Chapter 20

“WHAT do you think about my world, Ariel?” nakangiti na wika ni Eric sa kanya habang nagda-drive ito sa lugar na tinatawag na Makati City. Tinotoo nito ang sinabi na magde-date silang dalawa. Pumayag ang foundation lalo na at absent ang therapist niya ngayong araw. Dinala siya ni Eric sa lugar kung saan daw matatagpuan ang opisina nito.

“Maraming matataas na gusali.” Sagot ni Ariel gamit ang white board.

“Nagustuhan mo ba?” nakahinto ang sasakyan kaya naggawang tignan ni Eric si Ariel.

Nagkibit-balikat si Ariel. “Napakalayo nito sa mundo na mayroon ako.”

Bumakas ang lungkot sa mukha ni Eric. “I see.”

“Pero masaya naman ako sa pagdala mo rito. Na-appreciate ko rin ang pagdala mo sa akin sa mundo mo. Nasaan dito ang office mo?”

Ngumiti si Eric. Pagkatapos ay may nilikuan ito at nakapasok sila sa isang malaking gusali. “Anong gagawin natin dito?”

“Ito ang office ko.” Bumaba si Eric ng sasakyan. Ipinagbukas siya nito ng pinto. “Naisip ko lamang na maganda siguro kung dalhin rin kita rito. I want you to see my world.”

Tumango si Ariel. Hindi niya masasabi na nagustuhan niya ang Maynila. Nanliliit kasi ang pakiramdam niya. Ibang-iba iyon sa mundo na alam lamang niya. Hindi rin naman siya nakakalabas ng foundation kaya hindi rin siya sanay. Ganoon pa man, dahil parte iyon ni Eric, pinilit niya na maging interesado.

Pakiramdam ni Ariel ay nabano siya nang makapasok siya sa loob ng malaking gusali. Napakalawak, napaka-elegante! Salamin ang mga pader. Nakakalula ang kagandahan. Noon lamang siya nakapasok sa ganoon karangya na gusali.

“Hey, Eric!” bati kay Eric ng isang may kalakihan at katangkaran na lalaki. Napakapormal ng suot nito at may pagka-intimidating. Naisip niya na kagaya siguro ni Eric, may mataas na posisyon rin ito sa kompanya.

“Ali,” itinaas ni Eric ang kamao at ipinagsalubong sa nakahanda na rin na kamo ng lalaking tinawag nitong Ali. Base sa ginawa, mukhang malapit ang dalawa. “Napadalaw ka sa opisina?”

“Ikaw nga ang hinahanap ko. Pero sabi naman ng sekretarya mo, on leave ka raw. I’m going to propose a business with you.”

“Great! I’m looking forward for that. Pero `wag muna ngayon, ha. I’m with a girl,” hinawakan ni Eric ang baywang niya. He held her possessively.

Naging mapaglaro ang ngiti ng lalaki. “Girl, huh? Sa tagal na natin na magkaibigan, ngayon lang kita nakita na may kasamang babae bukod sa pamilya o `di kaya ay may kinalaman sa business. She must be someone special. Hi, I’m Ali.” Naglahad pa ng kamay ang lalaki.

Tinanggap ni Ariel ang kamay. Napansin kaagad niya na walang epekto ang kamay ng lalaki kahit kagaya ni Eric ay guwapo rin ito sa iba nga lamang na paraan. Mukha kasing prinsipe sa Arabia ang lalaki. Mukhang may lahi itong Arabo.

“And your name?”

“She’s Ariel.” Si Eric ang sumagot.

Namilog ang mata ng lalaki. “Cool. Siya na nga yata ang babaeng hinahanap mo, pare. All the best!”

Nginitian lamang ito ni Eric. Nagpaalam na rin naman ang lalaki pagkatapos.

“Nagtatrabaho rin ba si Ali rito?”

“Nope. Classmate ko noong college at partner ko sa ilang negosyo. He’s kind of my Arabian best friend. Click ang personality namin dahil pareho kaming ipinangalan rin sa fairy tale. His real name is Alladin by the way.”

Wow. Parang nasa fairy tale naman ako nito. Nasa isip-isip ni Ariel. Pero pakiramdam naman talaga niya ay nasa isa siyang fairy tale ngayon. Kakaiba ang mundong ginagalawan niya at may prinsipe rin siya---si Eric. Sa bawat oras na nakakasama niya ito ay lumalala ang nararamdaman niya sa lalaki.

Pumasok sila sa loob ng isang magandang opisina. Bago pa iyon ay binati sila ng isang may katandaan na babae na ayon rito ay sekretarya niya. “This is my office.”

“Napakayaman mo nga siguro.” Nakomento ni Ariel. Humanga siya nang husto, wala na siyang iba pang masabi.

“Perks ang maging galing sa mayaman rin na pamilya so don’t give me too much credit.” Nagkibit-balikat si Eric. “I just want you to see my world.”

“May iba ka pa bang dahilan kung bakit mo pinapakita sa akin ang mundo mo?”

“Sabi ko nga kahapon, para maggawa mo rin na mahalin at ma-appreciate. Pero mukhang hindi ka masaya...”

Hindi kasi ang sagot mo ang gusto ko na makuha. Nasa isip-isip muli ni Ariel. Pero tama ba na mag-ambisyon siya na kaya gusto ni Eric na dalhin siya roon ay dahil parte na siya nito? At dahil parte na siya nito, kailangan na ipakita nito ang mundo nito sa kanya.

“I’m okay.” Sagot na lang ni Ariel.

Bumukas ang pinto. Lumabas ang dalawang matandang lalaki mula roon. Puro puti na ang buhok ng isa at halos hirap ng maglakad pero ang isa naman ay maayos pa.

“Lolo, Daddy!” mukhang nagulat si Eric sa pagpasok ng dalawang lalaki.

“We’ve heard that you came and brought a girl here, Eric. What the hell?” ang puti na ang buhok na lalaki ang nagsalita. Siguro ay ito ang Lolo.

Nagulo si Eric. Pero ipinakilala pa rin siya. “She’s Ariel. Isa siya sa mga tinutulungan ng Foundation.”

“Foundation for the Deaf and Mute?” nakaarko ang kilay ng Daddy ni Eric.

“Yes.”

“May kapansanan siya! And you are fancying her?!” malakas ang boses ng Lolo. Tinignan pa nito si Ariel mula ulo hanggang paa. Suri na suri siya.

Tumikhim si Eric. Nag-excuse ito sa kanya para kausapin ang dalawang lalaki. Nang makabalik ay hindi pa rin maganda ang timplada ng dalawa, lalo na ang mas matanda.

“Tandaan mo ito, Eric. This girl would never be part of our world...” wika pa ng Lolo na nagpayuko kay Eric. Nagpaalam na ang dalawa.

Napayuko rin si Ariel. Anong katangahan niya para sa isipin na prinsipe niya si Eric? Hindi totoo ang fairy tales. Hindi pa man sila ganoon nakakapagsimula, iyon at may kontrabida na kaagad sa buhay nila.

SUMAMA man ang araw ni Ariel dahil na rin sa naging komento ng pamilya ni Eric ay hindi naman hinayaan ni Eric na tuluyan na masira iyon. Nang makaalis sila sa opisina ay dinala siya ng lalaki sa La Mesa Eco Park. Doon sila kumain ng tanghalian at naglibot na rin pagkatapos. Gumawa rin sila ng ibang activities na in-offer ng park. Tinuruan siya ni Eric na mag-bike. Siya naman ay tinuruan ito ng pana o archery, ayon rito sa mas kilala na salita nito. Madalas kasing naglalaro siya ng tirador noong bata pa siya. Wala naman kasing masyado talagang magagawang activities sa Alonia.

“You’re good. Talented lady. Nakaka-excite pa na malaman kung ano pa ang mga talent mo,” may paghanga sa tinig ni Eric.

Sinabi ni Ariel ang talento niya sa pagpipinta at kung paano niya ginawang pagkakitaan iyon.

“Really? Wow! Can I see one of your art works?”

“Naibenta ko na `yung mga naggawa ko habang nanatili ako rito sa foundation. Pero mayroon pa akong natitira sa bahay namin. Sumama ka sa akin papunta roon at bibigyan kita.”

Naging matipid ang ngiti ni Eric. “Y-yeah. Someday.”

Pagkatapos ay niyaya ni Eric si Ariel na mag-boat riding. Sa lahat ng ginawa nila ngayong araw sa park, doon siya pinakanatuwa.

“Thank you. Feeling ko ibinalik mo ako sa amin sa pagpapasakay mo sa akin sa Bangka. I’m happy.”

“That’s the plan. I love to make you happy.” Hinawakan pa ni Eric ang mga kamay niya at pinisil. “Anyway, magkuwento ka naman ng tungkol pa sa `yo, o.”

“Ano ba ang gusto mo na malaman?”

“Your interest. Things that could make you smile, happy. Or maybe, kung `di mo mamasamain, ang dahilan kung bakit ka nagkaroon ng kapansanan.”

Hindi naman minasama ni Ariel iyon. Pagkatapos ng lahat, pakiramdam niya ay napakalapit na niya kay Eric kahit dalawang araw pa lamang niya ito nakilala. Parang mas kaibigan niya pa ito kaysa sa mga kaibigan niya sa eskuwela na simula bata pa ay mga naging kaklase na niya.

“Okay lang iyon sa `yo?” nakakunot ang noo na tanong ni Eric nang ikuwento niya rito ang tungkol sa kagustuhan ni Ursula na makapagsalita siya para makakanta siya at maggawa siya nitong singer.

“I love singing, too.”

Ngumiti si Eric. “You really are one talented lady. I would love to hear that voice. Promise me, one day, you’re going to sing for me.”

“Siyempre naman.” Ikaw rin ang gagawin ko na inspirasyon para makapagsalita ako.

Iniisip ni Ariel na baka kaya hindi siya nagustuhan ng pamilya ni Eric ay dahil na rin sa incapacitated siya. Ganoon naman ang tingin ng mga tao sa kanya. Ayaw na niyang maramdaman iyon. Oo, iba ang mundo ni Eric sa kanya. Pero may pakiramdam siya na willing siyang magbago makasama lamang niya si Eric. Kaya naman kung ang kapansanan lamang pala niya ang dahilan para hindi makasama ito, gagawin niya ang lahat para mapagaling iyon.

Pakiramdam ni Ariel ay para na rin talaga siyang ang character niya sa sikat na fairy tale. Handa niyang ibigay at gawin ang lahat makasama lamang niya ang prinsipe.

Pero ang malaking tanong: gusto rin ba siya nitong makasama?

KINABUKASAN ay nagkaroon ng emergency si Eric kaya hindi nito naipakita pa ang ilang lugar sa mundo nito: ang Maynila. Kailangan nito na pumasok sa trabaho pero bumalik naman ito noong hapon pagkatapos ng kanyang session. Binilhan pa siya nito ng damit na kanyang susuotin. Dinala siya nito sa isang magandang hotel para mag-dinner.

Pero sa halip na matuwa, sumama ang pakiramdam niya. Nangliit lalo si Ariel. Hindi ito ang mundo niya. Pero isa pa na nakapagpasama ng pakiramdam niya ay ang isipin na puwedeng hindi na sila magkita muli ni Eric. Hanggang ngayon lamang ang panata nito sa Foundation. Annual lang raw bumisita at tumulong si Eric sa foundation, ayon sa isang staff kanina.

Napansin ni Eric ang kakaiba kay Ariel nang patapos na silang kumain. “Hmmm... Tell me about it.”

“Napakarangya nito.”

“Hindi mo na naman nagustuhan.” Tinitigan ni Eric si Ariel.

Parang natutunaw si Ariel sa titig ng lalaki. Gusto naman niya iyon pero pinili ni Ariel na ilihis ang tingin. Kahit kasi masarap sa pakiramdam ang titig, nakaramdam pa rin siya ng kalungkutan. Matatapos na ba ang lahat sa araw na iyon kaya maganda ang lahat?

“Nagustuhan ko. Thank you. Pero iba ito sa mundo ko.”

Huminga nang malalim si Eric. “Palagi na lang ganoon.”

“Parang mga royalties ang mga tao rito. Samantalang ako ay taga dagat pagkatapos ay hindi pa nakakapagsalita.”

“Minamaliit mo ang sarili mo. Don’t. Kahit naman may kapansanan ka, ikaw pa rin ang pinakamaganda rito.” Kinindatan siya ng lalaki.

Namula si Ariel. Mangyayari na ba ang gusto niya? May physical attraction sa kanya si Eric. Gusto niyang maniwala roon. Gusto niyang sa pamamagitan noon ay mas tumindi pa ang nararamdaman nito mula sa kanya.

Marami ang nagsasabi kay Ariel na maganda siya sa kabila ng kapansanan. Dati ay binabalewala lamang niya iyon pero ngayon ay gusto niyang maniwala. Gusto na kasi niya na may magkagusto sa kanya at umaasa siya na si Eric na iyon. Bata pa siya kung maituturing. Pero napaka-powerful ng nararamdaman niya sa lalaki.

“Kahit ba bukas ay ganoon pa rin ang tingin mo sa akin?”

Hinawakan ni Eric ang baba ni Ariel. “Always.”

“Hanggang kailan ang always? May bukas pa ba para sa atin, Eric?”

Natigilan si Eric. Binitawan siya nito. Naglihis ito ng tingin. “I-I will be away for a week. May business trip ako sa Cebu.”

Tumango si Ariel. “Pagkatapos noon? Pagkatapos nito, makikita pa rin ba kita?”

Sinalubong muli ni Eric ang tingin ni Ariel. “I-I want to.”

Inantay ni Ariel ang susunod na sasabihin ni Eric. Halatang may pag-aalinlangan ito.

Kinalma muna ni Eric ang sarili. Huminga ito nang malalim. “And I can.”

“Ibig sabihin ba nito ay babalikan mo muli ako? Makakasama muli kita?” pinilit ni Ariel na pasiglahin ang mukha. Gusto niya na maging positibo.

Ngumiti na muli si Eric. “Okay, sige. I’ll see you after my business trip. Gusto ko pagkatapos ng business trip ko nakakapagsalita ka na, ha?”

Ngumiti rin si Ariel. Kung iyon ang makakapagpa-impress kay Eric, dodoblehin niya ang determinasyon para makapagsalita muli.

NILAKASAN ni Ariel ang loob sa mga sumunod na araw. Kailangan niya na makapagsalita. Gusto niyang matuwa sa kanya si Eric. Hindi naman siya nabigo. Naging determinado siya. Ginawa niyang inspirasyon si Eric. Inalis niya sa puso ang lahat ng sakit sa nakaraan. Ang tanging inilagay lamang niya roon ay ang kagustuhan na makapagsalita para sa lalaki. Inalis niya ang pressure. Halos isang linggo simula nang huli nilang pagkikita ay nasabi niya ang una niyang salita pagkatapos ng labing dalawang taon.

“E-Eric...” hindi pa ganoon kagandahan ang boses ni Ariel. But it was a start. Pinalakpakan siya ng therapist niya. Niyakap siya nito.

“Naggawa mo!” napakasaya ng therapist. “Isa pa nga. Ano pa?”

Hindi pa ganoon kaganda muli ang sumunod na salita ni Ariel. Pero nag-practice siya. Pinagsalita siya nang pinagsalita ng therapist hanggang sa matuyuan siya ng laway. Kaunting oras lamang ay naramdaman ni Ariel ang pagbabalik ng maganda niyang boses.

“Napakagaling mo, Ariel! Pinatunayan mo na may pag-asa ka pa talaga. And your voice, napakaganda pala talaga.”

Pinakanta siya ng therapist kaya narinig nito iyon. “Salamat po.”

“Mukhang nahulog talaga ang loob mo kay Sir Eric. Siya ang inspirasyon mo `di ba?”

Tumango si Ariel.

Ngumiti ang therapist pero hindi ganoon kalakihan. “Mukha ngang masarap mahalin si Sir. Mabait, guwapo, mayaman. Prince Charming kumbaga. Pero parang may mali...”

Kumunot ang noo ni Ariel. “Ano pong mali?”

Tinitigan siya ng therapist. “Maganda ka, Ariel. Pero naisip mo ba na napakalayo ng mundo niyo sa isa’t isa? Hindi naman sa minamaliit kita pero---“

“Naiintindihan ko po.”

Hindi naman miminsan na naisip iyon ni Ariel. Pero umaasa siya na maipaglalaban nila ni Eric ang lahat kung talagang mahal nila ang isa’t isa. Nagtitiwala siya kay Eric. Nararamdaman rin niya na may nararamdaman ito sa kanya. Nangako ito na babalikan rin siya.

Ngunit dumating ang ilang linggo at ni anino ni Eric ay hindi na muling nakita ni Ariel. Nanatili pa rin siya sa Foundation dahil kailangang siguraduhin na maayos na maayos na talaga siya bago siya ibalik sa itinuturing na guardian niya ngayon na si Ursula. Ito kasi ang nagdala sa kanya sa Foundation kaya ito ang nakalista bilang guardian niya.

Hindi tinupad ni Eric ang pangako na babalikan siya at kahit magkikita man lamang sila muli. Simula noon, tumigil na si Ariel na mangarap. Hindi talaga totoo ang mga fairy tale. Hindi mangyayari iyon sa kanilang dalawa ng inakala niyang Prince Charming na niya.

NovelBrush

Discover and read light novels, web novels, Korean novels and Chinese novels online for free. Novelbrush offers hundreds of English translated titles across every genre — updated daily with new chapters. Start reading now, no signup required.

Genres

© 2026 Novelbrush. All rights reserved.