa amin ang mga babaeng Malyari at nagsimulang sumabay sa awit habang marahang sumasayaw. Naramdaman ko ang pamilyar na init sa kaloob-looban ko na unti-unting kumakalat sa katawan ko. Alam ko na iyon ang kapangyarihang nasa akin nang ipanganak ako. Nang tingalain ko si Zion, nakita kong unti-unti na ring nagbabago ang kulay ng mga mata niya. Napansin ko na natataranta siya. Siguro dahil pilit niyang pinipigilan ang paglabas ng kapangyarihan niya. Humilig ako sa kaniya, hinalikan siya sa pisngi at bumulong, “Let it go. Magtiwala tayo sa kanila.”

Huminga ng malalim si Zion hanggang maramdaman kong unti-unti nang na-relax ang katawan niya.

Nagpatuloy sa pagsayaw at pag-awit ang lahat. Tumingala ako sa langit. Mataas na ang buwan. Malaki, bilog na bilog at napakaliwanag. Para akong hinahatak ng enerhiya niyon.

Nang matapos ang awit at pagsayaw muling hinawakan ni Luna ang tig-isa naming kamay ni Zion. “Oras na. Gagabayan ko kayo hanggang sa sikretong silid. Sa sandaling balutin ng liwanag ng buwan ang kabuuan niyon, kailangan na ninyong simulan ang nakatakda ninyong gawin. Dito lang ang lahat at ipagpapatuloy ang dasal.”

Hinatak niya kami. Nilingon ko si mama na mukhang tensiyonado pero nginitian ako. Nakita ko rin ang lahat ng miyembro ng pamilya Alpuerto. Hindi sila mapakali at halatang kabado. Pero nakikita ko rin sa mga mukha nila na handa na sila sa mangyayari.

Tahimik kami ni Zion hanggang makarating sa pinto ng sikretong silid. Hinalikan ako sa pisngi ni Luna. Ganoon din ang ginawa niya kay Zion. Saka kami iniwan.

Pagpasok namin sa silid at nang makita ko ang malaking kama sa gitna niyon bigla akong kinabahan. Walang liwanag doon maliban sa nagmumula sa buwan na tumatagos sa salaming bubong. Hanggang doon naririnig ko pa rin ang mahinang echo ng mga umaawit at ang beat ng mga tambol.

“Zion,” nanginig ang boses ko. Nanlamig ako. Akala ko prepared na ako para sa gabing iyon pero mukhang hindi pa yata.

Napalingon ako sa kaniya nang iangat niya ang kamay kong hawak niya at gawaran iyon ng masuyong halik. “Gusto mo ba talagang gawin ito? Ayos lang sa akin kung hindi natin ituloy.”

Huminga ako ng malalim. Umiling. “Nagsimula na ang lahat. Kailangan na tapusin.” Sinalubong ko ng tingin ang mga mata niya. “I-I don’t know what to do…”

Hinaplos niya ang buhok ko at masuyong ngumiti. “Magiging maayos ang lahat. Magtiwala ka sa akin.”

Nakalma ako ng haplos at ngiti niya. Tumango ako. Pumagitna kami sa silid at umupo sa gilid ng kama. Ilang sandali pa, umakyat sa pinakatuktok namin ang bilog na buwan. Unti-unti, naramdaman ko ang pamilyar na mga presensiya sa loob ng silid. Nagkaroon ng himig na parang may mga tinig na umaawit. Nagkaroon ng mabini at maligamgam na hangin. Pumapaikot sa amin. I feel the power inside me stirring, wanting to get out. Ang mga liwanag, nagsayaw sa mga pader, nagkakahugis, nagsasaya, sumasabay sa ingay sa gitna ng Malyari compound.

Nagkatinginan kami ni Zion. Nakakahawa ang saya sa paligid namin. Nakakakiliti ng puso. Nagkangitian kami at unti-unting naglapit ang mga mukha. Hanggang maglapat ang aming mga labi.

This time, he kissed me for real. Hindi simpleng pagdadampi lang ng mga labi kung hindi masuyo at magaan na pag-angkin. Nawala ang takot at alinlangan ko. The touch of his lips against mine made my heart full. Umangat ang mga kamay ko at pumaikot sa batok niya.

We kissed and suddenly I felt our powers connect. Parang mga pisi na naglingkisan, naging isa at naging mas malakas. Habang ang mga kamay namin ay nagsimulang humaplos sa isa’t isa, binalot kami ng enerhiyang iyon hanggang parang malaking bula na biglang sumabog.

Bawat halik, bawat haplos, bawat galaw ng aming mga katawan, nararamdaman ko ang unti-unting pagkawala ng kapangyarihan sa bawat miyembro ng pamilya Alpuerto. Hindi ko sila nakikita pero naririnig ng puso ko ang bawat singhap nila, ang bawat taimtim na pamamaalam sa isang bahagi ng kanilang pagkatao. Nararamdaman ko ang bawat patak ng kanilang mga luha, ang bawat buntong hininga, ang bawat tibok ng kanilang mga puso na unti-unting kumakalma.

Nang mag-isa ang mga katawan namin ni Zion, napahikbi ako. Hindi lang dahil sa panandaliang kirot na dulot niyon kung hindi dahil naramdaman ko na unti-unti na ring kinukuha sa akin ang enerhiyang nasa loob ko.

“Zion,” hikbi ko.

Humigpit ang yakap niya sa akin, hinalikan ang aking mga labi, bumilis ang paggalaw. “Alam ko Nararamdaman ko rin,” bulong niya sa akin.

Hindi ko na naririnig ang tunog ng mga tambol. Nabibingi na ako sa malakas na tibok ng puso ko. Para akong lumulutang, paangat ng paangat.

Hanggang bigla, ang kapangyarihan na pinagsalin-salin sa bawat henerasyon ng dalawang pamilya ay parang fireworks na sumabog hanggang mag-evaporate sa kalangitan.

Habol namin ang hininga namin at matagal na hindi kami gumalaw. Nakapikit ako at may kapayapaan na unti-unting namahay sa puso ko.

“Ayesha,” masuyong bulong ni Zion. “Buksan mo ang mga mata mo.”

Dahan-dahan akong dumilat. Nakatunghay siya sa akin. Magaan niyang hinalikan ang mga labi ko. “Mahal kita.”

Napangiti ako. “Bihira mo sabihin sa akin iyan.”

“Alam ko. Pero gusto ko lang sabihin ngayon. Pakiramdam ko parang sasabog ang puso ko kung hindi ko masasabi na mahal kita.”

Tinitigan ko siya at may narealize ako. Inangat ko ang kamay ko at hinaplos ang gilid ng kanyang mga mata. “Wala na ang kapangyarihan mo,” bulong ko. “Your eyes are clear and calm now.”

Tumango si Zion. Ngumiti. “Kanina, nang parang hinahatak ng kung anong kamay ang kapangyarihan ko gusto ko magprotesta. Pero nang mawala na para akong nabunutan ng tinig sa lalamunan. Parang…”

“Parang ibinalik mo sa tunay na may-ari ang isang bagay na aksidenteng napasakamay mo?”

“Oo.”

Hinaplos ko ang pisngi niya na basa sa pawis. Pagkatapos pinaraan ko ang mga daliri ko sa labi niya. “You are free from the darkness now.”

Namasa ang mga mata ni Zion pero napangiti.

Bigla may napansin ako sa kalangitan. Nanlaki ang mga mata ko. “Shooting stars!”

Kumilos si Zion patihaya sa kama. Hinila niya ako hanggang makahilig ako sa dibdib niya. Nagyakap kami at tahimik na pinagmasdan ang mga bulalakaw.

“Pwede ka daw mag-wish sa mga shooting star,” sabi ko.

“Hindi na kailangan,” sagot niya. Humigpit ang yakap niya sa akin at hinalikan ang noo ko. “Nabigay ka na ng langit sa akin.”

Matamis akong napangiti at gumanti ng yakap. Habang nakatingin ako sa langit bigla kong naalala si diyosa Dian Masalanta. Siguro nakangiti rin siya ngayon dahil sa regalong ibinigay niya sa pamilya ng mortal na minamahal niya. Siguro sa simpleng paraan nagkaroon ng magandang katapusan ang damdamin niya para sa baylan dahil sa huling regalong iginawad niya sa amin. Na kahit wala na ang kapangyarihan ng mga Alpuerto at tapos na ang papel ng mga Malyari sa nais ng diyosa ng buwan, uusad at magpapatuloy pa rin ang existence ng dalawang pamilya sa mga susunod pang henerasyon. May iba na lang kaming tradisyon at pamana ngayon. Hindi na espesyal na abilidad pero malakas pa rin namang kapangyarihan kung tutuusin.

Wagas na pag-ibig.

**WAKAS**

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.