Santambak ang bilin kay Callea ng doktor pero di rin niya halos naintindihan dahil masakit pa rin ang ulo niya. Malaki ang sugat na nakuha niya mula sa pagkakapukol ng bato pero hindi na kailangan pang tahiin.
Bumangon siya para kunin ang picture ng matalik niyang kaibigan sa ibabaw ng tokador nang bumukas ang pinto at pumasok si Deive na may dalang tray ng pagkain. Dumilim ang mukha nito. “Kasasabi lang sa iyo ng doktor na hindi ka pwedeng maggagalaw, hindi ba?”
“May kukunin lang ako!” aniya at itinuro ang picture frame.
Inilapag ni Deive ang tray sa bedside table at kinuha ang larawan na kuha nilang dalawa ng matalik niyang kaibigan. “Ipakuha mo na lang sa akin. Lahat ng kailangan mo, ako na ang bahala. Masakit pa ang ulo mo?”
“Konti lang.” Di na nito kailangang malaman na nahihilo siya nang bahagya. “Kumusta na sila Luna at Marina?”
“Luna is fine. Siyam ang buhay no’n. Bukas titingnan siya ng veterinarian para mapanatag ka. Ginamot na rin ang mga pasa at galos ni Marina. Mas malala pa nga ang tama mo sa kanya kaya huwag mo na silang intindihin.”
“Gusto ko silang makita.” Kailangan niyang makatiyak na ligtas ang mga ito. Na di natulad ang mga ito sa matalik niyang kaibigan.
“Bukas makikita mo rin sila. Pero ngayon kakain ka muna at magpapahinga. Bakit hindi ka muna humingi ng tulong sa iba? Nasaktan ka tuloy.”
“Wala nang oras. Kung di ako dumating, baka lalong nasaktan si Marina.”
“Mahal na mahal mo talaga ang mga kaibigan mo. Nai-kwento sa akin ni Marina kung paano mo silang kinupkop ni Luna. Si Luna daw halos patay na noong kuting pa nang makuha mo sa sementeryo.”
Sumubo siya ng soup. “Pinagkatuwaan siya ng mga bata at dinukot ang isang mata. Akala ko nga mamamatay na siya. Ako na ang nagpalaki sa kanya. Ayoko ring hahalo pa siya sa ibang pusa dahil sinasaktan lang siya dahil sa itsura niya.”
“And you also helped Marina.”
“Wala nang tumatanggap sa kanya ultimo mga kamag-anak niya. Kaya idinala ko siya dito sa bahay. Mula noon, naging magkakaibigan na kaming tatlo. Pakiramdam ko kasi kaming tatlo lang ang nagkakaintindihan sa mundo.”
“No wonder you earned their loyalty. Mahal na mahal mo sila. Gagawin mo talaga ang lahat para sa mga kaibigan mo,” anitong puno ng paghanga.
“Ayoko nang maulit ang nangyari sa matalik kong kaibigan.” Hinaplos niya ang larawan ng kaibigan niya. “She’s Luna. Magkaklase kami sa Fine Arts. Nagtatrabaho kami noon sa Cambodia nang mamatay siya. She died saving me. Pakiramdam ko failure ako bilang kaibigan. Umuwi ako ng Pilipinas at ikinulong ko ang sarili ko dito.”
Kahit ang Lolo Tomasino niya at mga pinsan ay walang nagawa nang piliin niyang magkulong sa Villa Celesta. Doon niya inilabas ang lahat ng frustration niya sa mundo. Sa mundo ng kababalaghan at panulat, nakokontrol niya ang lahat. Mapaparusahan niya ang masasamang mga tao sa paraang gusto niya.
“Kaya ipinangalan mo rin si Luna sa kanya?”
“Oo. Kapag yakap ko si Luna, nawawala ang lungkot ko. Then Marina came. Kahit paano may nakakausap ako. Akala ko hindi na ako magkakaroon pa ng bagong mga kaibigan. Pero may kasama pa rin ako sa mundong ito, di ba?”
Ginagap nito ang kamay niya. “Handa kang protektahan sila. Handa naman kitang protektahan.”
“Deive…” Punong-puno ng emosyon ang mga mata nito. At parang aapaw din ang puso niya sa labis na emosyon. Naroon ang matinding pag-alala sa kanya at isa pang emosyon na di niya kilala pero parang kilala ng puso niya.
Niyakap siya nito. “Huwag ka nang susugod basta-basta sa susunod. Kung gusto mo silang protektahan, ako ang poprotekta sa iyo.”
Pumikit siya at gumanti ng yakap dito. “Hindi naman ako natatakot masaktan. I know you are always here to make me feel better and keep me company in the dark. That’s more than enough for me, Deive.”
Kumalas ito ng yakap at pinanlakihan siya ng mata. “Anong okay lang na masaktan? Halos magka-heart attack ako nang makita kong umaagos ang dugo sa mukha mo. Muntik ko na ngang gulpihin ang mga nanakit sa inyo.”
“Anong nangyari sa kanila?” tanong niya.
“Matututo rin sila ng leksiyong di nila malilimutan.” Hinawi nito ang bangs niya at kinintalan ng halik ang noo niya. “At saka na lang kita tuturuan ng leksiyon.”
NAALIMPUNGATAN si Callea nang marinig ang nagtataasang boses sa labas. Mahaba ang tulog niya nang nakaraang gabi matapos niyang uminom ng gamot. Lumabas siya ng kuwarto at sinilip mula sa hagdan ang pinanggalingan ng boses. May ilang mga tao sa garden.
“Anong karapatan ninyo na ipa-blotter ang mga anak namin? Hindi ba ninyo ako nakikilala? Konsehala ako dito! May kapatid akong general sa Crame. Pwedeng-pwede ko kayong ireklamo. Bata pa ang mga anak namin.”
Si Konsehala Lira Marcelo ang namamayagpag ang boses. Minsan na itong naging bisita sa mansion nang minsang umuwi ang Lolo Tomasino niya at makipag-dinner sa mga maimpluwensiyang tao sa bayan. Si Lira din ang mama ni Lindsye.
“Konsehala, nahuli mismo silang gumagawa ng violation,” mahinahong wika ng baranggay captain. “Anong laban sa kanila ng dalawang babae at isang pusa? Mga bata pa nga sila pero di naman pwedeng palagpasin ang ginawa nila. May isinugod sa ospital dahil sa kanila.”
Lumapit siya sa pinto at pasimpleng sumilip. Kung ganoon ay nagrereklamo pala ang mga magulang ng mga bata dahil ipina-blotter ni Deive.
Nilapitan siya ni Marina. “Señorita, bakit bumangon agad kayo? Magagalit si Señorito Deive kapag nalamang nandito kayo.”
“Shhh!” saway niya. “Dito lang naman ako. Hindi ako magpapakita.”
Kahit na gusto niyang humarap sa mga ito, mas kayang I-handle ni Deive ang mga ito. Pinabayaan na lang siya ni Marina.
“Magrereklamo ba kami kung wala silang ginagawang masama? Hanggang ngayon di pa pinapabangon si Callea ng doktor. Dadalhin din siya sa ospital para ipa-CT scan.” Nakatagilid si Deive sa kanya pero nakita niya ang pagsasalubong ng kilay nito at pagtiim ng labi nang ilapag sa mesa ang batong ginamit sa pagpukol sa kanya. “Nakikita ba ninyo ito? Ang matino bang bata babatuhin ng ganito ang ibang tao. I am sure magpoprotesta din ang animal rights group oras na malamang ibinitin nila si Luna sa puno.”
“Deive, pangit lang na pusa iyon at isang kuba. Why should you bother with them? At hindi naman masasaktan si Callea kundi siya humarang,” katwiran ni Lindsye. “Iyong kay Callea hindi naman sinasadya.”
Matiim itong tiningnan ni Deive. “Kahit ano pa ang itsura ng tao o hayop, di ba dapat nirerespeto natin?”
Hinampas ni Konsehala Marcelo ang outdoor coffee table. “Inilalayo mo ang issue, Mr. Hontiveros. Paano mo nagagawang isipin ang mga pangit na iyon habang ang anak ko na may magandang kinabukasan ang napeperhuwisyo? Ipapasok ko pa siya sa university sa Amerika pag-graduate niya. At tatakbo pa ako sa eleksiyon. Masisira na ang reputasyon ko!”
“Kung may basic values education ang anak ninyo, hindi aabot sa ganito. Dapat nga itinuturo iyon sa bahay pa lang,” anang si Deive na di na nakapagtimpi.
Natameme ang konsehala. Ang nagsalita tuloy ay ang asawa nito. “Disiplinahin mo ang anak mo! Masyado mo kasing ini-spoiled. Ilang beses nang nasangkot sa gulo. Dapat nga yata makulong na lang siya para madala.”
“Ang sabihin mo, nagrerebelde siya dahil sa pambababae mo!” sagot naman ng konsehala. “Ikaw ang may kasalanan nito.”
“Pa, Ma, tama na iyan! Sa bahay na lang kayo mag-away,” saway ni Lindsye sa mga magulang sa sobrang kahihiyan. “Deive, paano ba mapapatawad ang kapatid ko at mga kaibigan niya? If it’s about the money…”