(Ayesha)
HUMINGA ako ng malalim habang nakatitig sa pinto ng hospital room kung nasaan si Zion. Tahimik sa loob. Baka natutulog siya at ayokong makaistorbo kaya hindi na ako kumatok. Maingat kong binuksan ang pinto.
Suminghap ako nang makitang hindi naman tulog si Zion. Katunayan wala siya sa kama. Nakatayo siya at nasa aktong nagsusuot ng itim na t-shirt. Nakasuot na rin siya ng maong na pantalon at sapatos. Nakita ko pa ang benda sa bandang tiyan niya. Mukhang kailangan na palitan ang gasa sa tagiliran niya dahil may nakikita akong bakas ng dugo doon. Nakita ko na nakalaylay sa kama ang dulo ng dextrose na dapat nasa likod ng kamay ni Zion. May bakas din iyon ng dugo. Halatang pinuwersang hatakin paalis sa balat.
Hindi pa siya dapat kumikilos pero bakit nagbibihis siya?
Mukhang nagulat siyang makita ako dahil napahinto siya sa pagbibihis at napatitig lang sa akin.
“Anong ginagawa mo? Dapat nagpapahinga ka pa!” Mabilis akong pumasok at lumapit sa kaniya.
Kumunot ang noo ni Zion, mariing pinaglapat ang mga labi at tinapos ang pagsusuot ng t-shirt. “Ikaw ang dapat nagpapahinga pa. Nawalan ka ng malay kaya bakit nandito ka?”
“Gusto kitang makausap at makita. Sinabi sa akin ni mama ang mga naging pag-uusap ng mga pamilya natin. Zion… bakit ka pumayag na kami ni Cain ang gagawa ng ritwal?
Natigilan siya pero sandali lang. Inalis niya ang tingin sa akin. “Dahil iyon naman talaga ang dapat na mangyayari bago kami sumulpot para guluhin ang lahat, hindi ba? Hinahayaan ko lang maibalik sa dati ang lahat. Patay na ang tatay ko at ako kailangan ko na rin lumugar.”
Kinabahan ako sa sinabi niya. Hinablot ni Zion mula sa ibabaw ng lamesa ang itim na baseball cap at dark sunglasses. Nanlamig ako. “Aalis ka?” halos ayaw lumabas ng tanong na iyon sa lalamunan ko.
Hindi sumagot si Zion. Naging seryoso ang mukha niya at humarap sa akin. “Napatawad na nila ako sa pakikipagsabwatan ko para pabagsakin sila at oo, pinagsisikapan kong patawarin din sila sa ginawa nila sa akin noong bata pa ako. Pero kahit ganoon hindi na mabubura ang naging buhay ko sa nakaraang mga taon, Ayesha. Kahit anong gawin ko, babalikan ako ng mga nagawa kong kasalanan. Hindi mabait sa mga taong gusto magbago ang mundong ito. Kesa madamay pa ang pamilya ko at madamay ka rin… mas makakabuti kung lalayo na lang ako. Ikaw… mas magiging maganda at tahimik ang buhay mo kung mananatili ka sa liwanag. Mas magiging maayos ang kalagayan mo sa piling ni Cain.”
Hindi nakaligtas sa pandinig ko ang panginginig ng boses niya sa huli niyang sinabi. Lalong hindi nakalusot sa paningin ko ang kislap ng pangungulila at paghihirap sa mga mata niya.
Namasa ang mga mata ko. Humakbang ako palapit sa kaniya. “Zion, iyon ba talaga ang gusto mo? You want me to be with Cain? Sigurado ka talaga?” Hindi siya sumagot. Kumuyom ang mga kamao. Humakbang ulit ako. Hindi siya tumitinag sa pagkakatayo. Tipid akong ngumiti kahit naluluha na ako. “Pero paano iyan? Ikaw ang gusto ko. Ikaw ang pinili ng tadhana para sa akin at ikaw rin ang pinili ng puso ko. Ano ngayon ang gagawin ko?”
Umiling si Zion. “Ayesha –”
“Alam mo ba kung ano ang gagawin sa gabi ng ritwal?”
Tumiim ang bagang ni Zion. “Alam ko.”
Humakbang ako palapit pa hanggang ilang pulgada na lang ang layo ko sa kaniya. “Alam mo… pero gusto mong gawin ko iyon kasama si Cain? Payag ka na ikasal kami? Paano ko iyon magagawa kung ikaw ang mahal ko?” Hindi ko na naitago ang hinanakit sa boses ko. “Zion, can you stop running away from me?” Ikinulong ko ng mga palad ko ang magkabilang pisngi niya. “Alam ko ang lahat ng tungkol sa iyo. Alam ko lahat ng nangyari sa iyo sa nakaraang mga taon. Wala ka na maitatago sa akin. Alam ko ang lahat at ikaw ang mahal ko.”
Lumambot ang ekspresyon niya. Kumurap siya. Parang namasa ang mga mata pero mukhang pinipilit niya kontrolin ang sarili. Umangat ang mga kamay niya at nang hawakan niya ang mga kamay kong nasa mukha niya at pisilin ang mga iyon, tumalon ang puso ko. Nagkaroon ako ng pag-asa. May sayang gustong kumawala sa dibdib ko.
“Ayokong maging clan leader. Hindi iyon para sa akin. Mas bagay iyon kay Cain,” sabi niya. Mas mababa na ang boses kaysa kanina.
Tumango ako. “Sa tingin ko rin mas bagay sa kaniya ang posisyon na iyon.”
Tumitig siya sa mga mata ko. “Iyong sinasabi mo na malakas na koneksiyon natin? Tama ka na nararamdaman ko rin iyon. Palagi kong sinusubukan manlaban sa koneksiyon na iyon pero palagi rin akong nabibigo. Naiinis ako kasi ito ang unang beses na nakaramdam ako ng ganito. Hindi ko naisip kahit isang beses sa buong buhay ko na may karapatan akong… magmahal at mahalin.”
Tumulo ang mga luha ko. “At ngayon? Nilalabanan mo pa rin ba ang mayroon tayo?”
Umiling si Zion. “Hindi ko na kaya.” Humigpit ang hawak niya sa akin. “Ayokong siya ang maging kapareha mo sa ritwal. Ayokong maging kapareha mo siya sa kahit na anong bagay. Ayokong ikasal ka sa kaniya. Hindi ko kakayanin,” sabi niya.
Ako rin. Hindi ko kakayanin.
Matagal kaming nagkatitigan. “Ano ang gagawin natin? Hindi ko pwedeng talikuran ang ritwal,” bulong ko. Hindi ko pwedeng takbuhan ang nais ni diyosa Mayari. Sa gabi ng sunog, nang pakinggan niya ang dasal kong iligtas niya kami at bumulong siya sa akin, nasiguro ko na nakatali na ako sa ritwal. I cannot disobey her will even if I try to resist it.
“Hindi naman kailangan ang leader talaga ang mapangasawa ng isang moon bride.”
Napaigtad ako sa pagkagulat. Sabay kaming napalingon ni Zion sa pinto ng hospital room. Si Chance ang nagsalita. Kasama niya si sir Angus. At si Cain.
“Ayon sa mga kasulatan na nabasa ko sa library ng mansiyon na unfortunately nasunog na lahat, ang tradisyon talaga ay ipinapareha ang moon bride sa pinakamalakas na lalaki ng henerasyon. Cain might be the most suitable person to be the clan leader, pero alam naming lahat na sa henerasyon na ito, si Zion ang pinakamalakas. Basically, walang mali kung talagang mahal ninyo ang isa’t isa.”
Uminit ang mukha ko dahil magkadikit pa rin kami ni Zion at kitang kita nila iyon. May nanunudyong ngiti sa mga labi ni sir Angus. Si Chance nakaangat ang mga kilay. Si Cain seryoso ang mukha pero nang magtama ang mga mata namin bumuntong hininga siya, tipid na ngumiti at tuluyang pumasok sa silid.
“Zion, hinihintay ko na sabihin mo sa harap ng buong pamilya ang mga sinabi mo ngayon noong nag-usap tayong lahat. Sa totoo lang, nainis ako na basta ka na lang pumayag sa gusto ng mga Elder,” sabi ni Cain nang bumaling sa kakambal. “Alam ko na nag-gi-give way ka at sumasangayon dahil hindi ka pa rin komportable sa pamilya natin. I don’t want you to feel uncomfortable. Mas lalong ayoko na umalis ka na naman at magpunta sa kung saan na hindi ka namin makikita. Kung babalikan ka man ng nakaraan mo, hayaan mong tulungan ka namin. You have family now. You must not face everything alone.”
Ngumiwi si Zion. Ibinaba ang mga kamay kong nasa mukha niya pero hindi naman binitiwan ang mga iyon. “Kanina pa kayo sa pinto.”
“Kasunod lang kami ni Ayesha, actually,” sagot ni sir Angus. “Katunayan nakita pa namin siyang matagal na nakatayo sa labas ng pinto bago pumasok. Nagtaas siya ng boses kaya hindi kami nakakuha ng pagkakataong ipaalam na nandito kami.”
Lalong uminit ang mukha ko. Sinulyapan ko si Cain na sa akin na nakatingin. “Alam ko na hindi lumalim kaysa pagkakaibigan ang nararamdaman mo para sa akin Ayesha. Pero gusto kong malaman mo na masaya akong naging malapit ako sa iyo. Narealize ko na buong buhay ko wala akong naging ka-close na ibang tao. Kahit sa pamilya ko naglagay ako ng distansiya. Meeting you made me feel things I’ve never felt before. You made a huge impact in my life.” May sumilay na mabait na ngiti sa mga labi niya. “At ang gusto ko lang maging masaya ka. Ayokong itali ka sa isang bagay na hindi ka magiging komportable. So follow your heart. Nandito kami nina Angus at Chance para suportahan ang desisyon ninyo. Magkakakampi tayo.”
Na-touch ako sa sinabi niya. Ngumiti ako. “Cain, thank you rin. Bago kita nakilala, bago kayo dumating na tatlo, wala akong kaalam-alam sa pinanggalingan ko. Marami akong tanong na hindi ko alam kung paano mabibigyan ng sagot. Dahil sa inyo kaya naging malinaw sa akin ang tunay kong pagkatao. Cain, Chance at sir Angus, all of you made a huge impact in my life too.”
Ngumiti silang tatlo. Sinulyapan ko si Zion na tahimik lang sa tabi ko. Titig na titig siya sa kakambal. May kislap ng pagunawa sa mga mata niya. May kurot akong naramdaman sa puso ko dahil alam ko kung ano ang nakikita ni Zion sa mukha ni Cain. Hindi ako magkukunwari na hindi ko alam ang nararamdaman ni Cain para sa akin. Kahit na hindi ko iyon masusuklian.
Espesyal sa akin si Cain pero sa kaparehong paraan na espesyal sa akin sina sir Angus, Chance at kahit si Luna. Espesyal sa akin dahil may kakaiba rin akong koneksiyon sa kanilang lahat na hindi ko maipaliwanag. It was as if the goddesses had made us connected through an invisible and powerful thread. Siguro dahil kami ang huling henerasyon na may direktang koneksiyon sa kanila.
Ang sa amin ni Zion, alam kong iba sa koneksiyon namin nina Cain. Hindi pisi ang nagdudugtong sa amin ni Zion kung hindi ang matinding damdamin ng diyosa ng pag-ibig na iniregalo niya sa baylan.
Ang huli niyang regalo.