Chapter 19

HATING gabi na pero hindi pa rin makatulog si Ariel. Napakagulo ng isip niya. Ganoon rin naman siya nitong mga nakaraang araw simula nang maligaw si Eric sa Alonia Island. Pero iba ang ngayon. Maayos na si Eric pero hindi naman siya nito nakilala. Wala itong naalala.

May amnesia ang lalaki.

Hindi naalala ni Eric ang lahat rito. Malungkot na isipin iyon at dinagdagan pa ng balak ni Ursula. Gusto nitong gamitin sa pansariling kapakanan ang pagkawala ng alaala ni Eric!

“That’s it! Wala siyang alaala at gagamitin ko iyon para mahalin niya ako!” nagniningning ang mga mata ni Ursula nang sabihin niya rito ang lagay ni Eric. Mas nauna itong nakauwi kaysa kay Nanay Minerva. Nagpapahinga na muli si Eric.

“Mahalin? Anong gagawin mo?”

“Ayaw ko na ng buhay ko. Fuck! Sino ba ang may gusto na magkaroon ng ganoong buhay? Mayaman man si Tristan pero kabit pa rin ako. I hate that life!” nangigingil naman si Ursula. Nang tumingin ito kay Eric ay lumambot ang mukha nito. “Si Eric! Siya ang magiging susi para sa gusto kong buhay. Mayaman at hindi kabit! Papaibigin ko siya at papakasalan niya ako.”

Nanlaki ang mata ni Ariel. “Pero---“

“O, ano ang sasabihin mo? May pakiramdam rin naman ako na may hinahanap siya sa akin. Hinalungkat ko ang wallet niya na suwerteng naka-plastic. Nakakagulat na nakita ako ng papel ng impormasyon tungkol sa akin. May pakay siya sa akin! Paano kung hinahanap pala niya ako kasi nakita niya ako sa Maynila at nagustuhan?” humagikgik ito. “Wala akong masamang ginagawa sa Maynila kundi ang magmahal lang ng may asawa kaya paniguradong hindi masama ang pakay niya sa akin.”

Natahimik si Ariel. Nakita nga niya iyon. Bakit nga kaya may impormasyon ang lalaki tungkol kay Ursula? Naisip niya na maaari ngang hinahanap nito si Ursula sa dahilan na nagustuhan. Nasa iisang mundo ang mga ito: ang Maynila. Hindi malabong magtagpo ang landas ng mga ito. Napakaganda rin ni Ursula.

Sa isipin na naakit ni Ursula si Eric sa isang paraan na hindi man lamang ang mga ito nagkakilala at siya, kahit nagkasama pa sila ng lalaki ay hindi ito nag-effort ng ganoon ay nasaktan siya.

“Napakaguwapo ng lalaking ito. Ginto. Pakikinabangan ko siya.” Komento ni Ursula.

“H-hindi natin alam ang naging buhay niya. Paano pala kung may girlfriend siya sa Maynila?”

“Wala! Nalaman ko na ang buhay niya sa pamamagitan ng internet. Nagpunta ako sa kabilang bayan kanina `di ba? Nag-google ako.” Itinaas nito ang cell phone na hindi naman nito nagagamit sa isla. “He’s a certified bachelor. Nasa balita rin na ilang buwan mula ngayon ay ilalagay na siya bilang Presidente ng kompanya nila. He’s rich. Kapag napangasawa ko siya, yayaman rin ako. Hindi na ako ikukulong kagaya ng ginagawa sa akin ng intsik na iyon!”

“Mahal mo ba siya?”

Umingos si Ursula. Kumuha ito ng sigarilyo at nagsindi para sa sarili. “Guwapo naman siya. Mukha rin na mabait. Matutunan ko rin na mahalin `yan.”

Umiling-uling si Ariel. “Mali itong gagawin mo.”

“Pakialam mo ba?!” tinaasan siya ni Ursula ng isang kilay. Masusing tinignan siya nito at pagkatapos ay dinuro. “Oy, baka nakakalimutan mo na ako ang nagdala sa Maynila sa `yo para makapagsalita ka. Malaki ang utang na loob mo sa akin. `Wag mo akong pakialam sa mga gusto ko na gawin.”

Mahina si Ariel para lumaban kay Ursula. Sadyang madada ito. May kasamaan rin ang ugali. Pero hindi iyon sana ang gusto niya na makita sa babae. Ito ang nagdala sa kanya sa Maynila para mapagamot. Hindi man ito ang gumastos sa lahat at sa tatlong buwan rin na iyon ay sa pamamalagi niya sa foundation ay ito naman ang nag-imporma sa kanya tungkol roon at siya rin nga na nagdala sa kanya sa Maynila. Naging mabait ito sa kanya kahit papaano. Kahit na ba para sa pansariling kahilingan rin ang dahilan kung bakit siya nito naisipan na ipagamot.

Hindi maganda ang balak ni Ursula. Sa halip na ibalik si Eric sa pamilya na nararapat para rito at ganoon rin sa pamilya nito ay hindi iyon ang mangyayari. Gagamitin ng babae ang pagkawala ng alaala ni Eric at ibabalik lamang kapag napa-ibig na nito ang lalaki.

“Madali lang naman na paibigan `yan. Parang damsel in distress ang lagay niya, eh. Kaunting alaga lang diyan, makukuha ko rin `yan. Papalabasin rin natin na ako ang nakatagpo sa kanya sa tabing dagat. Kagaya nung totoong kuwento noong Little Mermaid `di ba? Pinakasalan ng prinsipe iyong akala niya na nagligtas sa kanya. Kiber na sa pangalan ko. Uso na rin naman ngayon ang mga kuwento tungkol sa Villains na pinapakasalan na may happily ever after.” Dagdag pa ni Ursula.

Mabait si Ariel kaya naman hindi niya dapat payagan ang plano ni Ursula. Paniniwalain rin nito si Eric sa kasinungalingan. Siya ang nagligtas sa lalaki! Pero sa tingin niya, kaya lalo siyang nababagabag sa plano nito ay dahil na rin sa lihim niyang nararamdaman kay Eric.

Ganoon pa man, kailangan nga yata talaga na tanggapin ni Ariel na kahit kailan, hindi sila maaaring magkatuluyan ng lalaki.

Three Years Ago

DALAWANG buwan na si Ariel sa National Association for the Deaf and Mute Association Foundation ay hindi pa rin siya nakakapagsalita. Nawawalan na siya ng pag-asa gaano man sabihin ng mga Doctor na may pag-asa pa rin naman siya kahit naging matagal para mapagamot siya. Nalulungkot kasi siya sa foundation. Marami man siya roon na kagaya ay nami-miss niya ang pamilya. Nami-miss niya ang Alonia.

Walang nagiging kaibigan si Ariel. Oo, may mga gustong lumapit sa kanya pero wala siyang ma-feel kaibiganin. Siguro iyon ay dahil pakiramdam niya ay left out siya. Mga bata kasi ang madalas na nasa foundation o `di kaya ay mga sobrang tanda na. Hindi siya maka-relate sa mga ito. Kahit inaabala rin naman niya ang sarili sa pagtatrabaho kapag tapos na ang mga sessions niya ay iba pa rin kapag nasa piling siya ng pamilya. Naririnig man niya ang boses ng mga ito kapag tumatawag sa cell phone ay hindi naman niya masabi ang saloobin dahil sa kapansanan niya.

Nasa binggit ng pagsuko si Ariel nang bumisita si Eric Soriano sa Foundation. Una pa lamang niya na nakita ang lalaki ay na-mesmerize na siya rito. Napakaguwapo ng lalaki. Makapal ang kilay, parang nakangiti palagi na mga mata, matangos na ilong at may magaganda at mapuputing ngipin. Binagayan pa ng Moreno na kutis nito ang perpekto ng katawan nito.

“Isa siyang prinsipeng tunay...” nangangarap pa na wika ng staff ng foundation na katabi niya habang nagpapakilala si Eric sa lahat.

Kinumusta ni Eric ang foundation na madalas tulungan. Pati ang mga kagaya niya tuloy ay nadamay.

“Hey,” masayang wika nito. Kinumusta siya nito. Tinanong ang lagay niya. “Nag-e-enjoy ka ba rito? I hope you’ll get well soon.”

Hindi na nagsinungaling pa si Ariel. Umiling siya. Nang magtanong ang lalaki kung bakit, ginamit niya ang white board at marker niya para ipaalam ang nararamdaman.

“I see,” tumango-tango ang lalaki. “I’m twenty eight years old. Masyado pa rin ba na malayo ang age natin para sa `yo? I’m going to stay here on the Foundation for three days.”

Nagsulat si Ariel sa white board. “Hindi ka naman pipi o bingi.”

Bahagyang natawa si Eric. “Alam ko. Pero ayaw ko na makakita ng malungkot rito kaya sasamahan kita. Bago ka raw rito sa Maynila?”

Tumango si Ariel.

“Kaya ka siguro naninibago. Don’t worry, susubukan ko na pasiyahin ka sa mga susunod na tatlong araw na mananatili ako rito sa Foundation para tumulong. Its my every year’s advocacy to help here.” Kinindatan siya ni Eric at ngumiti.

Napahawak si Ariel sa puso niya. Bigla kasing gumalaw iyon ng kakaiba sa ginawa ni Eric sa kanya. Kung guwapo ito kanina hindi pa man ito nagsasalita, ito na yata ang pinakaguwapong lalaki nang ngumiti ito. He looked so charming. Parang gusto na nga niya na maniwala na may Prince Charming. Nakakatawa pa na kagaya ng Prince Charming ni Ariel sa Little Mermaid ay kapangalan nito iyon.

Sa punto pa lamang na iyon, naging masaya na si Ariel.

“COME HERE. I think bagay sa `yo ang damit na ito.” Wika ni Eric nang matapos nitong kumustahin ang lahat. Nakatingin ito kay Ariel kaya malamang ay siya ang tinatawag nito.

Lumapit si Ariel. Sa pagkakaalam niya ay nag-donate rin ng mga damit si Eric at ang kompanya ng mga ito. Madalas kasi na mahihirap lamang ang mga kinukupkop ng foundation kaya tumatanggap rin ang mga ito ng personal donations. Isa ang hawak-hawak na damit ni Eric sa donation. Pero kung titignan ay hindi naman mukhang donation iyon. Napakaganda ng damit. Pink na casual dress. Mas maganda pa iyon sa pinakamagandang damit niya.

“Sa kapatid kong si Cinderella ang damit na ito.” Pag-iimporma pa ni Eric.

Nagsulat si Ariel sa whiteboard. “Cinderella?”

Ngumiti si Eric. “Yes. Pinangalan kaming dalawa sa fairy tale characters. Mahilig kasi si Mommy sa fairy tales. If you don’t know, ako nga pala si Eric. My name is from the famous prince of the Little Mermaid story. Ikaw, ano nga palang pangalan mo?”

Napangiti si Ariel. Isinulat niya sa whiteboard ang pangalan.

Namilog ang mata ni Eric. “Wow, cool! Its so nice to meet you, Ariel.”

Nakipagkamay si Eric kay Ariel. Sandaling parang may tumigil sa mundo ni Ariel at ganoon rin kay Eric. Napansin niya na natigilan ito. Maya-maya ay kumunot ang noo nito.

“M-may lagnat ka ba?”

Umiling si Ariel. “Tanong ko rin sa `yan sa `yo. Mainit ang kamay mo.”

“Really? The feeling is mutual. There’s something unusual that I felt, too.”

Namula si Ariel. Ano kaya itong nararamdaman nila sa isa’t isa? Gusto niyang tuklasin. Mayroon silang tatlong araw para roon.

Boring ang buhay ni Ariel. Paminsan-minsan pakiramdam niya ay gumigising na lamang siya para maka-survive. Walang excitement para sa bukas. Alam kasi niya na mananatiling simple lamang ang buhay niya. Gusto naman niya iyon. Sino ba naman kasi ang may gusto ng mga bagay na komplikado?

Pero itong nararamdaman ni Ariel para kay Eric ay parang nagsusumigaw ng komplikado. Bago kasi iyon. Kakaiba. Ganoon pa man, nakaramdam ng saya si Ariel sa pagtuklas kung ano ang kahihinatnan ng nararamdaman niya na iyon para sa lalaki.

“YOU LOOK wonderful.” May paghanga sa tingin at boses ni Eric nang magkita muli sila noong hapunan. Nasa pinto na tila may inaabangan nang makita siya.

Pagkatapos kasi nilang magkakilala noong umaga ay kinailangan naman na um-attend ni Ariel ng mga therapy session niya sa hapon. Sa pagkakaalam niya, nakipag-bonding naman si Eric sa staffs at ilan na rin na mga pasyente na kagaya niya sa Foundation. Ganoon pa man, alam niya na magkikita pa rin sila dahil naimporma siya na magkakaroon ng formal dinner ang lahat ng tao sa foundation. Isinuot niya ang pink na casual dress na ibinigay nito sa kanya kanina.

“Thanks,” Ariel mouthed.

Inalalayan siya ni Eric papunta sa malaki at may kahabaan na table. Napakaganda ng set-up ng dining room sa Foundation. Napaka-eleganteng tignan lalo na at bukas ang chandelier na kapag normal na araw lamang ay hindi naman nakabukas. Formal na formal rin ang pagkakaayos ng mga plato, tinidor, kutsara at may kutsilyo pa. Bahagyang kinabahan tuloy si Ariel. Hindi siya marunong ng mga ganoon. Madalas nga ay nakakamay lamang siya kapag kumakain at ginagawa rin niya iyon sa loob ng foundation. Madalas kasi na kumakain lamang siya sa kuwarto kaya hindi nakakahiya na gawin. Hindi siya ganoon karunong sa table manners.

Pati pag-upo ni Ariel ay inalalayan siya ni Eric. Tumabi rin ito sa kanya. He became attentive. Pakiramdam tuloy ni Ariel ay pinagpapawisan siya. Iyon ang unang beses na may lalaking umasikaso sa kanya ng ganoon bukod siyempre sa dating pamilya at pati na rin kay Tatay Ruben.

Tumingin si Ariel sa paligid. Nakita niya na ang isa sa mga kagaya niya ay inilagay ang malaking panyo na nasa tabi ng mga kubyertos sa damit nito, inipit sa may collar. Ginaya niya ito para naman masabi na may alam siya. Tinawanan siya ni Eric.

“Silly. Hindi `yan para diyan.” Kinuha nito ang tuwalya mula sa kanyang dibdib. Muntik nang mahigit ni Ariel ang hininga. Naging napakalapit ng lalaki sa kanya sa ginawa nito, lalo na at medyo nahirapan itong alisin ang pagkakamali niya. Naging napakalakas ng tibok ng puso niya na parang anumang oras ay sasabog na iyon.

Inilagay ni Eric ang malaking panyo sa kanyang kandungan. Namula siya sa pagkapahiya pero may halong kilig. Nagustuhan rin naman niya ang atensyon nito. Masaydo lang yata siya na na-overwhelm. Ariel mouthed another thank you.

“You’re always welcome,” napaka-charming lalo na tignan ng lalaki kapag ngumingiti.

Nagsalita ang katabi nilang staff ng Foundation. “Mabuti naman at sumama ka na sa amin na mag-dinner, Ariel.”

Nagulat si Eric. “Hindi po siya sumasama na mag-dinner?”

“Napaka-mahiyain ng batang iyan. Galing ng probinsya, sa isang isla pa. Miss na raw niya ang pamilya at lugar nila.”

Tumango-tango si Eric. “Nasabi nga po niya sa akin na malungkot siya.”

“Oo. Pero ngayon ay mukhang hindi na...” nanunudyo ang tingin ng staff kaya lalong namula si Ariel. Nahahalata ba nito na may kakaiba siyang nararamdaman kay Eric? At si Eric...ano ang pakiramdam nito ngayon sa panunudyo ng staff? Okay lang ba rito?

Nararamdaman ni Ariel na crush na niya si Eric. Napakabilis pero hindi naman mahirap. Guwapo ito, mabait at mayaman. Lahat naman ng babae ay magkakagusto sa isang kagaya nito. Mukha rin na napakaalaga nito. Tila ito isang prinsipe. Simpleng babae lamang siya pero naapektuhan rin naman siya ng mga nababasa na fairy tales.

Gusto rin isipin ni Ariel na higit pa sa crush ang nararamdaman niya kay Eric. Mukha kasing hindi lang physical attraction iyon. Nakakaramdam siya ng kakaiba sa pagkakita pa lamang kay Eric, ang pagkakahawakan ng kamay niya at ang pagkakalapit nito sa kanya. Sa puso lahat ng mga iyon nangagaling. At hindi ba...ang mga nararamdamans a puso ay senyales na mahal mo ang isang tao?

Gusto na mapailing ni Ariel sa naiisip. Napakabilis pa ng lahat. Sapat na ang crush na lang.

Nagsimula ang dinner. Gutom si Ariel pero nang makita ang mga inihandang pagkain ay kaagad na nawalan siya ng gana. Gusto rin niyang masuka. Lahat ng mga iyon ay sea foods! Nahindik siya. Tumayo siya at lumayo sa dining area. Hindi niya masisikmura ang ginawa ng mga ito sa pagkaing dagat.

Sinundan ni Eric si Ariel. “Ariel, what’s wrong?”

May luha sa mga mata na sinagot ni Ariel ang lalaki.

“Hindi ako kumakain ng sea foods.” Isinulat ni Ariel sa white board. Nang umarko ang kilay ni Eric na tila nagtatanong ay nagsulat muli siya. “Feeling ko ay kinakain ko na rin ang kapamilya ko dahil parang sa dagat na rin ako nakatira.”

Weird man na isipin pero iyon ang pananaw ni Ariel. Nasasaktan siya sa tuwing nakakita ng mga lamang dagat at kinakain iyon ng tao. Kung mayroon man na isa pang nagpahirap sa buhay ng mga umampon kay Ariel bukod sa kapansanan niya, iyon na ang pagiging mapili niya sa pagkain. Ganoon pa man, ginagawa ng mga ito ang lahat para maibigay ang gusto niya.

Na-guilty si Eric. “I’m sorry. Ako ang nagpahanda ng mga iyon. Nalaman ko kasi na sa isla ka raw nakatira. Sabi mo ay na-miss mo ang pamilya at kapaligiran mo kaya naisip ko na ganoon rin ang mga kinakain niyo roon. Hindi ko alam na ganoon pala ang mga pananaw mo sa buhay.”

Hindi nagsalita si Ariel. Patuloy pa rin siyang umiiyak. Niyakap na siya ni Eric para pakalmahin. Napatigil sa pag-iyak si Ariel pero hindi nagtagumpay si Eric sa pagpapakalma. Lalo pang nagulo si Ariel---partikular ang kanyang puso. Ilang sandali ay kumalas rin naman si Eric nang makitang natigilan siya.

“I-I---“ parang nabulol ang lalaki. Kagaya rin ba niya ay naramdaman nito ang pagkagulo? “Well, I’m sorry. Parang masyado naman akong mabilis roon. I-I just want to comfort you, you know. Hindi ko nagustuhan ang pakiramdam na malungkot ka. Ang umiiyak ka.”

Nagsulat si Ariel sa whiteboard. “Napakabait mo, Eric.”

Nagkamot ng ulo ang lalaki. “W-well, hindi ko rin alam kung bakit ako nagkakaganito.” Mahina lamang ang pagkakasabi ng lalaki.

“Gusto ko lang na makitang masaya ka, Ariel. Nababagabag ako sa kaalaman na hindi ka pala masaya sa foundation. Gusto ko na makita kang nakangiti. Ano ba ang puwede kong gawin na makakapagpasaya sa `yo?”

Hindi nag-respond si Ariel. Masaya na rin naman kasi siya ang makita lamang si Eric. Ang weird pero naging malaki ang epekto nito sa kanya wala pa man silang isang araw na nagkakasama.

“Hmmm...Sana ay naiintindihan mo na hindi kita puwedeng ibalik sa inyo. Hindi pa sa ngayon. What if kung igala na lamang kita rito sa Maynila? Nami-miss mo ang lugar niyo dahil mahal mo iyon. Kung magagawa mong makita ang Maynila, siguro ay mamahalin mo rin iyon at matutuwa ka rin sa pananatili rito. Ano sa tingin mo?”

“Hindi ba nakakahiya sa `yo?”

“Come on. Nasabi ko na sa `yo na tatlong araw ako na mananatili rito sa foundation para tumulong `di ba? Panata ko ito. I will help you to be sociable. Baka ang gagawin kong ito ang makapagpa-inspire sa `yo para `wag nang mag-give up sa lagay mo.”

Pumayag si Ariel. Curious rin naman siya sa lagay ng Maynila.

Napakaganda ng ngiti ni Eric. “So its a date tomorrow.”

Date. Silang dalawa ni Eric. May mainit na kamay na humaplos sa puso ni Ariel.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.