Present
MABIGAT pa rin ang ulo ni Eric nang maggising siya. Kung noong una niyang mulat ng mata ay wala siyang ideya kung bakit, ngayon ay mayroon na. Ayon sa babaeng gumising sa kanya sa pamamagitan ng pagkanta nito, natagpuan raw siya sa dalampasigan ng isla ng mga ito.
Naaksidente si Eric.
Paanong nangyari? Sino siya? Totoo bang Eric talaga ang pangalan niya? Ilang araw pa ba para bumalik ang mga alaala niya?
Malamang raw na may amnesia si Eric sabi ng babae. Wala siyang maalala na kahit anong impormasyon sa buhay niya. Nawalan siya ng identity. At nasa lugar siya kung saan hindi rin niya alam.
Nakakaramdam ng takot si Eric. Pero kinalma niya ang sarili dahil mukha namang mabait ang unang babae niya na nadilatan. Hindi niya pa ito gaanong kilala dahil hindi niya maggawang makapagtanong rito nang marami. Nanghihina pa rin siya noon. Pinakain lang siya nito at natulog na muli siya.
Maliwanag muli nang maggising si Eric. Pero hindi na ang babaeng kumakanta ang nabungaran niya. Isang babae na makapal ang make-up at may itim na itim na buhok ang nakita niya. Nanlaki ang mata nito nang makitang gising na siya. Niyakap pa siya nito.
“Oh, Eric! Kumusta ka na?”
“S-sino ka?”
“I’m Ursula. Naririto ka sa kuwarto ko ngayon.”
Nilinga ni Eric ang kuwarto. Sa pagkaalala niya, iyon pa rin naman ang kuwarto kung nasaan siya kahapon. “Pero hindi ikaw ang babae kahapon.”
“Yup. `Yung kapitbahay namin `yun. Hinabilin kasi kita sa kanya kahapon kasi wala ako.” Inilagay ni Ursula ang kamay sa leeg niya. “Wala ka ng lagnat. Ano na bang pakiramdam mo?”
Sinabi ni Eric ang ilan na masasakit. Nakita niya ang pag-aalala sa babae.
“Sa tingin ko naman ay magiging maayos rin ako,”
Hinaplos ni Ursula ang pisngi ni Eric. “Siyempre naman. Aalagaan kita, Eric.”
Tinitigan ni Eric si Ursula. “K-kilala mo ako...”
Napakagat-labi si Ursula. “Nakuha mula sa damit mo ang wallet mo. Naroroon ang identity mo.”
“Oh...” hiningi ni Eric ang mga gamit na nakuha. “M-may impormasyon rin ba roon mula sa mga kamag-anak ko? Baka puwede natin silang hanapin. O `di kaya ay sa pamamagitan ng pangalan ko ay maipahanap natin ang mga kamag-anak ko. Mukhang naligaw lang naman ako sa inyo `di ba?”
“Ha?” sandaling natulala at nagulo si Ursula sa sinabi ni Eric. “Ah, eh, sinubukan na namin. Nagpalagay na kami ng notice sa bayan.”
Nagkamot ng ulo si Ursula. May nararamdaman siyang kakaiba sa sagot nito. “A-at may balita na ba?”
Umiling ito. “Pero may nakita kami na impormasyon sa wallet mo. About me.” May inilabas ito na papel. “It seems like hinahanap mo ako.”
Kumunot ang noo ni Eric. “Hinahanap kita?”
Tumango ito. “Ano pa at nakalagay ang impormasyon ko sa wallet mo?”
“May ideya ka ba kung bakit?”
Namula ang mukha ni Ursula. Kinagat nito ang ibabang labi. Isinipit rin ang buhok sa tainga. Parang nagpapa-cute. “H-hindi ko sigurado pero baka isa ka sa mga secret admirers ko noong nasa Maynila ako.”
Natulala si Eric. Ganoon ba siya karomantiko na tao para hanapin pa ang isang babae sa isla dahil lamang nagustuhan niya ito? Base pa sa pagkakasabi nito ay mukhang hindi siya nito kilala. Ano iyon, sinundan niya pa ito sa isla na iyon? Paano ba siya nakarating roon?
Maganda naman si Ursula. Mukhang hindi nga taga isang remote na isla ito nakatira. Napaka-maayos kasi sa sarili. May kakapalan rin ang make-up. Pero kung nagkaroon siya ng matinding paghanga sa babae, bakit wala siyang maramdaman na kakaiba rito? Sa halip, parang kinikilabutan pa siya sa takot sa mga pinagsasabi nito. Nandidiri.
Ibang-iba ang naramdaman niya kay Ursula kaysa sa babaeng kumakanta na nabungaran niya kahapon. Pakiramdam niya ay ligtas at komportable siya sa babae kahapon. Kaya ganoon na lang siguro ang kagustuhan niya na magpahinga pagkatapos siyang pakainin nito. Alam niya na ligtas siya. Pero ngayon kay Ursula...gusto niyang mapabangon. Ano ang maaaring gawin sa kanya ng babae?
Bahagyang tinampal ni Ursula ang braso ni Eric. “Ikaw, ha. Natulala ka na. Halata ngang may gusto ka sa akin.”
Napaubo si Eric. May gusto siya rito? Pero bakit parang hindi niya ito gustong makita? O sadyang nagulat lamang siya. Ang inaasahan kasi niyang makikita ay ang babae kahapon. He would love to see her simple yet give him a different feeling inside again. Gusto niyang matitigan muli ang brown na mata nito, matangos na ilong at mapupulang labi. Gusto rin niyang mahaplos ang brown nitong buhok. Hah, mukha ngang may sakit siya. Bakit ba siya nagkakaroon ng masayang pakiramdam maisip lamang ang dalaga na hindi nga niya ganoong kilala?
PARA maging masaya, inaliw na lamang ni Ariel ang sarili sa pamamagitan ng pagkanta. Nalulungkot siya dahil hindi niya maggawang madalaw si Eric. Paano ay hindi na raw siya kailangan ayon kay Ursula. Ito na daw ang mag-aalaga kay Eric. Dahil sunod-sunuran sa anak si Nanay Minerva, wala na rin itong naggawa sa plano ng anak.
Dahil kapitbahay lang, sinusubukan na lamang ni Ariel na silip-silipin si Eric. Pero sa tuwina ay nakaharang si Ursula. Palagi nitong kasama si Eric. Nakikita niya kung paano nito gawing career ang pag-aalaga sa binata. Nasasaktan siya sa sweet na tagpo ng dalawa.
Nasasaktan siya sa isipin na hindi man sigurado ay sinadya nito si Ursula na puntahan sa isla.
Pero mas malapit si Ursula sa mundo niya, Ariel. Wika ng isang bahagi ng utak ni Ariel.
Hindi man sigurado kung ano nga ba talaga ang balak ni Eric sa kung bakit may impormasyon ito tungkol kay Ursula ay parang tumutungo pa rin iyon sa isang bagay. Hinahanap nito ang babae. Kung ano man ang nangyari na aksidente rito, malamang ay nasa malapit lang rin naman ito kaya siguro nga ay hinahanap talaga nito si Ursula. Nasa impormasyon ni Ursula ang address sa Alonia.
Naisip ni Ariel ang kalagayan kaya ang napili niyang kantahin sa araw na iyon ay ang kanta na nagsisimbolo sa lagay niya. Her favorite: Part of Your World.
“When’s it my turn? Wouldn’t I love, love to explore that shore up above? Out of the sea...wish I could be...part of that world....”
Napapikit si Ariel. Sabihin ng ayaw na niyang maniwala sa fairy tale dahil nasaktan na siya. Pero ngayon na nakita niya muli si Eric ay parang binigyan siya ng panibagong pag-asa.
Pag-asa na mawawala rin sa kanya dahil dumating na ang isa pang kontrabida sa kuwento nila: si Ursula. Nakakatawang isipin na kapangalan pa ng sikat na sea witch ang babae. Tinulungan rin siya nito kagaya ni Ariel sa kuwento.
“Maganda ang boses mo.”
Nanginig si Ariel nang marinig ang tinig na iyon. It was Eric. Nagmulat siya. Muntik na siyang mapasigaw nang makitang nakatapi lang ng tuwalya ang lalaki. Nasa likod bahay siya at malapit sa paliguan ng mag-anak nina Ursula. Ganoon kasi sa isla nila. Ang mga paliguan ay nasa labas ng bahay dahil maayos na kubo lang naman ang pangkaraniwan na bahay.
Malamang ay kakaligo lamang ng lalaki. Nahiya si Ariel dahil narinig pala siya nitong nag-iinarte at baka nagambala niya pa ang tahimik nitong paliligo. Hindi niya iyon naramdaman kanina. Pero alam niyang ang pagkapula niya ng mukha ay may isa pang sanhi at iyon ay ang makita si Eric sa itsura nito. Napakakisig nitong tignan. Hot---sa liberal na salita. May mga butil-butil na tubig pang tumutulo sa tila hinulma ng magaling na iskulptor na katawan nito.
Sa pagkakita pa lamang sa lalaki, nabuhay na naman ang kabayo sa dibdib ni Ariel. Ganoon rin ang paru-paro sa kanyang tiyan.
“H-hi! Nandiyan ka pala.” Nahihiyang bati ni Ariel. “Sorry.”
Kumunot ang noo ni Eric. Ganoon pa man, may saya sa mukha nito. “Sorry? Ang galing mo kayang kumanta.”
“Nag-iinarte lang. Wala kasi masyadong maggawa.” Nagdahilan ka pa. May gagawin ka pero `di mo lang maggawa dahil ginugulo ka ni Eric.
Hindi maipagpatuloy ni Ariel ang pagpipinta dahil sa lalaki. Hindi niya gustong umalis at magpunta sa kubo niya. Nag-aalala siya kay Eric. Gusto niyang alagaan ito kahit sabihin man ng iba na dumistansya siya rito. At well, lumalapit rin naman ito. Kagaya ngayon.
Ngumiti si Eric. “Kanta `yan sa Little Mermaid `di ba? And you’re Ariel...”
Nanlaki ang mata ni Ariel. “Nakakaalala ka na?”
“Ha?”
“Alam mo ang Little Mermaid. Alam mo ang pangalan ko!”
“Ariel ang pangalan mo?” magulo pa rin ang mukha ng lalaki.
Nawala ang pag-asa sa puso ni Ariel. Na-associate lang siguro siya dahil sa kanta. Ganoon pa man, naguguluhan pa rin siya. May amnesia ang lalaki. Iyon ang tawag kapag nawawala ang alaala ng isang tao. Retrograde amnesia daw kapag ang nangyayari ay nawawala ang mga alaala ng nakaraan. Madalas niya iyong napapanood sa TV o `di kaya ay nababasa sa libro. May signal naman kasi kahit papaano sa lugar nila ng telebisyon kaya lang ay kakaunti lang ang mayroon. Malamang kaya nagkaganoon si Eric ay dahil sa aksidenteng mukhang kinasangkutan nito sa dagat. Hindi iyon malabo. Nahampas malamang ang ulo nito at naapektuhan ang utak nito.
Hindi na rin bago ang nangyayari na ganoon sa Alonia Island. May mga ilan ng naligaw roon na nagkaroon ng amnesia. Pero hindi ang mga ito kagaya ng kay Eric. Si Eric ay hindi alam ang tunay na identity. Kumbaga, parang buong alaala nito ang nawala. Ni pangalan nito ay hindi nito alam. Pero may iba’t ibang klase naman raw ng amnesia. Siguro ang klase ng amnesia ng kay Eric ay ang klase na identity lamang nito ang hindi nito maalala.
“Paano mo nalaman na ang kinakanta ko ay galing sa pelikula na iyon? Paano mo nakilala si Ariel?”
Nagkibit-balikat ang lalaki. “Hindi ko rin alam. I just know...” hinawakan nito ang ulo at ngumiwi.
Nag-alala si Ariel. Dinaluhan niya ito. “Anong nararamdaman mo?”
“Sumasakit.” huminga ito nang malalim. Parang pilit na pinapakalma ang sarili.
Indikasyon na ba iyon na makakaalala na si Eric? Posible. May mga kaso naman daw kasi ng ganoon na temporary lamang.
Sana. Sana! Para maalala na rin niya ako.
Maya-maya ay kumalma rin si Eric. “I’m okay now. Salamat. Salamat rin sa pag-aalaga mo sa akin kahapon. Ikaw ang nabungaran ko noong una akong naggising. Salamat roon, Ariel.”
Pinagpawisan si Ariel sa pagbanggit lang ni Eric ng pangalan niya. “Nakakaalala ka na?”
“I wish so.” Naging malungkot ang tinig ni Eric. “This is frustrating! Kaya kong makaalala ng mga common knowledge pero hindi ang sarili kong identity. Ang mga taong nakilala ko. Ang nangyari sa akin.”
“Pero ang Ariel---“
“Sinabi mo sa akin kanina `di ba?”
Oo nga pala. Baliw ka talaga. “Ah, okay---“
“Eric!” naputol pa ang sasabihin ni Ariel nang umeksena si Ursula. Nanlaki ang mata nito sa nakitang itsura ni Eric. “Naligo ka na pala. Hindi mo man lang ako sinabihan. Sana man lang ay naalalayan kita.”
Malanding pinaglandas ni Ursula ang kamay sa dibdib ni Eric. Halata ang pang-aakit. Nakaramdam ng pangigil si Ariel.
“Kaya ko naman. Saka babae ka, hindi maganda iyon.”
“Pero may sakit ka.” Giit pa ni Ursula pero mahahalata naman na kaya lang gusto ay dahil gustong maka-tsansa sa makisig na lalaking inaambisyon nitong makuha.
Nagkibit-balikat si Eric. Tumingin ito sa kanya saka kumaway. Nakangiti na ito, hindi kagaya ng walang ekspresyon na mukha nito nang makatingin kay Ursula. Umismid tuloy si Ursula nang mapatingin sa kanya.
Sa naging trato ni Eric sa kanya ni Eric ay naging masaya na rin siya kahit may bruha na namagitan. Pero sadya bang hanggang ganito na lamang ang buhay niya?
DALAWANG linggo na si Eric sa Alonia Island pero wala pa rin itong naalala. Patuloy pa rin ito na pinapaniwala ni Ursula sa kasinungalingan na pinapahanap naman nito ang pamilya ng nawawalang lalaki. Pero noong isang linggo, sa kabila ng mga dayuhan na nagtatanong tungkol kay Eric ay minanipula rin ni Ursula. Ito mismo ang kumausap sa mga imbestigador. Suwerte na tulog noon si Eric kaya wala itong kamalay-malay. Lahat rin naman ng mga tao sa kanila ay nakontrol ni Ursula para hindi magsalita. Paano ay malaki ang naging tulong ni Ursula sa komunidad kaya kagaya niya, wala rin na makasira sa mga plano nito.
Walang maggawa si Ariel. Isa rin siya sa mga sunod-sunuran ni Ursula. Pero kahit sa nakalipas na linggo ay wala rin naman na nangyayari sa plano nito. Nakikita niyang madalas na ginagala ni Ursula si Eric sa isla pero hanggang ngayon ay wala pa rin na pinagmamalaki si Ursula. Ibig sabihin lang noon ay hindi pa nagtatagumpay ang kagustuhan nito gaano pa man nito lasunin ang utak ni Eric na hinahanap nga ito ng lalaki.
Maayos na naman si Eric. Magaling na ang mga sugat nito. Wala ng dapat pang ipag-alala si Ariel tungkol sa lagay ng lalaki puwera sa hindi pa rin bumabalik na alaala nito. Gustuhin man niya na pabalikin iyon, hindi naman siya makalapit rito. At kung babalik ang alaala nito, magiging malaking bagay rin ba? Makakatulong ba rin iyon sa kanya? Malamang ay hindi. Nandiyan si Ursula na ipaglalaban ang gusto nito na plano. Maipipilit na rin ni Eric na makabalik ito sa Maynila. Hindi na niya ito makakasama kahit papaano ngayon. Hindi na makikita.
Wala namang halaga si Ariel sa lalaki. Hanggang ngayon ay iyon pa rin ang inisip niya. Dahil kung nagkaroon siya rito ng halaga kahit tatlong araw lamang ang pinagsamahan nila, tutuparin nito ang pangako na babalik. Pero kahit noong mismong araw na makaalis siya sa Foundation ay walang Eric. Tatlong taon at walang nangyari. Bumalik ito pero gustuhin man niya na isipin na gumagawa ng paraan ang tadhana para tagpuin muli sila, may mga namamagitan pa rin. Mas gustong isipin ni Ariel na kaya yata sila pinagtagpo muli ay para lamang masaktan siya.
Pinili na lamang ni Ariel na bumalik sa kanyang normal na buhay: ang magpinta. Pagkatapos ng lahat, kailangan nila na maka-survive na pamilya. Kailangan niya na magtrabaho. Gagawin na lang siguro niya na inspirasyon si Eric.
Inisip ni Ariel si Eric habang nagpipinta. May saya pero may lungkot rin. Kahit sandali lang sila na nagkasama ni Eric ay naging malaking parte ito ng buhay niya. Nanatili ito sa puso niya. Ramdam niya sa sarili na minahal niya ito. At hanggang ngayon ay minamahal pa rin.
“Tama na!” sigaw na lang ni Ariel sa sarili. Naiinis siya. Nandiyan na nga ang inspirasyon niya sa malapit pero isipin man niya na gawin itong inspirasyon ay nagugulo pa rin siya. Hindi kasi siya masaya na abot kamay na niya ito ay hindi pa rin niya ito maabot.
“Hi,” nasa kasagsagan ng frustration si Ariel nang marinig ang tinig na iyon. Nanlamig si Ariel kahit mainit sa bukas na kubo. Kay Eric ang boses na iyon. Kaagad siyang napalingon.
“U-uy!” bahagyang nautal pa si Ariel. Napakasimple lamang ng ayos ni Eric sa suot nitong puting T-shirt at lumang pantalon pero tumalon na kaagad ang puso niya. Napakalakas ng epekto nito sa kanya. Presensiya lang nito sapat na para guluhin ang mundo niya.
“Dito ka pala nagtatago.” Tinignan ni Eric ang paligid. Bahagyang kumunot ang noo nito nang makita ang ginagawa niya at ilan rin na paintings niya. Doon niya kasi iniimbak ang mga paintings niya na hindi pa naibebenta.
“You’re a painter.” Komento nito. Tinignan ang mga gawa niya isa-isa. May paghanga sa mga mata ni Eric.
“Ah, oo.” Nasagot na lamang ni Ariel.
“And you are very good. Kagaya rin ng boses mo.” napakamot sa ulo si Eric. “I’m wrong. Akala ko ay isa kang singer at kaya madalas na wala ka ay dahil nagtatrabaho ka somewhere kapag umaga. Kapag gabi lang kasi kita nakikita.”
“Ha? Napapansin mo iyon?”
Sandaling natigilan ito. “A-ah, yeah. Magkapitbahay lang tayo kaya hindi maiiwasan.”
“Ah...” Ang akala ko pa naman ay interesado ka sa akin.
Sinaway ni Ariel ang sarili. Ito na naman siya. Umaasa. Ano ang magiging kapalit? Heartache muli.
“Bukod pala sa maganda ay talented ka pala, Ariel.”
Sawayin man, nag-inarte pa rin ang puso ni Ariel. “Maganda ako?”
Tumango ito.
“Bakit mo naman nasasabi `yan?”
“Dahil may mata ako. At marunong ako na maka-appreciate.” Ngumiti pa ang lalaki.
“Ah, pero siguro ay nasabi mo rin naman `yan kay Ursula.” Sandali lamang na nagkakilala sina Ariel at Eric. Hindi niya pa alam ang lahat rito. Paano kung bolero pala ang lalaki? Playboy. Siguro nga. Kaya ganoon na lang siguro siya nito daling naiwan noon.
“Maganda si Ursula pero hindi ako interesado sa kanya.” Mahina lang ang boses ni Eric pero narinig ni Ariel. Aktibo na naman ang kabayo tuloy sa puso niya. Ibig sabihin ba nito ay siya ang interesting?
Pero dahil ayaw ng paasahin muli ni Ariel ang sarili, iniba niya ang usapan. “Speaking of Ursula, bakit hindi mo siya kasama?”
“May sinat siya kanina. Nagpapahinga ngayon. Wala si Nanay Minerva kaya naggawa ko na umalis sa selda nila,” ngumisi ito. “Well, pakiramdam ko ay isa akong preso sa ginagawa nila sa akin. Nakakalabas man ako pero siya lang ang palaging kasama. Hanggang isla lang rin kami. Gusto ko rin naman na mag-explore. Kaya ito ako, sinubukan na hanapin ka.”
“Bakit naman ako ang ginusto mo na makausap?”
“Wala pa akong gaanong kakilala sa isla, eh. Sina Ursula lang. Kahit kasi nilalabas niya ako, pakiramdam ko ay napaka-possessive niya sa akin. Ni kapag tinatanong kita, naiinis siya sa akin.”
“So tinatanong mo ako.”
Nahihiyang ngumiti si Eric. “May kakaiba kasi akong pakiramdam sa `yo, Ariel. I guess , I admire you. Ang ganda ng boses mo. Ang ganda mo.”
Namula si Ariel sa papuri. O mas tamang sabihin siguro na kinikilig siya. “Salamat.”
“You’re welcome. Pero puwede ba akong humingi ng pabor sa `yo?”
“Ha? Ano iyon?”
“Puwede bang mapalapit pa ako lalo sa `yo? Puwede ba akong makipagkilala sa `yo?”